Two

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Naglalakad ako kasama ang mga tropapitz ko nang biglang may tumama sa akin na bola. Sa ulo ko pa talaga tumama. Umusok agad ang ilong ko at tinignan kung saan galing 'yun. Nakita ko yung nakatama ng bola, mukhang ang saya pa niya, ah. Nakita ko yung ngiti niya nakakatunaw at parang nag slow mo ang paligid. Lalapitan ko na sana, dahil sa galit kaso--



"Misty, gising na!" sigaw ng pesteng alarm ko. Sayang naman 'yung panaginip ko, mala-movie ang peg.



Umikot ako sa kama at hindi ko alam na nasa dulo na pala ako kaya, "Aguy!" minsan mapapa 'It really hurts' ka nalang talaga. Sakit ng tagiliran ko.



Biglang pumasok ang pinto at sumasayaw pa rin ako ng it really hurts habang nasa carpet. Sa carpet ako nalaglag pero masakit pa rin katawan ko. Sa divisoria lang ata ito binili, ah. "Hoy, halika na bibili na-- what the hell." gulat na sambit ni kuya.



Nakauwi na pala sila nung girlfriend niya nung nakaraang araw. Buti ay wala rito 'yung babaeng 'yun.



Bigla lang ako napatayo na para bang walang nangyare, "Ano ba yan hindi ka ba marunong kumatok?" sarcastic kong sabi sa kuya kong tigre.



"Tsh, anong ginagawa mo kanina, para kang uod!" bulyaw niya sa akin. "Maligo ka na nga! Sinabi nang bibili tayo ngayon ng kotse mo!" sigaw niya sa akin.



Nanlaki ang mata ko. Oo nga pala! Nakalimutan ko pero ayaw ko ng kotse. "Kuya motor nalang kasi pwease?" pakiusap ko at nagpuppy eyes pa ako pero parang hindi effective.



"Aish! Kapag ba binilhan ka namin ng motor, magt-trabaho kana? Alam mong delikado ang pagd-drive ng motor." seryosong saad niya.



"D-Doon sa bed and breakfast ni kulang- kuya Choule?" tanong ko. "Magiging maingat naman ako, eh." sagot ko sa huling saad ni kuya Chandler.



"Aish. Oo, 'di ba usapan na natin 'yan noon nung umalis ka sa hotel dahil na broken ka kay-" pinutol ko siya.



"'Wag mo na ngang mabanggit banggit 'yang pangalan na 'yan, kuya!" reklamo ko. "Alis ka na. Maliligo na 'ko," pagtaboy ko sa kanya.



Mayroon na ring sariling business na B&B (Bed and Breakfast) si kulangot after niyang nakagraduate. Gusto niya kasi magkaroon ng sariling negosyo at hindi na aasa sa business nila mom and dad. Kaya roon nila ako gustong pagtrabahuin ni kuya para ma-train ako, dahil si kuya Choule naman ay nagsasarili na at 'di na siya pwedeng maging manager sa hotel.



"Magsuot ka naman nang maayos," sambit niya at nagpamaywang. Napaawang ang labi ko, "Hindi 'yung puro ka polo, kaya hindi ka nagkaka-boyfriend, eh." inaaway pa ako, eh.



"Wala naman akong paki kung may magkagusto o wala sa akin, kuya. Atsaka paborito ko ang ganitong style!" Paborito ko kasi magsuot ng polo at pantalon. Eh, doon ako komportable.



"Parang dati lang nanghihingi ka pa ng pera para pambili ng dress m-" hinampas ko siya sa braso, "Hey! Masakit!" tumakbo ako at kumuha ng unan at ibinato sa kanya. "Ouch! Ano ba, Misty!" iniilag niya ang sarili niya gamit ang kanyang braso.



"Ano 'yung amoy mabaho?" sumulpot sa likod ni kuya si kulangot, "Amoy hindi pa naligo!" tinawanan naman nila ako. Napairap nalang ako. "Para namang naligo na kayo! Ikaw nga, ang pangit mo pa rin kahit naliligo ka!" nang-asar ulit sila at tinaboy ko nalang at naligo na.



Hindi na sumama si kuya Chandler sa pagbili ng motor ko. Kasama ko si kulangot Choule, siya ang nagdrive sa akin. Suot ko ay red and black na checkered with white sandi sa loob, maong pants at Fila disruptor.



"Si ate Anais, kamusta?" tanong ko sa kanya habang nagsi-seatbelt.



"Busy," simpleng sagot niya.



"Nag-away kayo 'no?" asar ko.



"Tumigil ka nga," suway niya sa akin.



"Phew. Nag-away lang kayo... Anong ginawa mo sa kanya?" inaakusa ko siya ang nang-away kay ate Anais. Mabait 'yon, eh.



"Nakita ko siyang may kasama sa isang restaurant. Hindi siya nagpaalam sa akin," masungit niyang saad.



"Seloso ka pala?!" kunware gulat kong sabi. Kaya naman pala, nagseselos siya. Seloso, amp.



"Misty, isa," seryoso niyang sabi. Wala talaga siya sa mood. Sayang. Parang kanina lang lakas pa makapang-asar.



Si ate Anais ay nagt-trabaho sa isang marketing company.



"Malay mo may pinagmi-meetingan lang pala sila. Ito naman, masyado," komento ko. Tumahimik lang siya at 'di na umimik. Nakaka-boring tuloy, walang maasar.



Tumigil kami sa Kawasaki Motors na store at bumaba na ng sasakyan. Totoo ba 'tong nakikita ko? Ang makakita ng maraming magagandang motor ay parang langit.



"Woah," pabulong kong sabi sa sarili ko habang nakatingin sa Kawasaki Ninja na model. Wow!



"Kuya, seryoso ba 'to?" hindi makapaniwalang sambit ko.



"Ayaw mo ba?" nagsusungit na naman. "Kapag may ipapabili ka kuya ang tawag mo sa 'kin pero kapag nang-iinis ka, kulangot ang tawag mo," napailing siya habang nakapamulsa.



"Eh, ganun ako manlambing," ngumuso ako. Nagtingin tingin pa ako ng ibang model pero isa lang ang napupusuan ko.



Bandang huli, Kawasaki Ninja na talaga ang pinili ko. Si kulangot ang nagbayad pa sa akin. Akala ko ay hulugan para makatulong din ako dahil kapag may singing contest ay sumasali at madalas akong manalo. May cash prize iyon at malaki rin kaya pwedeng makapagbayad ng hulugan. Kaso binayaran na ni kulangot ng cash.



Gulat pa ako dahil may kamahalan 'yun pero sabi niya minsanan lang naman daw kaya okay lang. Kailangan ko nang magpakabait ngayon sa kanila.



"Parang kailan lang bike ang dinadrive mo, ngayon motor na!" masayang sambit ni Benchong. Drinive ko ang motor ko papunta kila Tonyo at saktong andoon si Benchong.



"Eh, salamat sa inyo. Kayo ang nagturo sa akin magmaneho!" nakangiting sabi ko habang pinupunasan ang motor ko.



Araw na para magtrabaho ako. Andito ako sa labas ng bahay dahil papunta na sana ako sa b&b ni kuya Choule at napadaan sila Benchong at Raul saglit. Tatawagin ko muna siyang 'Kuya' kasi siya ang nagbayad ng motor ko. Kailangan kong magpakabait. Nauna na siya kanina dahil kailangan siya roon para mamonitor ang kanyang bed and breakfast.



"Chance mo na 'to, pre." napansin kong siniko niya si Benchong na nakapamulsa at bumulong pero narinig ko pa rin.



Nagtaka tuloy ako, "Anong chance?" inosenteng tanong ko sa kanila.



Nagtaas ako ng kilay kay Raul, "Ah chance para-" pinutol siya ni Benchong.



"Chance ko na maidrive ka sa motor mo," nagkamot siya sa batok niya. "P-Pwede ba?" nahihiyang tanong niya. Namumula pa siya.



"Miss ka raw kasi niyang ipagdrive, M. Iyong parang noong mga highschool pa tayo," sabi ni Raul. Mayroon kasing motor noon si Bench at ako ang palagi niyang inaangkas tuwing lumalabas kami dahil nililibre niya ako ng street foods.




"Sige. Iyon lang naman pala," tinali ko ang buhok ko. "Kaya mo ba itong i-drive?" hamon ko.



"Oo naman!" confident na sabi ni Benchong.




"Sige, maiwan ko na kayo. Ingat kayo. Papasok na ako ng school." nag-aaral siya ngayon, 4th year college. Natigil siya noong nagkasakit ang nanay niya dahil kapos sa pera. Binigyan naman namin sila ng tulong pero ayaw nilang tanggapin dahil nakakahiya raw. Iyon ang mahirap kay Raul, kapag bibigyan mo ng tulong, palaging tumatanggi. Sapat na raw na andito kami para sa kaniya.



"Bye, siRAULo! Ingat ka rin," kumaway ako sa kanya at kumaway din siya pabalik.



"Sana 'di ka makasalubong ng aso diyan sa paliko!" biro naman ni Benchong.




"Inamo!" rinig kong sigaw ni Raul.




"Kuhanan muna kita ng helmet sa loob," saad ko at tumango naman siya. Isa lang kasi ang andoon tapos nasa loob pa ng bahay 'yung extra na helmet.



Dali-dali akong lumabas at inabot sa kaniya ang extra helmet at ang susi. Sumakay na si Benchong sa motor at isinuot ang helmet. Nagtali muna ako ng buhok at umangkas na rin ako sa kanya. Nagsuot na rin ako ng helmet. Isinabit ko sa kabilang balikat ko ang tote bag ko na pinaglagyan ko ng mga kailangang gamit. Doon na ako magpapalit ng suot.



"Mag-ingat, ha." paalala ko sa kanya.



"Oo naman. Ingatan ko pa puso mo, eh," biro niya bago ipinaandar ang motor at napairap nalang ako. Bigla naman niya itong pinaharurot kaya napayakap ako sa kanyang baywang. "Ikaw, ha. Kunwari ka pang pakapit kapit sa akin." aniya.



Bumitaw naman ako sa pagkayakap at mahinang hinampas ang likod niya. "Tseh! Eh, ikaw nga diyan, nananadya ka ata. Kapag ito nagasgasan mo, ha. Tatadyakan talaga kita!" bulyaw ko sa kaniya. Mahina lang siyang tumawa at nagpatuloy sa pagmamaneho. Napanguso naman ako.



Nasa tapat na kami ng b&b ni kulangot- este kuya Choule pala.



Nauna akong bumaba at tinanggal ang helmet, "Paano ka?" tanong ko sa kaniya. Mayroon siyang ina-applyan na kompanya nung nakaraan at siguro ngayon din dahil may dala siyang bag. Naka-graduate siya as civil engineer two years ago. Mayroon na siyang pinagtatrabahuan dati pero tinanggal. Months ago kasi ay napag-initan siya at napaaway, sa kanya lahat ng sisi kaya na-fired. Kinuwento pa niya na nagmakaawa siyang 'wag matanggal dahil masaya siya sa trabaho niya roon pero hindi na siya muling tinanggap, kaya kailangan niyang mag-apply ulit sa iba. Sure na matatanggap din 'yon. Malakas tiwala ko sa kanya, si Benchong 'yan, eh!





Naalala ko nung bata pa kami naglalaro laro kami ng building blocks. Si Tonyo ay lagi lang pinagpapatong patong ang mga blocks samantalang si Raul ay reklamo nang reklamo na hindi naman daw nakaka-enjoy at wala siyang alam sa ganito. Samantalang si Ben ay nakakabuo ng mga structures na maski ako ay 'di ko magawa.




"Mag-aabang nalang ako sa labasan," sagot niya. Tumango naman ako. "Sige. Mauna na ako, ah. Ingat," paalam niya sa akin.



"Ah, sige. Ingat ka rin," kumaway ako bago siya tumalikod at naglakad paalis. Napansin kong nabili na ang lote sa harapan ng b&b ni kuya. Sino naman kayang nakabili non?



Ipinark ko ang motor sa looban para hindi manakaw. Inilock ko rin iyon. Chineck ko naman ang bag ko para magbihis na. Inilugay ko na rin ang buhok dahil mamaya ay iba-bun ko ito.



"Hi po, kapatid ni sir," mahinang tumawa ang babae.



"Ah, hello." ngumiti ako sa kanya, "Saan ako pwede magpalit?" turo ko sa damit ko napansin ko namang napatingin din siya sa suot ko. Binigyan ako ni kuya Choule ng uniform para sa staff ng kaniyang b&b.



"Ah, doon po sa staff's room may cr para sa atin doon. Pwede ka magpalit," may tinuro siyang mukhang room. Binasa ko ang pangalan niya sa tag at nakita kong Helen ang kanyang ngalan.



Tumango naman ako, "Sige, salamat, Helen. Ah, siya nga pala 'wag ka nang mag 'po' sa akin. Misty or M nalang ang itawag mo." tumawa ako, "Pareho lang naman tayong bagets pa," sabi ko at napatawa rin naman siya. "Iyong nasa tapat na lote.." sabay turo ko roon, "Nabili na pala. Kilala mo kung sino nakabili?" kuyosong tanong ko.




"Naku, M, hindi ko pamilyar 'yun, eh." kumunot ang noo niya. "Ah, pero tuwing umaga napapansin kong nagpupunta siya diyan at may inaasikaso. Siguro mags-start na rin ng negosyo," sambit niya. "Gwapo nga, eh." napahagikhik pa siya at natawa naman ako.




Nagpaalam na rin ako sa kaniya dahil baka pagalitan na ako ni kulangot! Mukhang mabait naman si Helen kaya siguro kahit papaano magkakaroon ako ng kaibigan dito. Kailangan din kasi sa ganitong trabaho ay magaling dapat akong makipag-interact sa mga tao lalong lalo na sa mga customers.



Naglalakad ako papunta roon at hinahangin ang buhok kong hanggang siko. Mayroon din akong mga nakakasalubong na mga guests at nginingitian ko naman sila. Nang makarating ako ay nagbihis na ako agad. Navy blue short sleeves at pencil skirt naman sa pang-ibaba at flats. Wala akong choice kahit ayaw ko nang nags-skirt. Kinabit ko na rin ang tag ko sa left side ng dibdib ko. Inayos ko rin ang buhok ko at ini-bun ito. Ang linis ko tignan at babaeng babae.



Lumabas na ako at nakita ko si kulangot. Bahagya akong tumakbo at nilapitan siya. "Pst!" tawag ko, "Aga ko 'no?" nag-akto pa akong maangas, "Kilala mo ba sinong nakabili roon sa tapat?" tanong ko.



"'Wag mo ng alamin. Magsisimula rin siya ng sarili ninyang b&b, nakikikompetensiya pa." inis niyang sabi. "Magsimula ka na. Ayusin mo, ah. 'Wag ka masiyadong maangas lumakad napapagkamalan kang-," sinuntok ko siya sa braso at tinakbuhan siya. Pumuwesto ako sa front desk para mag-accomodate ng mga magchecheck-in na guests. Nag-ayos din ako ng mga rooms na pinagcheck-outan ng ibang customers.




Natapos ang buong araw at pauwi na rin ako. Nagpalit ako ng pants dahil magd-drive ako pauwi at hindi na ako nagpalit ng paintaas pati ang buhok ko ay hinayaan ko lang na naka-bun.



Nagulat ako nang may tumawag sa akin, "M.." nilingon ko si ate Anais.



"Bakit, ate?" nakangiting tanong ko.



"S-Si Choule nasa loob pa rin ba ngayon?" nakita kong may bitbit siyang box. Napansin niya akong nakatingin doon, "Ah, ito peace offering lang. Busy kasi ako nitong mga nakaraan kaya hindi na kami nagkikita." paliwanag niya.




"Nagseselos pa nga 'yun, eh," wala sa sarili kong pagkuwento.



Nanlaki ang mata niya, "N-Nagselos?" taka niyang tanong.



Napakamot ako sa tainga, "Nakita ka raw niya kasing may kamsang iba sa restaurant, ate. Pero.. 'Wag mong sabihin na ako nagkwento sayo, ha,." tinapik ko ang braso niya, "Magbati dapat kayo ngayong gabi," ngumisi ako.



"Sana nga.." ngumuso siya.



"Hindi ka rin matitiis no'n, ate. Basta lambingin mo lang bibigay 'yun." pampalakas loob lang.




"Sige. Punta na 'ko roon, M. Salamat, ingat sa pagmamaneho," aniya at umalis na.



Sumakay na ako sa motor at magsusuot na sana ng helmet nang biglang may tumama sa akin na sinag ng ilaw ng sasakyan. Napapikit ako sa silaw, "Bwisit naman. Epal," sambit ko sa sarili ko. Galing ang sasakyan sa loteng nabenta na tapat kila kulangot.




Inis akong naghelmet at inilabas na ang susi. Narinig kong humarurot ang sasakyan at tumigil sa gilid ko. Inis akong lumingon sa kanya nang ibinaba na ang salamin at napaawang ang labi ko sa nakita ko. Talagang nakangisi pa siya. Andito siya... Bwisit!



Kung ganon, siya ang nakabili ng lote sa tapat ng b&b ni kulangot! Ano namang gagawin niya roon? Makikipag-kompitensya?!



"Ang lakas naman ng loob nito bumalik," inis na sabi ko.



"Hindi mo ba 'ko na-miss, misis ko?"





<3



03/30/21

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro