Chapter 33

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

092622 Chapter 33 #HatemateWP

Lumipas ang holidays nang gano'n-gano'n na lang. Parang isang iglap na dumaan ang Pasko at New Year, at sa sunod na gising ko, deadlines na naman ang bumungad sa 'kin.

Dalawang beses lang kaming nagkita ni Deion no'ng wala pang pasok. After no'ng December 23, ang sumunod na ay before mag-New Year dahil umalis sila ng family niya bago matapos ang taon. Nauwi kami sa pagtulong niya sa 'kin sa grocery dahil ginawa akong utusan ni Mommy. Sunod na kita namin ay no'ng bumalik kami ni Je sa apartment at sila ni Mark sa condo. Nag-lunch lang kami at nag-stay siya sa apartment hanggang 6 p.m.. Tapos, 'yon, balik-school na ulit so tapos na ang palaging pagka-miss.

Ang next na event na kailangan kong paghandaan, bukod sa deadline sa Friday, ay ang birthday ng mahal na prinsipe in less than two weeks. Ano ba'ng puwedeng iregalo sa kaniya?

"Sa'n tayo pupunta?" tanong ko kay Deion. Papunta kami ng parking, pero hindi naman siya 'yung type para mag-cut ng class, so di ko alam ano'ng gagawin namin do'n. Hindi niya sinagot ang tanong ko at patuloy lang na naglakad, hawak-hawak ako sa wrist.

Tumigil kami sa tapat ng sasakyan niya. Kumunot ang noo ko nang huminga siya nang malalim pagkahawak sa handle ng pinto ng backseat. Bumaling siya sa 'kin. "Ano 'yon?" tanong ko. Di siya nakapagsalita agad kaya lalo lang akong naguluhan. "Magpo-propose ka na ba? Huy 'wag muna."

Anoman 'yung tension na nasa katawan niya, nawala after ko 'yung sabihin. Natawa siya bago iiling-iling na buksan ang pinto ng backseat. "Di pa 'ko ready," dagdag ko.

"Di pa ako magpo-propose. Next week na," pagsakay niya sa biro ko kaya natawa rin ako. 'Tong isang 'to, natututo na kadidikit sa 'kin! Or maybe ganito na nga talaga siya, di lang halata.

May kinuha siya sa backseat na kulay brown na paper bag bago isara ulit ang pinto at i-lock ang kotse. Pagkain ba 'yan? Katatapos lang naming dalawang mag-lunch sa canteen.

Napakurap-kurap ako nang may ilabas siyang box. Not too small so sure naman akong di talaga singsing 'yon. Inabot niya sa 'kin ang kulay blue na box na may puting ribbon sa lid. Kinalog ko 'yon nang mahina at may narinig na kalatok sa gilid. Ano 'to?

"Christmas at New Year gift," aniya. "Buksan mo na."

"E di nga kita naregaluhan!" Pero sa birthday niya, balak ko talagang mag-gift. Wala rin akong maisip na ireregalo no'ng Pasko at di ko rin alam kung sa'n ko itatago sa bahay if ever may binili ako.

Nagkibit-balikat siya. "Buksan mo na."

"Ano ba 'to?"

"Buksan mo na kasi."

Pinanliitan ko siya ng mga mata pero nginitian lang niya ako. Hinigit ko ang puting ribbon at dahan-dahang inangat ang lid. Sinilip ko muna 'yon pero dahil itim ang interior ng box at mukhang kahon din ang nasa loob, di ko agad nalaman ang laman. Nang buksan ko 'yon nang tuluyan ay saka ko lang na-recognize ang mas maliit na puting box at ang brand na embossed sa lid n'un.

A, shit. Pa'no ko 'to tatanggapin? Hanggang ngayon nga nahihirapan akong dalhin 'yung bag na bigay niya. Nasa apartment lang at nakatago sa drawer ko dahil ayaw kong masira or what.

"Magkano 'to?" tanong ko, di sinisilip kung ano ang laman ng puting box.

Umiling lang si Deion. "Ako naman ang bumili niyan; di si Mama, si Papa, o sina Ate. 'Wag mong isipin 'yon."

"E mahal 'to e," sabi ko kahit di ko pa nakikita ang laman sa loob. Puwera na lang kung front lang 'tong box at ang brand nito. What if iba naman ang laman? Sana nga iba.

"Ayaw mo ba?"

Umangat ang tingin ko sa kaniya. Di naman siya mukhang galit. Di rin siya mukhang malungkot. Mukha siyang . . . normal. Nagtatanong lang naman siya pero . . . ayaw ko namang sumagot ng oo. Kasi . . . di naman sa ayaw ko . . . parang, ewan, di ko lang alam kung dapat ko bang tanggapin or dapat bang binibigyan niya ako ng gan'to. Nakakahiya e. Ang mahal.

"Di naman," sagot ko. Tumango siya nang dahan-dahan. "E kasi . . ."

"Kasi?" Umangat ang dalawang kilay niya.

Nagbuntonghininga ako dahil ang hirap mag-explain. Umiling na lang ako at nginitian siya para walang problema at para wala nang ipapaliwanag. "Di lang ako sanay," sabi ko.

Kumunot ang noo niya pero nawala rin. Nginitian lang niya ako bago kuhain sa palad ko ang puting box at buksan 'yon.

Napalunok ako sa glint ng heart accent ng bracelet dahil sa sinag ng araw. Hinayaan ko siyang isuot 'yon sa 'kin. Ngiting-ngiti siya pagkatapos, so I guess tama naman 'yung desisyon ko? Ayaw ko lang namang malungkot siya o ano.

"Thank you," sabi ko at kinapa 'yon. Na mukhang lagi ko nang gagawin dahil nakakapraning na baka mawala ko, mahulog, or mahaltak sa 'kin. "Nahiya naman 'yung reindeer headband na binili ko no'ng Pasko."

Umiling siya. "Nasa kuwarto ko sa bahay." Kinuha niya ang blue na box sa 'kin at binalik sa paper bag kasama n'ung kulay white. "Suot ko ulit this year."

Hinagip niya ang wrist kong suot ang silver na bracelet na bigay niya. Panay ang lipad ng mata ko roon dahil feeling ko talaga mawawala 'yung bracelet 'pag nalingat ako! Di ako ang gumastos pero manghihinayang ako sa pera.

"Ibibili naman kita ng bago this year, grabe ka . . ." sabi ko dahil baka kasi ma-bother siya kapag natahimik ako bigla.

Natawa siya roon. "Okay. Hintayin ko 'yon." Binalik niya sa 'kin ang paper bag bago kami pumasok ng room.

Nang magsimula ang unang klase namin after lunch, halos di ako makapag-focus dahil kinukutinting ko 'yung bracelet na bigay niya. Hanggang sa matapos ang lahat ng remainng classes namin, nando'n lang ang atensyon ko.

Pag-uwi namin ni Je sa apartment, dali-dali ko 'yung hinubad. Itinago ko 'yon sa puting box kung sa'n 'yon dapat nakalagay, binalik sa blue na box, sa loob ng paper bag, at nilagay sa loob ng cabinet ko. Saka lang ako nakahinga nang maluwag after ng kalahating araw na feeling ko nakaposas ako. Gano'n 'yung pakiramdam e.

Naghahapunan kami ni Je nang mag-buzz ang phone ko. In-unlock ko agad 'yon nang makitang galing kay Deion ang notif.

Deion: Suot mo?

Napatigil ako sa pagnguya. Sasabihin ko bang hindi kasi bawal 'yon mabasa? Hindi kasi nagliligpit ako ng pinagkainan namin? Or hindi kasi maglilinis na ako ng katawan?

Inabot ko ang baso ng tubig para maitulak ang kinakain ko. Dali-dali akong nag-type.

Billie: Oo.

Tinaob ko ang phone ko sa mesa.

* * *

Kinabukasan, napansin agad ni Deion na di ko suot 'yung bracelet. Tinanong niya sa 'kin kung nasaan 'yon first thing in the morning, at ang sagot ko lang ay naiwan ko sa apartment dahil di ako sanay magsuot ng gano'n araw-araw. Saka, hinubad ko bago matulog kasi naligo pa ako.

Sumunod na araw, gano'n ulit. Around lunch naman siya nagtanong dahil super agang pumasok ng prof namin sa first period kaya walang time para makipagchikahan. Magkasama kami sa pila nang mapansin niyang wala 'yon sa wrist ko.

Nang sumunod, gano'n ulit. Parang rehearsed na nga namin dahil paulit-ulit lang ang tanong niya at pare-parehas lang ang sinasabi ko.

"Di mo suot 'yung gift ko?" itatanong niya.

Sasagot naman ako ng, "Nalimutan ko isuot paglabas ko ng banyo."

Tatango lang siya sabay, "Okay. Suot mo bukas."

Di naman na siya nagtatanong ulit for the rest of the day, pero bothered ako. Bothered siguro ako dahil sinungaling ako. Dahil do'n, di na rin ako nagpapahatid sa kaniya pauwi. Unang totoong reason ay nahihiya na akong abalahin siya at di naman libre ang gas. Pangalawang reason ay dahil lunod na ako sa guilt, di ako maging komportable around him. Kasalanan ko rin naman.

Di na nga rin kami nagmemeryenda 'pag hapon dahil usually ay nililibre niya ako at di ko na kayang tumanggap ng libre. Dalawa pa lang ang excuses na nasasabi ko sa kaniya so far. No'ng isang araw, may pupuntahan kami ni Je. Kahapon, kikitain ko si Daddy. At today, habang naglalakad kaming apat—kami ni Deion, si Je, at si Mark—nag-iisip na ako ng excuse para di sumabay. Tinanong niya rin ako kanina kung ba't di ko suot 'yung gift niya, at same excuse lang ang binigay ko, iniba ko lang ang wordings. Isang beses lang naman siyang nagtatanong per day.

Pasimple akong humugot ng malalim na hininga pagdating namin sa may parking. Kami ni Je, dederetso na ng lakad palabas dahil magsasakay kami. Sina Deion at Mark, liliko para sa parking. "Una na kami," paalam ko.

Agad ang paglingon ni Deion sa 'kin. Hindi ko inalis ang ngiti ko kahit may part sa 'king kinabahan dahil baka nahahalata na niya ako dahil sa lala ng kinunot ng noo niya. "Sa'n kayo pupunta?"

"Kakain kami sa labas," sagot ko at pinag-link ang braso namin ni Je. Umangal agad siya as someone na ayaw ng nadidikitan, pero sorry muna ang maio-offer ko dahil need ko 'tong gawin. "BFF date," dagdag ko.

Nakailang kurap si Deion bago mawala ang kunot ng noo niya. Napailing siya saglit at nagbuntonghininga bago tumango. "Ingat kayo."

"Kayo rin!" sabi ko, naglalakad na palayo at hinihigit si Je dahil baka maisipan pa ni Deion na mag-offer na ihatid kami. "Bye, Mark!"

Kumaway lang din sa 'kin si Mark. Nang mapansing di inaalis ni Deion ang tingin sa 'min kahit nakakalayo na kami ay ako na ang umiwas at nilipat ang tingin sa dinadaanan namin ni Je.

"Kakain tayo sa labas?" inosenteng-inosenteng tanong ni Je sa 'kin paglabas namin ng gate.

Tumango na lang ako. Need ko rin naman ng pagkain para mabawas-bawasan ang stress kong ako rin naman ang may kagagawan.

* * *

Nauwi ako sa pagbili ng birthday gift kay Deion after naming kumain ni Je. Di ko nga alam kung para kay Deion or para sa 'kin 'yung binili ko. Ang kinaya ng budget ay short-sleeve na light blue buttondown. Pinili ko kasi, una, ang cute ng print—maliliit na illustrated na pug head na nakasalamin na kamukha n'ung eyeglasses niya. Pangalawa, wala lang, feeling ko ang baby niya tingnan 'pag suot niya 'to.

Pagdating ng Friday, di ko na siya natakasan. Literal na kaaalis pa lang ng prof namin ng last period nang lapitan niya ako at ayaing kumain sa labas. Di pa nga nakaayos ang gamit ko.

"Uhm . . ." 'Pag sumama ako sa kaniya, sure akong ihahatid niya ako pauwi. 'Yung food, puwede ko naman siyang diskartehan at ako ang manlibre dahil may extra cash pa naman ako at may allowance na matatanggap ako bukas.

"Nagugutom na ako," sabi niya. "'Lika na."

Bumaling ako kay Je. Tinanguan lang niya ako at binigyan ng thumbs up.

Pagkatangong-pagkatango ko kay Deion, binitbit niya agad ang gamit ko. Natawa ako nang marinig ko pa siyang bumulong ng "Yay."

"Sa'n ka sa birthday mo?" tanong ko habang naglalakad kami sa hallway.

"Uwi ako ng bahay sa Sunday. Sama ka?"

"Di. Nakakahiya," sabi ko.

Nagkibit-balikat siya. "Isasama ko naman si Mark. Puwede mo isama si Jerica. Puwede ko kayo sunduin, tapos ipahatid pabalik."

"'Wag na, nakakahiya pa rin." Malayo-layo rin ang bahay nila. Saka, ano 'yon, nagpahatid-sundo kami para lang makikain? Mas malala pa 'yon sa eat-and-run. Saka baka family lang niya 'yung nando'n, e di mas malaki ang chance na sa 'kin ang spotlight considering na kilala na ako ng mga kapatid at ng tatay niya. Di ako ready na ma-hot seat.

"Dinner na lang tayo ng Monday," aya ko.

"Sure?" tanong niya at bumaling sa 'kin. Tumango ako. Ngumiti siya bago ilipat ang tingin sa daan. "Naiwan mo ulit?"

"Ha?"

"Naiwan mo ba ulit?" ulit niya sa tanong. Inangat niya ang wrist kong hawak-hawak niya. "Di mo na naman suot."

"Ah . . ." Akala ko pa naman di niya 'yon mapapansin ngayong araw. Di kasi siya nagtanong kaninang lunch. Di ko alam kung di lang niya napansin, nawala sa isip niya, or pinili lang niyang 'wag mag-comment. "Oo e."

Tumango siya. "Okay."

Dahil nga siguro sa guilt ko kaya bothered ako na lagi siyang naka-okay. Di na lang ako nagsalita ulit dahil baka pagsimulan pa ng kung ano. Tahimik kami sa sasakyan sa maikling biyahe papunta sa mall. At baka ako nga lang din, pero di ako komportable sa silence na 'yon.

"Ano'ng gusto mo?" tanong niya. Bago pa pumunta ang kamay niya sa backpocket ng pants niya, nailabas ko na ang wallet ko at inunahan ko siyang pumila.

"Ano'ng gusto mo?" balik ko sa kaniya ng tanong. Nginuso ko ang table na malapit sa 'min. "Upo ka na ro'n, baka maagawan tayo," patay-malisya kong suggestion.

Nakailang kurap siya sa 'kin bago tahimik na iabot sa 'kin ang 500-peso bill na kahuhugot lang niya sa wallet niya. Tumango siya bago pumunta roon sa table na tinuro ko nang di sinasabi sa 'kin kung ano'ng gusto niyang kainin.

Ako na lang ang nag-decide para sa 'min, tapos pinasamahan ko ng large gravy para sa kaniya. Alam kong di niya tatanggapin kung ibabalik ko sa kaniya nang buo ang pera niya kaya ibinayad ko na 'yon. Siniguro kong ang ibabalik ko sa kaniya ay saktong sukli sa in-order ko para sa kaniya.

Bibitbitin ko pa lang ang tray ng pagkain nang may brasong humarang sa 'kin at naunahan akong kuhanin 'yon. Sumunod ako kay Deion na malalaki ang hakbang papunta sa table namin.

Umupo ako sa tapat niya. Inilagay ko kaagad lahat ng gravy sa side niya dahil ayaw ko n'un, at pasimple kong kinuha ang resibo namin at tinago sa bag ko.Hinintay ko pa ang utensils kong pinunasan niya gamit ang tissue bago makakain.

"Sukli mo," sabi ko at ini-slide sa side niya ang ilang bills. Binilang niya 'yon pagkalapag niya ng kutsara at tinidor sa plato ko. Iilang piraso lang naman 'yon at around halos 300 pesos lang, pero nakailang bilang siya sabay scan ng tingin sa pagkain sa table. Patingin-tingin pa siya sa menu sa taas ng cashier.

"Tabi mo na 'yan. Kain na tayo," sabi ko. Kutob ko ay iniisip niya kung sobra ang sukli niya kung isasama sa gastos ang food ko. E di ko na nga sinama dahil ayaw ko na talagang gumagastos siya sa 'kin, 'no. Good until fifth year college na kami 'yung dalawang gift niya.

Sinunod naman niya ang gusto ko. Habang kumakain, ang pinag-usapan lang namin ay ang plano ng family niya sa birthday niya (magdi-dinner lang din sila sa labas kasama ang ibang close family friends) at 'yung deadlines namin sa majors (at schedule kung kailan kami puwedeng sabay gumawa). So far, so good. Mukha namang di siya nagtatampo or what.

"Hatid na kita?" aniya pagbalik sa table namin after manggaling sa CR. Niyakap ko ang bag kong inagaw ko sa katabi ng upuan niya habang nasa CR siya.

"'Wag na, may mga masasakyan pa naman. Di naman pati maulan," tanggi ko. Napatigil siya sa pag-ubos sa natitirang softdrinks sa baso niya at napalingon sa 'kin.

"Ihahatid na kita. Di naman masyadong malayo."

"E, iikot ka pa," kontra ko. Out of way nga kasi ang apartment namin sa condo niya. Sayang din 'yung time niya aside sa krudo. "Wait mo na lang akong makasakay."

Bumaba saglit ang tingin niya sa bag kong yakap ko, tapos balik sa mata ko. Ako ang umiwas at sinaid ang iilang patak ng tubig na natira sa baso ko as excuse.

"Okay."

Kumunot ang noo ko. "Okay?" Ako na ang nawiwirdohan sa pagiging okay niya sa lahat. Signs of guilt talaga. Inilingan ko siya nang mapansing kumunot din ang noo niya, naguluhan siguro sa reply ko.

"Puwede tayong maglakad? Sa likod na exit ka sasakay, di ba?"

Tumango ako. Inagaw niya ang yakap-yakap kong bag at siya ang nagbitbit bago kami umalis. Habang naglalakad kami ay nilalamon ako ng tunay na reason kung bakit di ko suot 'yung gift niya. Hina-haunt ako n'un habang panay ang trace niya sa wrist ko kung sa'n dapat 'yon nakalagay.

Kalalabas pa lang namin ng exit nang tumigil siya bigla sa paglalakad. Imbes na dumeretso ay hinigit niya ako sa tabi ng mga iniwang push carts sa labas. "Bakit?" tanong ko nang tumigil siya sa harap ko, di pinakakawalan ang kapit sa wrist ko. May naiwan ba kami? Dala naman niya ang gamit niya.

Huminga siya nang malalim. "Billie."

"O?"

Lumuwag ang kapit niya sa 'kin. Bumaba ang tingin niya sa pulsuhan kong panay ang guhit ng hintuturo niya. "May nagawa ako, 'no?"

Nagsalubong ang kilay ko roon. "Ha?"

"Shhh," saway niya kasabay ng saglit na pag-angat sa 'kin ng tingin niya. Bumaba ulit 'yon sa bandang kamay ko. "Ayaw mo ba n'ung gift ko?" Tatanggi sana ako pero nagdere-deretso siya sa pagsasalita. "Kasi okay naman tayo no'ng Pasko, no'ng New Year . . . tapos biglang may nag-iba. Gawa ba n'ung regalo ko?"

"Ano'ng nag-iba?" tanong ko. "Sinasabi mo diyan?" Short-lived ang pagtawa ko dahil pansin kong seryoso siya. Hala. "Huy, ano nga?"

Nagkibit-balikat siya. "Di ko alam sa 'yo. Di ka ba galit? Di mo ba nagustuhan 'yung bracelet?"

Napabuntonghininga ako. "Di naman sa gano'n . . ." pag-amin ko. Sayang 'yung opening e, kailan ko pa ba ibi-bring up? Saka nakakasawa ring magbigay ng excuse kung tatanggapin naman niya 'yung totoong reason.

"Sa gano'n 'yon," kontra niya sabay kalabit sa ilong ko gamit ang libre niyang kamay.

Natawa ako. "Di nga talaga!" pag-a-assure ko sa kaniya. Nakasimangot na ang bebe. "E kasi nga . . . ang mahal; di ako sanay magsuot? 'Yon lang?"

"Ba't di mo na lang sinabi?" tanong niya.

"E baka kasi magtampo ka e," sagot ko. "Natatakot ako na baka mawala ko. Saka, ayoko na ng gano'ng gift, ha? 'Yung mamahalin? Kahit sabihin mong ikaw ang bumili or di ka nanghingi. Pero itatago ko pa rin 'yung regalo mo, okay?" Tumugon siya ng tahimik na okay. "Saka ano'ng 'nag-iba' 'yung sinasabi mo kanina?"

Bumalik ang simangot niya, pero mas malala ngayon. "Ayaw mo nang ihahatid kita. Ayaw mo nang kumain after class. Di ka na madaldal sa chat, bilis mo 'kong hindi pansinin."

Di ko napigilan ang tawa ko kahit feeling ko, hindi dapat. Narinig kong sinisita niya ako pero wala namang on-and-off switch ang pagtawa. Di ko naman tinatawanan 'yung feelings niya! Naa-amuse lang ako dahil kahit pinangarap ko siya noon, di ko naman in-expect na may paganito siya kapag nagkatotoo. At anong 'bilis hindi pansinin'?! Coming from him, ha! E sungit-sungit nga niya dati.

"E kasi nga, feel ko ang dami ko nang utang sa 'yo," paliwanag ko. "'Yon lang 'yon."

"Akala ko babastedin mo na 'ko; takot ko e," dagdag niya kaya tumuloy ang tawa ko. Panay ang tsk, at shhh niya pero wala nga kasing switch para patigilin bigla ang pagtawa. Nahawa rin naman siya at napangiti eventually. "Sorry. Inaraw-araw ko pang hanapin sa 'yo 'yon. Di na mauulit."

Tumango ako. "'Lika na, uuwi na 'ko."

Umangat ang dalawang kilay niya. "Di ka pa rin magpapahatid?"

"Isang sakay lang naman ako pauwi, tapos lakad-lakad," umiiling kong sagot. "Tara na, dali."

"Okay," mahina niyang tugon at sinabayan ako sa pamamaybay sa gilid ng mall. "Ah, 'wag mo na pala 'kong regaluhan sa birthday ko."

"Di puwede." Nakabili na ako e! Saka, gusto ko talaga siyang bigyan ng gift. Walang-wala naman 'yon sa mga binigay niya sa 'kin. "Magbibigay ako."

"Hm? Akala ko magno-no gifts na tayo? Kain na lang tayo sa labas, o punta kung saan."

Umiling ako nang paulit-ulit. "Ayaw. Magreregalo ako."

"O? E di 'pag nagregalo ako ulit, okay lang?"

"Hindi." Kumunot ang noo niya. Bago pa niya ako mabaliktad ay nakapag-suggest na ako, "Mag-rules na lang tayo. Aprub?"

Nagkibit-balikat siya at tumango. Ang daling kausap. Jackpot din talaga ako sa isang 'to no'ng nagtino e, pero mas jackpot siya sa 'kin. "Okay, number one . . . maximum price?"

"Maximum?" pag-ulit niya. "Hm . . . ikaw?"

"One thousand," sabi ko kahit na lagpas isang libo 'yung binili ko para sa birthday niya. Di pa naman 'yon counted. Nabili ko na e.

Umiling siya. "Two. Mahal na ang bilihin," katuwiran niya.

"Okay, fine. Two thousand lang, ha? Kapag may sobrang piso, bawal. Kahit twenty-five cents, Deion, ha?"

Nag-scrunch siya ng ilong pero tumango. "Ano pa?"

"Ako, ayaw ko ng mahirap iuwi," sabi ko na nagpatingin sa kaniya sa 'kin. "Siyempre nagko-commute ako, saka di ko alam pa'no itatago sa bahay."

Tumango-tango siya. "No flowers?" tanong niya. Tumango ako. Wala ring paglalagyan n'un sa dorm. Magandang tingnan at sweet pero masasayang lang sa 'kin. "Got it."

"Ikaw? Ano'ng ayaw mo?"

Umiling siya. "Wala. Tumatanggap akong kahit ano," sagot niya. Mukha namang totoo 'yon dahil never niyang tinanggihan kahit kung ano-ano ang pinagbibibigay ko sa kaniya dati.

"Sure?"

"Oo."

"Okay. Basta gano'n, ha? Walang atrasan sa rules."

"Pa'no 'yung presyo? Kailangan ng resibo?"

"'Wag na." Tinanggal ko na 'yung tag ng ibibigay ko sa kaniya sa birthday niya e, at nawala ko na rin 'yung resibo. "Honesty na lang."

Ngumiti siya. "Okay."

Nilahad ko ang palad sa kaniya. Sinulyapan niya 'yon at nakipag-handshake sa 'kin nang pataas-baba. Tapos binitiwan niya na ang kamay ko. Natampal ko tuloy siya sa braso bago ilahad ulit ang palad ko.

"Ano?" natatawa niyang tanong. "Susunod ako. Promise."

"Hindi kasi 'yon!" Akala ko pa naman natututo na siya sa 'kin. Mukhang kailangan pa niya ng practice. "HHWW tayo."

"Ano 'yon? Restaurant?"

Natawa ako roon. Restaurant siya d'an! "Holding Hands While Walking kasi," paliwanag ko. Nag-pout ako at binawi ang kamay ko nang di agad siya mag-respond sa request ko. "Siya, 'wag na nga."

"Ito na, ito na," mabilis niyang bawi at hinagip ang kamay ko.

* * *

Mabilis lang na lumipas ang mga araw. Kamukat-mukat ko, nahihirapan na akong pumili ng isusuot papasok dahil dederetso kami ng early dinner ni Deion after class, lalo na nang ma-realize kong wala akong matinong damit. By matino, as in 'yung pang-date, gano'n! Na puwede pa rin gamitin sa campus.

Sinuot ko ang nag-iisa kong paldang dala—itim na maxi skirt na may maliliit na puting flower print. Dahil walang ibang babagay ay nag-plain white na blouse na lang ako at itim na sandals, so sana hindi umulan. Next weekend talaga, kukuha na ako ng maayos na damit sa bahay.

Dahil birthday naman ni Deion, sinuot ko ang bracelet na niregalo niya. Napawi naman nang slight ang kaba ko sa pagsusuot n'un nang makita ang ngiti niya nang makita 'yon. Sakto pang naka-itim siyang de-butones na shirt at gray na pants kaya mukha tuloy kaming nag-matchy kahit sure akong co incidence lang dahil bukod sa di naman namin pinag-usapan talaga, sure naman akong hindi colorful a la rainbow ang closet niya.

Dahil nakapagpaalam na ako kay Je kahapon pa, deretso kaming dalawa ni Deion sa parking after class pagkatapos niyang pangakuan si Mark na uuwian 'to ng isang box ng pizza. Tahimik lang ako sa biyahe habang nagkukuwento siya ng mga nangyari kasama ang family niya no'ng birthday niya. Nakinig ako kahit halos pasabugin niya ang phone ko ng updates na may pictures pang kasama that time. Parang may kinikiliti sa loob ko dahil, hello, kaya niya kayang mag-survive ng isang buong araw sa klase nang di nagsasalita unless kausapin. Tapos pagdating sa 'kin halos di siya tumitigil sa pagkuwento? Winner.

Tumigil kami sa parking ng lutong-bahay restaurant na napagkasunduan na namin no'ng isang araw pa. Sabay kaming pumasok sa loob. Bitbit ko ang gift niyang di ko pa binibigay dahil ayaw kong sa harap ko niya buksan.

"Ako na," tukoy niya sa bayad pagkatapos kuhanin ng waiter ang orders namin.

Umiling ako. "Birthday mo e! Ako dapat."

"Tapos na birthday ko," pamimilosopo niya. Sinamaan ko siya ng tingin. Itinuro niya ang paper bag na dala ko. "May regalo ka na sa 'kin. Kasama 'yan sa gastos."

Gusto kong sabihing hindi, pero feeling ko one day gagamitin niya rin 'yung ganitong move against me so pumirmi na lang ako. "Okay. Fifty-fifty. Last na. Magagalit na 'ko."

Umawang ang bibig niya, tapos ay natawa. "Wow. Ang daya mo."

Fair lang nga 'yon dahil ayaw niyang magpatalo. That way, e di walang nilibre. Di na naman siya umangal at tumango na lang kahit mukhang labag sa loob niya.

Di kami matagal na naghintay ng pagkain. Nang makisuyo ako sa waiter na picture-an kami ay inabot niya rin ang phone niya. Feeling ko tuloy ang ganda-ganda ko.

Di rin siya umangal nang ayain ko siyang lumabas dahil maganda ang view sa likuran ng restaurant; mas magandang mag-picture. Di naman siya nagsawa kahit bawat corner yata ng place, niyaya ko siyang makipag-picture.

Pagbalik namin sa sasakyan niya ay saka ko binigay ang gift kong kanina pa niya tinitingnan. Di ko sinasabi sa kaniya kung ano 'yon. "Happy birthday," pang-ilang bati ko na sa kaniya mula pa no'ng 16.

Di naman nagbago ang response niya sa greeting ko, the same pa rin sa binigay niya kaninang umaga no'ng binati ko siya. If anything, pumogi lang siya lalo sa paningin ko nang ngitian niya ako bago tanggapin ang gift niyang kanina pa niya siguro inaabangan. "Thank you."

"'Wag mo munang buksan," saway ko sabay agaw sa paper bag at lagay n'un sa backseat. Nag-pout siya pero hindi ako tinablan dahil strong ako.

Dahil may klase kami bukas, dumeretso na kami pauwi. Pumayag akong ihatid niya ako dahil birthday naman niya. Deserve ng more time together.

"Wow, tinandaan," kantiyaw ko sa kaniya nang lumiko siya papunta sa daycare na pinag-parking-an namin dati no'ng naglakad kami papuntang apartment. "Marunong ka na bang bumalik mag-isa mo?"

"May araw pa naman," sabi niya na hindi naman sumagot sa tanong ko. So okay lang maligaw kung may araw pa?!

Nag-park siya sa spot na pinag-iwanan ng sasakyan niya dati. Lumipat siya kaagad sa tabi ko at sabay kaming naglakad papunta sa apartment. Inangkla ko ang braso sa kanang braso kaniya. Inangat niya ang kanang kamay at nakabukas ang palad na nilahad sa 'kin 'yon.

"HHWW tayo?" halos bulong niyang yakag. Natatawa kong inapiran muna ang palad niya bago siya pagbigyan sa gusto.

# # # Chapter 34 October 3, 6pm. Last na before epilogue :] sana mabuti ang lahat, ingat.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro