Simula

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


Simula

Enrollment

Ang init. Kanina pa ako nakatayo sa tapat ng isang 4- storey building kung saan nakapila ang ibang estudyante para sa enrollment. Dito kami pinapunta no'ng babaeng staff ng registrar nitong school. Hindi ko akalain na sa sobrang bilis ng panahon, nandito na ako at mararanasan ko na rin ang pakiramdam ng pagtuntong sa kolehiyo. Niyakap ko na lamang sa dibdib ko ang folder na naglalaman ng mga credentials ko no'ng senior high school. Napangiti nalang ako ng makitang umusad ang pila.

"Sobrang tahimik mo naman, Kill! Kinakabahan ka noh?" nang-aasar na tanong sa akin ni Dahlia, pinsan ko sa malayong kamag-anak. Mahirap ipaliwanag kung paano kami naging mag-pinsan pero pinsan ko talaga siya.

Umiling ako bilang tugon. "Hindi naman. Iniisip ko lang kung-"

"Sus! Ayan ka na naman sa mga iniisip mo na puro nega. Kanina pa tayo dito sa pila tapos ngayon mo sasabihin na kinakabahan ka?"

Eh? Wala naman akong sinabing kinakabahan ako, ah?

Napaatras naman ang ulo ko ng bigla itong lumapit sa akin. "Don't tell me may nakita kang gwapo, noh?"

Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi ni Dahlia. Napapalatak naman ito at pinagsiklop ang dalawang palad. Ngumisi pa ito sa akin na para bang tama ang hinala niya. Napairap naman ako. Bahala siya kung anong isipin niya. Hindi ko nalang siya pinansin at inilibot na lamang ang tingin sa paligid. Doon ko lang napansin na mahaba na pala ang pila. Totoo nga ang sabi ni Ate Kary, madami ka talagang makikitang mga bagong mukha pagdating sa college.

Ngayon ko lang din na-realized na nakakasawa na pala ang mga pamilyar na mukha doon sa lugar namin. Gaya na lamang nitong si Dahlia. Nakakasawa rin ang mukha.

"Sabagay, may nakita rin ako kanina doon sa may hallway. Ang gu-guwapo, sis! Pero I think hindi sila freshmen gaya natin. May mga suot na school ID, eh," pagku-kwento nito.

Hindi ako sumagot sa sinabi ni Dahlia. Wala naman akong pakialam kung maraming gwapo dito sa school. Aanhin ko naman ang kagwapuhan nila? Isa pa, hindi iyon ang ipinunta ko dito. Nandito ako upang mag-aral, hindi 'yong magboy-hunting.

Yes, boy. Halos lahat ng nakikita ko ay mukha pa ring mga totoy dahil sa ayos nila. Akala ko sa high school lang makikita ang mga gano'n, mukhang sa college din pala.

"Tingnan mo 'yon, Kill. Hindi siya gwapo pero ang lakas ng appeal, di ba?" turo pa ni Dahlia sa isang lalaki na nasa unahan namin. Medyo mahina lang ang boses niya baka kasi marinig ng iba kung gaano kapasmado ang bunganga niya.

Napataas naman ang kilay ko sa sinabi niya. Tiningnan ko saglit ang lalaking tinutukoy niya at muling ibinalik kay Dahlia ang tingin. "Type mo?" tanong ko. Bigla namang nanlaki ang mata nito pati butas ng ilong.

"Yuck! Hindi noh!" asar na sagot nito. Hindi halata na masyado siyang defensive, huh?

"Isusumbong kita kay Auntie Dorie. Enrollment palang pero mga gwapo agad ang inaatupag mo," walang gana kong sabi sa kanya.

"Totoo naman kasi!" sagot pa nito.

"Ang alin? Na type mo iyon?" pang-aasar ko.

Napairap naman ito. "Hindi noh! Manahimik kana nga lang."

Natawa nalang ako sa reaksiyon niya at iniwas nalang sa kanya ang tingin. Nang muli akong mapatingin kay Dahlia ay parang wala ito sa sarili at tila kinikilig na nakatunganga sa hangin.

Baliw. Napailing nalang ako at itinuon ang buong atensiyon sa unahan. Baka kasi maaga rin akong mabaliw kung pag-aaksiyahan ko pa siya ng atensiyon.

Habang tumatagal ay parami na rin ng parami ang mga estudyante. Sa ganitong mga sitwasyon talaga makikita ang kaibahan ng katayuan ng tao sa buhay. Hindi man sa pananamit kundi kung paano nila dalhin ang sarili nila. Napatingin ako sa sariling palad at isang ngiti ang namutawi sa labi ko. Hindi naman iyon magaspang pero hindi rin malambot. Sakto lang para sa isang babaeng nagsisikap umangat sa buhay.

Hindi ko naman hinahangad na yumaman kami. Gusto ko lang maiangat sa kahirapan ang pamilya ko at tulungan si mama at Ate Kary. Alam ko naman kasi na kalabisan ang paghahangad ng pagyaman.

May mga tao kasi na hindi na marunong lumingon sa pinanggalingan nang maging mayaman na sila. At aminin ko man o hindi, ayokong mangyari iyon. Kahit sabihin pa na alam natin kung anong ginagawa natin. Minsan hindi naiiwasang masilaw sa salapi lalo na kung nakahain na mismo sa iyong harapan.

Hindi ko ring maiwasang ikumpara ang sarili sa ibang estudyante na nakikita ko ngayon. Halos karamihan sa kanila ay magaganda ang kutis. Mukhang alagang-alaga sa aircon o mas madaling sabihin na hindi sanay sa tirik ng araw. Ang iba naman ay katamtaman lang pero sa ayos ng damit naman makikita kung paano nila pagandahin ang sarili.

Napatingin rin ako sa sarili ko sa harap ng isang tinted na glass wall ng building. Hindi naman ako maputi at hindi rin maitim. Kagaya ng iba ay katamtaman rin ang kulay ng aking balat. Pero sabi sa akin ni mama, maputi raw ako noong bata pa. Hindi rin naman iyon kataka-taka kasi purong dugong Español ang lahi ng papa namin.

Minsan naiisip ko kung hindi ba kami iniwan ni papa, posible kayang hindi kami naghihirap ngayon? Iyon ang ilang katanungan na paulit-ulit kong itinatanong sa sarili ko. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kayang masagot. Napayuko nalang ako at tahimik na naghintay sa muling pag-usad ng pila.

Halos mag-iisang oras din kaming nakatayo sa pila bago kami tuluyang makapasok sa loob. Napatingin naman ako kay Dahlia na medyo hinihingal pa dahil sa pag-akyat namin hanggang dito sa third floor.

Lihim akong napangiti. Sanay na sanay na ako sa mga ganito. Walang-wala ang hanggang ikatlong palapag na ito sa taas ng bukid na inaakyatan namin ni Ate Kary. Kung hindi ka sanay sa hirap, talagang hihingalin ka kahit ilang hakbang palang ang nilalakad mo. Kagaya na lamang ni Dahlia. Halos sabay na kaming lumaki pero malayo ang kalagayan ng buhay namin. Kumpara sa amin, may kaya ang pamilya nila sa aming lugar. Mga professional rin ang mama at papa niya, maging ang mga kapatid niya.

"Taga-saan ka, miss?" tanong sa akin ng nasa mid 40s na lalaki. Agad naman nitong kinuha ang folder ko at tiningnan lahat iyon. "Killuie Dream Cortez. Ah, ikaw ba 'yong kahapon?" basa nito sa pangalan ko.

Nahihiyang tumango naman ako. "Opo, sir. Akala ko po kasi authenticated copies lang ang kailangan, eh. Pasensiya na po," hinging-paumanhin ko dito.

Kahapon pa kasi ako dapat nakapagpa-enroll, kaso hindi original ang mga credentials na dala ko. Sabi kasi authenticated lang ang kailangan.

Natawa naman ito kapagkuwan ay ikinumpas ang palad para sabihing walang problema. "So, it means original copies na ito?"

"Yes po, sir."

May pina-filled up-an lang itong papel sa akin. Lihim naman akong nagpasalamat sa Panginoon dahil sa wakas ay tapos na rin. Natupad na rin ang pangarap kong maging officially enrolled student dito sa Northwest University.

"Oh my gosh, Kill! Officially enrolled na tayo! Kyah!" masayang sigaw ni Dahlia na may kasama pang palakpak. "You know what, I think I already found my soulmate na, Kill! Hiniram niya kanina ang ballpen ko at hindi sinasadyang nahawakan niya ang kamay ko," kwento pa nito habang inaalala ang nangyari kanina.

Napanguso nalang ako at hindi na pinatulan pa ang mga sinasabi nito. Pumasok kami sa food court ng school at naghanap na nang mauupuan.

"Ang kaso bigla akong nahiya. Nakalimutan ko pala na wala nang laman ang ballpen ko, hehe," natatawang sabi pa nito. Natawa naman ako dahil sa kakulitan niya. Minsan nga naiisip ko kung nahulog ba itong si Dahlia dati noong baby pa siya. Mukha kasing naalog pati ang utak eh.

"Anong gusto mo? Treat kita!" Hindi pa man ako nakakasagot ay bigla nalang itong nawala sa harapan ko. Nasapo ko nalang ang noo at pinagmasdan si Dahlia na nakangiting nakapila na doon sa counter. Sinong mag-aakala na college student na ang isang ito? Isip-bata pa rin kasi ang utak.

Hanggang sa makabalik ito sa table namin ay daldal pa rin ito ng daldal. Puro tango lang naman ang sagot ko sa kanya. Enrollment palang pero marami na agad itong kwento tungkol sa mga kaganapan kanina. Hindi naman kasi kami parehong program na kinuha kaya wala akong alam sa mga pinagsasabi niya. Kahit yata sabihin nito na ga-graduate na siya ay tango pa rin ang isasagot ko. Mas okay na iyon kaysa hindi ko siya pansinin, di ba? Baka kasi bawiin pa niya ang pagkaing nilibre niya sa akin.

"Uuwi pa tayo?" tanong nito pagkalabas namin ng food court. Napatampal nalang ako sa noo at tiningnan siya. Mukhang seryoso nga siya sa tanong niya.

"Ayaw mo? Kung gusto mo dito ka nalang tumira. Ako na ang bahalang magsabi sa mama mo na padalhan ka nalang ng damit dito," asar na sagot ko.

Napasimangot naman ito sa sinabi ko. Aba malay ko ba kung gusto niya talaga na dito nalang matulog sa school. Malawak naman ang oval field kaya wala siyang problema.

"Kahit kailan hindi ka talaga matinong kausap, Kill," nakasimangot pa ring saad nito. Wow, huh? Nahiya naman ako sa katinuan niyang kausap.

"Nagsalita ang matino rin kausap," walang gana kong tugon at nauna nang maglakad kaysa sa kanya. Narinig ko pang tinawag nito ang pangalan ko pero hindi na ako lumingon pa. Lihim nalang akong natawa at lumabas na nang gate ng school.











A/N: Enjoy reading, Arkiess!

Follow, vote and comment are highly appreciated! Thank you!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro