11. Now You See Me

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

"When you have eliminated the impossible, whatever remains, however improbable, must be the truth."

-Shinichi Kudo

-----

Chapter 11:
Now You See Me

· · ────── ·𖥸· ────── · ·
ZANE

10: 56 p.m.

Dinala ako ni Raine sa malapit na kainan sa Fidel A. Reyes Street. Mga limang minuto kaming naglakad papunta roon. Maliit at simple lamang ang lugar subalit mabuti naman ay bukas pa rin naman noong mga oras na iyon.

Hindi lang siya ang nakaranas ng takot na iyon. Unang beses kong makakita ng taong may hawak na baril at muntik pang paputukan ang kasama ko sa apartment.

"Raine, nabalitaan ko ang nangyari sa iyo kanina. Ayos ka na ba?" Isang lalaking maaaring nasa mga limampung taong gulang na ang humarap sa amin doon sa may counter.

"Ayos na po ako. Nadaplisan lang ng... karayom," sagot ni Raine na kahit na alam kong hindi kaaya-aya ang nangyari sa apartment ni Tita ay naroon pa rin ang kaniyang pagngiti.

"May kasama ka ngayon, a," wika pa nito.

"Ah! Binabantayan po ako nito, e," sagot niya.

Nabaling sa akin ang tingin ng lalaki at sa muli ay naranasan kong may tumingin sa akin simula ulo hanggang paa. "Ayos na rin siya," sagot nito na napangiti sa akin.

"Uh... salamat po?" Hindi ko alam kung ano nga ba ang isasagot ko. Hindi ko rin naman alam kung isa ba iyong papuri o mas malalim pa roon.

"Kailan naging kayo?" tanong ng lalaki.

Nanlaki ang mga mata ko sa aking narinig na sinabayan pa ng pagpula ng aking pisngi nang dahil sa hiya. "Hindi po. Hindi po kami magkasintahan!" sabay naming pagsagot.

"Hindi pa?" muli nitong tanong.

Wala sa isip kong magkaroon muna ng kasintahan lalo-lalo nang kakaumpisa ko pa lang sa kolehiyo. Ayokong maapektuhan nito ang pag-aaral ko.

"Hindi po at napakalabong maging kami," sagot ni Raine.

Masaya akong nasagot niya iyon kagaya ng iniisip ko subalit hindi ko alam kung bakit ba may parang kung anong kumurot sa aking puso.

"Kagaya po ng sabi niya," sambit ko naman.

"Sayang naman," wika ng lalaki. Sa wakas ay tumalikod na ito sa amin at saka kinuha ang menu na ibinigay sa amin. "Sige, maghanap na kayo ng mauupuan. Pupuntahan ko na lang kayo kapag may napili na kayong io-order."

Kinuha ko mula sa kaniya ang menu at saka ko na ito tiningnan. Doon ay nakita ko ang ilan sa mga putaheng hindi ko pa natitikman.

Hindi ko man siya tingnan ay nakita ko ang paglakad ni Raine paalis. Nang dahil sa sanay naman akong nakatingin sa selpon madalas habang naglalakad ay sinundan ko na lamang ito habang nakatutok pa rin ang mga mata sa binabasa.

Hindi naman nagtagal ay huminto na rin siya.

"Nakahanap ka na ng io-order?" tanong niya na nagpabalik na ng atensiyon ko sa paligid.

"Uh... Titingin ka rin?" Iaabot ko na sana ang menu na nakaimprinta sa isang medyo matigas at manipis na karton sa kaniya nang bahagya niya itong itulak pabalik sa akin.

"Nakita ko na ang oorderin ko habang nagbabasa ka," sagot niya. "Sige na, maghanap ka na rin ng sa iyo. Ako na lang ang magbabayad." Itinaas niya ang kaniyang kamay upang kunin ang atensiyon ng kausap niya kanina.

"Anong order ninyo?" tanong nito habang naglalakad papunta sa amin.

"Tsaa tsaka dark chocolate cake lang po sa akin," sagot nito.

"Uh... kape na lang po sa akin tsaka cake rin," sambit ko kasabay ng pagbalik ko ng menu sa lalaki. Iba sana ang gusto ko subalit binibiro ko lang siya sa sinabi ko kanina.

"Yun lang?" tanong niya kaagad.

"Yup! Kumain na rin tayo ng–" Bigla na lamang pumasok sa aking isipan ang mga naiwan namin sa Kalayaan Street. "Ano na ang nangyari sa adobo? May cake rin pala roon si Tita, bakit hindi na lang tayo doon kumain?"

"Habang naglalakad ay sinabihan ko na si Detective Ferrer tungkol doon. At saka kailangan na munang magpahinga ni Tita kaya sinabihan ko rin siyang ilagay muna sa ref niya ang cake. Sakto ito para sa mangyayri bukas," sagot ni Raine.

Habang ako ay nagsasalita ay kinuha na sa akin ng lalaki ang menu at bumalik na ito sa counter.

"Mabuti naman," wika ko na nabunutan ng tinik sa puso.

"Tapos na rin naman ang papel ng kaunting adobong binigay ko kay Tita," dagdag pa nito. "Kung gusto mo, mayroon pa akong tinira doon sa ref natin."

"Ay, hindi!" pabiro kong sagot dito. "Baka may kung ano ka pang kemikal na nilagay doon. Ayokong ako naman ang makaranas na makatulog ng dahil sa kemikal."

"Bakit ko naman lalagyan iyon? Sayang," sagot nito na seryoso ang mukha.

Maya-maya lamang ay dumating na ang inorder namin. "Paano po ba magbayad dito?" tanong ko.

"Mamaya na pagkatapos niyong kumain," sagot ng lalaki.

"Bakit? May idadagdag ka pa sa inorder mo?" tanong naman ni Raine.

"Wala naman. Ako na kasi ang magbabayad ng pagkain ko," sagot ko.

"Hindi, ako na ang bahala," pilit ni Raine.

"Biro lang yung kanina," agad ko namang sagot dito na binigyan siya ng ngiti. "Niligtas mo ang Tita ko mula sa panganib kaya ako na. Ako na ang manlilibre sa iyo."

"Hindi, ako na nga ang manlilibre," pag-ulit ng kasama ko.

"Huwag kayong mag-away para sa panlilibre lang," pabirong wika ng lalaki sa aming harapan.

"Raine, muntik ka nang mapahamak dahil niligtas mo ang buhay ng Tita ko," wika ko sa kaniya sa mahinahon kong boses.

"Pero niligtas mo naman ang buhay ko," sagot nito.

Mistula nga kaming magkasintahang nag-aaway nang dahil sa hindi gaanong importanteng bagay. Kung hindi lang ako nakaranas ng takot na hindi pa rin mawala-wala hanggang sa oras na iyon ay siguro tawang-tawa na ako sa aking sarili.

"Hindi ko naman magagawa iyon kung wala ang dart gun mo, e," sambit ko.

"Pero sinabi mo sa akin na gipit kayo ngayon. Paano kapag naubusan ka ng allowance? Saan ka maghahanap ng pera?" tanong nito.

Napatigil na lamang ako nang dahil sa tumatak ang mga salitang iyon sa aking puso. "Ako na ang magbabayad," wika ni Raine sabay abot ng kaniyang pera sa lalaki.

"Salamat, Raine," sabi ng lalaki. "Binawas mo na ba ang discount ko para sa iyo at sa bago mong kasama?"

"Opo. Binawas ko na ang sampung porsyento," sagot ni Raine.

"Kaya naman pala. May discount ka," wika ko na lamang.

"Minsan ko na rin siyang natulungang makaalis sa kaaway niya," sagot ni Raine na nagsimula nang inumin ang kaniyang tsaa.

"Punta kayo sa Lunes sa kaarawan ko. Dito gaganapin ang selebrasyon at magsisimula ng alas-sais," alok ng lalaki sa counter. Tumingin siya akin at pareho kaming binigyan ng ngiti bago pa man ito umalis pabalik sa kaniyang pwesto.

Bumalik sa aking isipan ang nangyari sa akin ilang minuto na ang nakakalipas. Tiningnan ko ang aking selpon at nakita ang oras na patuloy na ngang tumatakbo.

11:24 p.m.

"Noong sinabi kong may kumuha sa akin kanina, totoo yun," wika ko sabay kain ng kaunting piraso ng cake na inorder ko.

"Oo nga. Sinabi mo iyon kanina," sagot niya. "Anong nangyari? Sino naman ang kumuha sa iyo?"

"Ang sabi niya sa akin ay siya ang tinatawag mong pinakamatinding kaaway," sagot ko. "Does that ring any bells?"

"Talaga ba? Sino sa kanila?" sagot pa nitong nananatiling kalmado habang inuubos ang kaniyang inumin.

"Gaano ba karami ang mga kaaway mo?"

"Iniwan ko na sila noong lumipat ako sa apartment ni Tita Clara," sagot nito.

Tinanguan ko na lamang ito habang iniinom ko ang mainit kong kape.

"Teka nga lang, sigurado ka ba talagang kape ang inorder mo?" tanong nito na muntik nang maging dahilan ng aking pagkapaso.

"Bakit naman?" Agad kong itinigil muna ang pag-inom at tumingin sa kaniya.

"Pagkatapos ng nakita mo kanina, maaaring natakot ka," sagot nito. "Now, aren’t you aware that drinking coffee can exacerbate feelings of anxiety?"

"Exacerbate?"

"Worsen," aniya.

Inilapag ko ang aking kape sa lamesa at sa muli ay napaisip. "Magsa-science major pero hindi marunong," wika ko na lang sa sarili ko.

"Pero ayos lang dahil may dark chocolate cake ka naman," dagdag niya.

"Uubusin ko na lang ito. Sayang ang pera, e," sambit ko na lamang sabay higop ulit ng natitirang kape sa maliit na tasa.

"Suit yourself," sagot niya sabay subo ng huling piraso ng kaniyang cake.

"Siya nga pala," wika ko pagkatapos maubos ang iniinom. "Hindi ka ba natatakot sa sinasabi kong kumuha sa akin kanina?"

"Bakit naman? May pera ba na nakisali sa inyo?" tanong niya.

"Meron pero hindi ko tinanggap," sagot ko kaagad. "It seems as though that person wants me to spy on you."

"Sayang! Dapat tinanggap mo!" bulalas niya. "Marami ka na sanang mabibiling kape dahil sa perang inaalok niya sa iyo. Ang masaklap nga lang ay makakasama sa iyo ang maraming kape at araw-araw na pag-inom nito dahil baka maging mas matatakutin ka. Maaari ring magkaroon ka ng insomnia, mataas na high blood pressure, problema sa mga buto mo, at kung ano-ano pa."

"Seryoso?" tanong ko na lamang sa taong para bang walang pakealam sa sarili niya.

"Kung sino man siya siguradong isa siya sa mga mahirap kalabanin," sagot niya na nabaling ang tingin sa labas ng kainan mula sa balkonahe ng kinakainan namin. Iba ang dating sa akin ng mga titig niyang iyon – para bang may malalim siyang iniisip.

"Pero ayos lang kasi may mga kaibigan ka naman. Mabait kang tao kaya malamang marami na ang nagkakagusto sa iyo," pabiro kong wika sa kaniya.

"Nagkakagusto?" pagtawa nito na nabalik sa akin ang mga titig.

"Siguro nga may kasintahan ka na ngayon na tinatago mo lang kay Tita o sa kung sino man," dagdag ko pa.

"Wala." Napalitan kaagad ng seryosong ekspresyon ang kanina ay masaya na niyang mukha. "Wala namang magkakagustong makasama ako."

"Uy, huwag mong sabihin iyan. Nandito kami ni Tita para sa iyo. At saka... si Manong na nagbigay sa iyo ng discount," sagot ko rito at binigyan siya ng isang pagngiti.

Ngumiti rin siya subalit alam kong may kakaiba pa rin itong dating. "Tara na. Maaga pa tayo bukas," wika nito. "Bibili pa tayo ng mga gagamitin natin sa eskuwela."

Pagtingin ko sa hapagkainan ay simot ko na ang kinakain ko at ganoon din naman sa kaniya. "Tama ka riyan." Kukunin ko na sana ang mga plato nang marinig ko muli ang kaniyang tinig.

"Anong ginagawa mo?"

"Hindi ba natin ito ilalagay sa counter?" tanong ko rito.

"Hindi na kailangan. Sila na ang nag-aayos niyan," sagot nito sa akin.

Pagtingin ko sa ibang upuan ay mayroon din namang mga iniwan na lamang na kinainan. "Nakakakonsensiya naman," sambit ko sa aking sarili.

"Tara na?" tanong nito na nakahawak na sa pintuang salamin.

"Marami pa akong kailangang malaman sa panibagong buhay na ito," dagdag ko pa habang naglalakad paalis ng kainan.

I’ll get used to this, I’m sure. I believe Raine holds the answer to what I’m searching for.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro