Kabanata 8 - Hunted Fate

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 8]

Nagtitiwala tayo sa buwan kahit na hindi natin ito kilala. Ngunit naroon din ang takot na hatid nito na para bang sinusundan tayo at nalalaman nito ang lahat ng bagay tungkol sa atin.

NAKATAYO ako sa bukana ng kuweba habang hinihintay namin ni Ash na magising si Valdore. Tinali ni Ash si Valdore gamit ang kadenang nakatali pa sa magkabilang kamay at paa nito. Hindi ko alam kung paano mabilis na nagawa ni Ash mag-isa ang pagtali kay Valdore na para bang sanay na sanay na siyang gawin iyon.

Malaki ang kuweba at mas malamig dito kumpara sa labas. May naririnig kaming patak ng tubig mula sa loob na para bang ito ang humugis sa mga makikintab na bato. Lumingon ako sa labas, gumagalaw lang nang marahan ang mga puno at halaman sa gubat. Wala pang ideya ang hari at ang pamilya nito na nakawala si Valdore.

Tumingin ako kay Ash na ngayon ay humakbang na paatras habang pinagmamasdan ang higpit ng pagkakatali niya kay Valdore na nakatali sa malaking bato sa loob ng kuweba. "Ash," tatlong sunod-sunod na echo ang nalikha ng boses ko kaya tumikhim ako saka nagsalita nang mas mahina.

"Anong mangyayari kay Valdore?" Tumingin siya sa 'kin, walang bahid ng pawis, o pagod ang ginawa niya. Para bang hindi na bago sa kaniya ang mga ganitong uri ng gawain. Tumingin siya kay Valdore na ngayon ay parang inosenteng batang natutulog.

"Ang lahat ng pangunahing tauhan sa kuwento, babalik at babalik sila para pangunahan pa rin ang takbo ng kuwento. Walang ibang puwedeng pumalit sa bida ng isang istorya. Ang mundo ng nobela na kanilang ginagalawan ang siyang gagawa ng paraan upang makabalik sila." Sagot niya saka tumingin sa 'kin. Ngayon naiintindihan ko na, minsan may mga iniiwasan tayong mangyari sa buhay natin pero nangyayari pa rin, dahil gumagawa rin ng paraan ang mundo para harapin mo ang bagay na iyon na pilit mong nilalayuan.

"Ibig sabihin... mangyayari pa rin ang takbo ng kuwentong ito? Makukuha niya ang kaharian?" Tumango si Ash saka itinukod ang hawak na espada sa lupa na para bang patungan niya iyon ng kamay. Pinagmamasdan namin ngayon si Valdore na para bang kami ang mga magulang na nag-uusap tungkol sa anak habang nakasilip sa pintuan ng kuwarto nito.

"Mangyayari pa rin ang dapat mangyari. Magbago man habang nandito tayo... babalik pa rin ang lahat sa totoong takbo ng kuwento." Hindi siya tumingin sa 'kin, alam kong nasabi na niya iyon dati. Pero umaasa pa rin ako na mabago ang dapat na mangyari.

Ilang sandali pa ay narinig namin ang malalim na paghinga ni Valdore, gumalaw din ang kaniyang paa at ulo na nakasandal sa ere. Napalunok ako at tumingin kay Ash, sa mga ganitong pagkakataon ay dapat may hawak na kaming sandata o mas mabuting magtago na lang kami baka makawala pa si Valdore.

Ngunit walang ginawa si Ash, nanatili siyang nakatayo habang nakatukod ang espada sa lupa na para bang naiinip siya sa tagal magising ni Valdore. Gusto kong maging matapang din tulad ni Ash kaya sinubukan kong itaas ang noo ko. Sana lang ay hindi nahahalata ni Ash ang malalim ko ring paghinga.

Gulat na napatingin si Valdore sa dibdib saka pilit na iginalaw ang sarili ngunit mas lalong humihigpit ang kadena na nakapulupot sa kaniyang katawan at sa malaking bato. Sumigaw siya saka pilit na nilakasan pa ang pagpupumiglas pero walang nangyayari.

Natatakot ako sa boses niya 'di tulad noong binabasa ko pa lang ang kuwentong ito kung saan suportado ko siya sa lahat ng gagawin niya. Naalala ko na naman ang hitsura niya kanina kung saan handa niyang inumin lahat ng dugo ko upang mabuhay siya.

"Mas lalo ka lang manghihina," panimula ni Ash dahilan upang mapatigil si Valdore at deretsong tumingin sa kaniya. Sa sobrang kagustuhan ni Valdore makawala ay hindi niya kami napansin ni Ash na nakatayo ng ilang dipa ang layo sa kaniya.

"Hindi rin 'yan makakatulong sa 'yo." Patuloy ni Ash, hinila ko nang marahan ang dulo ng damit niya at pinandilatan siya ng mata dahil hindi dapat namin galitin si Valdore. Ngumiti lang si Ash na parang natutuwa pa sa pang-aasar kay Valdore, tinanong niya pa ako kung bakit nang walang boses na lumalabas sa kaniya saka tumawa nang walang tunog.

Kumunot ang noo ko dahilan para tumigil siya. Ganito rin ang ginagawa ni mama kay papa kung minsan nagbibiro ito sa maling oras. Tumitikhim at tumatahimik na lang si papa saka magpapatuloy na parang hindi siya nasaway.

"Ikaw... pinadala ka ng hari upang paslangin ako!" Galit na saad ni Valdore habang nakatingin nang matalim kay Ash.

Itinaas ni Ash ang espada at ipinatong iyon sa balikat niya na para bang baseball bat lang ang hawak niya. "Walang puwedeng mag-utos sa 'kin, kahit ang tatay mo." Saad ni Ash dahilan para mapatingin ulit ako sa kaniya dahil para siyang nakikipag-away sa bata.

"Isa ka rin sa mga taksil sa palasyo. Mabuti pang maglaho na kayong lahat, maging ang kahariang ito!" Sigaw ni Valdore na umalingangaw sa buong kuweba. Mas lalo akong kinabahan dahil baka may makarinig sa sigaw niya.

"Naiintindihan ko ang gusto mo mangyari. Sino ba namang gustong mabuhay sa magulo niyong pamilya. Pero hindi ngayon, hindi mo puwedeng gawin ang plano mo ngayon," saad ni Ash saka humakbang papalapit kay Valdore habang nakapatong sa balikat niya ang espada na hawak niya.

Gusto ko sanang hilahin pabalik si Ash sa kinatatayuan namin pero lumuhod siya upang makapantay si Valdore na nakatali sa bato. "Magagawa mo ang lahat ng gusto mo, siguradong aayon din sa 'yo ang tadhana. Pero hindi ngayong nandito kami. Hindi mo maaaring patayin ang lahat ng naririto at sunugin ang buong kaharian." Patuloy ni Ash habang nakatingin nang deretso sa mga mata ni Valdore na para bang siya ang bampira na nagpapasunod sa biktima.

Sandaling hindi nakapagsalita si Valdore, nangingibabaw ang patak ng tubig na hindi natatapos sa loob ng kuweba na para bang ito ang tunog ng orasan. "Kung gusto mo pa mabuhay at makapaghiganti sa kanila... manatili ka rito hanggang dumating ang pagkakataon na may magpapalaya sa 'yo." Dagdag ni Ash na para bang ipinaalala niya ang sumpa.

Tiningnan ko si Valdore, bakas sa mukha niya ang galit, pagkalito, at hindi niya maunawaan ang sinasabi ni Ash. Kailanman ay hindi mauunawaan ng isang karakter na may puwersang gumagalaw sa kanila at siyang gagawa ng paraan upang matuwid ang pagkakagulo ng takbo ng kuwento. Hindi niya nalalaman na ang puwersang iyon ay ang lalaking kaharap niya.


NAGMAMADALI kaming bumalik ni Ash sa tolda. Kumapit ako sa dulo ng damit niya pero yumakap din ako sa kaniya nang magsimulang tumakbo ang kabayo. Hindi pa ako nakakasakay sa kabayo pero nakakasiguro ako na mababali ang balakang ko sa oras na mahulog ako. Wala namang sinabi si Ash, nakatuon lang ang pansin niya sa daan habang mabilis na pinapatakbo ang kabayo.

Ganito ko nakikita sa aking isipan ang mga kuwento kung saan itinatakas ng prinsipe ang prinsesa. Tinatahak nila ang kagubatan kung saan kahit ang matataas na puno ay hindi sila kayang pigilan. Ngunit iba ngayon, hindi kami tumatakas, sa halip ay tinatahak namin ngayon ang daan patungo sa kuta ng mga bampira na siguradong magtataka sa oras na mawala kami.

Pagdating namin ay naabutan namin ang hari, reyna, si Margareth, at Theodore na nakapalibot sa malaking itim na oso na duguan at walang buhay. Lumingon silang lahat sa amin hangang sa bumagal ang takbo ng kabayo at tumigil sa harapan nilang lahat.

Naunang bumaba si Ash at inalalayan niya akong makababa. Sa bilis ng pangyayari ay tila naiwan ang dalawa niyang mainit na palad sa aking baywang nang alalayan niya ako sa paglundag pababa.

Nagbigay-galang siya sa lahat saka nagsimulang maglakad papalapit sa patay na oso. "Ang osong ito ay higit na malaki kaysa sa inaasahan ko." Ngiti ni Ash na pero walang tumugon sa kaniya o ngumiti, maging ang hari ay hindi masaya na si Theodore ang nanalo. Mukhang dismayado siya dahil ipinagmamalaki pa naman niya si Ash.

Nanlaki ang mga mata ko nang makitang wala ng ulo ang oso. Napatakip ako sa bibig sa gulat at nang tumingala ako sa itaas kung saan bumabagsak ang ilang patak ng dugo ay naroon ang ulo ng oso na para bang isang bandilang nakasabit upang bigyang-pugay ng lahat.

"Hindi rin naman naging mahirap, lalo na kung ang biktima ay walang sariling isip." Sagot ni Theodore sabay tingin kay Ash na para bang sinasabi niya na siya ang pinakamatalino at nag-iisip sa lahat ng naririto.

"Ang mga mahihina at talunan, dinadaan na lang nila sa mga madadayang taktika dahil alam nilang hindi sila mananalo sa patas na laban." Ganti ni Ash saka napahalukipkip na para bang pumunta kami sa museum at pinagmamasdan ang mga bagay na naroroon.

Napahigpit ang kamao ni Theodore, muli kong hinila ang dulo ng damit ni Ash dahil mukhang mas lalo niyang ginagalit si Theodore. "Mabuti pang sa loob na tayo maupo habang hinihintay natin si Cepheus." Wika ng hari para matapos na ang pagpaparinigan nina Ash at Theodore. Tumingin ang hari kay Ash, bakas sa mukha niya ang pagkadismaya. Alam namin na tinaasan niya ang dami ng premyo dahil sigurado siyang mananalo si Ash o Cepheus.

Naunang pumasok sa malaking tolda ang hari, agad sumunod sa kaniya ang reyna, at si Margareth. Ilang segundong tiningnan nang matalim ni Theodore si Ash bago siya sumunod sa hari at sinuksok sa gilid ang kaniyang espada.

Hindi rin nagpatalo si Ash, sinundan din niya ng tingin si Theodore na parang batang naghahamon ng away. Kinurot ko na ang tagiliran niya dahil mukhang hindi siya titigil. "Anong pakialam ko sa premyong bariles ng dugo? Inumin na nila 'yon hanggang malunod sila." Bulong ni Ash sa sarili niya ngunit tumigil din siya nang mapatingin siya sa 'kin.

"Nababad trip lang kasi ako sa Theodore na 'yon. Babatiin ko nga sana siya tapos sasabihan niya akong walang utak?" Reklamo ni Ash, hindi ko alam kung matatawa ba ako o dapat ko siyang kampihan. Kung minsan wala sa lugar ang pagkapikon niya. Pero kahit ganoon, natatagpuan ko pa rin ang sarili kong tumatawa ng dahil sa kaniya.

"Ang sakit ng kurot mo, wala rin palang silbi tong armor na 'to." Tawa ni Ash sabay hawak sa tagiliran niya kung saan may uwang doon na para bang nakadisenyo iyon para kurutin ang mga tulad niyang hindi nadadala sa isang tingin.

"Ikaw kasi... 'wag mo na silang asarin. Hayaan mo na lang sila, kapag pinatulan ka nila, ikaw rin ang mapapahamak." Paalala ko sa kaniya. Hindi niya alam kung gaano ako nag-aalala lalo na dahil mainit ang dugo sa kaniya nina Theodore at Cepheus. Kayang-kaya nila patayin ang sarili nilang kadugo, paano pa kaya si Ash na hindi naman nila kilala.

Ngumiti si Ash nang hindi lumalabas ang ngipin saka tumango-tango na para bang isang batang masunurin, "Opo. Masusunod."

Kung minsan nakakalimutan ko na hindi siya tao o kung anong hiwaga ang bumabalot sa kaniya. Ang nakikita ng ating mga mata ay hindi lang kung ano ang nasa harap natin, kundi ang ideyang mayroon tayo sa tao o bagay na iyon. Mas nangingibabaw sa akin ngayon ang mga bagay na gusto ko pang malaman tungkol sa kaniya.

Pagpasok namin sa tolda, tahimik na nagsasalo-salo ang mga bampira. Hindi ko alam kung bakit parang ang bigat ng tensyon na sumalubong sa 'min. Magkatabi kaming umupo ni Ash sa dulo, tumingin ako kay Ash mukhang iniisip niya kung dapat ba siyang magbiro o hayaan na lang ang katahimikan na lumamon sa aming lahat. Kung tutuusin, puwede naman niya hindi pakisamahan ang mga karakter sa kuwento pero mas pinipili niyang itrato sila na tulad ng mga tao.

Naalala ko si Valdore, naiintindihan ko na kung bakit kinamumuhian niya ang sarili niyang pamilya. Hindi ko man naranasan na balewalain ng mga magulang ko, wala man akong kapatid na maituturing kong kalaban sa lahat ng bagay, ramdam ko pa rin na parang nakakasakal ang maging bahagi ng ganitong pamilya.

Nabasag ang katahimikan ng lahat nang pumasok ang isang kawal, "Mahal na hari... si Prinsipe Cepheus," hindi man ituloy ng kawal ang sasabihin niya ay nababasa na agad namin ang masamang balita mula sa reaksyon ng kaniyang mukha.

Agad sumakay ng kabayo ang hari kasama ang mga kawal nito. Nakasunod kaming lahat na para bang nilulunod kami ng hanging papasalubong sa takot na may masama ngang nangyari kay Prinsipe Cepheus. Sa orihinal na kuwento, si Valdore ang napahamak sa eksenang ito.

Madali naming natunton ang lugar kahit pa hindi ituro ng kawal na nakakakita dahil sa lakas ng amoy ng mga bampira. Isang malaking pabilog na hukay ang nagpatigil sa amin sa gitna ng kagubatan. Agad lumundag ang hari pababa sa kaniyang kabayo at dumungaw sa hukay kung saan may bakas ng mga dugo.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang patay na kabayo na nakilala ng lahat na siyang sinakyan ni Prinsipe Cepheus. Nagkalat din sa hukay ang espada at mga palaso na pagmamay-ari ng prinsipe.

Katahimikan at kaluskos ng mga puno at patay na dahon sa lupa ang umalingangaw sa buong kagubatan habang gulat na nakatingin ang lahat sa malaking hukay. "Tiyak na isa itong patibong. May mga kalaban mula sa ibang kaharian ang siguradong namumugad dito." Saad ng punong-kawal na nasa tabi ng hari.

Humakbang si Theodore at tumabi sa hari habang nakatingin sa hukay, "Malabong mangyari iyon. Nalalaman ng lahat na madalas dito mangaso ang hari. Bantay-sarado ito ng mga kawal, hindi ba?" Wika niya sabay tingin sa punong-kawal na napayuko at hindi na nagsalita dahil kung mapapatunayan na mga kalaban ang nakagawa ng hukay sa teritoryong dapat ay binabantayan nila ng maayos, siguradong mapaparusahan siya.

"Sinadya ito ng isang may galit sa prinsipe at palasyo. Bakit si Prinsipe Cepheus pa ang nahulog sa hukay na ito? Nasaan siya ngayon?" Patuloy ni Theodore saka tumingin sa hari, "Mahal na hari, ang mabuti pa ay unahin nating hanapin ngayon ang prinsipe!" Dagdag nito na para bang buong buhay niya ay nag-aalala siya sa pamangkin.

Napahilamos sa mukha ang hari, ang kaniyang maputlang mukha ay mas lalong nanuyot at may mga ugat na lumabas sa kaniyang balat na agad niyang tinago. Naalala ko na tinatago ng hari ang matindi niyang karamdaman, hindi pa niya nakikitang handa na si Cepheus na pamunuan ang buong kaharian kung kaya't hangga't maaari ay kinakaya niya habang sinasanay ang anak na hahalili sa kaniya.

"Siguraduhin niyong matagpuan ng buhay ang prinsipe!" Sigaw ni Reyna Adonia na siyang naging boses ng kaniyang asawa. Hinawakan niya ang magkabilang braso nito upang alalayan. Sa siyam nilang anak, pitong beses na silang namatayan ng anak kung kaya't samu't saring bagay na agad ang gumugulo sa kanilang isipan na baka huli na ang lahat para kay Cepheus.

Tumingin ako kay Margareth na nakatayo sa likod namin at hindi makagalaw sa kaniyang kinatatayuan dahil sa gulat. Namumula at nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata pero hindi niya magawang pakawalan ito.

Lalapit dapat ako sa kaniya pero napatigil ako nang mabilis na nahugot ni Theodore ang kaniyang espada at itinutok iyon sa leeg ni Ash na nasa tabi ko. Sa sobrang lapit ko sa kanila ay parang tumama ang repleksyon ng buwan sa makintab at matalim na espada sa aking mga mata.

"Sino ka? Ano ang pakay mo sa aming kaharian?!" Seryosong tanong ni Theodore habang matalim na nakatingin kay Ash na nanatiling nakatayo at deretsong nakatingin sa kaniya na para bang hindi na siya nagulat na siya ang una nitong pagbibintangan.

"Theodore!" Suway ng hari ngunit hindi nagpatinag si Theodore, "Iyong nakakaligtaan na siya ang nagligtas sa atin..." Patuloy nito ngunit nang sabihin niya ang salitang nagligtas ay para bang hindi na siya sigurado sa kaniyang sinasabi.

"Mahal na hari, ipagpaumanhin niyo ngunit hindi ko magagawang manahimik ngayon. Matagal nang nagdudulot ng takot sa ating lahat ang sumpa sa ika-siyam na prinsipe... ngunit bakit nagawa siyang paslangin ng isang ito na hindi malinaw sa lahat kung saan siya nagmula!" Paninindigan ni Theodore saka tumingin sa damit ni Ash na may bahid ng dugo.

"Saan mo nakuha iyan? Ako ang nakapatay sa oso ngunit ikaw ang may bahid ng dugo." Patuloy nito na mas lalong nagpalakas sa binabato niyang pag-aakusa kay Ash. Tumingin si Theodore sa akin, "At ikaw, bakit magkasama kayong dalawa? Saan kayo nagtungo?" Hindi ako nakapagsalita sa gulat, kahit sino ay maghihinala kung bakit magkasama kaming bumalik ni Ash sa tolda.

"Ganito ka ba maglaro?" Gulat akong napatingin kay Ash dahil sa sinabi niya kay Theodore. Gusto kong hilahin ulit ang damit niya upang suwayin siya dahil sa oras na magdilim ang paningin ni Theodore dahil sa sinasabi niya ay magigilitan siya ng leeg.

Bakas sa mukha ni Theodore ang pagkainsulto sa tanong ni Ash. Naiintindihan ko na wala siyang kinakatakutan sa mga karakter sa kuwento ngunit hindi kami agad makakaalis dito at may mga bagay na hindi niya kayang gawin mula nang mawala ang hawak niyang susi.

"Ikaw ang nagsabi na mahigpit ang mga bantay sa kagubatang ito dahil dito nangangaso ang hari. Kami ay dayo lang gaya rin ng iyong sinabi, paano namin magagawa ang mga bagay na ibinibintang mo na magagawa lang ng isang may malaking impluwensiya at may kapangyarahin ding utusan ang mga nagsisilbi sa palasyo?" Seryosong saad ni Ash habang nakatingin nang deretso kay Theodore.

"Kung gayon, saan kayo nanggaling?" Sigaw ni Theodore saka tumingin sa 'kin, "Bakit ka umalis at pagbalik niyo ay magkasama na kayong dalawa?" Patuloy niya na parang hinuhukay ang sagot sa buong pagkatao ko. Hindi namin puwedeng sabihin na tinago namin si Valdore sa isang kuweba. Siguradong hindi niya rin hahayaang mabuhay ang isang prinsipe na may higit na karapatan sa trono kumpara sa kaniya.

Pinaglalaruan ni Theodore ang buong palasyo. Pinag-aaway niya ang mga prinsipe at siya ring nagtatanim ng ideya sa hari na dapat katakutan si Valdore. Ang sumpa ay isang sumpa sa salita na nabibigyang kahulugan lang sa oras na may mangyaring masama. Likas sa atin ang maghanap ng masisisi sa masasamang nangyayari sa paligid at sa ating buhay. Iyon ang pinakamadaling gawin upang mapagaan natin ang sitwasyon. Kailangan natin ng masisisi.

Hindi kami nakasagot ni Ash, alam naming pareho na nahulog kami sa hukay na inihanda ni Theodore. Anuman ang sabihin namin, walang kasiguraduhan na may maniniwala sa aming dalawa. Maging ang hari at reyna ay hindi na nagawang tumingin ng may paghanga o awa kay Ash, mas nangingibabaw sa kaniya ang hustisya na kailangan para sa kaniyang anak. At iyon ay ang makahanap ng mapaparusahan sa pagkawala ni Prinsipe Cepheus.

Tumingin si Theodore sa hari at reyna, "Hindi niyo ba naisip na maaaring may ibang motibo ang isang 'to nang paslangin niya si Valdore?" Ang tanong na iyon ay para sa hari, reyna at kay Margareth na nanginginig na sa gulat. Nalalaman ng lahat na si Valdore ay isa ring prinsipe. Ang prinsipe na itinakwil ng kaharian ngunit hindi ang dugong bughaw na nalalatay sa kaniya.


NAGPABALIK-BALIK ako sa loob ng pabilog na silid sa tuktok ng palasyo kung saan dinadala ang mga nagkasala sa kaharian. Hindi na bago sa akin ang mga posibleng mangyari rito, kung hindi nila ako pahihirapan, bibitayin o ilalagay sa kabaong at ihuhulog sa dagat ay hahayaan nila akong magutom dito hanggang sa mamatay.

Ang kasalanan para sa ganitong kaharian ay nararapat na pagdusahan upang maging halimbawa sa mga nasasakupan. Mas madaling magpasunod gamit ang pananakot kumpara sa magagandang salita na tatawanan lang ng ilan. Walang sinumang nagagawang tumawa sa oras na lamunin na ito ng takot.

Mataas ang kisame at walang kagamit-gamit sa loob. Magagaspang na dingding, alikabok, agiw, at mga basag na baso ang nasa sahig. Wala rin akong nakikitang ibang hayop na siyang senyales ng buhay. Ang lahat ng ikinukulong dito ay inaasahang mamamatay.

May isang maliit na bintana sa itaas ng dingding. Masyado itong mataas na halos sampung talampakan pa ang taas. Napansin ko na mas kakaunti ang mga paniking lumilipad sa himpapawid kumpara noong unang beses kong nakita ang palasyo.

Sinimulan kong tapikin ang mga dingding. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong nagpaikot-ikot habang hinahanap ang pintuan nang marinig ko ang boses ni Margareth. Gulat akong napalingon sa kaniya, "Hindi mo makita ang lagusan," saad niya na hindi patanong. Hindi ko namalayan na nakapasok na siya, hindi ko alam kung saan siya dumaan.

"Hindi ka rin umiinom ng dugo," patuloy nito saka humalukipkip at nagsimulang maglakad paikot sa silid habang dinudulas ang matalas niyang kuko sa magaspang na dingding. Hindi ko maintindihan kung bakit wala ng bakas ng pagluluksa sa mga mata niya tulad ng naging reaksyon niya kanina nang malaman niyang may masamang nangyari kay Prinsipe Cepheus.

Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan habang sinusundan siya ng tingin hanggang sa makalapit siya sa 'kin. "Hindi kami umiinom ng tubig. Ang tubig ang bumubuhay sa sanlibutan, at hindi nabubuhay ang mga bampira sa parehong layunin ng tubig." Saad niya saka tumitig sa mga mata ko dahilan upang makaramdam ako ng hilo, ang mapupula niyang mga mata at maputlang mukha ay nagiging dalawa sa paningin ko.

Naalala ko ang ginawa noon ni Ash nang titigan ako ni Cepheus, hinawakan niya ang kamay ko upang makabalik ako sa reyalidad. Pilit kong ipinikit ang aking mga mata saka umiling ng paulit-ulit upang alisin ang impluwensiya niya sa isipan ko.

"Hangal!" Sigaw ni Margareth nang hindi ko magawang mahulog sa kapangyarihan niya. Bago ko pa maimulat ang mga mata ko ay naramdaman ko ang matalim niyang mga kuko sa aking leeg. Itinulak niya ako sa dingding saka sinakal pataas gamit ang kaliwa niyang kamay.

Pilit akong pumipiglas at buong-lakas na inaalis ang kamay niya sa aking leeg ngunit hindi ko na maramdaman ang sahig. Isinisipa ko sa ere ang aking mga paa pero mas lalo akong itinutulak ni Margareth sa dingding, kulang na lang ay madurog ang mga buto ko sa lakas niya.

"Hindi ka namin kauri. Maging ang lalaking iyon, tiyak na hindi kayo nabibilang sa amin!" Seryosong saad ni Margareth habang pilit niya akong inihuhulog sa impluwensiya ng kaniyang mga mata.

"Balak niyo bang agawain o sirain ang kaharian?!" Mas malakas na ngayon ang boses niya ngunit hindi na ako makahinga. Buong-sikap akong lumalaban pero wala akong laban sa lakas ng isang bampira.

Sumigaw muli si Margareth saka inihagis ako sa kabilang dingding. Deretsong tumama ang mukha ko sa pader at bumagsak sa sahig. Napahawak ako sa ilong ko nang maramdaman ko ang pagtulo ng dugo.

Bago ako tuluyang makabangon ay nakita ko na ang dulo ng mahabang palda ni Margareth sa tapat ko. Hinila niya ang buhok ko saka tiningnan muli ng deretso, "Sisiguraduhin naming dito na kayong dalawa babawian ng buhay. Ang lakas ng loob niyong pasukin ang aming kaharian!" Ang boses niya ay puno ng galit at pagkamuhi, hindi man kami naging malapit sa isa't isa pero hindi ko siya ganito unang nakilala.

Siya ang babaeng unang minahal ni Valdore, ang nagpakita sa kaniya na sa kabila ng sumpang bumabalot sa kaniyang pagkatao ay may isang naniniwala na isa siyang ordinaryong bampira na nagtataglay din ng awa at pusong mapagmahal. Si Margareth ang naging biktima ng makasariling hangarin ng kaniyang mga magulang nang itakda siyang ipakasal kay Prinsipe Cepheus. Naglalaban ang kaniyang loob kung dapat niya bang unahin ang kapakanan ng sariling pamilya at ng kaharian, o ang tinitibok ng puso niya.

Inilapit ni Margareth ang sarili niya sa 'kin upang amuyin ang sariwang dugong tumutulo mula sa ilong ko. Bakas sa mukha niya ang pagtataka na para bang sa unang pagkakataon ay may bagay siyang hindi naintindihan. "Kakaiba ang iyong dugo. Ilang taon ka na?" Tanong niya na hindi ko masyado maintindihan dahil parang lumulutang na ang ulo ko. Napahawak ako sa noo ko na ngayon ay may bahid din ng dugo nang ibato ako ni Margareth sa pader.

Kung pagbabasehan ko ang reaksyon niya ngayon, tila naguguluhan siya kung bakit naaamoy niya pa rin ako bilang bampira ngunit ang edad ko ay hindi kasingtagal ng kanila. Sila ay nabubuhay ng ilang libong taon na. Ang pinakabata sa kanilang kaharian ay ilang daan taon na ang edad. Ngunit ako ay nabubuhay ng labing-walong taon lamang.

Binitiwan na ni Margareth ang buhok ko saka tumayo at sandaling nag-isip, "Kung hindi ka makikipagtulungan sa amin, nakasalalay ngayon ang buhay ng iyong kapatid." Saad niya saka lumingon sa akin.

"Ipagtapat mo sa hari na kayong dalawa ang may pakana ng pagkamatay ni Cepheus." Nanlaki ang mga mata ko, si Cepheus ang isa sa pangunahing tauhan at kalaban ni Valdore. Ang pagkamatay niya ay hawak ni Valdore.

"Nasaan si Cepheus?!" Ngayon ay unti-unti ko nang nakikilala si Margareth. Ang karakter na biktima ng mga ganid na naghahangad ng mas mataas na kapangyarihan at impluwensiya ay may itinatagong katangian pala na taliwas sa kung paano siya binuo ng manunulat ng nobelang ito.

Ngumisi si Margareth, isang ngiting mapanlibak na nagsasabing ito ang tunay na pagkatao niya. "Wala akong ibang pakakasalan kundi ang trono." Ang tanging sinabi niya bago siya humakbang paatras at nang hawakan niya ang isang bahagi ng dingiding ay doon lumabas ang pintuan na gawa sa bakal. Nag-aabang sa labas ang dalawang tagapagsilbi na naghihintay sa kaniya.

Sinubukan kong bumangon, "S-sandali!" Ngunit huli na dahil malakas na bumagsak ang pinto at muli itong humalo sa hitsura ng mga dingding kung saan ang taong tulad ko ay walang kakayahan makita kung nasaan na ito.


HINDI ko alam kung anong oras na o kung ilang araw na ang lumipas. Kung minsan ay nakatulala ako sa katiting na liwanag ng buwan na tumatagos sa maliit na bintana. Hindi ko rin alam kung gaano katagal akong nakatulog. Matagal-tagal din akong humiga at tumulala lang sa kawalan. Nagawa ko na lang umupo dahil nangangalay na ang likod ko. Wala rin akong naririnig na ingay mula sa labas. Tanging paniki at hampas ng hangin ang naririnig mula sa tuktok ng palasyo.

Kailanman ay hindi ako pinagbuhatan ng kamay ng sinuman. Ni wala rin akong maalala na napalo ako ng aking mga magulang. Napapaisip tuloy ako kung paano nakakayanan ng mga karakter o totoong tao mismo ang dumanas ng ganitong paghihirap. Ang maakusahan sa hindi naman nila kasalanan at tanggapin ang parusang tatapos sa kanilang buhay.

Natauhan ako nang maaninag ang isang liwanag. Nagbago ang lagusan, nasa tapat ko na ito ngayon kung saan pumasok ang reyna. Nasa likod niya ang apat na tagapagsilbi at dalawang kawal na may hawak ng sulo na may apoy.

Dahan-dahan akong tumayo at nang mapagtanto ko na kailangan kong magbigay-galang ay yumuko ako. Sinusundo na siguro nila ako ngayon para litisin. Sa tuwing naiisip ko si Ash ay hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Dapat ba akong magtiwala sa kaniya tulad ng kung paano tayo nagtitiwala sa liwanag ng buwan? O dapat ba akong matakot sa mga mangyayari dahil maging siya ay hindi nakasisiguro sa magiging kahihinatnan namin dito?

"Matapos namin kayong bukas-loob na tinanggap at patuluyin dito ay hindi ko akalain na magagawa niyo ito." Panimula ng reyna na nanatiling nakatayo malapit sa pintuan na ngayon ay nakasara na. Walang nagawa ang mga tagapagsilbi at kawal nang sabihin niyang isara ang pinto dahil gusto niya akong makausap.

Iniangat ko nang kaunti ang aking ulo, may bahid ng sama ng loob ang reaksyon niya. Hindi ko rin siya masisisi. Dayo lang kami ni Ash at kami pa ang naghatid ng gulo sa kuwentong ito. "Ang iyong kapatid... nakatakda na siyang sunugin mamaya." Nanlaki ang mga mata ko at sandaling hindi nakapagsalita.

Hindi ko alam kung saan ba ako mas hindi makapaniwala, sa gagawin nila kay Ash? O sa katotohanang wala pa ring nangyayari ngayon para maligtas namin ni Ash ang mga sarili namin?

"Kung aamin ka ngayon, maaari kitang hayaang makausap ang iyong kapatid bago siya dalhin sa kaniyang huling hantungan." Napahawak ako nang mahigpit sa aking palda. Pumunta siya ngayon dito para pigain din ako o kaya piliting umamin sa kasalanang ibinibintang nila sa amin. Anong pinagkaiba niya kay Margareth? Pareho silang nakakapit sa mas makapangyarihan sa kanila at ang tangi nilang magagawa ay ang suportahan ang mga ito para rin sa kanilang kapakanan.

"Kahit pa sunugin niyo rin ako o gutumin dito... hindi namin aakuin ang bagay na hindi naman namin ginawa." Ganito rin ang gulat ko sa sarili ko nang makasagutan ko si May Ann. Hindi ko akalain na magagawa kong sagutin ang reyna at piliing tumayo kaysa ang lumuhod sa harapan niya.

Nanlaki ang mga mata ng reyna, bakas sa mukha niya na hindi siya makapaniwala na ang isang mababang uri na tulad ko ay magagawa siyang sagutin nang deretso at tingnan nang matalim. "Kung ibig mong sumunod sa iyong kapatid, hindi na kita pipigilan." Sagot niya. Hindi ko akalain na magiging ganoon ang reaksyon niya. Kung si Margareth ngayon ang narito, siguradong hinagis na niya ulit ako o sinakal sa galit.

Sa lahat ng karakter ng nobelang ito, si Reyna Adonia ang hindi ko masyado makilala at mabasa. Kakaunti lang ang eksena niya at madalas ay nababanggit siya sa tuwing naaalala ni Valdore ang pagkukulang ng kaniyang mga magulang. Sinisisi niya rin ang reyna na binuhay pa siya.

Akmang aalis na ang reyna nang magsalita ako muli, "B-buhay pa si Valdore!" Nagdadalawang-isip ako kung dapat ko bang sabihin iyon sa kaniya pero bago pa ako makapagdesisyon ay nasabi ko na.

Lumingon sa akin ang reyna na para bang sinasabi niya na nagawa ko pang gamitin ang isa niya pang anak para iligtas ang sarili ko. Bakas sa mukha niya na hindi siya naniniwala sa akin. Ang lahat ng nakakakita kung paano napaslang ni Ash si Valdore noong gabing iyon sa gitna ng pagdiriwang ay sapat ng katibayan na hindi na ito mabubuhay.

Napalunok ako. Naalala ko si Ash, kung dito kami mapapahamak. Mas mabuti sigurong sumugal na rin ako bago namin tanggapin ang mangyayari sa amin. "Kaya kami nawala ni... ng aking kapatid ay dahil nalaman naming buhay ang ika-siyam na prinsipe. Alam namin kung nasaan siya ngayon." Napahawak ako ulit sa palda ko upang pigilan ang panginginig nito. Ramdam ko ang lakas ng tibok ng puso ko hanggang lalamunan.

Humarap muli sa akin ang reyna, nararamdaman kong kahit alam niyang imposibleng buhay ang anak niya ay umaasa pa rin siya na totoo ang sinasabi ko. Dahil isa siyang ina na kakapit at kakapit sa kahit anong ideya na buhay ang anak niya.

"Ang nangyari kay Valdore ay hindi sinasadya. Wala kaming ibang motibo gaya ng iniisip niyo. Pero para saan pa kung ipagsisigawan namin na wala kaming kasalanan kung hindi rin kayo maniniwala?" Sinubukan kong humakbang papalapit sa reyna pero pinili kong tumigil sa ikalawang hakbang.

"Sino ba ang higit na makikinabang sa oras na mawala ang dalawang prinsipe?" Patuloy ko, napakunot ang noo ng reyna, alam kong malaki ang tiwala niya sa kapatid niyang si Theodore kahit pa pinagtulakan din siya nitong maikasal sa hari. "Hindi pa kasal sina Prinsipe Cepheus at Margareth, wala rin silang anak. Sino ang pinakamalapit sa inyong pamilya ang hahalili sa hari sa oras na ito naman ang maging biktima ng maitim nilang plano?"

"Masama ang inyong loob kay Theodore kaya siya ngayon ang ibig niyong sirain." Giit ng reyna saka tumalikod ngunit napatigil siyang muli nang magsalita ako, "Alam nating lahat ang tungkol sa sumpa. Walang makakapantay kay Valdore dahil siya ang susunod na maghahari sa kahariang ito. Buhay pa siya at huwag niyo sanang sayangin ang pagkakataon para makabawi sa kaniya."

"Nakikita ko na desperado ka nang tunay. Tigilan mo na ang mga kasinunggalingang iyan!" Ramdam ko ang galit sa boses ng reyna at nang lumingon siya sa 'kin ay namumula na ang mga mata niya at handa na rin niya akong saktan tulad ng kayang gawin ni Margareth.

Ngunit ito na lang ang natitira kong pag-asa, kailangan kong sumugal sa tadhana. "Bakit mo siya binuhay kong hahangarin mo rin siyang mamatay? Sa ginawa mong iyon ay para mo na rin siyang pinatay buong buhay niya. Kung ililigtas mo siya at katatakutan dahil sa sumpang dala niya ay bakit ka pa naging isang ina?"

Ngayon naiintindihan ko na si Ash kung bakit mas lalo niyang ginagalit ang mga karakter na ito. Sinusubok niya ang mga ito at binibigyan ng pagkakataong magdesisyon sa sarili, hindi dahil sa ito ang gustong mangyari ng manunulat ng kuwento, kundi dahil may sarili rin silang isip, puso, at kakayahang magpasiya.

Kung si Ash ang nagsasalita ngayon at sumusubok sa reyna, siguradong sinagi ko na siya o hinila ang damit niya upang tumigil siya. "Nararamdaman ko na nariyan pa rin ang pagmamalasakit mo sa akniya. Binuhay mo siya hindi lang dahil sa mahal mo siya kundi dahil naniniwala ka na hindi mangyayari ang sumpa."

Unti-unting namumuo ang mga luha sa mata ng reyna. Siguradong naalala niya ngayon noong pinanganak niya si Valdore, bago niya pa mahagkan ito ay kailangan na itong ilayo ng katiwala at itakas sa palasyo.

"Kung paano ka sana naniwala at nanalig noon kay Valdore ay magagawa mo rin siyang tulungan ngayon. Sa oras na makita siya ng mga kawal ay tiyak na wala ka ng anak na maaabutan."

Hindi ako makapaniwala sa sunod na nangyari, humakbang papalapit sa akin ang reyna habang nakatitig sa aking mga mata. Ngunit hindi niya ako ginamitan ng kapangyarihan na mahulog sa impluwensiya niya, sa halip, lumapit siya para bumulong.

"Paano ako nakasisiguro na nagsasabi ka ng totoo?"

Tumingin ako sa mga mata niya. Naalala ko si mama, bumubulong siya sa akin kapag gusto niya akong makausap ng seryoso dahil kung minsan hindi ako sumusunod sa kanila. May pagkakataon na gusto kong kumain ng bawal sa 'kin, na gusto kong magpuyat, na gusto ko pang magbasa buong gabi.

"Mahalaga rin sa amin ang kahariang ito," napatigil ako, ang kahariang ito na matatagpuan lang sa loob ng kuwento. Ang kahariang ito na nabuo lamang mula sa imahinasyon ng manunulat at mambabasa. "Hindi namin nais na masira ang inyong kaharian. Higit pa roon, hindi dapat magtagumpay si Theodore. Mas nalalaman mo ang mga kaya niyang gawin makuha lang ang kaniyang gusto."

Sandaling hindi nakasagot ang reyna, hindi na ako magtataka kung iniisa-isa ngayon ng isipan niya kung ano-ano ang mga bagay na nagawa ni Theodore mapalakas lang ang sariling impluwensiya at makabalik sa palasyo.

Isang malamig na kamay ang naramdaman ko sa aking palad. Nang ibaba ko ang aking tingin ay hawak na iyon ng reyna, "Ito ang huling beses na magtitiwala ako sa inyong magkapatid. Iligtas niyo aking anak." Wika niya, ang kaniyang boses ay walang bahid ng pag-uutos, sa halip, ito ay boses ng isang ina na nakikiusap at nagawang itaya ang huli niyang magagawa para sa kaligtasan ng anak.


SUMASABAY ang limang paniki sa himpapawid habang mabilis akong tumatakbo sa gitna ng kagubatan. Pinadala ng reyna ang mga bantay na iyon upang hindi ako mapahamak sa daan. Bukod doon, alam kong hindi mawawala sa kaniya ang paghihinala kung kaya't hindi inaalis ng mga paniki ang kanilang matalas na tingin sa akin.

Para akong sinusundan ng buwan habang tumatakbo patungo sa kuweba. Mabilis kong nalalagpasan ang matataas na puno. Nagugulo ko rin ang mga nananahimik na patay na dahon sa lupa. Sa kabila niyon, ay hindi nagbabago ang puwesto ng buwan na tila pinapanood ako.

Napatigil ako ng dalawang beses upang habulin ang aking paghinga. Hindi pa ako nakatakbo ng ganito kahaba. Kung ikukumpara ko ito sa track 'n field na tinakbuhan namin ni Ash para sa P.E class, sa tingin ko ay limang beses akong umikot doon.

Hindi nagtagal ay natanaw ko na ang kuweba kung saan namin tinago si Valdore. Mas lalong bumigat ang aking bawat hakbang, animo'y ako mismo ang lumalapit ngayon sa kuta ng isang leon.

Tumigil ako sa bukana ng kuweba, may oras pa upang tumakbo ako papunta sa ibang direksyon. Ngunit nakasalalay ngayon ang buhay ni Ash. Maging ang pangako ko sa reyna na ililigtas namin si Valdore.

Lumambitin ang limang paniki sa matataas na puno sa paligid na para bang naghihintay sa gagawin ko. Pakiramdam ko ay naramdaman na nila ang presensiya ni Valdore kung kaya't hindi na sila lumapit pa sa kuweba.

Napahinga ako nang malalim saka humakbang papasok. Wala akong ibang liwanag na inaasahan kundi ang liwanag ng buwan na pumapasok sa bukana ng kuweba. Nakakalimang hakbang pa lang ako nang marinig ko ang paggalaw ng kadena.

Dalawang pares ng pulang mata ang nakita ko mula sa kadiliman. Napatigil ako nang marinig ang malalim nitong paghinga tulad ng kung paano niya ako handang patayin noong isang gabi. Ipinikit ko sandali ang aking mga mata, kung hahayaan kong maghari sa akin ang takot, mahuhulog kaming lahat sa plano ni Theodore.

Naalala ko kung paano ako nagawang iligtas ni Ash kay Valdore. Saan niya hinuhugot ang tapang na iyon kung ang pinakamadaling gawin ay tumakbo na lang papalayo? Ngayon ay gusto kong magkaroon ng lakas ng loob tulad niya. Sa lakas ng loob nagsisimula ang katapangan.

Iminulat ko na ang mga mata ko saka nagpatuloy muli sa paghakbang. Sa pagkakataong ito ay mas mabilis na habang nakahawak nang mahigpit sa aking palda. Naging matapang ako sa loob ng ilang taong pakikipaglaban sa sakit ko. At iyon din ang gagamitin kong lakas ng loob upang maging matapang ngayong kaharap ko na si Valdore.

"Pinadala ako ng mahal na reyna," panimula ko. Nanatili siyang nakatingin nang matalim sa 'kin. Akala ko ay magpupumiglas siya at magwawala hanggang sa makalas ang kadena, pero hindi, hindi siya kumibo.

Naglakad ako sa likod ng bato saka sinimulang hanapin ang dulo ng kadena. Kinuwento ko sa kaniya ang nangyari, kung paano nahulog si Prinsipe Cepheus sa bitag ni Theodore, ang pagbibintang nito sa amin, at ang kamatayang naghihintay kay Ash.

"At nagtiwala ka sa kaniya? Hindi mapagkakatiwalaan ang reyna." Saad ni Valdore, ni hindi niya ito kayang tawaging ina. Itinuturing niya itong estranghero na magagawa niya lang din patayin nang hindi nagdadalawang-isip.

"Ang reyna ang tumulong sa 'kin at nakiusap na tulungan ka. Naniniwala siya na makakabalik ka. Hindi man niya nagampanan ang pagiging ina, hangad niya pa rin ang kaligtasan mo."

"Hindi niya lang kayang patayin ang sarili niyang anak kaya niya tinapon ito at hinayaang mamatay. Hindi niya kayang akuin ang responsibilidad. Hindi niya rin gustong sa kaniya mabunton ang sisi dahil siya ang nagluwal ng isinumpang bata. Sa ganoong paraan, pinapaniwala niya ang sarili na ginawa niya iyon para maligtas ang kaniyang anak. Gusto niyang iligtas ang sarili niya sa konsensiya."

Hindi ako nakapagsalita. Wala ako sa lugar para manghimasok sa relasyon nilang dalawa bilang mag-ina. Nababasa ko lang kung ano ang panig na gustong ipakita ng manunulat. Sa likod ng libo-libong salita ng isang nobela, wala pa sa kalahati ang nalalaman ko tungkol sa tunay na pinagdaanan ng bawat karakter.

Naalala ko ang mga namumuong luha sa mata ng reyna. Magkakaiba man ang hitsura ng lahat ng ina sa buong mundo, ang damdamin ng kanilang pagluha ay pare-pareho lalo na kung ang mga luhang iyon ay para sa kanilang anak.

"Ang alam ko lang ay gagawin ng isang ina ang lahat para mabuhay ang kanilang anak. Kahit pa wala silang tulog, walang kain, walang pahinga. Hahalughugin nila ang buong mundo para lang gumaling at maligtas sa kamatayan ang anak nila." Naalala ko si mama, kung minsan tinititigan ko siya habang natutulog kami. Kaya ako naniniwala noon sa mga angel, superheroes, fair god-mother, kung sino-sinong karakter na nakapagliligtas ng sangkatauhan ay dahil sa kaniya.

"Hindi ko sinasabing mali ang paniniwala mo sa isang ina. Pero sana hindi pa huli ang lahat para makita mo at maranasan mo iyon sa kaniya. Kapag binigyan mo siya ng pagkakataon, saka mo sabihin sa 'kin kung tama ba ako o mali. Magkaiba tayo ng naranasan ngunit hangad ko na maranasan mo rin ang pagmamahal ng isang ina na naranasan ko." Nahanap ko na ang dulo ng kadena. Hindi ko alam kung iyon ba ang malamig o ang kamay ko.

Sandaling naghari ang katahimikan habang pilit kong inaalis ang pagkakabaon nito sa malaking bato. Hindi ko alam kung paano nabuhat ni Ash ang batong ito pero masasabi kong nagawa niya ng tama kaya hindi nakaalis si Valdore.

"Paano ka nakasisiguro na makakalabas ka ng buhay dito?" Napatigil ako sa sinabi niya. Hindi ko siya nakikita ngayon dahil sa malaking bato na nasa pagitan namin pero nanlamig ang buo kong katawan sa katotohanang ako ang pagkukunan ng lakas ni Vadlore bago siya sumugod sa palasyo.

"Wala na akong pakialam. Matagal na akong handang mamatay." Sagot ko. Sandali akong napatigil, ang totoo ay hindi, umaasa pa rin ako na tulad ng mga plot tiwst sa kuwento ay magkakaroon ng plot twist ang kapalaran ko.

Nang hilahin ko muli ang dulo ay bumagsak ang kadena na nakapulupot sa malaking bato kung saan nakatali si Valdore. Nakita ko siyang tumayo, mas mataas siya sa batong nasa pagitan namin. Para akong sinampal ng reyalidad na ako mismo ang nagpakawala sa leon at siyang magiging una niyang biktima.

Nasa likod ni Valdore ang bukana ng kuweba, bago pa ako makatakbo papalabas ay siguradong mahaharangan na niya ako at maitutulak sa bato. Ipinikit ko ang aking mga mata, kung magigising ako ngayon sa ospital, hinihiling ko na ang mukha nina mama at papa ang una kong makikita. Gusto ko rin sana makita si Ash kahit sa huling sandali. Gusto kong magpasalamat sa kaniya dahil kahit papaano ay naging makabuluhan ang buhay ko kahit sa loob lang ng mga nobela.

Natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Valdore. "Ang lalaking iyon, bakit hindi niya ako tinuluyan?" Nang imulat ko ang aking mga mata, nakatayo lang siya sa kabila ng bato at kinakausap ako na parang pinagtatanungan niya lang kung saan ang daan papunta sa palasyo.

Napalunok ako. Wala ng bahid ng pagkauhaw sa dugo, galit, o pagiging mabangis sa mukha niya. Sa halip, bumalik siya sa Valdore na nakilala ko. Ang bampirang isinumpa at pinagkaitan ng lahat. Pakiramdam ko ay nakatulong ang pag-uusap namin kanina tungkol sa ina kaya nahimasmasan siya. Naunawaan niya na wala akong intensyon na patayin siya.

"May kakayahan siyang patayin ako noong gabing iyon ngunit hindi niya pinatama ang palaso sa aking puso," tumingin siya sa bukana kung saan nakita niya ang limang nakalambiting paniki na nagawa nang lumapit sa amin.

"Mas malakas siya sa akin at ang nangyari sa kaarawan ng reyna ay siguradong kaya niya rin akong tapusin." Patuloy niya, naalala ko ang sinabi ni Ash na nagulat din siya sa nangyari. Pero bakit ngayon ay sinasabi ni Valdore na mukhang nakontrol ni Ash ang pag-atake nito sa kaniya? Na pinili ni Ash na hindi tuluyang patayin si Valdore.

Hindi ako nakapagsalita. Kung totoo ang hinala ni Valdore. Ibig sabihin, hindi sinabi sa akin ni Ash ang totoo. Na alam pala ang nangyayari at kayang-kaya niya pa rin ito kontrolin.

"Alam ko rin na hindi kayo magkapatid." Patuloy ni Valdore dahilan upang matauhan ako at gulat na mapatingin sa kaniya. "Walang magkapatid na ganoon tumingin sa isa't isa."


MAS mabilis kaming nakarating sa palasyo kumpara noong ako lang mag-isa ang nagtungo sa kuweba. Sinasabayan pa rin kami ng limang paniki sa himpapawid na kanina ay nagbigay-galang kay Valdore.

Hindi niya sinabi sa akin kung ano ang plano niya pero sinabi niya na bumalik kami sa palasyo. At ngayong natatanaw na namin ito habang kumakaripas ng takbo ay mas lalo akong kinakabahan. Malayo pa lang ay nakikita na namin ang makapal na usok na hinihigop ng langit.

Nagkalat din ang mga bampira sa labas ng palasyo upang panoorin ang mangyayari kay Ash. Nakatayo sa balkonahe ng palasyo ang hari, reyna, at si Margareth na para bang manonood lang sila ng isang laro o pagtatanghal.

Tumigil kami ni Valdore sa magkatabing puno kung saan inilibot namin ang mga mata sa bilang ng mga kawal at bantay sa himpapawid. Kakaunti lang ang mga ito kumpara sa normal na bilang ng mga kawal na nagbabantay sa palasyo.

"Ang sabi mo ay nagpadala pa ng mas maraming kawal ang hari upang hanapin si Cepheus?" Tanong ni Valdore nang hindi tumitingin sa akin. Nakatitig siya sa dami ng bampirang nagtipon sa harap ng isang maliit na entablado kung saan may poste sa gitna at mga dayami sa paligid.

"Oo. Naglilibot sila sa buong kaharian. Ang sabi sa 'kin ng reyna, si Theodore raw ang nagsabi niyon sa hari." Sagot ko, nang tumingin ako kay Valdore ay sumandal siya sa likod ng puno.

"Siguradong may ibang plano si Theodore. Kung siya ang dahilan ng pagkawala ni Cepheus, tiyak na gagamitin niya ngayon ang mga kawal laban sa kaharian. O kaya naman, sinadya niya itong bawasan upang mas madali niyang maisakatuparan ang kaniyang plano." Napatigil ako sa sinabi ni Valdore, ang gagawin ni Theodore ay isang coup d'état.

Bago pa ako makapagsalita ay narinig na namin ang tunog ng trumpeta at ang pagdagundong ng buong paligid habang hinihila si Ash paakyat sa entablado kung saan siya susunugin. Nanlaki ang mga mata ko, wala siyang imik o kibo na para bang handa na niyang harapin ang mangyayari sa kaniya.

Naglakad si Theodore paakyat sa entablado. Nagsalita siya roon na para bang siya ang hari at may kakayahang magpataw ng parusa at kamatayan sa lahat ng nasasakupan ng kaharian. Hindi ko na maintindihan ang sinasabi ni Theodore dahil nanatili akong nakatingin kay Ash. Bakit niya hinahayaang gawin ito sa kaniya? Nasaan na ang mahiwagang nilalang na nakilala ko na hindi nagpapatalo?

Sa isip ko palang nababanggit ang pangalan niya nang magtama ang aming paningin na para bang narinig niya ang boses ko sa isip niya. Animo'y tinawag ko siya at hinahanap niya kung saan nanggaling ang boses na iyon, hindi nga siya nabigo dahil nasumpungan niya ako sa likod ng nagtataasang puno.

Ang mas ikinagulat ko ay hindi siya ngumiti, ni hindi rin nagbago ang reaksyon ng kaniyang mukha na para bang inaasahan niyang makikita niya ako sa harap ng maraming tao habang hinihintay ang kaniyang kamatayan.

Hindi pa natatapos ni Theodore ang kaniyang sinasabi nang biglang sumugod si Valdore. Nagulat ang lahat nang sunggaban ni Valdore mula sa ere si Theodore at deretso silang bumagsak sa lupa.

Napatayo ang hari, reyna at si Margareth sa gulat. Napatakip sa bibig ang reyna at bakas sa mga mata niya ang pagpapasalamat na totoo ang sinabi kong buhay ang anak niya. Napatukod ang hari sa balkonahe, habang nanigas muli sa gulat si Margareth. Samantala, nagsimulang tumakbo ang mga bampirang nagitla sa pagdating ng isinumpang prinsipe tulad ng kung paano sila siniklaban ng takot nang magpakita si Valdore sa kaarawan ng reyna.

Agad tinipon ng punong-kawal ang mga tauhan niya habang naglalaban sina Valdore at Theodore. Tumitilapon ang mga gamit sa labas ng palasyo, ang sinumang kawal na nagtatangkang pumagitna sa laban at hulihin si Valdore ay bumabagsak sa lupa na wala ng buhay.

Nangibabaw ang hiyaw at paghingi ng saklolo ng ilang mga bampirang sumisigaw na mangyayari na ang sumpa sa kaharian. Tumingin ako kay Ash na pilit kumakawala sa mahigpit na pagkakatali sa kaniya sa poste. Dali-dali akong tumakbo papalapit sa entablado kahit pa kitang-kita ang pagtakbo ko sa malawak na lupain kung saan nakatayo ang mga bampirang manonood sana ng mangyayari kay Ash.

Yumuyuko ako at umiiwas mula sa mga naglalaglagang bangkay mula sa ere. Nababalot na ng dugo sina Valdore at Theodore ngunit ni isa sa kanila ay walang nagpatalo. Nang makasampa ako sa entablado ay dali-dali kong tinulungan si Ash. "Sabi ko na nga ba darating ka," saad niya sabay ngiti. Hindi ako makapaniwala kung paano niya nagagawang ngumiti ngayon.

"Hinintay mo pa talaga ako gayong kaya mo naman iligtas ang sarili mo!" Hindi ko na mapigilan ang sarili ko. Hindi ko alam kung pinaglalaruan niya ba ang emosyon ko o sinusubukan lang ako tulad ng kung paano niya sinusubukan ang mga karakter sa kuwentong ito.

"Sinong nagsabing kaya kong..." Hindi na natapos ni Ash ang sinasabi niya dahil nagulat kami nang bumagsak sa harapan namin ang bangkay ni Theodore. Wala pang isang kisap-mata ay naitutok na ni Valdore ang espada sa leeg ng hari na nakuha niya kay Theodore. Saktong natanggal ko na ang lubid sa poste. Nagulat ako nang ipulupot agad ni Ash ang kamay niya sa baywang ko saka kami lumundag ng sabay pababa sa entablado.

Mabuti na lang dahil nakaalis kami roon bago bumagsak ang katawan ng punong-kawal sa kinatatayuan namin kanina matapos nitong subukang pigilan si Valdore. "Ganito niyo ba inaasahan ang sumpang tatapos sa inyong lahat?!" Sigaw ni Valdore sa sariling ama na ngayon ay nakaluhod na sa harap niya. Nagsusumamo at umiiyak sa gilid ang reyna habang pilit na tinatawag ang pangalan ng anak.

"G-ginawa ko lang iyon para sa kapakanan ng buong kaharian. Kailangang magsakripisyo para sa ikabubuti ng karamihan." Paliwanag ng hari na para bang hindi nagsisisi sa ginawa niya.

"Ginawa mo iyon para sa kaharian? O para sa iyong sarili? Hindi ka nag-aalala para sa karamihan. Ikaw ay nag-aalala sa sarili mo at sinasabi ng sumpa na gagawin sa iyo ng sarili mong anak!" Ang lahat ng galit na nakabaon sa puso ni Valdore sa loob ng ilang libong taon ay nagawa na niyang ilabas sa harap ng ama na unang naghatol sa kaniya ng kamatayan.

Itinaas ni Valdore ang espada at akmang ibabaon sa ulo ng hari ngunit natigilan siya bago pa tumama ang matalim na dulo sa batok nito. Sandaling hindi naigalaw ni Valdore ang mga kamay na nanginginig. Matagal na niyang hinintay ito. Matagal na niyang gustong maghiganti.

Animo'y nanghina ang loob ni Valdore nang marinig ang paulit-ulit na pagtawag ni reyna Adonia sa kaniyang pangalan. Ang boses nito ay para bang pinapaalala sa kaniya kung ano ang napag-usapan namin tungkol sa aming mga ina.

Ang sunod na pagkakataon. Ang karanasan. Ang relasyon ng ina at anak. Gusto kong maranansan nilang dalawa iyon. Kalimutan na nila ang tungkulin sa kaharian at isantabi ang pormal na trato sa isa't isa. Umaasa ako na doon nila matatagpuan ang pagmamahal na matagal ng nangungulila.

Binitiwan ni Valdore ang espada na lumikha ng malakas na ingay nang bumagsak ito sa sahig. "Gusto kong maranasan mong mabuhay ng ilang libong taon na parang isang patay." Saad ni Valdore sa hari na parang isang sumpa. Sa mundong puno ng sakit, galit, at lungkot, nagagawang hilumin ng pagmamahal ang lahat ng kadilimang iyon.

Pareho naming hindi namalayan ni Ash na magkahawak-kamay kaming nakatingala sa balkonahe habang nakayuko sa gilid ng entablado matapos kaming lumundag mula roon. Nang matauhan ako ay agad kong inalis ang kamay ko sa palad niya. Hindi ko alam kung ito ba ang tamang oras para mahiya ako pero nagawa ko na bago ko pa ako pigilan ng utak ko.

Hindi ko nakita ang reaksyon ni Ash, hindi rin ako tumingin sa kaniya. Naalala ko na hindi pa kami tapos magtalo kanina kung bakit hinintay niya pang dumating ako at hinayaan niya lang na muntik siyang sunugin ng mga bampira.

Nagulat kami nang makita si Margareth suot ang pulang talukbong habang hinihila ng dalawang tagapagsilbi ang isang malaking baul pasakay ng karwahe. Nanlaki ang mga mata ko, "T-tatakas siya dala ang kayamanan ng palasyo?" Gulat kong tanong sabay lingon kay Ash na dismayado rin sa karakter ni Margareth.

"Oo. Nalaman ko na magkasabwat pala sila ni Theodore. Pinangakuan siya ni Theodore na siya pa rin ang magiging reyna sa oras na magtagumpay sila sa plano." Sagot ni Ash, hindi ako makapaniwala na totoo nga ang sinabi noon ni Ash nang magparinig siya kina Theodore at Margareth. Isang ganid at isang manggagamit.

Isang malakas na tunog mula sa trumpeta ang narinig namin mula sa layo. Dahan-dahan kaming napatayo ni Ash nang matanaw namin ang kumukuti-kutitap na maliliit na apoy mula sa malayo. Hindi kami nakagalaw nang mapagtanto namin na iyon ang hukbo ng kaharian na matagal ng kalaban ng kahariang ito.

Sinubukang bumangon ni Theodore na napangiti nang makita ang pagdating ng kaniyang mga kakampi. Hindi ako makapaniwala na ang nangyayaring ito ay nasa ikalawang libro pa ng nobelang Valdore.

Naramdaman ko ang mainit na palad ni Ash na humawak sa kamay ko. "Dahil nagbago na ang takbo ng kuwento, papunta na tayo sa ikalawang libro kung saan kakalabanin ni Valdore at ang kahariang ito ang mananakop." Napatitig lang ako kay Ash, nang dahil sa amin ay nagulo ang kuwentong ito na may kasunod na libro.

Napatingala ako sa balkonahe kung saan nanatiling nakatayo si Valdore at ang kaniyang mga magulang. Maging sila ay nagulat sa pagdating ng mga mananakop. Isang malakas na hiyawan ang sunod na sumalubong sa amin, senyales na nagsimula nang umatake ang mga mananakop.

Agad lumundag si Valdore at ang nagtipon ang mga natitirang kawal upang depensahan ang kanilang palasyo. Samantala, hinila ng hari ang reyna na sumisigaw at tinatawag si Valdore na sumama sa kanila bago ito maglaho sa loob ng palasyo.

Hinawakan ni Ash nang mahigpit ang kamay ko, "Kaya mo bang tumakbo ulit?" Tanong niya na para bang isa akong bata at hindi niya pa kaya ipaliwanag sa akin ang mga posibleng mangyari sa oras na maabutan kami ng mga bampirang kawal.

Tumakbo kami nang mabilis papalayo hanggang sa abot ng aming makakaya. Kumpara kanina na tumatakbo ako mag-isa ay mas mabilis ngayon sa gabay ni Ash na nauuna habang hawak ang kamay ko. May ilang bampira rin kaming nakakasabay na tumatakas at tinatahak ngayon ang kagubatan.

Tumingin ako kay Ash na deretso ang tingin kahit pareho kaming walang ideya kung saan kami pupunta. Mas lalong lumakas ang pagsusumamo ng mga naabutang mamamayan, habang nakakatakot naman na sigaw ang nagmumula sa mga galit na mananakop.

Ilang sandali pa ay napansin ko na parang wala na akong natatanaw na matataas na puno sa tinatahak naming direksyon ngayon. Hanggang sa mapagtanto ko na papunta kami ngayon sa bangin kung saan ko nakita noon dinala ang kabaong ni Valdore.

Bumagal ang takbo namin ni Ash hanggang sa marating namin ang dulo ng bangin. Mas malakas ang hangin na sumasalubong sa amin dulot ng dagat na may malalakas na ilalim sa ibaba ng bangin.

"Tatalon tayo," saad ni Ash dahilan upang gulat akong mapalingon sa kaniya. Hindi niya pa rin binibitiwan ang kamay ko. Nakatingala siya ngayon sa buwan na ganap ng kalahati.

"Nagbibiro ka lang." Gusto kong umamin siya na nagbibiro lang siya. Na tatawa siya ngayon at pagtatawanan niya ang mukha kong halos mamutla sa gulat. Tumingin siya sa 'kin saka lumingon sa mga kawal na ngayon ay nararamdaman naming papalapit na ng papalapit. 

"Sana nga nagbibiro lang ako." Saad niya dahilan para matahimik ako. Hindi nga siya nagbibiro. Para bang pinapapili niya ako ngayon kung mas gugustuhin kong maabutan ng mga bampirang kawal o lumundag na lang sa napakataas na bangin na ito. Dumungaw ako sa ibaba, tila nanghina ang tuhod ko sa lakas ng mga alon na humahampas sa ibabang bahagi ng bangin.

Inilapit niya ang kamay ko sa kaniya, "Hindi ba't sabi ko sa 'yo hangga't narito ako, hindi ka mapapahamak." Ang mga salitang iyon na pinaghahawakan ko lagi sa oras na hindi ko na alam ang gagawin sa loob ng kuwentong ito.

Sinasayaw ng hangin ang mga buhok at damit namin habang papalapit ng papalapit ang lakas ng mga boses ng nagmamakaawa at nagpaparusa. Hindi pa ako nakapagdedesiyon ng buo sa suhestiyon niya ngunit natagpuan ko na ang sarili ko na tumango at sumang-ayon sa kaniya.

Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ko habang nakatingin nang deretso sa akin. Sa pagkakataong iyon ay muli kong nakita ang sandaling repleksyon ng buwan sa kaniyang mga mata. "Huwag kang bibitaw." Saad niya saka lumapit sa 'kin at niyakap ako bago kami humiga sa hangin na para bang umaasang babagsak lang sa malambot na kama ngunit hindi.

Isang mahabang pagbagsak na parang walang katapusan habang pilit kaming pinaghihiwalay ng hanging sumasalubong sa aming pagkahulog. Bago ko pa namalayan ay hindi ko na nararamdaman ang mainit niyang katawan na yumakap sa akin.

Nang imulat ko ang aking mga mata ay una kong nakita ang makakapal na usok na bumabalot sa langit. Ngayon ko na lang ulit nasilayan ang umaga na para bang ilang libo rin akong nakulong sa kaharian ng mga bampira.

Sunod-sunod na eroplanong pandigma ang nakita ko sa himpapawid. Unti-unti kong narinig ang ingay mula sa paligid. Ang ingay ng mga eroplanong dumaraan, ang pagsabog, ang sigawan ng mga tao, at mga putok ng baril.

"Aurora!" Natauhan ako nang makita si Ash sa ibabaw ko. Tinatapik niya nang marahan ang pisngi ko upang gisingin. "Naririnig mo ba ako?!" May bahid ng uling at alikabok ang mukha niya na para bang nakuha niya iyon mula sa gulong nangyayari sa paligid.

Napagtanto ko na nakahiga pala ako sa kalsada. Inalalayan ako ni Ash na bumangon, "Kailangan na nating umalis dito!"

Napatingin ako sa paligid, nagkalat ang mga kahoy, bato, at bubong sa paligid habang nagtatago sa likod ng mga armored vehicle ang mga sundalo. Sunod-sunod na pagsabog ang nangyari. Hindi ko na malaman kung saan nanggagaling ang mga iyon.

Gulat akong napatingin kay Ash na napahawak na lang sa kaniyang sentido, "Alam kong alam mo na kung nasaan tayo ngayon," wika niya na para bang wala na siyang magagawa dahil isa ito sa mga paborito kong kuwento. Ang Remembrance of Time na isang Action-Historical-Fiction novel.


********************

#Hiraya

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro