Kabanata 7 - Blood of Death

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 7]

Ang lahat ng natutunghayan ng buwan ay nawawala sa paglipas ng panahon. Gayundin kung paano binabawian ng buhay sa mundo ang mga taong ibig niyang protektahan.

NAALALA ko ang unang beses na narinig ko ang salitang kamatayan. Isang salita na sa isang bata ay tulad lang din ng ilang salita na hindi niya pa lubusang nalalaman. Narinig ko iyon sa dalawang nurse na lagi rin akong kinakausap at sinasamahan. Ang sabi nila, lahat daw ng bata ay kailangan tingnan ng doctor para malaman kung nagtotoothbrush sila, kung natutulog nang maayos, at kung kumakain ng gulay.

Bata pa lang ay marami na akong nakilalang mababait na doktor. Lagi nilang sinasabi na very good at masunurin ako. Lagi akong nakakatanggap ng candy o bubble gum pero hindi ko puwede kainin nang hindi pumapayag si mama dahil siguradong mapapagalitan ako.

Isang araw, sinubukan kong itago ang binigay sa aking lollipop ng doktor. Naglalakad kami palabas ng ospital nang magsabi si mama na kailangan niyang pumunta sa banyo. Nang tingnan ko si papa, hindi ko maintindihan kung bakit nag-aalala siya gayong pupunta lang naman si mama sa C.R.

Hinawakan ni papa ang magkabilang balikat ko at umupo para makapantay siya sa 'kin. "I'll go after your mom. Dito ka lang muna. Okay?" Tumango ako bilang tugon habang hawak nang mahigpit sa likuran ko ang lollipop. Naisip ko na ito na ang pagkakataon para makain ko iyon nang hindi nila nalalaman.

Umupo ako sa mahabang upuan na gawa sa plastic, hindi pa abot ng paa ko ang sahig. Sinundan ko ng tingin si papa hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Tiningnan ko ang lollipop na nakalimutan nilang kunin sa 'kin pagkatapos naming maging kaibigan ulit ang bagong doktor.

Napangiti ako sa sarili habang inaalis ang balot ng lollipop. Kung kakagatin ko agad iyon ay siguradong mauubos ko agad lahat bago sila bumalik. Sinasayaw-sayaw ko ang paa habang kinakain ang matamis na lollipop na may bubble gum sa gitna. Cherry flavor ito na siyang pinakapaborito ko.

Napatingin ako sa TV na nakasabit sa taas, pinapalabas ang balita na paboritong panoorin nina mama at papa. Wala akong naiintindihan sa sinasabi ng taong nagsasalita sa TV dahil mahina ang volume nito.

Patuloy din ang paglalakad ng mga pasyente, nurse, doktor, at mga staff ng hospital sa tapat ko. May ibang tumitingin sa akin, napapaisip kung bakit mag-isa lang ako. Pero nagpapatuloy pa rin sila sa paglalakad nang masigurong hindi naman ako nawawala dahil masaya pa akong kumakain ng lollipop.

Napansin ko ang dalawang nurse na babae na palagi ring nakangiti sa akin. Kung minsan binibigyan din nila ako ng mga laruan pero hindi ko puwede iuwi dahil lalaruin pa raw iyon ng ibang bata sa ospital.

Napangiti ako habang hinihintay silang makadaan sa tapat ko. Kumpara sa iba ay mas mabagal ang paglalakad nila habang nag-uusap. May dala silang tig-isang puting box na nakatakip. Tatawagin ko sana sila at ipapakita ang lollipop na kinakain ko pero noong mga oras na iyon ay napansin ko ang parehong pag-aalala sa mga mukha nila gaya ng hitsura ni papa kanina.

Hindi ko alam pero sa pagkakataong iyon ay napatigil ako. Madali kong maramdaman ang kakaibang nangyayari sa paligid dahil sa reaksyon ng mga tao. Kapag masaya at maganda ang nangyayari, nakangiti sila. Kapag hindi, alam kong hindi rin dapat ako ngumiti.

"Akala ko nga rin magiging okay na si Aurora. Ang sabi ni doc, kung hindi pa siya masasalinan ulit ng dugo ay mas lalong lalala ang kondisyon niya."

"Ang bata pa niya. Naaalala ko sa kaniya ang kapatid ko na kinder na ngayon. Siguradong hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling magkasakit din ang kapatid ko."

"Nakita ko nga kanina umiiyak sila ng asawa niya sa chapel. Ang Diyos na lang ang pag-asa nila."

"Bakit? Wala na raw ba talagang ibang paraan?"

"Sa palagay ko malabo talaga. Nakita mo naman ang resulta ng mga tests. Madudugtungan lang ang buhay niya sa pagsalin ng dugo pero may mga risks din e. Hanggang kailan kakayanin ng bata ang ganoong paghihirap?"

"Nakakalungkot na hindi siya mabubuhay ng matagal. Kailan ang birthday niya? Maghanda kaya tayo bago pa..." hindi ko na narinig pa ang pag-uusap nila nang makapalagpas sila sa akin at makalayo. Ni hindi nila namalayan na nadaanan nila ako sa helera ng mga upuan sa lobby.

Nakatitig ako sa likod ng dalawang nurse na papalayo nang papalayo. Kung ako ang tinutukoy nila, kung magkasama ngayon sina mama at papa sa chapel, kung umiiyak sila ngayon dahil sa akin. Hindi pala kami pumupunta rito para maglaro o mabigyan ako ng candy.

Pinilit kong ngumiti sa harapan ni Ash. May kung anong tamis akong naramdaman mula sa mapait kong kapalaran, kahit papaano ay hindi siya nagsinunggaling, hindi niya iniba ang usapan, o iniwansang sagutin ang tanong na matagal ko nang gusto malamans.

"Malabo na raw akong mabuhay nang matagal. Kahit papaano napatunayan ko sa kanila na nakaabot ako... hanggang dito." Sinubukang ngumiti kahit ramdam ko na ang mainit na likido na namumuo sa aking mga mata.

Nakatingin lang si Ash sa akin, bakas sa mukha niya na parang gusto niya bawiin ang sinabi niya at pagtakpan na lang iyon ng kasinunggalingan o pagtanggi na hindi niya alam. Agad kong hinawi ang luha ko saka nagpatuloy sa paglalakad na para bang nagkukuwentuhan lang kami tungkol sa candy o mga bagay na tinatawanan ko na lang ngayon.

"Bago pa ako makapunta rito, alam ko na ang mangyayari sa akin. Matagal ko nang alam na hindi ako gagaling sa sakit na 'to." Patuloy ko habang nauunang naglalakad sa kaniya. Lumingon ako sa kaniya at ngumiti ulit para sabihing okay lang ako.

Tumingala ako sa langit kung saan nagliliwanag ang buwan. "Hindi ko nga akalain na magiging malaya ako dito at magagawa ko ang lahat ng gusto ko. Sa dinami-dami ng puwedeng pagbigyan ng buwan. Ako pa ang napili niya... kaya nagpapasalamat ako." Lumingon ulit ako sa kaniya, naglalakad na siya kasunod ko.

"Salamat din sa 'yo. Kahit bilang na ang araw ko. Naranasan ko pa rin ito. Naranasan ko ang makapunta sa mga kuwentong nagparamdam sa 'kin na masaya ang mabuhay." Hindi ko alam kung bakit parang namamanhid na hinuhukay ang puso at sikmura ko.

Tunay nga na nagagawang maging malakas ng isang tao sa harap ng iba. Madaling sabihin na tanggap ko ang lahat kahit ang totoo ay hindi ko alam kung paano ko nagagawang pigilang bumagsak ang mga luha ko. Siguro dahil hindi ko gustong makita iyon ni Ash. Siya na walang kinalaman at wala ring magagawa sa sitwasyon ko.


PATULOY ako sa pagsasalita habang si Ash ay nakikinig lang at nakatingin sa 'kin. Pumasok na kami sa loob, hinuhulaan ko kung nasaan ang mga pintuan at bintana. Kapag mali ang turo ko ay itatama niya iyon. Sasabihin niya kung nasaan, kung sa kaliwa ko ba o sa kanan.

Ngayon ay parang nagkabaliktad kaming dalawa. Ako na ngayon ang madaldal at hindi natatapos sa pagsasalita. Samantala, nakikinig lang siya at pinapanood kung anong ginagawa ko. Nauuna ako sa paglalakad, hinahawakan ang magagaspang na dingding na kung hindi ko iisiping kathang-isip lang ito ay aakalaing kong totoong nasa loob kami ng isang lumang palasyo.

"Alam mo ba kung bakit ako nahilig sa mga bampira?" Tanong ko, umiling siya nang marahan habang nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa kaniyang bulsa.

"Dahil dugo ang bumubuhay sa kanila." Ngumiti ako, nakita kong napangiti si Ash saka tumango na para bang sinasabi niya na naisahan ko siya.

"Akala ko nga dati isa akong bampira. Uhaw, kulang, at kailangan ko ng dugo para mabuhay. Pareho kaming maputla at hindi puwedeng lumabas o maarawan." Naalala ko ang mga gabing tinatapos ko ang nobelang Valdore. Nasa sampung taong gulang ako noon. Paniwalang-paniwala ako na baka nga bampira talaga ako.

"Iyon nga lang, hindi pala talaga ako bampira. May bampira ba na may taning ang buhay?" Biro ko pero hindi tumawa si Ash. Napakagat ako sa aking ibabang labi saka nagpatuloy sa pagpapadulas ng kamay ko sa magaspang na dingding ng palasyo. Paakyat na kami ngayon sa malaking hagdanan kung saan may red carpet ang bawat baytang.

Tumigil ako bago sumampa sa unang baytang. "Ash, posible kayang makita at makausap ko ang mga magulang ko kapag nakabalik na tayo?" Sandali siyang hindi nakasagot sa tanong ko. Nanatili lang siyang nakatingin sa mga mata ko. Ngayon ay hindi ko nakikita ang kulay ng buwan sa kaniyang mga mata. Sa mga ganitong pagkakataon ay nakakalimutan kong hindi siya tao.

"Hindi ko alam." Sagot niya na para bang siya ang humihingi ng tawad sa sasapitin ko. "Hindi pa ako sigurado sa ngayon. Pero gagawan natin ng paraan. Sigurado ako na gusto ka rin nilang makita at makausap." Patuloy niya. Nang dahil sa sinabi niya ay parang bumagsak lahat ng bigat ng dibdib ko. Kahit hindi iyon totoo, kahit gusto niya lang akong paniwalain at bigyan ng pag-asa. Gusto ko pa rin maniwala sa sinabi niya.

Ngumiti ako. Naniniwala ako na magagawa nating kontrolin kung paano natin hahayaang maapektuhan tayo ng mga problema sa buhay. Ang pagtanggap sa sitwasyon ay daan para matanggap natin ang magiging kahihinatnan nito. Anuman ang mangyari, ang dapat kong isipin ay kung paano ko gagawing makabuluhan ang mga huling sandali.

Nanatili kaming nakatingin sa isa't isa. May gusto pa sana akong sabihin pero pinili kong tingnan na lang siya. Kung paano nagagawa ng presensiya niya ang pakalmahin ang lahat. Tulad ng buwan na nakakapagpakalma sa mga natatakot sa dilim.

"Tamang-tama, kanina pa namin kayo hinahanap." Natauhan kami nang marinig ang boses ng hari. Sabay kaming napatingin ni Ash sa itaas ng hagdan kung saan naroroon ang hari at reyna. Pababa sila ngayon kasunod sina Prinsipe Cepheus, Margareth, at Theodore.

Agad kaming nagbigay-galang ni Ash at tumabi sa daraanan nila. Napansin ko na iba ang suot nila ngayon. Nakasuot ng damit pandigma ang hari, at sina prinsipe Cepheus at Theodore. Samantala, may nakapatong na itim na talukbong kina reyna Adonia at Margareth.

"Sumama kayo sa amin sa gubat. Kami ay mangangaso." Ngiti ng hari na ikinagulat ko. Samantala, yumukod lang si Ash at nagsalita, "Maraming salamat po sa inyong imbitasyon, mahal na hari ngunit..." Napatingin ako sa kaniya, mukhang tatanggi siya at wala sa mood sumama pero isa ito sa mga paborito kong eksena sa kuwento. Ang hunting scene nina prinsipe Cepheus, Theodore, at Valdore.

Napatigil ako nang maalala ko na wala na nga pala si Valdore sa eksena ngayon. "Magpapalit lang po kami. Susunod po kami sa gubat." Bawi ni Ash na biglang nagbago ang isip. Ngumiti na rin siya para hindi mahalata ng hari na wala siya sa mood.

Muling tinapik ng hari ang balikat ni Ash, mukhang siya na tuloy ang paborito nito. "May pabuya ang magwawagi." Ngiti nito para mas lalong magpursigi si Ash na manalo. Nang makaalis sila ay gulat akong tumingin kay Ash. Ngayong wala na si Valdore, siguradong siya ang makakalaban ni Prinsipe Cepheus mamaya.

"W-wag na lang kaya? Mas okay sigurong matulog na lang tayo." Suhestiyon ko pero napangiti si Ash na para bang natatawa siya sa mabilis ding pagbabago ng isip ko.

Hinawakan niya ang ulo ko saka ginulo nang marahan ang buhok ko, "Sinong nagsabi na matatalo ako ng bampirang 'yon? Natalo ko nga si Valdore e," saad niya na para bang sampung beses na siyang defending champion at sisiw na lang sa kaniya ang lahat.

"Halika na, tulungan mo akong pumili ng isusuot. Kailangan ako pa rin ang pinakagwapo sa kanila." Ngiti niya saka hinawakan ang pulso ko at mabilis na tinangay paakyat ng hagdan.


NAKATAYO si Ash sa isang tuntungan habang ikinakabit ng mga hindi nagsasalitang tagapagsilbi ng kaharian. May suot siyang armour na sa palagay ko ay mabigat pero kahit ganoon ay maganda tingnan sa kaniya. Siguro dahil matangkad siya at maganda ang pangangatawan niya.

"Anong masasabi mo, Aurora?" Tanong ni Ash habang tinitingnan ang haba ng manggas niya na kulay itim. Para siya ang isa sa mga matatapang na sundalo na dati ay nasa imahinasyon ko lang sa mga binabasa kong kuwento. Walang salamin kaya hindi niya ngayon nakikita ang hitsura niya.

"O-okay naman... bagay sayo." Sagot ko. Tumingin siya sa'kin na para bang naghihintay pa siya sa mga papuring sasabihin ko. Napaiwas ako ng tingin at kunwaring nilinis ang hawak kong helmet na isusuot din niya mamaya. Hindi ako sanay magbigay ng compliments.

Nang tumingin ako sa kaniya ay nakatingin pa rin siya sa 'kin pero ngayon ay nakangisi na. Mukhang alam na niya ang isa pa sa mga kahinaan ko. Tinuro niya ang ako saka sumenyas na lumapit sa kaniya. Napalunok ako sa gulat. Nakakahiya kahit pa walang pakialam sa amin ang tatlong tagapagsilbi na nagkakabit ng armor niya.

Sumenyas siya ulit na lumapit ako habang nakangisi. Hindi ko alam kung bakit sumunod ang paa ko na ngayon ay humahakbang na papalapit sa kaniya. Napatingala ako sa kaniya na ngayon ay mas mataas sa akin dahil may tinutungtungan siya.

"B-bakit?" Tanong ko pero yumuko siya para pumantay siya sa mukha ko. Halos maduling ako sa lapit niya kaya humakbang ako paatras. "Sana magkasya sa 'kin ang helment na 'yan." Wika niya sabay turo sa ulo niya. Muntik pang manghina ang tuhod ko nang mapagtanto ko na ang helmet pala na hawak ko ang tinutukoy niya kaya niya ako pinapalapit.

Napahinga ako nang malalim saka humakbang papalapit sa kaniya at maingat na isinuot ang helmet na tumakip sa mukha niya. Tanging ang mga mata niya lang ngayon ang nakikita ko. "Walang pakinabang pala ang hitsura kung tatakpan lang din pala ng mga ganito." Reklamo niya dahilan para matawa ako. Alam na alam niya talaga kung paano masisingit ang mga biro niya.

"Ano? Bagay ba sa 'kin?" Tanong niya saka sumingkit ang mga mata niya na tanging nakikita ko. Hindi ko man nakikita ang buong mukha niya, alam kong nakangiti siya. Tumango ako ng dalawang ulit na parang batang inuuto at bibigyan ng candy kapag sumang-ayon ako na bagay nga sa kaniya.

Tinapik niya ulit nang marahan ang ulo ko. "Panoorin mo rin ang gagawin ko sa kanila mamaya." Ngiti niya sabay kindat dahilan para matigilan ako. Hindi ko alam kung para saan ang kindat na iyon pero hindi rin ako sanay sa mga ganoon.


SERYOSO ang hitsura ng lahat habang naghihintay sa senyas ng hari. Kasama rin siya sa mangangaso sa gubat pero alam ng lahat na wala siyang interes na manalo o makuha ang pabuyang dalawampung bariles ng dugo dahil siya naman ang magbibigay niyon.

Apat na malalaking itim na kabayo ang sinasakyan ng bawat isa sa kanila. Nasa magkabilang dulo sina Theodore at Ash habang nasa tabi ng hari naman si Prinsipe Cepheus. Lahat sila ay binigyan ng matatalim na espada at pana. Ang kailangan lang nilang gawin ay paunahang makahuli ng ligaw na oso sa gubat.

Naalala ko ang eksenang ito sa nobelang Valdore, ginamit ni Theodore na pagkakataon ang pangangaso ng hari at ng mga prinsipe para ihulog si Valdore sa hukay at palabasing si Cepheus ang may kagagawan niyon. Unti-unting masisira ang tiwala ng hari kay Prinsipe Cepheus, samantala, hihikayatin ni Theodore sa panig niya si Valdore at gagamitin ito saka pagtataksilan sa huli.

Napansin ko na nakatingin si Prinsipe Cepheus kay Ash na siguradong isang banta na ngayon sa kaniya. Palaging hinahanap ng hari si Ash at ito rin ang nakapagpapatawa sa kaniya. Samantala, walang kibo si Theodore pero ramdam ko na sa lahat ng naririto ay siya ang may planong kasinglalim ng hukay na hindi inaasahan ng lahat.

Sumenyas na ang hari at nang hipan ng isang bantay ang trumpeta ay agad silang nag-unahan patungo sa kagubatan. Sa isang iglap ay naglaho sila sa aming mga paningin at ang tanging naiwan ay ang mga alikabok at nagbabagsakang patay na dahon mula sa mga puno.

Nakaupo sa gitna si reyna Adonia. Nasa kaliwa niya si Margareth habang nasa kanan naman niya ako. Nasa loob kami ng malaking tolda na kulay pula habang pinapaypayan ng mga tagapagsilbi. May tagapagsilbi pang nagmamasahe sa paa ng reyna.

Sa bawat sulok ng tolda ay may malalaking sulo ng apoy na siyang nagbibigay liwanag sa madilim na gabi. Naalala ko kung paano ko niyakap ang gabi sa tuwing mag-isa ako sa kuwarto. May kung anong kapayapaan sa gabi na hindi ko matagpuan sa umaga. Sa gabi ay mas naririnig ko ang sarili ko. Mas nararamdaman ko ang sarili ko.

May pabilog na mesa sa gitna kung saan naroroon ang mga prutas at mga dugo na isinasalin sa matataas na baso. Inabutan ako ng dugong inumin ng isang tagapagsilbi. Kinuha ko iyon saka inilapag sa aking hita.

"Malapit kayo ng iyong kapatid," panimula ng reyna sabay inom ng dugo mula sa hawak niyang baso. Napatingin kami ni Margareth sa kaniya. "Bihira ang magkakapatid na malapit sa aming pamilya." Patuloy niya saka tumingin sa akin. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Sa kuwentong ito, ang magkakapatid na prinsipe ay walang katapusang nag-aagawan sa trono at kaharian.

"S-siguro ay dahil kaming dalawa na lang po ang magkasama." Sandali akong napatigil sa sinabi ko. Naalala ko kung paano ako naiyak nang malaman kong walang masamang nangyari kay Ash. Para akong nakauwi sa bahay at nakatulog nang payapa sa sarili kong kwarto.

"Anong balak niyo ngayon? Kinalulugdan kayo ng aking asawa. Huwag niyo nang sayangin ang pagkakataong ito." Saad ng reyna saka tinapik sa balikat ang tagapagsilbi na nagmamasahe ng kaniyang paa para tumigil na ito at umalis.

Napatingin ako kay Margareth na walang emosyon ang mukha. Hindi ko alam kung naunawaan niya ang gustong sabihin ng reyna o ako lang ang hindi makaintindi. "Maraming kaming pamangkin na dalaga na mga anak ng duke ang maaaring pakasalan ng iyong kapatid," saad niya saka muling tumingin sa 'kin na para bang sinusuri niya ang aking hitsura.

"At ikaw naman, anong masasabi mo kay Theodore? Wala pang asawa ang kapatid kong iyon." Patuloy niya dahilan para mapatulala ako. Nakatatandang kapatid ni reyna Adonia si Theodore, pero kahit ganoon ay bata ito tingnan na parang kasing edad lang din nina Valdore, Cepheus, at Ash. Hindi tumatanda ang mga bampira.

Nakatingin na rin ngayon sa akin si Margareth, binabasa rin ang reaksyon ko. Para sa kanila ay malaking bagay ang maalok ng kasal sa bampirang may dugong maharlika. Hindi ko namalayan na dugo pala ang laman ng hawak kong baso. Ininom ko iyon at nang malasahan ko ang malansa na matamis at mapaklang dugo ay napagtanto kong hindi ito tubig dahilan upang masamid ako.

Napaayos ng upo ang reyna at si Margareth, "Bakit? May kakaiba ba sa iyong inumin?" Nag-aalalang tanong ng reyna. Umiling ako habang nahawak sa aking lalamunan at pilit na inuubo ang nainom kong dugo.

"K-kuha lang po ako ng tubig." Paalam ko saka tumayo, inilapag sa mesa ang baso saka dali-daling lumabas sa tolda. Walang tagapasilbi o bantay na sumunod sa 'kin hanggang sa makarating ako sa isang batis. Agad akong lumuhod at inilublob ko ang mukha ko sa malinis at malamig na tubig.

Hindi ko na rin namalayan kung gaano karami ang nainom ko. Uminom ako nang uminom hanggang sa matanggal ang lasa ng dugo sa bibig ko. Nang mahimasmasan ako ay napatitig ako sa sarili kong repleksyon sa batis. Nakikita ko rin ang repleksyon ng buwan na ngayon ay malapit na sa kalahati.

Ngayon ko na lang ulit nakita ang sarili ko. Natawa ako sa sarili ko, anong pinagkaiba ng sinasalinan ng dugo sa umiinom nito? Pareho pa rin kaming nabubuhay mula sa dugo ng iba. Hindi ko alam kung bakit biglang kumirot ang puso ko. Ngayong mag-isa ako, tulad ng mga gabing mag-isa ako sa kwarto. Pinapaalala sa akin ng katahimikan kung gaano kalupit sa akin ang kapalaran.

Tuluyan nang bumagsak ang mga luha na pilit kong pinipigilan noong kausap ko si Ash. Tunay nga na kapag mag-isa ka, doon mo nakikita kung gaano ka kahina. Kung paanong wala ka nang magagawa. Na ang tanging kailangan mo na lang gawin para paniwalain ang sarili mo ay ang tanggapin ang sitwasyon at maging matatag para rin sa mga taong nag-aalala sa 'yo.

Hindi ko na namalayan kung gaano ako katagal umiyak sa batis. Ganito rin siguro ang nararamdaman noon ni mama noong nagpaalam siya mag-C.Rpero dumiretso siya sa chapel at nagmakaawa sa Panginoon. Ganito rin siguro kumawala ang mga luha niya nang malaman na mas lumala ang kondisyon ko at wala na akong pag-asang makasama nila ng matagal, makitang matupad ang mga pangarap, at magkaroon ng sariling pamilya.

Madalas naguguluhan na rin ako sa sarili ko. Gusto kong maging pag-asa ng iba pero sa sarili ko hindi ko na makita ang pag-asa. Gusto kong malaman ng mga tao kung paano ko kinaya ang lahat at kahit labing-tatlong taon lang ang naidagdag sa buhay ko, malaking-bagay na iyon para sa isang taong bata pa lang ay sinabihan nang hindi na magtatagal.

Muli kong inilublob ang mukha ko sa batis upang humalo roon ang mapapait na luha na gusto kong itago ulit. Buong sikap na akong tumayo at pinagpagan ko rin ang dulo ng mahabang palda na suot ko.

Ngayon ay nag-iisip na ako ng idadahilan kung bakit ako natagalan bumalik. Siguradong magtatanong din sila kung may kakaiba ba sa inumin ko. Nasa gitna ako ng pag-iisip nang mapatigil ako dahil sa aninong tumigil sa humarang sa daraanan ko.

Unti-unting naging malinaw sa mga mata ko kung sino ang nakatayo ngayon sa tapat ko. Namumula ang isa niyang mata habang ang isa ay may takip. Basang-basa siya at tumutulo pa ang damit niyang punit-punit. May bakas din ng mga hiwa at sugat sa kaniyang braso, dibdib, at binti.

Siniklaban ng takot ang buo kong katawan na para bang sa isang iglap ay nabuhusan ako ng malamig na tubig. Para siyang uhaw na oso na handa akong sakmalin sa oras na gumalaw ako. Napatingin ako sa mga kuko niyang mahahaba na maaaring bumaon sa leeg ninuman.

Nagsimula siyang humakbang habang hinihingal at pilit na hinahabol ang kaniyang paghinga. Hindi ko man nalaman kung anong ginawa ni Prinsipe Cepheus kay Valdore noong ibinaba na ang kabaong sa dulo ng bangin. Nakasisiguro ako na sinubukan din siyang patayin ng sarili niyang kapatid.

Nagawa kong humakbang paatras kahit pa namamanhid at nalalamig ang mga binti at buo kong katawan. Napasigaw ako sa nang magsimulang kumilos si Valdore. Ang dugo ko ngayon ang kailangan niya para mabuhay. At gagawin niya ang lahat para piliin ang mabuhay tulad ng isang taong nagmakakaawang madugtungan pa ang buhay.

Hindi ko akalaing mabubulabog ang kagubatan, ang mga paniki sa himpapawid, at ang mga nagtataasang puno sa lakas ng sigaw ko. Sa isang iglap ay isang palaso ang dumaan pisngi ko na nagmula sa likod. Ang matalim na palaso ay deretsong tumama sa tiyan ni Valdore na siyang naging dahilan nang pagbagsak nito sa lupa.

Animo'y bumagal ang takbo ng paligid habang umuungol si Valdore sa nakabaong palaso sa kaniyang tiyan. Nang lumingon ako sa likuran ay natanaw ko si Ash na nakasakay sa itim na kabayo habang hawak ang pana na ginamit niya sa sinumpang bampira.

Seryoso ang mukha ni Ash tulad ng kung paano ko siya nakitang matakot at maging seryoso noong matalo niya si Valdore. Tila nakalimutan ko ang takot na naghahari sa buong pagkatao ko nang makita siya. Natatanaw ko rin mula sa likod niya ang buwan na animo'y pinoprotektahan siya. Maging ang mga bituin na dati ay wala sa mundo ng mga bampira.

Sa pagkakataong iyon ay naalala ko na kung saan ko nakita ang buwan, bituin, at langit na puno ng hiwaga. Nakita ko iyon sa silid-aklatan kung saan ko unang nakita si Ash. Nakita ko rin iyon noong gabing naglalakad kami sa tulay bago mahulog ang bookmark sa tubig. Iyon din ang nakaukit sa kisame nang magising ako sa isa sa mga silid sa palasyo ng mga bampira.

Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa mahiwagang lalaki na ngayon ay naglalakad papalapit sa akin. Naalala ko na minsan ko nang tinanong sa kaniya kung bakit ako napili ng buwan na siyang mapagbigyang matupad ang kahilingan? Ngunit hindi niya ako binigyan ng malinaw na sagot.

Sa bawat hakbang niya papalapit ay nakaramdam ako ng magkahalong takot at kaligtasan. Hindi ko alam kung paano parehong nagkakasabay ang dalawang magkaibang pakiramdam na iyon pero sa kaniya ko lang iyon nararamdaman.

Ngayon ay hindi ko na rin mapigilang alamin kung ano at sino ba ang lalaking ito na kasinghiwaga ng buwan. Minsan na niyang nabanggit na matagal na siyang nabubuhay at marami na siyang natunghayan sa iba't ibang mundo.

Gusto kong malaman kung ilan na ang lahat ng natunghayan niyang nawala sa paglipas ng panahon. Gayundin kung paano binawian ng buhay sa mundo ang mga taong ibig niyang protektahan.


******************

#Hiraya

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro