Chapter 15: A Heart

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

A/N: This chapter is dedicated to hitchspell (Felise) of Wild Bears, happy birthday!

Kimmy

Marahas akong tumayo at nilisan ang kwarto. Hindi ko inabalang lingunin ang mga tawag ni Cassy. Patuloy ang pagbagsak ng mga luha ko; sunod-sunod at hindi ko magawang pigilan. Hindi ko rin magawang punasan.

Paglabas ko ng kwarto ay agad na bumungad sa akin si Yuan na nakasandal sa pader, nasa bulsa ang mga kamay at bagong ligo na.

Napalitan ng pag-alala ang kaniyang ekspresyon. Sinubukan niya ring lumapit sa akin ngunit agad kong iniwas ang katawan ko sa kaniya. Ayaw kong maniwala na nagawa iyon ng tatay ko pero na-gu-guilty ako kapag nakikita ko si Yuan.

"Kimmy—"

"I'm sorry," I said and turned my back on him.

Tinahak ko ang pasilyo at pilit na tinandaan ang lugar kung saan kami dumaan. Napaka =laki ng lugar na ito at talagang maliligaw ka sa dami ng pasikot-sikot.

Naabutan ko sina Cath at Venus na nag-uusap sa sala. Agad na napatayo si Cath at dali-dali akong dinaluhan nang makita niya ako na tila gulong-gulo sa sarili.

"Nasaan ang mga kaibigan ko?" tanong ko sa kaniya.

Itinuro niya sa akin ang isang pinto at akmang magsasalita ngunit dalidali na akong tumalikod upang puntahan sila Marisa.

Nang buksan ko ang pinto ay naabutan ko silang nanonood sa telebisyon at mukhang nagkakatuwaan pa. Sabay silang napabaling sa akin. Agad na nagbago ang kanilang mga ekspresyon nang makita ako.

"Kimmy, ayos ka lang ba?" tanong sa akin ni Marisa na inalalayan akong makaupo sa malambot na kama. "Tubig, tubig!" aniya.

Dali-daling lumabas si JD habang si Grey naman ay pinatay ang TV at binigyan ako ng unan. Kumunot ang noo ko.

"Aanhin n'ya ang unan?" asik ni Marisa.

"Hindi ko alam kung anong ibibigay ko, e," aniya at nagkamot ng ulo.

Nang dumating si JD ay agad niyang iniabot ang tubig sa akin. "Kanino ka nanghingi?" aniko.

"Kay Dra. Cassy 'yan galing," aniya.

"Ano na ang nangyari? Maayos naman no'ng umalis kayo ng kapatid mo, tapos ngayon, umiiyak ka na."

"Kapatid mo sino?" tanong ng dalawang lalaki.

Kumunot ang noo ko at humarap kay Marisa. "Paano mo nalaman na kapatid ko si Cassy—"

"Kapatid mo si Dra. Cassy?" sabay na tanong ulit ng dalawa.

"Na... narinig ko sa usapan nina Yuan at Cassy—"

"Narinig mo sa usapan—" Napatigil ang dalawa nang sabay namin silang lingunin ni Marisa na may pagbabanta sa mga mata.

Bumaling ulit ako kay Marisa. "Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba s'ya. Lumalabas na tatay ko pa ang masama sa lahat."

"Bakit, ano ba ang sinabi sa 'yo?"

Saglit akong napatitig kay Marisa. "Pumatay si tatay rito at nagtago siya sa district five, sinama ako at—" Natigilan ako nang may maalala.

Binanggit ni Cassy na tumakas si tatay kasama ako, pero wala siyang binanggit patungkol sa lola ko—sa lola namin.

Dali-dali akong tumayo at lumabas ng pinto upang puntahan si Cassy at tanungin ang patungkol sa aming lola. Ngunit pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin si Cassy na akma ng kakatok sa pinto. Tumaas ang kilay ko.

"Nandito ang ika-pitong ranggo," aniya.

"Bakit daw?"

"Malay ko, tatanungin ko pa ba?" aniya. Inirapan ko ito at sumunod sa kaniya.

Naabutan ko ang pitong gwardya na laging kasama ni Zero. Nasa loob sila ng bahay at nasa pinakaunahan nila si Zero na matikas na nakatayo. Taas ang kaniyang noo at tuwid ang pagkakatayo.

Hindi nakatakas sa aking paningin ang paglamlam ng kaniyang mga mata nang makita ako. Dali-dali siyang lumapit sa akin at hinawakan ang magkabilang braso ko.

"Naulinigan ko na ikaw ay lumuha? Bakit at sino ang nagpaluha sa iyo?" aniya na ikinataka ko.

Bumaling ako kay Cath na agad nag-iwas ng tingin. Kumawala ako mula sa pagkakakapit ni Zero.

"Hindi mo na kailangan malaman ang dahilan, okay? Bakit ka ba nandito?" aniko.

Kumunot ang noo niya. "Sinusundo kita—"

"Babalik naman ako, bakit kailangan mo akong sunduin?!"

"Dahil nga naulinigan ko na ika'y—"

"Sabi ko, 'wag mo akong kausapin ng ganiyan, 'di ba? Nagdudugo ang ilong ko!" aniko.

Tumagilid ang kaniyang ulo at ibinaba ang tingin sa aking ilong. "Wala namang dugo—"

Marahas akong napakamot sa aking ulo dahil sa inis. Akmang magsasalita ako upang paalisin siya ngunit naunahan na ako ng malalim na pagtikhim. Napabaling kami kina Yuan at Cassy, nandito rin maging ang mga kaibigan ko na nakatulala sa amin.

"Iuuwi ko na siya," ani Zero at hinila ang kamay ko. Ngunit bago pa ako tuluyang mahila ni Zero ay may humila na sa isa kong kamay. Si Yuan.

"Dito na siya, nandito ang mga kaibigan niya at kapatid kaya marapat lamang na rumito na siya... ika-pitong ranggo."

Humarap sa kaniya si Zero at hinatak ang isa kong kamay. "Binili ko siya sa subastahan kaya sa akin siya uuwi."

Ay, wow, pag-aari na niya ako ngayon? Tatahol na ba ako?

"Tapos na ang isang araw na pinag-usapan. Kung iyong nanaisin ay aking ibabalik ang lahat ng pera na iyong ibinayad," aniya at muling hinatak ang kamay ko.

Ngumisi si Zero.

"Hindi na. Ayaw kong maghirap ang isang tao sa aking nasasakupan."

Nagsukatan sila ng titig. Pabalik-balik ang tingin ko sa kanilang dalawa. Hindi ko alam ang dahilan pero nakakaramdam ako ng paru-paro sa aking sikmura. Ganito na lang ba lagi, sa tuwing iiyak o masasaktan ako ay kilig ang kapalit?

"T-teka!" aniko. Napabaling silang dalawa sa akin. "Bakit ba—"

"Papiliin na lamang natin siya," ani Zero.

"Wala akong—"

"Mabuti pa. Mag desisyon ka na, Kimmy. Hawak ko ang mga kaibigan at kapatid mo." Napakunot ang noo ko kay Yuan. Pinapapili niya ba ako o binabantaan?

"Hawak ko ang buhay ng pitong kawal at ng tagasilbi," ani Zero.

As if naman may pake ako sa pitong duwende mo, Zero! Kay Cath lang ako may pakialam.

Binawi ko ang aking kamay mula sa pagkakahawak ni Zero. Nabigla ito at gulat na napaangat ng tingin sa akin.

"Nakapili na siya, ika-pitong rang—"

"Kukunin ko lang ang bag ko," aniko kay Zero na ikinatigil ni Yuan. Bumitaw rin ako mula sa pagkakakapit kay Yuan at pumasok sa kwarto ng mga kaibigan ko tsaka hinanap ang bag.

Pumunta ako sa kwarto at agad akong sinundan nina Marisa at Cassy. Marahil ay hindi nila gusto ang desisyon ko pero may pakiramdam ako na kailangan kong sumama ngayon kay Zero.

Pakiramdam ko, may mangyayaring masama kapag hindi ako sumama.

"Kimmy, dumito ka na lang. H'wag mo na kaming iwan." Nang makita ko ang bag ko sa sulok ay agad ko itong hinablot at humarap sa kanila.

"Kailangan ko, Marisa. Maraming alam ang ranggo na iyon na dapat kong malaman..." Nadaanan ko si Cassy. "Magpapaalam na rin ako na simula bukas ay rito na ako," aniko sa kaniya.

Akma akong aalis ngunit napigilan ako ni Cassy gamit ang paghawak sa braso ko. Kapagkuwan ay mayroon siyang inabot na kulay kayumangging papel sa akin.

"Ang sulat ni tatay, hanapin mo ang karugtong," aniya.

Sabay kaming lumabas ng kwarto at pumunta sa sala. Naabutan namin sina Zero at Yuan na masinsinang nag-uusap. Napabaling lang sila sa akin nang maramdaman nila ang presensya ko.

Agad na tumayo si Zero at naglahad ng kamay.

"Tayo na..." aniya. Ang akala niya siguro ay aabutin ko iyon ngunit nagkakamali siya. Dumiretso ako kay Cath at sa kaniya humawak.

"Aalis na kami. Mag-iingat kayo rito," bilin ko. Hinarap ko si Yuan. "Pakibantayan sila." Hindi siya sumagot sa akin ngunit nanatili ang kaniyang titig.

Nauna kaming lumabas ni Cath bago sumunod si Zero at ang kaniyang pitong duwende na gwardya. Sumabay ng paglalakad si Zero sa aking tabi. Hindi siya nagsasalita ngunit ang ipinagtataka ko ay ang malalim niyang paghinga.

Nang binalingan ko siya ay nasilayan ko ang mumunting pawis sa kaniyang noo at namumutla rin ang kaniyang labi. Nagtitiimbagang siya na tila pilit may tinatagong sakit.

Hindi naglaon ng marating namin ang kaniyang silid. Hindi na sumama si Cath at ang mga gwardya. Nagtuloy-tuloy sa paglalakad papasok si Zero. Napakabilis ng kaniyang paglalakad na tila kailangan ko pang tumakbo upang maabutan siya.

"Zero." Hinatak ko ang kaniyang balikat upang mapaharap siya sa akin ngunit nagulat ako nang bigla itong bumagsak. "Zero, jusko naman!" aligagang usal ko.

Namilipit siya sa sakit habang hawak-hawak ang kaniyang kanang dibdib. Akma akong tatawag ng tulong ngunit mahigpit siyang napakapit sa aking balikat.

Dahan-dahan ang kaniyang pag-iling at pinilit na magsalita. "Go and... g-get me the knife. I... I need it—"

"Bakit kutsilyo? Kailan naging gamot ang kutsilyo?!" sigaw ko rito.

"Get me the knife!" Nagulat ako sa lakas ng boses niya.

"H'wag mo akong utusan, hindi mo ako tauhan!" sigaw ko rin pabalik.

Pumungay ang kaniyang mga mata at nanuyo ang kaniyang labi.

"I... I need to feel the pain—" Hindi niya natuloy ang sasabihin niya nang malakas ko siyang sampalin.

"Ayan, nakaramdam ka na ng sakit?!"

Mariin siyang napapikit. Pinilit niyang tumayo kahit na hirap na hirap na siya. Sa pagkakaakala ko na pupunta lang siya sa kaniyang higaan upang magpahinga ay inalalayan ko siyang makapunta rito.

Ngunit ang ikinagulat ko ay ang paghatak niya ng patalim mula sa ilalim ng unan.

Tila natuod ako at hindi makapaniwala sa sumunod na nangyari. Naging mabilis ang lahat ng bagay at namalayan ko na lang ang lahat nang makitang nakatarak na ang kutsilyo sa dibdib ni Zero.

Sinaksak niya ang sarili niya.

Sabay humugot siya ng malakas na hininga.

Walang lumabasna  dugo ngunit delikado pa rin dahil sakto ito sa puso. Nanginginig ang aking kamay na dinampian ang kutsilyo, dapat ko bang hugutin o hindi?

"Zero... Zero, naman! Baka sabihin ako ang pumatay sa 'yo! 'Wag kang pipikit!" aligagang usal ko.

Nabuhayan ako nang gumalaw ang kamay ni Zero. Kinuha niya ang kamay ko at ipinatong sa hawakan ng kutsilyo, nasa ilalim ang aking kamay habang ang kaniya ay nakapaibabaw. Nakahawak na kaming dalawa rito at ang mas lalo kong ikinagulat ay ang biglaan niyang paghatak sa kutsilyo paalis.

Gusto kong sumigaw dahil sa takot ngunit ayaw kong makagawa ng ingay dahil mukhang ayaw ipaalam ni Zero ang kaniyang dinaramdam sa kaniyang mga tauhan.

Nabitawan namin ang kutsilyo hanggang sa bumagsak ito sa lapag. Dali-dali kong tinignan ang kaniyang dibdib na may tarak. Napaawang aking aking labi nang makita ang mabilis na paghilom nito.

"Anong... anong klaseng tao ba kayong mga ranggo? Bakit ka ganito—"

Marahan siyang tumawa. "Ako lamang ang naiibang ranggo, Kimmy," aniya. "I am the coolest, the smartest, the most handsome, and the most brilliant among them." Kapagkuwan ay tumitig siya sa mga mata ko.

"'Y-yong puso mo, napaano? Ang lalim no'n." He shut me using his point finger.

Kinuha niya ang aking kamay at itinapat ito sa kanang dibdib niya. Dito ay mas lalo akong nagulat at namangha.

Naramdaman ko ang pagtibok.

Sobrang bilis.

Sobrang lakas.

Nasa kanang bahagi ang kaniyang puso.

"It is in the right. And when every time I make a decision, I always listen to my heart, because I know every decision it made is right. And I never doubt my feelings."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro