Chapter 30

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

082222 Chapter 30 #HatemateWP

"Alam mo, Billie . . ." Napatingin ako kay Mark nang magsalita siya. Inabot ko sa kaniya ang bottled water na di ko mabuksan. Pinihit niya ang takip n'un pabukas bago iabot sa 'kin at ituloy ang sinasabi niya, "Ang dami mo nang utang sa 'kin."

Kumunot ang noo ko. Pinagsasasabi nito? "Paano naman ako nagkautang sa 'yo?"

Nasa labas kami ng canteen. Hinihintay namin si Deion na nagpaalam kaninang magsi-CR muna bago kami umakyat ulit. Katatapos lang naming mag-lunch—kaming apat sa usual. Nasanay na rin si Je na kasama namin 'yung dalawang lalaki every time.

"E kasi, no'ng di pa kayo ni Deion—"

"Hindi pa naman kami," sabi ko.

Sabay na napalingon sa 'kin sina Mark at Je. Pinanlakihan ko sila ng mga mata. Tingin nila sa 'kin?! Ilang weeks pa lang mula no'ng umamin si Deion. Ilan nga ba? Apat? Aba, tingin nila bibigay ako sa loob ng four weeks?

Gawin naman nilang five.

"Basta ang dami mo nang utang!" pagpupumilit ni Mark.

Nakita na namin si Deion. Imbes na hayaan na kaming dalawa ang magsabay sa paglalakad, pinag-link ni Mark ang braso namin kaya siya ang kasabay ko. Pasimpleng nilingon ko sina Je at Deion na nagso-small talk sa likod namin. Pusta ko ay about sa finals ang pinag-uusapan nila kasi, duh, wala naman silang ibang puwedeng pag-usapan.

"Paano nga ako nagkautang sa 'yo?" tanong ko kay Mark. Kay Deion nga wala akong utang! Di ko na siya pinagbabayad ng anything, 'no. Kay Mark pa kaya?

"No'ng di pa kayo—"

"Hindi nga kami!"

"'Wag ka nang kumontra! Basta!" Umiling-iling siya. "Libre kaya ako ng rent at transpo; di ako pinagbabayad nina Tita. Pero no'ng hinahatid ka na ni Deion, wala na akong libreng ride!"

Natawa ako. Hinampas ko ang kamay niyang nakakapit sa 'kin. "Kasalanan ko 'yon? E di sumabay ka sa 'min!" Hindi naman 'yon problema sa 'kin. Hindi naman ako ang gumagastos sa gas, saka nakakaawa nga rin naman si Mark.

"E ayaw nga akong pasabayin ni Deion," mahina pero mariin niyang sabi. Lalo lang lumakas ang tawa ko nang ma-realize kung saan papunta ang usapan. "Sabay niyo ako mamaya, sabihin mo. Pagod na 'kong mag-commute."

"E di sumabay ka nga, di naman kita pipigilan," sabi ko. Binitiwan lang ako ni Mark pagdating namin sa room. Nilapitan ako ni Deion pagkatapos.

"Ano'ng sinabi sa 'yo n'un?" tanong niya bago umupo sa chair sa harap ko.

"Wala, sabay daw siya pauwi," sagot ko. "Isabay na natin, baka magtampo."

Iiling-iling si Deion na umalis sa tapat ko. Pinanood ko ang likuran niya habang naglalakad siya pabalik sa seat niya.

Minsan, at random times, sinasapak-sapak ko ang sarili kasi feeling ko nananaginip pa ako. Madalas 'pag nagme-message siya, kailangan ko pang i-make sure na gising talaga ako at hindi ako nag-i-imagine. Sobrang liit na bagay ng greetings at random chats niya 'pag weekend—gaya ng ulam nila, kung nag-aaway ba 'yung dalawa niyang ate, or kung ano'ng ginagawa niya—pero na-appreciate ko pa rin.

Di naman siguro bawal na kiligin sa mga maliliit na bagay gaya n'un. Di niya naman need na pigilan ang ulan at pagalawin ang mga bundok para kiligin ako. Saka minsan na nga lang ako kiligin, papadikta pa ba ako kung saan ako kikiligin?

After class, magkakasama ulit kaming apat. Na-convince ko si Je na sumabay na rin dahil naisip kong baka nagtatampo rin siya na halos lagi na siyang araw-araw mag-isang umuuwi, e dati laging kami ang magkasama.

Bumili muna kami ni Deion ng meryenda as usual. Bago pumasok sa kotse ay nilipat ni Deion ang isang siomai galing sa cup niya papunta sa akin. Minsan iniisip ko kung nagugutom ba talaga siya after class, o pinipilit lang talaga niya ang sariling sabayan akong kumain. Lagi niya kasing binabawasan ang pagkain niya at binibigay sa 'kin.

Ako ang nasa front seat. Napansin kong sinilip ni Deion sa rearview mirror si Mark na sa likuran niya nakaupo, katabi si Je. Di ko na-decipher kung ano'ng meaning ng pagsimangot ni Deion at ng ngiting-ngiti si Mark. Feeling ko di talaga trip ni Deion na i-third wheel namin in a way si Mark.

Dahil nagi-guilty akong nagsa-suffer si Mark na mag-commute dahil sa 'kin, di na ako masyadong sumabay kay Deion pauwi after that. Naging busy na rin naman kaming lahat dahil super hell week na. Parang gabi-gabi kong kinailangang i-remind ang sarili ko na matatapos din lahat ng 'to kasi kung hindi, susuko talaga ako.

"Ang sakit na ng batok ko," reklamo ko. Ninanakawan na nga ako ng mga plates ng tulog, binibigyan pa ako ng back at shoulder pain.

Nilapag ko ang alcohol marker sa table pagtapos 'yon takpan at nag-unat ng braso. Sumubsob ako sa table pagkatapos dahil give up na talaga pati ang kanang wrist ko. Bakit ba kasi ang laki-laki ng A3 paper? Nakakangalay.

Napaupo ako nang ayos nang maramdamang may gumapang sa batok ko, kasabay ng pagtindigan ng mga balahibo ko. Di ko alam kung masasaktan, makikiliti, o mare-relieve ako sa kamay ni Deion na pumipisil-pisil sa batok at bandang balikat ko. Nang maka-get over sa kaunting kiliti ay hinayaan ko siya sa ginagawa.

Hinampas-hampas ko ang kamay niya nang sadyain niyang ilagay 'yon sa gilid ng leeg ko kung saan nakakakiliti at ikaskas nang slight ang kuko niya roon. Naipit ko tuloy ang kamay niya sa leeg ko dahil ayaw niyang tumigil.

"Pagod na?" tanong ni Deion pagkatapos pakawalan ng leeg at balikat ko ang kamay niya. Itinuon niya ang braso sa sandalan ng upuan ko.

Tumango ako. Alam kong matatapos din naman 'to, pero parang ako ang unang matatapos dahil sa pagod.

"Gutom?"

Tumango ulit ako.

"Ako rin gutom at pagod, bakit di tinatanong?" sabat ni Mark na nakaupo sa tapat namin. Tinawanan ko lang siya. Bumaling siya kay Je na sa tabi niya nakaupo at parang di naman natitinag ng pagod kahit kanina pa kami sa lab. Di rin siya natitinag ng ingay naming tatlo—or dalawa, kasi mostly kami lang ni Mark ang nag-uusap).

"Ikaw?" tanong ni Mark kay Je habang inuunat ang braso. Bumaling lang sa kaniya si Je na naka-earphones, tapos ay bumalik ulit sa ginagawa nang hindi sinasagot ang tanong ni Mark.

Kitang-kita ko ang pagsimangot ni Mark dahil wala na naman siyang kakampi sa 'min. Gusto kong maawa sa kaniya minsan kasi almost-third wheel na nga siya (almost lang kasi hindi ko naman boyfriend si Deion), hindi pa siya pinapansin ng almost-fourth-wheel. Nakikita ko naman ang attempts niyang makipag-close kay Je, pero di talaga nare-reciprocate n'ung isa ang energy niya. Buti nga di siya tinatarayan kapag madaldal siya. Kung ako kay Mark, magiging thankful na ako.

"Sabay ka na?" tanong ni Mark kay Je habang papunta kaming lahat sa parking pagkatapos. Dahil groupmates ko sina Mark at Deion sa Design, magkakasama kaming tatlo lagi lately. Sa condo nila kami gumagawa ng model para sa final plate dahil do'n mas convenient.

"Hindi. May gagawin din kami." Tinapik ako ni Je sa braso bago tumigil sa may hagdanan. Ako ang tinapik niya pero na kay Deion ang mga mata niya. "Anong oras ang uwi?"

Di ko tuloy alam kung ako ang dapat sumagot o si Deion dahil do'n siya nakatingin. Nang ilipat niya sa 'kin ang mga mata niya ay saka ko lang inangkin ang question, "Before 9? Before 10? Sabihan kita," sagot ko. Tumango si Je bago magpaalam at lumiko sa opposite hallway.

Nag-drive thru muna kaming tatlo nina Mark dahil baka di na kami makakain mamaya. Pagdating namin sa condo ay hinintay ko lang silang dalawang magpalit ng damit sa kuwarto nila. Paglabas nila sa salas ay sinimulan na namin ang paggawa ng model. Siyempre, si Deion ang lead. Honestly, pressured talaga ako kasi parang ang perfectionist niya. Baka ma-turn off pati 'pag tatanga-tanga ako e.

"Baka mahiwa ka," paalala ni Deion sa 'kin habang kinakayod ko ng crafting knife ang Styrofoam para magka-texture. Umiling ako.

"Ako, baka mapaso ako. Ma-concern ka rin sa 'kin," sabi ni Mark na nasa tabi ko, hawak ang glue gun at busy pagdikit-dikitin ang mga boards na kina-cut ni Deion. Natawa lang ako sa pang-aasar niya kay Deion. At 'yung isa naman, laging naba-bad trip agad.

Sinabayan ni Mark ang pagtawa ko at bahagya akong siniko. "Billie."

"Ano?" tanong ko, di inaalis ang tingin sa ginagawa. Baka magkamali ako at mapasobra ang tapyas. Sayang ang ginastos sa materials.

"Puwede favor?"

Bumaling ako sa kaniya. Itatanong ko pa lang sana kung anong hihingiin niya nang hampasin ni Deion ng chip board ang binti niya. Isang kumpol pa ng boards 'yon kaya sure akong hindi lang pag-iinarte 'yung daing ni Mark. Binitiwan niya ang glue gun sa tabi at niyakap ang binti niyang nahampas. "Ano ba, paps? Di ba bros before hoes?"

Kunot ang noo ni Deion nang lingunin niya ulit kami. "Anong hoes?" Sumaglit sa 'kin ang tingin niya.

"E di bros before girls!"

"Girls?" Lalo lang nagsalubong ang kilay ni Deion. Binitiwan niya ang cutter na pinanghahati niya ng boards. "Girls?"

Pabiro siyang binato ni Mark ng scrap na Styro galing sa kinayod ko. "Pucha. Edi bros before Billie! Naneto, ang landi talaga e," aniya bago damputin ulit ang glue gun.

Napanguso ako roon. Pinanood ko ang reaksyon ni Deion at parang hindi siya sigurado kung mahihiya ba siya o maiinis kay Mark. Pagkatapos matahimik nang saglit ay umiwas siya ng tingin at bumalik sa ginagawa. "Sino'ng may sabing gano'n?"

"Ouch, paps," madramang sagot ni Mark tapos ay siniko niya ulit ako. Sinaway ko nga dahil ang talas kaya ng cutter na hawak ko! Baka mamaya masira ko pa 'tong Styro.

"Ano bang favor 'yon?" tanong ko.

Nagkatinginan silang dalawa. Nagbabanta ang tingin ni Deion habang si Mark ay parang nahuling may ginagawang masama. Ano ba 'yon? "Wala, Billie," umiiling na sagot ni Mark. "'Wag na, third wheel niyo na lang ako palagi. 'Wag mo na akong ilaka—"

"Mark," putol ni Deion sa sinasabi niya. Tinikom ni Mark ang bibig at bahagyang tumalikod sa 'kin habang naggu-glue gun. Kahit no'ng tinanong ko siya nang pabulong kung ano 'yung sasabihin niya, hindi na talaga niya sinabi. Kung anoman 'yung pag-warning sa kaniya ni Deion kanina, mukhang seryoso. Tungkol sa'n ba 'yon?

Inabutan kami ng pagod at ng sakit ng katawan. Nagpa-deliver kami ng pagkain ulit bago nag-decide si Deion na iuwi ako. Nag-clean up muna ako ng mga pinagyadyaran ng Styrofoam at pinaggupitan ng boards bago ayusin ang mga gamit ko.

"Makakapag-drive ka ba? Di ba mas nalalabuan ka kapag madilim?" tanong ni Mark kay Deion. Dahil si tanga, naapakan ang salamin niya habang naglilinis kami. Natanggal 'yung isang leg ng frame at nabasag ang isang lens.

Nakasimangot si Deion habang hawak sa palad at tinititigan ang lens na nahati sa tatlo na as if magically, mabubuo 'yon. "Magko-commute na lang ako," presinta ko. Madilim na for sure, pero hindi pa naman super late kaya hindi pa masyadong nakakatakot mag-commute mag-isa.

"Ako na lang ang maghahatid sa 'yo," sabi ni Mark habang inaapakan ang garbage bag na gamit namin para paimpisin ang laman n'un. "Bibihis lang ako."

"Ingat kayo, ha?" sabi ni Deion sa 'kin pagkapasok ni Mark sa kuwarto nila para magbihis.

Binalikan niya ang kinakain niyang di niya naubos kanina. Tinusok niya ang isang meatball at nilapit 'yon sa labi ko. Binuka niya ang bibig na parang inuutusan akong ngumanga kaya 'yon ang ginawa ko. Mahina lang ba talaga siyang kumain ng ulam or trip lang niyang sa 'kin ipaubos lagi ang pagkain niya? Wala tuloy akong maalalang time na umuwi akong gutom after ko siyang makasama.

"Good night," bulong ni Deion sa 'kin pagkabukas niya ng pinto nang aalis na kami ni Mark. Bago pa ako makapag-good night pabalik ay hawak-hawak na ako ni Mark sa braso at hinigit papunta sa elevator.

"Tama na landi niyo, naiinggit na ako," aniya habang higit-higit ako.  

"Epal ka," sabi ko kay Mark dahil binitawan niya lang ako pagpasok namin ng elevator. Panira ng moment!

* * *

Miraculously, natapos ang finals week nang buhay pa kami. Buhay pa ako pero wala nang powers. Wala na rin akong energy kahit para ayusin man lang ang sarili ko, so feeling ko ang ganda-ganda ko kasi maghapon kong kasama si Deion pero mukhang di pa naman siya natu-turn off kahit oily ang mukha ko at magulo ang buhok dahil naiwan ko ang panali sa doorknob ng banyo sa apartment.

Hinila ko pabukas ang pinto ng faculty room at pinauna siyang pumasok. Bitbit niya ang scale model namin na dadalhin kay Architect para makakuha ng final grade. Di ko nga alam bakit pinabitbit pa ni Architect sa 'min 'yung model sa office e nakita na naman niya sa exhibit ng freshmen sa second floor kanina.

After namin mag-submit ng finals portfolio at makakuha ng grade dito, malaya na talaga kami for a while. Makakapagpahinga na for a week at least.

Which means puwede na rin akong lumandi.

Nilapag ni Deion sa long table ang model namin dahil may dagsa pa ng students sa table ni Architect. Kaming dalawa lang ni Deion ang magkasama dahil si Mark, pinapaspasan pa 'yung final History plate niya kaya nakakulong siya sa lab sa taas.

Nang may umalis na isang kumpol ng students ay saka kami lumapit. Automatic na napatabi ako sa gilid ni Deion nang makilala kung sino ang dalawang babaeng natira sa harap ng table ni Architect.

Di ko pinansin ang pagpaling sa 'kin ni Shana. Hinanap ko na lang ang pile ng portfolio ng block namin at isinama sa stack n'un ang amin ni Deion.

Nagbuntonghininga si Architect Madel habang nasa tsinetsekan ang mga mata. Ilang beses niyang tinuktok ang tip ng red pen sa kanino mang kawawang student ang may-ari n'ung portfolio na tsinetsekan niya bago iangat ang tingin kina Maxine at Shana. Ilang oras din 'yung ginawa pero pauulanan lang ng red dots ng ballpen, ouch.  "No, I don't curve grades. Wala ring extra work for incentives." May tinuro siyang kung ano sa corner side ng table niya. "I stick to this. Regular offering naman ang Design 1." Sumulyap siya sa 'min ni Deion, pagkatapos ay sa model na bitbit niya. Nilipat niya ang tingin kina Shana bago ibaba ulit 'yon sa tsinetsekan niya. "See you next sem?"

Nagkatinginan kami ni Deion pagkatapos. Pasimple ko siyang siniko dahil obvious na obvious na nagpipigil siya ng ngiti. Sama ng ugali! Habang ako, nagpapanggap nga akong di ko naririnig 'yung usapan. Kahit di ko naman friends 'yung dalawa, I feel bad pa rin kahit papaano sa kung anoman 'yung pinagdadaanan nila—kung bagsak man sila or mababa ang grade. Baka pati 'pag tumawa ako, ma-karma ako! Buti pa 'tong si Deion, basta magtino, di kakabahan sa grades at karma.

Pagkatapos mag-thank you n'ung dalawang babae ay umalis na sila. Sinundan ko sila ng tingin hanggang sa makalabas sila ng faculty room.

Nilapag ni Deion sa space sa table na tinuro ni Architect ang model namin. Lumipat ako sa kabilang gilid niya at saka ko lang nakita kung ano 'yung tinuro ni Architect kanina. May nakadikit palang grading sheet do'n ng lahat ng class offerings niya.

After naming manggaling sa faculty room, dumeretso na kami ni Deion ng parking para mag-disassemble at itago muna 'yung model sa loob ng kotse niya. Tutal ay wala na rin naman kaming gagawin dahil para sa exhibit na ang rest of the day, dumeretso na lang kami ng canteen. Di kami nakapag-lunch on time dahil sumakto ng lunch time ang presentation namin, at sa takot na lang naming ma-late, napa-ignore na lang talaga kami bigla sa gutom.

Magkasama na kaming pumila sa canteen dahil marami namang unoccupied tables. "Ang init," reklamo ko, pinupunasan ang mukha ng panyo habang naghihintay ng food namin. Wala naman masyadong tao pero init na init ako dahil pinagpawisan talaga ako sa exhibit kanina.

"Itali mo buhok mo," sabi ni Deion.

"Wala nga akong panali; naiwan ko."

Nilikom niya ang buhok ko at inangat 'yon. Tinuyo ko ang batok at leeg ko. "Ba't mo naman iniwan?" Binitiwan niya ang buhok ko pagkatapos.

"Di ko iniwan. Naiwan ko nga lang." Binitbit niya ang tray ng pagkain namin. Pumuwesto kami kung saan pinakahagip ng fan.

Mukhang parehas kaming gutom na gutom kasi halos di kami nag-usap sa mabilis na time na kumain kami. Nagpalipas muna kami ng ilang minutes sa canteen pagkatapos kumain bago nag-decide na pumunta sa lab para damayan si Mark.

"Uuwi ka bukas?" tanong ni Deion. Mabagal kaming naglalakad dahil masarap sa feeling ang malamig na hangin. Saka ramdam ko pa rin 'yung pagod from Monday last week. Parang ngayon lang siya bumaon sa katawan ko nang todo.

Bumaling ako sa kaniya. Last week, umuwi ako, tapos nagpaalam akong hindi ako uuwi ngayon kasi, freedom time na nga! Wala akong iisipin na deadline or kung ano-anong time managament na paandar ko. "Hindi."

Mabagal ang pagtango niya bago ako harapin. Tumigil ako sa paglalakad at gumaya siya. Hindi ko pinakawalan ang tingin niya hanggang sa magtanong siya. "Labas tayo bukas? May utang ka pa a."

Fail ang attempt kong itago ang ngiti kaya hinayaan ko na. Tumuloy kami sa paglalakad. Akala ko never na niyang ibi-bring up e! 'Yon nga lang ang nilu-look forward ko after nitong super hell week. "Okay."

"Sige." Sumulyap ako sa kaniya. Napanguso ako at binalik agad sa harap ang tingin dahil baka matalapid pa ako dahil sa katalandian ko. Ang pogi kasi ngumiti! Napa-proud pati ako sa sarili ko dahil kinikilig rin yata siya sa 'kin. Ang tagal ko kayang pinagtrabahuhan 'tong moment na 'to.

* * *

Dahil sira ang eyeglasses niya, sinamahan ko muna si Deion para magpagawa n'un, Saturday afternoon. Nakaupo siya sa tapat ng estante ng mga frames sa optical shop at nakatapat sa mirror. Hinayaan niya akong paradahan siya ng frames sa tapat niya para isukat at i-try niya.

Ako ang pinapipili, e jusko, bawat tingin niya yata sa 'kin after magsukat, nasa-starstruck ako! Panay ang sales talk sa kaniya n'ung shop assistant, probably sinusuyo siyang bilhin 'yung hindi naka-promo at 'yung mas mahal, pero ilang beses lang siyang inilingan ni Deion bago humarap sa 'kin habang may suot na frame sabay tanong ng, "Bagay 'to?"

Siyempre lahat bagay! Dapat di ako ang tinatanong niya dahil biased ako. Ilang minutes din ang lumipas bago ma-lessen into three 'yung pagpipilian namin. Isa-isa niya ulit 'yung sinukat. Nililingon niya ako pagkatapos.

"Alin?" tanong niya, minamasahe ang nose bridge niyang napagod siguro kasusukat.

Malay ko! Sana pinya na lang siya para marami ang mata niya at puwede niyang isuot 'yon lahat. "Di ko alam. Ikaw na pumili ng bagay sa 'yo."

"Wala nga akong mapili," aniya habang iniisa-isa ulit tingnan ang mga frame. Hinilera niya 'yon nang ayos sa estante sa tapat niya at pinaglipat-lipat ang tingin sa kanila habang kinakalikot ang butones ng cream niyang Henley.

Mayamaya ay bumaling ulit siya sa 'kin. Pinanliitan ko siya ng mga mata dahil iba ang kutob ko sa ngiti niya. "Alam ko na kung ano'ng bagay sa 'kin."

Pinitik ko siya sa braso. "'Wag kang magpi-pick-up line," banta ko.

"Sayang. Minsan lang e." Tatawa-tawa siya nang kuhain ko 'yung browline na frame, which is ang pinakamura, at iabot do'n sa staff para lang matapos na 'to at makakain na kami. Pinabalik kami after two hours para i-claim 'yon.

Dumeretso kami sa wings place para matuloy 'yung original na plano namin weeks ago. Ramdam kong gutom ako pero hindi ako makakain nang ayos dahil una, nakaka-distract si Deion na sa tapat ko nakaupo; at pangalawa, baka magulo 'yung pag-aayos ko. Nag-effort kaya akong magpaganda today.

After namin kumain, pumunta kami sa sinehan para bumili ng ticket. Kahit anong pilit kong babayaran ko ang ticket ko ay hindi siya pumayag dahil hindi na raw ako nagpalibre ng early dinner. Then, bumaba ulit kami sa first floor para i-claim 'yung eyeglasses niya. Nagpaiwan na lang ako salabas ng optical shop dahil pagbalik namin do'n ay medyo marami nang tao. Natanaw ko si Deion na sinukat 'yung salaming galing sa paper bag, tapos ay naglakad-lakad sa loob habang nililibot ang tingin.

Napanguso ako nang mapunta sa 'kin ang tingin niya. Alam na alam kung paano ako kukuhanin! "Pangit," sabi ko na di naman siguro nya narinig. Kahit na ang totoo, hindi lang yata garter ng panty ko ang pumilipit kundi pati na rin waistband ng maong shorts ko nang ngumiti siya. Tinawanan lang niya ako bago tumalikod at bumalik do'n sa staff na kausap niya kanina.

Pagbalik namin sa cinemas, drinks at maliit na popcorn lang ang binili namin dahil busog pa kami parehas. Pagpasok namin sa loob, hindi na shocking na halos puro bata at parents ang nasa seats, considering na latest release ng isang animated film franchise na mostly for kids ang panonoorin namin. Nagkasundo naman kami rito dahil ayaw ko ng romance, ayaw niya ng horror, at ayaw namin parehas n'ung isa pang action movie na showing.

Pasimple kong tiningnan ang batang lalaking katabi ko. Humihigop siya sa drinks niya habang naka-fix ang tingin sa trailers na nagpe-play sa big screen. Nang sumulyap siya sa 'kin ay iniwas ko agad ang tingin dahil baka magsumbong do'n sa kasama niya na tinitingnan ko siya.

Kinalabit ko si Deion. Nag-lean siya palapit at nilabanan ko ang urge na ibaon ang mukha ko sa sleeve ng Henley niya at amuyin siya hanggang maubos ang amoy niya. Buwisit na leeg din naman kasi niya, mukhang ginawa para siksikin! Laging mukhang inviting!

"Parang ikaw no'ng bata 'yung katabi ko," bulong ko.

Kumunot ang noo niya saglit bago pasimpleng silipin 'yung batang tinutukoy ko. "Parehas kayong mukhang bunót," dagdag ko. Pinigilan ko ang tawa nang makitang parang nainsulto si Deion sa sinabi ko. Cute naman kaya ang hair! Bao. Cute na bunót. 

"Wow, parang ang ganda ng bangs mo dati, a?" bubulong-bulong niyang sabi. Kinuha niya ang phone sa bulsa ng dark brown na pants niya. "See?"

Napatitig ako sa lockscreen niyang baby picture ko. Inirapan ko lang siya at nagkunwaring walang part sa 'kin ang affected. My gosh, I made it talaga. Akala ko ako pa ang kailangang kumuha ng phone niya at tadtarin 'yon ng mukha ko.

"Picture tayo. Pang-souvenir," sabi ko at kinuha ang phone niya sa kamay niya. Hinayaan niya lang naman ako. Akala ko hindi siya ngingiti pero ako ang nahirapang mag-keep ng smile ko nang ngumiti siya at nilapit ang mukha sa 'kin.

Kaloka!!! Achieve na achieve ko na talaga 'to. Hirap magpanggap na hindi affected.

Napadampot ako sa drinks ko nang makitang ginawa niya 'yung wallpaper bago itago ang phone ulit sa bulsa. Bawing-bawi naman talaga ang pagod ko sa previous month. Bawing-bawi rin 'yung pagta-time managament-kuno ko!

Thirty minutes into the movie ay dumako ang mga mata ko sa kamay niya sa tabi ko. Panay ang tap ng mga daliri niya sa cup ng drink niya, parang sinasabayan ang musical scoring ng movie.

Kaya ko ba?

Siyempre kaya mo. Ikaw pa ba. Ngayon ka pa ba tutubuan ng hiya? Kung kailan gusto ka na rin?

Eee. Nakakahiya. Baka sabihin ang clingy ko.

Gusto mo bang umuwi nang may regrets mamaya? Tapos mase-stress ka at di makakatulog na hindi mo na-try 'yung gusto mo?

Huminga ako nang malalim. Hesitant pa rin ang kaliwang kamay ko na lumapit sa kaniya. Hindi pa nakakadampi ang daliri ko sa bandang wrist niya nang maisipan kong bumaling sa kaniya.

Mabilis kong ni-retract sa gilid ko ang kamay ko nang mapansing nanonood siya.

Ayan!!! Kagagahan mo!

"M-Malamig," depensa ko. Hindi naman n'un natinag ang ngisi niya kahit nang iiwas niya ang tingin sa 'kin. Pinaramdam ko sa braso niya ang kaliwang kamay ko. Nang makitang umangat ang dalawang kilay niya at lalo lang pumilyo ang ngisi sa paghawak ko sa kaniya at tinampal ko siya. Malamig naman talaga! Feelingero nito! "Malamig nga."

Mahina siyang natawa bago hagipin ang kamay ko. Ang unfair talaga kasi imbes na siya ang mahiya ay parang ako pa. "Oo nga, sobrang lamig," nang-aasar niyang bulong bago pisilin nang tatlong beses ang kamay ko. 'Yan tuloy, di ko na naintindihan ang rest ng movie.

* * *

Dahil ayaw kong masyado kaming gabihin at nilalamig na rin talaga ako (totoo, as in), maaga akong nagyayang umuwi. Nag-takeout muna kami ng fastfood para sakali mang dalawin ng gutom mamayang gabi ay may makakain. Tahimik lang kami sa sasakyan niya habang mahinang tumutugtog ang stereo.

Sumulyap ako kay Deion. Habang stuck sa traffic ay busy ang mga daliri niyang tumatapik sa steering wheel kasabay ng beats ng kanta.

Nang lingunin niya ako ay in-offer ko sa kaniya ang takeout bag dahil may fries sa loob at baka gusto niyang kumuha. Ngumanga lang siya at kahit na umirap ako ay nilapit ko pa rin sa bibig niya ang fries. Kinuha ko ang gravy sa rice meal niya at sinawsaw do'n ang pangalawang bungkos ng fries bago siya pakainin. Di talaga siya perfect. Ketchup lang ang acceptable fries dip for me, or kaya cheese dip.

"Liko ka diyan," utos ko sa kaniya, tukoy sa corner na hindi naman namin nililikuan if pupuntang apartment. Kumunot ang noo niya pero sumunod din naman. Bumagal ang patakbo niya.

"Sa'n tayo pupunta?" tanong niya habang namamaybay pa rin.

"Park mo lang diyan saglit. Diyan sa malapit," sagot ko at sinenyasan siyang dumeretso lang. Tinapik ko siya sa braso nang mapatapat kami sa private daycare.

Ipinarada niya ang sasakyan sa parking space sa tapat. Maliwanag naman dahil may poste ng ilaw. Di naman siguro mapagti-trip-an ang sasakyan niya rito kung iiwan namin saglit dahil may mga tao pa naman sa labas. Malapit lang naman pati ang apartment. Makakabalik din siya agad.

"Lakad tayo," aya ko. Nakakunot pa rin ang noo niya sa 'kin habang pinanonood akong magtanggal ng seatbelt. Nauna akong lumabas ng sasakyan.

Salubong pa rin ang kilay niya nang sumunod. "Maglalakad? Bakit?"

"Wala lang, trip ko lang. Wala naman masyadong dumadaang sasakyan dito. Saka may ilaw naman so hindi creepy," sagot ko.

Tumango siya bago marahang higitin ang braso ko palapit sa kaniya habang naglalakad kami. Ikinawit ko ang kanang kamay ko sa kaliwang braso niyang malamig na rin. Bumaba ang tingin ko sa kamay ko nang maramdaman ang kabilang kamay niya sa ibabaw n'un.

Achieved talaga!!! Feeling ko humaba ng limampung metro ang buhok ko.

Palinga-linga si Deion sa nilalakaran namin, fina-familiarize siguro ang sarili. Nang bumaba ang tingin niya sa 'kin ay umiwas ako ng tingin at sinandal ko ang ulo sa braso niya. "Sure ka bang kaya mong mag-acads-landi balance?" tanong ko. Kasi ako, hindi ako sure. Determined ako kaya alam kong kakayanin ko naman.

Ipipilit ko, 'no. Nandito na e, pakakawalan ko pa?!

Ramdam kong napatigil ang thumb niyang humahaplos sa kamay kong nakakapit sa kaniya. "Ano?"

Tumigil ako sa paglalakad at tumulad siya. Kunot ang noo niya sa 'kin habang naghihintay ng sasabihin ko. "Kapag nag-date tayo, di mo 'ko iiwan sa ere?" Aba, sakit na nga n'ung nagbe-break kami kahit hindi kami. What more kung mag-break kami nang kami na? Hindi naman sa inaalis ko ang possibility n'un . . . pero ayaw ko ng gano'ng method—'yung iiwan sa ere.

Lalo lang nagusot ang mukha niya bago tumango. Hinigit niya ang kamay kong nakakapit sa kaniya at inipit lalo ang braso ko bago kami tumuloy sa paglalakad. "Okay . . ." sabi ko. "Ano munang laman n'ung letter?"

Base sa pag-angal niya, mukhang ayaw talaga niyang sabihin. "Corny 'yon. 'Wag mo nang isipin."

Walang corny-corny sa 'kin pagdating sa kaniya; parang di niya naman ako kilala! Kainis 'tong lalaking 'to minsan. "'Pag di mo sinabi, walang date-date. Walang exclu-exclusive! Ba'la ka d'yan."

"Unfair," mabilis na tugon niya at mahinang tinampal ang kamay ko.

"Pa'no naman naging unfair 'yon?" Sasabihin lang naman niya 'yung contents. Kung titingnan nga e mas nakakahiya pa 'yung pinaggagagawa ko sa kaniya no'ng high school. Ang papansin ko pa naman.

"Di ko alam kung saan magsisimula," palusot niya.

"Sa simula," mariin kong sabi at pinisil ang braso niya. "Dali na! Please?"

Sumulyap siya sa 'kin, di maipinta ang mukha, kaya natawa ako. Binitiwan niya saglit ang kamay ko at kumamot sa ulo. "Okay . . . ano . . ."

"Ano?" Niyugyog ko ang braso niya. "Ano!"

"Teka lang," natatawa niyang sabi bago ibalik ang kamay niya sa ibabaw ng akin. "Kinakabahan ako; 'wag mo 'kong i-pressure."

Daming alam! Hindi naman siguro nobela 'yung sinulat niya. Saka bakit ba siya kinakabahan? Di ba siya aware na die-hard fan niya ako dati?

Huminga siya nang malalim. "Sabi ko ako dapat partner mo no'ng bequeathal."

Napasimangot ako nang maalala 'yon. Fun naman kasama si Miko, pero at that time di ko rin mapigilang isipin na, what if niyaya niya ako? "Ba't di ka pumunta?" Hindi siya sumipot no'n. Hindi naman required na um-attend pero halos lahat kami pumunta dahil parang farewell party na rin 'yon.

"Kasi di ako partner mo."

"O, kaninong kasalanan 'yon?" tanong ko at pinisil ulit siya sa braso.

"Sorry na," pabulong niyang sabi. Hinintay ko pa ring yayain niya ako 'no. No'ng nagtanong naman siya about that, too late na dahil nakapagsabi na ako ng oo kay Miko. Pinaghintay niya kaya ako! "Tapos sabi ko . . . crush din kita."

Hindi na naman 'yon super shocking dahil may idea na ako no'ng umamin siya. Pero nakakainis pa rin talaga. Crush naman pala ako, sinusupladuhan pa rin ako at nagpapakipot pa. "Kailan pa 'yon?"

"Grade 8?"

Napanganga ako. Napapitlag siya nang bawiin ko ang braso kong naka-hook sa kaniya at kurutin ko siya nang mariin. Grade 8?! Grade 7 ko siya naging crush! So within one year um-effect naman pala sa kaniya 'yung ganda ko, pero for years inisip kong hindi?! "Ba't di mo sinabi?!"

Hinuli niya ang kamay ko at hinawakan 'yon. Di siya makatingin sa 'kin habang pinipilit na pagsiklupin ang mga daliri namin. Panay ang kalikot ng libreng kamay niya sa butones ng Henley niya. "Ewan . . . nakakahiya."

Lintik na hiya 'yan. Lakas makasira ng love life. "Ba't mo 'ko naging crush? Kailan talaga? Like, 'yung specific?"

Madaling sagutin para sa 'kin ang tanong na 'yon. Naging crush ko siya no'ng nakita ko siya sa room. As in that very moment na nakita ko siya no'ng first day. Aminan na, siyempre naging crush ko kasi cute siya at mukhang laging malinis. Tapos, pinakitaan niya lang ako ng kaunting performance sa board work ng algebra, ayun, wala nang takasan.

Baka nga mas lalo ko siyang naging crush no'ng di niya ako pinapansin. Buo ang araw ko kapag naiinis siyang hindi siya makatulog kasi panay ang kausap ko sa kaniya. Ang tahimik kasi e! Parang ayaw akong maging friend.

So sabi ko, more than friends na lang, baka pumayag.

E kaso hindi pumayag.

Pero whatever—past is past!

Matagal-tagal siyang nag-isip. Binagalan ko ang paglalakad ko nang mapansin kong malapit na kami sa apartment building. "Ah, alam ko na . . . . Um-absent ako kasi may pinuntahan kami—kina Lola yata. Tapos, niloko ka ni Mark." Kumunot ang noo ko dahil hindi ko 'yon maalala. Sobrang bihira lang niyang um-absent at di ko matandaan kung kailan ang mga 'yon. "Sabi niya sa 'yo, naaksidente kami kaya nasa ospital ako."

Tumigil ako sa paglalakad at hinigit ang braso niya para mag-stay put din siya. Tanda ko na! Pangiti-ngiti siya na parang nag-e-enjoy sa memory. "Feel na feel mo namang crush kita?" tanong ko. Tumigil kami sa tapat ng apartment.

Natawa siya. "Kaya nga ako napilitang pumasok no'ng hapon kasi umiiyak ka raw, sabi ni Mark. No'ng tinanong kita bakit pula ang mata mo, sabi mo worried ka kasi crush mo 'ko." Hinigpitan niya ang kapit sa kamay ko at hinigit ako paharap sa kaniya. "Tinanong ako ni Mark bakit ako pumasok. Hindi ako sumagot."

Tinitigan ko siya nang hindi niya agad 'yon sinundan. Ilang beses siyang kumurap bago ibaba ang tingin sa kamay kong hawak niya. "Tapos naisip ko . . . worried din ako."

Automatic ang ngiti ko. Umangat ang tingin niya sa 'kin pero mabilis din niyang iniwas. Di ko napigilan ang matawa.

Ang ganda ko talaga.

Nagkibit-balikat si Deion na parang hindi big deal 'yung mga sinasabi niya. As if naman hindi ko ramdam na kinakabahan siya. Itatago pa talaga sa 'kin! Pasalamat siya hindi masyadong maliwanag at may pagka-orange tint ang mga ilaw sa labas kaya di ko siya maaasar na kinamatisan. "Tapos 'yon . . . naisip ko baka . . . baka crush din kita."

Ini-swing ko ang mga kamay namin para naman mawala-wala ang tension sa end niya. Sa duo namin, sa akin yata napunta lahat ng kapal ng mukha. "Ba't di mo nga sinabi?"

"E paano? Araw-araw mo kaya akong tinatawag na crush. Lagi mo pa akong sinasabihan na crush mo 'ko. Ano'ng gagawin ko?" Inangat niya ang tingin sa 'kin. "Sabihan kita bigla ng crush din kita?"

"Oo! Why not?" Mahirap ba 'yon? Di ba mas madali ngang umamin kapag alam mong may gusto na rin sa 'yo 'yung tao?

Mukhang gusto niyang pumalag do'n pero halfway through ay nagbago ang isip niya. Nakakahawa ang ngiting ipinalit niya. "Okay. Try natin ngayon. Sabihin mo nga crush mo 'ko."

Agad na bumagsak ang ngiti ko na ikinatawa niya. "Ewan ko sa 'yo."

Nag-fade ang tawa niya, at ang natira ay 'yang ngiti niyang maamo at pamatay. Pagdating kay Deion, parang ilang beses akong namamatay tapos nire-revive ulit. "Ano? Okay na? Payag ka na sa 'tin?"

Sinubukan kong iiwas ang tingin ko at magpanggap na nagdadalawang-isip pa pero hindi niya ako hinayaan. Panay ang huli niya sa mga mata ko na parang alam niyang di ko siyang kayang tiisin kung tititigan niya ako nang ganiyan. 'Yan siya e, 'pag alam na siya ang may upperhand, kayang-kaya pumalag! Akala mo hindi nahihiya sa 'kin kani-kanina lang.

Lalo lang lumawak ang ngiti niya nang samaan ko siya ng tingin. "Di pa tayo, ha?"

"Okay."

"Uwi ka na nga."

"Ikaw nga 'yung di bumibitiw sa kamay ko."

Nanlaki ang mga mata ko bago ilipat ang tingin sa mga kamay namin. Napanganga ako nang makitang mga daliri ko na lang ang naka-curl sa kamay niya, at 'yung kaniya ay unat na unat na. Agad kong binawi ang kamay ko na ikinatawa niya. Ang daya talaga! Paano ako magmumukhang hindi marupok kung lagi niya akong nahuhuli sa ganitong sitwasyon?

"Bye!" Di na ako naghintay ng reply niya at dali-daling tumakbo papunta sa apartment at paakyat dahil sa hiya. Sinilip ko lang siya nang isang beses pagkarating sa taas bago pumasok sa loob at isara ang pinto.

Dahil, unsurprisingly, may surge ako ng energy, napalinis ako ng apartment kahit kalilinis ko lang kaninang umaga. Kung may pending plates nga lang ako, baka napagawa ako nang wala sa oras. Ganito pala ang effect sa 'kin ng kilig, nakaka-productive. So sana magtino-tino si Deion dahil kapag nag-reverse 'to, isusumpa ko talaga siya.

Tumigil ako sa pag-aayos ng laman ng damitan ko nang tumunog ang phone ko. Kumunot ang noo ko nang makitang si Deion ang tumatawag. Wala pang fifteen minutes mula no'ng umalis siya; imposibleng nakauwi na siya agad.

Hala, may nangyari ba sa daan?

Sinagot ko ang tawag. "Hello?"

"Nasa baba ako."

Binitiwan ko ang hawak kong t-shirt at lumabas ng kuwarto. Ano'ng ginagawa pa niya rito? "Bakit?"

Sinilip ko siya sa labas. Nando'n pa nga siya sa tapat, nakatingala sa floor namin. Sinenyasan ko siyang maghintay. Pinatay ko ang tawag at sinigurong magkapares ang tsinelas na gamit ko bago ako bumaba. "Ano 'yon?" tanong ko pagkarating sa kaniya.

Matagal siyang nakatingin lang sa 'kin bago sumagot. "Di ko alam sa'n ako nag-park."

Napatulala ako saglit sa kaniya bago, kahit ayaw ko, tawanan siya nang malakas. Nakalimutan kong hindi nga pala pang-romantic walks ang isang 'to dahil may high chance na maligaw! Kumapit ako sa braso niya at sinabayan siyang maglakad pabalik sa daycare. Ang lapit-lapit lang naman! Saka di naman kami maraming nilikuan.

Pinaliwanag niya sa 'king nakapaglakad siya hanggang sa isang kanto, at parang proud na proud pa siya habang kinukuwento niya. Nag-decide lang daw siyang umatras at bumalik sa apartment dahil hindi na raw niya alam kung saan ang susunod na daan. Panay pa ang depensa niyang first time niya raw dito kaya natural lang na hindi niya matandaan ang mga pasikot-sikot. Offend na offend yata siya sa tawa kong hindi matapos-tapos kahit hanggang sa makarating kami sa daycare kaya panay ang explain niya.

Pagkarating namin sa sasakyan niya ay sumakay din ako para ihatid niya ulit pabalik sa apartment. Parang tanga tuloy kaming pumunta ng apartment, bumalik sa daycare, tapos umuwi ulit.

Nakasimangot niya akong d-in-rop off. Pikon naman nito sa katotohanan. "Ingat." Sinundot ko ng hintuturo ang pisngi niya bago ako bumaba.

Naglalakad ako pabalik nang sitsitan niya ako. Nakababa ang bintana sa may driver's seat kaya lumapit ako. Ano? Hindi na rin niya alam ang directions pauwi?

"Ano 'yon?" tanong ko habang nakasilip sa bintana.

Lumalapit pa lang ang mukha niya, nakalimutan ko na yatang huminga. Nang dumampi ang labi niya sa sentido ko ay parang nagmabilisang roadtrip ako from here, to langit, tapos pabalik. Nakaka-dalawang lives na ako just for today. "Thank you, B. Good night," bulong niya sa pisngi ko bago isara ang bintana at humarurot paalis.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro