Twenty-seventh Tears

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Naiwan ang tingin ko sa may pinto. Kahit nakalabas na si Primo ro'n pa rin nakatuon ang mga mata ko. Iniisip ko ang huling sinabi nito na animo'y hindi ko mawari, pinilig ko ang aking ulo upang hindi na alalahanin pa saka naman natuon ang pansin ko sa pagkain na nasa side table. Napangiti ako at nakaramdam ng kilig dahil si Primo pa mismo ang nagdala. Nang sumagi sa isip ko ang sinabi nitong ubusin ko lahat ang dinala niya napangiwi ako. Sa dami nang dinala niya hindi ko alam kung paano ko uubusin. Nagkibit-balikat na lang ako at kumain, kung pagagalitan niya ako so be it.

Gamit ang saklay bumaba ako upang tawagin si Nanay Flor para kunin ang pinagkainan ko kanina. Pinawisan ako nang makababa, ang hirap kasing maglakad gamit ang isang paa lamang. Natatakot pa baka ako'y mahulog sa hagdan kaya todo pag-iingat ang aking ginawa.

“Oh!” mahina kong bulong nang makitang nakaupo si Primo sa sofa habang nagtitipa sa kaniyang laptop. Napuno ng papeles ang mesa at nahulog pa ang iba sa sahig. “Ba't nandito ka pa?” tanong ko na kinalingon niya.

“Naisip kong huwag nang pumasok para may katuwang ka,” sagot niya saka tinuon ulit ang mata sa laptop.

“Pumasok ka na Primo kasama ko naman si Nanay Flor. Ilang araw ka ng hindi pumapasok tingnan mo nga nagkalat ang papeles sa harapan mo. Sige na pumasok ka na kung ayaw mong magalit ako sa'yo,” banta ko pero siyempre biro ko lang iyon sa kaniya.

“Fine, nakalimutan kong may mahalaga pala akong meeting kaya kailangan kong pumunta sa kompanya. Basta magpahinga ka kung ayaw mong magalit din ako sa'yo.” Lihim akong napangiti pareho lang kaming nagtatakutan.

Pinulot niya ang mga papel na nahulog saka niya nilagay sa folder. Binitbit nito ang kaniyang laptop at umakyat patungo sa pangalawang palapag. Hindi maalis ang mata ko sa kaniya, napapahanga ako sa hubog ng kaniyang katawan lalo na ang kaniyang kagwapuhan. Hindi maikakaila na maraming babae ang nagkakandarapa sa kaniya. Hindi lang sa panlabas na anyo ang kahanga-hanga sa kaniya kung hindi rin ang pagkatao niya. Masuwerte si Hana, sana ako na lang ang nasa katayuan niya.

“Baka matunaw anak, subukan mo kayang kumurap.” Napailing na lang ako sa sinabi ni Nanay Flor. “May mahalaga pala siyang meeting pero ikaw ang pinili,” dagdag niya.

“Hindi naman po Nay narinig niyo naman ang sinabi niya na nakalimutan,” katuwiran ko.

Umiling si Nanay Flor na may mapanuksong tingin. “Anak, ang bibig nakakapagsinungaling pero ang mata hindi.” Sinundot pa niya ako sa tagiliran bago ako iniwan.

-----

Nagbabasa ako ng magazine nang tumunog ang door bell. Tatayo na sana ako para buksan ang gate nang sinenyasan ako ni Nanay Flor na siya na lang. Umupo ulit ako at tinuloy ang pagbabasa.

“Anak, may bisita ka,” imporma ni Nanay Flor. Napaangat ako ng mukha at nakatingin sa paa kong may benda si Enan.

“Salamat po Nay,” nakangiti kong saad. Nilipat ko ang aking tingin kay Enan na hindi ps rin inaalis ang mata sa nakapatong kong paa sa mesa. “Enan, halika umupo ka rito,” tawag ko sa kaniya. Pinakilala ko muna siya kay Nanay Flor bago ito umupo. Umalis din si Nanay para kuhanan kami ng makakain.

“Nag-alala ako sa'yo Bea nung sinabi nila na hindi ka raw makakapunta sa meeting. Kinabahan ako baka may masamang nangyari sa'yo kaya pinuntahan kita. Pasensiya ka na kung wala akong pasabi. Ano bang nangyari?” Tuloy-tuloy nitong pagsasalita.

Mababakasan ang pag-alala sa mukha nito. Kinuwento ko kay Enan ang nangyari at nalungkot ito na malamang hindi pa ako makakapasok.

“Okay lang iyon, ang mahalaga gumaling ka. Dadalawin na lang kita palagi-”

“Wala siyang sakit para dalawin.” Sabay kaming napatingin ni Enan sa may pinto. Naglakad si Primo papunta sa amin, hindi maayos ang pagkasuot ng kaniyang kurbata.

Tumayo si Enan sabay lahad ng kaniyang kamay. “Ikaw ba ang amo ni Beatrice? Ako pala si Enan co-teacher niya,” pakilala niya sa sarili.

Sinenyasan ko si Primo na sumakay na lang para hindi kami mabuking. Tumango at nakipagkamay siya kay Enan. Akala ko aakyat na siya ngunit umupo ito kaharapan namin. Naka-dekwatro ito at mas lalo niyang niluwagan ang suot na kurbata. Panay ang tinginan namin ni Enan sa isa't isa parang naaasiwa siya sa presensiya ni Primo.

Napatingin ako sa orasan ala una pa lang ng hapon sobrang aga yata niyang umuwi. “Boss, maaga ka po yatang umuwi,” sabi ko.

Sinadya kong hindi siya tawagin sa pangalan niya para hindi makahalata si Enan. Hindi siya nagulat kagustuhan naman niyang ilihim ang tungkol sa amin.

“Tinapos ko lang ang meeting,” walang buhay niyang sabi. Salitan ang tingin nito sa aming dalawa ni Enan kaya nahihiya tuloy kaming magkwentuhan sa harapan niya. “Sinabi ko sa school niyo na hindi ka makakapasok ng dalawang linggo dahil nahihirapan kang maglakad,” dugtong niya.

“What?!” gulat na tanong ni Enan. Sabay kaming napatingin ni Primo dahil sa kaniyang reaksiyon. “Uhm, I mean magandang idea iyon para mabilis gumaling ang sugat ni Beatrice.”

“Akala ko may problema ka sa sinabi ko,” nakangising sabi ni Primo kay Enan.

Umiling na lang siya bilang sagot. Dahil hindi na komportable ito nagpaalam nang umuwi. Ramdam kong may tension na nagaganap sa pagitan nilang dalawa hindi lang nila pinapahalata. Pagkaalis ni Enan umakyat na rin si Primo, napakamot tuloy ako sa aking ulo.

“Kahit kailan talaga seloso ang alaga kong iyon.” Nginuso ni Nanay Flor si Primo na paakyat. Hindi ko napansin na katabi ko na pala siya. “Tumawag siya kanina, tinanong niya kung anong ginagawa mo. Sabi ko may bisita ka lalaki, aba'y binabaan niya ako agad,” kwento nito.

Napatingin ako sa kaniya na parang sinusuri. “Nay, ano pa ang sinabi niyo kay Primo?” Hinuhuli ko siya baka may iba pa siyang sinabi kaya napauwi ito ng maaga.

“Wala na, maliban kagabi sinabi kong malungkot ka dahil galit siya sa'yo.” Napatakip ito ng bibig, napabuntong-hininga naman ako. Kaya pala kaninang umaga sinabi niyang totohanin niyang magalit sa akin. “Ewan ko ba sa inyong dalawa ni Primo mag-asawa nga kayo pero hindi naman magkasama sa isang kwarto.”

“Whoa! Mag-asawa kayo ni Primo?!” hindi makapaniwalang tanong ni Morris.

“M-Morris!” Nauutal kong tawag sa pangalan niya.

“Totoo ba, Beatrice?! Asawa mo ang mokong na iyon?!” sunod-sunod nitong tanong.

Hindi naman ako mapakali dahil narinig ni Morris ang hindi niya dapat malaman. Nakakadagdag pa sa nerbyos ko ang malakas na boses nito baka marinig ni Primo pareho kaming mananagot na dalawa. Tiningnan ko si Nanay Flor para humingi ng saklolo dahil hindi ko alam ang gagawin. Hinawakan lang niya ang kamay ko saka tinapik.

“Ipaliwanag mo anak maunawaan niya iyan,” bulong niya saka kami iniwan.

Pagkaalis ni Nanay Flor hinila ko si Morris palapit sa akin. Sinenyasan ko itong tumahimik at tinuro ang itaas pinapahiwatig na naroon si Primo.

“Sshh, ipapaliwanag ko sa'yo basta tumahimik ka lang,” mahinang sabi ko.

Kaagad itong nag-thumbs up at prenteng umupo katabi ko. Hindi lang pala siya madaldal at maingay, tolits pa. Pinaliwanag ko ang lahat kay Morris, walang labis walang kulang. Napakwento tuloy ako, kung ako ang tatanungin ayaw ko ng balikan pa ang mga masamang nangyari, bangungot ang lahat ng iyon para sa akin.

“Pumayag ka sa plano niya? Bakit?” Hindi ako umimik, hindi ko alam kung paano ko siya sasagutin. “Alam mo ba na ginamit ka ni Primo makuha lang ang gusto niya? Beatrice kaibigan ko kayong dalawa at kahit bestfriend ko pa ang mokong na iyon hindi ko nagustuhan ang ginawa niya sa'yo. Bakit ka nga ba pumayag?”

“M-matagal ko ng mahal si Primo high school pa lang tayo, Morris,” pag-amin ko.

Napaigtad ako ng agad itong tumayo. Panay ang lakad nito paroon at parito kaya nahihilo ako sa kaniya.

“Love sucks! Hindi ka niya mahal Beatrice, ginagamit at niloloko ka lang ng mokong na iyon tapos nagpakasal ka pa rin sa kaniya!” saad niya. Wala pa rin tigil sa kakalakad. Sinenyasan ko ito na kumalma at tumahimik. Nasaktan ako sa sinabi ni Morris pero iyon naman ang katotohanan. Ang ending ng plano naming ito, ako ang uuwi na talunan. Umupo ulit ito at hinawakan ako sa magkabilang balikat ko. “Beatrice, sorry kung nasaktan kita sa sinabi ko. Ang sa akin lang imulat ka sa katotohanan ayaw kitang masaktan dahil parang kapatid na ang tingin ko sa'yo.”

“Huwag mo akong kaawaan Morris,” malungkot kong sabi. Niyakap niya ako, hinaplos din ang buhok ko.

“Kung alam ko ang tungkol dito hindi kita pinayagan. Sorry dahil wala ako sa tabi mo nung nangyari ito. Hindi ko alam kung kasama sa plano ni Primo ang nakikita kong pag-alala niya sa'yo o paraan niya ito upang gamitin ka at makuha ang gusto niya. Kapag nalaman kong may ginawa siyang masama sa'yo babasagin ko ang pagmumukha at ako mismo ang magpapakulong sa kaniya kahit matalik na kaibigan ko pa siya,” mahabang pahayag niya.

Nagulat ako ng may biglang humatak kay Morris at sinuntok ng malakas. Napatayo at napasigaw ako sa nakita kong eksena. Bumulagta ito sa sahig at putok ang labi, naawa ako sa kalagayan niya. Lalapitan ko sana siya kahit hirap akong maglakad ngunit hinawakan ni Primo ang braso ko upang pigilan.

“Ganiyan ka bang klaseng kaibigan, naninira patalikod! Anong pinagsasabi mo ah Morris?! Sa tingin mo ba hindi ko napapansin, matagal na kitang kilala kaya huwag mo akong pinagloloko! Bakit hindi mo aminin na matagal mo ng mahal si Beatrice!” Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni Primo. Tumingin siya sa akin, napatingin din ako sa kaniya na nakaawang ang bibig.

Tumayo si Morris kaya natuon ang pansin ko. Hinawakan nito ang labing napuruhan ng suntok ni Primo. Napasuklay ito sa buhok gamit ang kamay at tumawa ng mahina.

“Gusto mong aminin ko, P're?” tanong niya kay Primo. Umiling naman ako kay Morris na huwag niyang ituloy ang anumang sasabihin nito. “Oo, matagal ko ng mahal si Beatrice!”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro