Chapter 14: A Talk

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Kimmy

Noong nakatira kami sa district five—noong buhay pa ang tatay ko at hindi pa kinukuha ang lola ko ay masaya at tahimik kaming namumuhay. Kahit na hirap kami sa pera pambili ng pagkain.

Hindi naman mahalaga sa akin ang pera. Ang mahalaga sa akin noon ay mahal ako ni lola at tatay. Ang mahala sa akin noon ay masaya kaming namumuhay.

Pero habang tumatagal ang araw, habang papalapit ako sa district one ay mas lalo akong naguguluhan at nagdududa. Hindi ko na alam kung sino ang pagkakatiwalaan ko dahil sa tingin ko, halos lahat ng tao ay may inililihim sa akin.

Hindi ko naman magawang magduda noon sa tatay ko kahit na limitado ang mga impormasyon na ibinibigay niya sa akin patungkol sa nanay ko at sa mga nangyari noon. Hindi na ako nagtanong pa dahil ang alam ko ay iniingatan lang ako ng tatay ko.

Pero nagsimula na akong magduda dahil ngayon sa nalaman ko. May kapatid pala ako, hindi man lang sinabi sa akin?

Mariin akong napapikit habang pinipigilan ang inis. Napabaling ako kay Cath na nasa aking gilid at bahagyang nakayuko ang ulo.

Sa unahan, tatlong hakbang ang layo sa amin ay sina Cassy at Yuan. Hindi ko alam kung bakit nakakaramdam ako ng inggit ngayong nakita ko ang mga mata ng tatay ko sa mga mata ni Cassy.

"Ayos lang ba kayo?" bulong sa akin ni Cath. Bumaling ako sa kaniya at tumango.

Ipinalibot ko ang aking paninggin sa buong paligid. Malayong malayo sa lugar ng district five. Napakatayog ng mga gusali rito, abala ang lahat ng tao sa kaniya-kaniyang mga trabaho at lahat ng gamit ay high-tech. Ni hindi mo makikitaan ng bakas ng paghihirap ang lahat ng gagawin nila.

Pumasok kami sa isang gusali na may glass door at nagkusa iyong bumukas. Sobrang mangha ang nadama ko. Siguro kung nandito sina JD at Marisa, malamang ay sobrang ingay na namin ngayon. Pero iba ang oras na ito. Ayaw kong mabasag ng katahimikan dahil lang sa kamangmangan ko.

Huminto kami sa tapat ng pinto.

"Maiiwan sila sa labas, Kimmy," ani Cassy.

Tumango ako. "Isasama ko si Cath." Tumango siya sa akin at inaya ako papasok sa loob.

Agad na bumungad sa akin ang magarbong disenyon ng kwarto. Mimistulang maliit sa labas pero sobrang lawak sa loob. Halos kumpleto na ang lahat ng nandito.

"Isara mo ang iyong bibig." Nagulat ako sa sinabi ni Cath. Napabaling ako sa kaniya at inirapan ito.

Napabaling ako kay Yuan na tahimik na nakaupo sa isang sofa at nakatitig sa akin. Tila guminhawa ang kaniyang pakiramdam at nakahinga nang maluwag ng makita ako.

Tinaasan ko siya ng kilay. Ngunit nanatili siyang nakatitig sa akin habang nakausli ang gilid ng labi kaya pasimple akong napanguso at nag-iwas ng tingin. Parang kanina lang mukha siyang iyaking bata, ngayon biglang nagbinata.

Akala mo naman napakagwapo niya sa ayos niya ngayon. Wala pa nga yata siyang ligo.

"Nasaan ang mga kaibigan ko—"

"Kimmy!" Napabaling ako sa nagsalita. Tila nakahinga din ako ng maluwag nang makita ang nakakainis na mukha ni Marisa at sina Grey at JD kasunod niya.

Agad akong niyakap ni Marisa at ganoon din ang ginawa ko sa kaniya.

"Akala ko hindi ka na makakabalik! Pinag-alala mo ako!" aniya at mahina niya akong pinalo sa balikat.

"Buti naman nakabalik ba, Kimmy..." Napa baling ako kina JD at Grey. "Pasensya na, wala kaming nagawa," anila na tila maiyak-iyak.

Napatawa ako. "Ayos lang ako. Ligtas ako."

Nasulyapan ko ang babaeng nasa kanilang likuran at may dala-dalang tray ng pagkain. Mukhang masasarap pa.

Ngunit nagtaka ako nang mapasinghap sa tabi ko si Cath at marahas na napatayo si Yuan mula sa kaniyang komportableng pagkakaupo. Mukhang hindi siya makapaniwala na nakikita niya ang babae sa kwartong ito at ganoon din si Cath.

Taka akong napatingin sa kanila.

"Venus!" sabay na usal nina JD at Marisa sabay lapit dito at kinain ang mga dala niya. Sila Grey naman ay ininom ang tubig na kulay blue.

"Mahabaging langit," bulong ni cath.

Napasintido naman si Yuan. "What is she doing here?" tanong niya kay Cassy.

"I-I'm sorry, Yuan. Wala kasi akong mapag-iwanan sa tatlo, saktong nakasalubong ko si Venus kaya—I-I think she didn't do anything bad... right?" Bumaling siya kay Venus.

Si Venus naman ay dalawang beses na napakurap. "Paumanhin, hindi ako nakakaintindi ng ingles," aniya.

Mukha siyang inosenteng babae at mukhang hindi naman makakagawa ng masama o makakasakit—she looks harmless. Pero bakit naman ganoon na lang ang reaksyon nila?

"S-saan galing ang karne na niluto mo?" utal na tanong ni Yuan.

Ngumiti si Venus sa kaniya bago nagsalita. "Sa kwadra," aniya.

Kumunot ang noo ni Cassy. "Kwadra?"

"Oho, sa malaking kwadra sa likod ng inyong kusina. Batid kong masarap ang karne noon kaya sinubukan ko at niluto." Biglang natigilan sina JD at Marisa at dahan-dahan na natigil sa pagnguya.

"Anong... anong hayop?"

"Ah, mahaba at madulas, hindi ko batid ang pangalan ngunit nanlalamon ng buo iyon." Bahagya pa siyang napatawa. "Muntikan pa ako, mabuti at agad kong naiwasan—"

"Oh my gosh, my giant worm!" agad na nagtatakbo si Cassy papunta sa loob ng sa tingin ko ay kusina.

Pabagsak na ibinalik ng dalawa ang kinakain nila at sabay silang umalis.

"S-sandali—"

"Gusto kong mapag-isa!" sabay na usal nila. Napangiwi ako. Mukha sanang masarap ang pagkain pero nakakadiri isipin na uod iyon.

Napabaling naman kami kay Grey na ngayon ay ubos na ang laman ng baso. Lumapit dito si Yuan ng dahan-dahan.

"Saan mo nakuha ang inumin?"

Tatlong beses na napakurap si Venus bago ngumiti at sumagot kay Yuan.

"Balak ko sanang magpunta sa ibaba ng gusali upang kumuha ng maiinom ngunit ang gusto niya raw..." sabay turo kay Grey, "ay may kulay at malasa," aniya.

Tumaas ang kilay ko at hinintay ang susunod na sasabihin niya. Kitang-kita ko ngayon ang pamumutla ni Grey habang pasimpleng napapalunok. Nagpabalik-balik pa ang tingin niya sa baso at kay Venus

"Saan mo kinuha?"

"Doon din sa gilid ng kusina ay may maliit na pinto, pumasok ako at aking nakita ang kulay asul na tangke—"

"Those are not water!" Nagulat ako sa lakas ng boses ni Cassy mula sa loob.

"Paumanhin po, Ms. Cassy, ano ang inyong sinabi—" Nagulat ako nang biglang lumabas si Cassey at galit na humarap kay Venus.

Napabaling si Cassy kay Grey. "M-may katas 'yan galing sa daga—" Hindi niya natapos ang kaniyang sasabihin nang mabitawan ni Grey ang baso at nakalikha ito ng malakas na tunog dahil sa pagkabasag.

Nasapo ko ang aking bibig, ganoon din ang ginawa ni Cath. Pakiramdam ko ay nasusuka ako.

Gaya nina JD at Marisa ay tahimik din kaming tinalikuran nito ng may mabibigat na yabag ng paa. Pulang-pula ang kaniyang mukha ngayon ngunit namunutla rin pati ang labi.

"Aalis ka rin—" Pinutol niya ang sinasabi ni Venus.

"'Wag kang magpapakita sa akin! Putanginang buhay!" malakas na sigaw niya.

---

Dinala ako ni Cassy sa isang kwarto. Pinaiwan ko si Cath kasama si Venus sa labas habang si Yuan naman ay nagpumilit na sumama sa amin ngunit hindi ko siya pinayagan.

Ang usapan na magaganap ngayon ay ang usapan kapatid sa kapatid.

Kitang-kita ko sa postura ni Cassy na edukada, maayos, at elegante. Hindi katulad ko. Makinis ang kaniyang balat at walang bakas ng paghihirap. Maayos din ang kaniyang postura at tila walang kapintasan sa kaniyang katawan.

Samantalang ako ay puro paltos at galos ang katawan dahil sa pahirapang paghahanap ng makakain. MaRumi ang aking balat dahil sa uri ng pamuMuhay, hindi ako edukada at may pagkabastos sumagot. Malayong-malayo ako kay Cassy—sa kapatid ko.

Ang isang nakakakuha talaga ng pansin ko ay ang kaniyang mga mata. Nakakapagtaka na hindi ko ito napansin noong nasa subastahan kami, marahil ay hindi naman ako sa kaniyang mga mata nakatutok noon.

Iniisip ko na ano kaya ako ngayon kung dito ako lumaki? Malamang ay hindi sana ako nakakaramdam ng hirap ngayon.

Ngunit nakakalungkot isipin na kung sakaling dito ako lumaki ay hindi ko makikilala sina Marisa, JD at Grey. Lalo na sina Angeline at Ate Christi.

"Nasaan ang bag ko?" tanong ko na ikinatigil niya sa paglalakad.

Pumuwesto siya sa isang maliit na sofa at doon umupo. Kapagkuwan ay nagsalin ng mainit na tsaa mula sa kulay puting takuri. Halos lahat ng gamit dito ay puti. Hindi naman halatang mahilig sila sa puti, ano?

"Maupo ka, Kimmy—"

"Nasaan ang bag ko?" Natigilan ito at bahagyang napatawa.

"Nasa kabilang kwarto kung saan nandoon ang mga kaibigan mo. Now, take a seat for awhile. Marami tayong pag-uusapan, mahal kong kapatid."

Inirapan ko siya at umupo sa harapan niyang upuan. Sana mapaso ka sa tsaa mo!

Pinagkatitigan ko ito at pinanood ang bawat galaw. "Bakit?" maikling tanong ko.

Nag-angat siya ng tingin sa akin at binaba ang tsaa. Hindi ko man binuo ang sentence ko pero alam ko na batid na batid niya ang mga katanungan na nais kong itanong sa kaniya.

"Well, because our father is a mad scientist." Napataas ang kilay ko. Hindi ganoon si tatay.

"'Yon lang?"

"Wala siyang sinabi sa 'yo—"

"Magtatanong ba ako kung mayroon? Tanga lang, kapatid?" pambabara ko rito. Kanina pa ako nababanas sa pasikot-sikot niya, hindi na lang ako diretsuhin.

Mahina siyang napatawa. "Hindi ko s'ya gustong siraan dahil ama ko rin s'ya, pero ang natatandaan ko ay nagtago siya dahil nakagawa siya ng kasalanan—"

"Pinili niya ang nanay ko na taga-district five kaya siya pinatapon doon. Taliwas ang mga sinasabi mo sa mga nalalaman ko."

"Dahil hindi lahat ng alam mo ay totoo," aniya na nakapagpatahimik sa akin. Nagugulumihanan ako. "My memories are still vivid, Kimmy. Iniwan niya kami ni mama, kinuha ka at sinama sa pagtakas. Sa tingin mo, bakit ka isinama?" aniya.

Kinunutan ko siya ng noo. Ano ba itong kapatid ko? Napakatanga.

"Bakit mo sa akin itatanong? Alam ko ba?" asik ko sa kaniya.

Bumuntong-hininga siya na tila nagpipigil ng inis. "After what happened to Mr. Servante, he just vanished. Maging kami ng ating ina ay walang alam kung nasaan siya."

Napatigil ako nang marinig ang pamilyar na pangalan na iyon. Sa pagkakatanda ko ay may nagkwento sa akin patungkol sa lalaking iyon. Dahan-dahan na nalaki ang mga mata ko nang maalala iyon.

Marahas akong napabaling kay Cassy. "What do you mean by that? Kilala ni tatay si Mr. Servante? 'Yong kinuwento sa akin ni Yuan na idolo niya?!"

"Wala bang nakwento ang ama natin sa 'yo? Masyado ka niyang ginawang mangmang, a—" Dinampot ko ang tissue sa lamesa at inis na ibinato sa kaniya.

Tinawanan niya lang ako.

"Masakit, a? Ate mo ako!" aniya.

Pinanlakiha ko siya ng mga mata. "Tinatanong kita, Ate, sagutin mo ako, Ate."

Ngumiti siya sa akin ng malungkot.

"Magkaibigan ang ating ama at si Mr. Servante. Sila ang matalik na magkaibigan at magkasama nilang tinaguyod ang lugar na ito at magkasama rin na naglingkod sa mga ranggo." Kapagkuwan ay nag-iwas ng tingin. "Si Mr. Servante rin ang ama ni Yuan at ang bali-balita noon ay ang ating ama ang pumatay kay Mr. Servante—pinatay ni tatay ang kaniyang kaibigan."

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko o magiging reaksyon ko. Tila naging blanko ang lahat sa akin. Nabingi ako bigla sa katahimikan.

Ang ama ko at ama ni Yuan ay magkaibigan. Ang taong kinamumuhian ni Yuan ay ang aking pinakamamahal na ama.

Marahan akong napailing.

Hindi iyon totoo. Hindi magagawa ng tatay na pumatay ng tao. Turan sa akin ng aking ama na huwag kainggitan ang mga taong nakakaangat, huwag ka-poot-an ang mga taong maluwag ang turnilyo. Kaya hindi ako naniniwala na ang tatay ko ang tinutukoy ni Yuan na pumatay kay Mr. Servante. Hindi iyon magagawa ng aking ama.

Napabaling ako kay Cassy. Medyo nanlabo ang aking mga mata dahil sa nagbabadyang mga luha.

"Hindi ako naniniwala," aniko. "Hindi 'yon magagawa ng tatay natin—"

"Nasa iyo ba ang kapiraso ng sulat?" tanong niya na ikinataka ko.

"Sulat?"

Tumango ito at sumeryoso ang mukha. "May iniwan na sulat si tatay sa amin ngunit kalahati lang ito. Batid ko na nasa iyo ang kalahati, tutal nasa..." Nag-iwas siya ng tingin at tumikhim. "Isa ka pa lamang dugo ay mahal na mahal ka na n'ya—"

"Walang sulat." Natigilan siya. "Walang sulat na iniwan sa akin."

"Hanapin mo. Hindi mo man alam kung nasaan, pero batid kong nasa iyo."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro