Kabanata 25

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Kabanata 25

Thalia Shiloah’s POV:

Hindi ko pa rin maiwaksi sa aking isipan ang mga nangyari kaninang umaga. Naaawa ako sa mga pixies, maging sa mga halaman na itinanim ng mga diwata, kung saan tunay na pinaglaanan nila ito ng kanilang mga oras. Kahit na maayos na ang kalagayan ng mga pixies at ng mga halaman kumpara kanina, ay hindi ko pa rin maiwasan ang malungkot. Paano pala kung hindi kaagad naagapan ang sitwasyon? Mas lalala ba ang mga pangyayari?

Napabuntong hininga na lamang ako at hinayaan ang sarili na dalawin ng antok. Nakatitig lamang ako sa kisame ng aking kuwarto, walang tiyansa, ngunit nagbabakasakali, baka makatulog ako sa ganitong paraan.

“Patuluugin mo na ako, nais ko nang magpahinga,” aniko at ipinikit ang aking mga mata. Kailanman, ay hindi ko makalilimutan ang pangyayaring naganap kanina, subalit kahit sana sa kaunti man lang na sandali, ay hayaan ang aking isip na maging mapayapa.

Tumagilid ako, naghanap ng mainam na puwesto kung saan ako mas makatutulog ng maayos, ngunit hindi ko magawa, hindi ko magawang makatulog. Binabagabag pa rin ako ng aking isip, maging ng aking damdamin.

“Ano ba Thalia?! Ayaw mo bang matulog?” Sigaw ko sa sarili, at kaagad na bumangon. Mabuti na lamang at kahit magsisigaw ako ngayon, ay walang makaririnig sa akin dahil sa mga oras na ito ay wala ng gising, siguro ang mga kawal, oo, ngunit hindi nila ako maririnig. Mabuti na lamang at walang may kapangyarihan sa pamilya ng elemento ng hangin, dahil paniguradong maririnig ako kung sakali kahit tulog pa sila, mamaya ay usisain pa ako.

Dinala ako ng aking mga paa sa aking aparador, at hindi ko alam kung bakit kumuha ako ng isang puting balabal. Hanggang sa mapagtanto ko kung bakit. Dumungaw ako sa kalangitan, at doon bumungad sa akin ang madilim na kalangitan.

Madilim na madilim, ni walang buwan o kahit tala man lamang. Kaya siguro ay hindi rin ako makatulog, walang emosyon ang kalangitan, at nanahimik. Katulad ko, nanahimik, nais lamang na makatulog.

“Donovan,” saad ko sa hindi malamang dahilan.

Napahawak ako sa aking bibig, at kaagad na napailing. Si Donovan? Bakit siya ang nasa aking isipan?

Walang ano-ano ay bigla kong naalala ang kaniyang mga mata, mga matang kay daling mabasa, isang sulyap ko, at kitang-kita ko na ang lahat. Ang emosyon na hindi niya ipinakikita basta-basta, dahil iyon ang kaniyang matibay na sandata. Siguro para sa akin, at hindi sa kaniya.

“Thalia,” nagpalinga-linga ako sa aking kuwarto ng marinig ko ang pagtawag sa aking pangalan.

“Thalia,” narinig ko na naman muli ang pagtawag mula sa pamilyar na boses. Iginala ko ang aking paningin sa labas ng aking bintana, sa nagtataasang mga puno, ngunit wala naman akong nakita.

Teka, parang nangyari na ata ito?

“Binibini, sa baba,” aniya. Bumungad sa akin doon ang isang lalaking itim na itim ang kasuotan, kung hindi pamilyar sa akin ang kaniyang boses, ay malamang ginigisa ko na siya sa aking mga katanungan ngayon.

“Anong ginagawa mo rito? Gabi na, dapat ay nagpapahinga ka,” aniko kasabay ng pagtatama ng aming paningin, na siyang kaagad ko rin iniwasan.

“Binibini—,” bago pa man niya masagot ang tanong ko, ay nahagip ng aking mga mata ang isang kawal na papalabas ng kaharian, mukhang tinatawag ng kalikasan. Nanlaki ang aking mga mata, at kaagad na nabahala roon.

Nasa may likurang parte ng kaharian ang bintana ng aking kuwarto, ang banyo ng mga kawal na nagbabantay sa labas ng kaharian, ay malapit lang din sa kaharian, upang mas mapadali ang paggamit nila ng banyo sa panahon ng pangangailangan. Kapag nasa aking kuwarto, ay kitang-kita ang mga pangyayari sa ibaba, kung kaya’y makikita, at makikita ng kawal na iyon si Donovan kung hindi ako mag-iisip ng paraan, paraan upang hindi siya makita.

“Lumipad ka,” mariing saad ko. Hindi ko nakikita ang mukha niya dahil nakabantay ako sa kawal, na kapag nakita si Donovan na bumibisita rito, ay baka isipin na nobyo ko pa ito. Nag-init ang aking mukha dahil sa ideyang iyon.

“Ha?” Nagtiim bagang ako sa kaniyang naging sagot, mabilis ang naging pagbaling ko sa aking gilid, at kaagad na napapikit.

Mapapahamak kami sa pagiging bingi ng lalaking ito.

“Ang sabi ko, lumipad ka!” aniko at pasigaw na sinabi ang huling linya, na siyang dapat ay hindi ko na ginawa. Nataranta ako, wala na akong maisip na iba pa na paraan.

Napapikit na lamang ako nang ibinaling ng kawal ang kaniyang tingin dito sa bintana. Iminulat ko ang aking mga mata, at ang kaagad na bumungad sa akin ay ang kaniyang mga mata na tila kukunin ako anumang oras dahil sa itim na itim nitong kulay.

Pinakawalan ko ang hangin na siyang namalagi sa aking dibdib. Kasabay pala nang paglingon ng kawal dito sa aking puwesto, ay ang pag-upo ni Donovan sa isang sanga rito sa isang mataas nap uno katapat ng aking kuwarto.

“Senyorita, bakit hindi pa ho kayo natutulog? May problema ho ba? Sumisigaw ho kayo,” anito.

Ipinikit ko ang aking mga mata, at nag-isip ng aking magiging dahilan.

“Wala pong problema, hindi lang talaga po ako makatulog, kunga kaya’y kumakanta po ako, pasensiya na po, napataas po ata ang tono ng liriko,” aniko na siyang ikinatango ng kawal. Maliwanag sa ibaba, kung hindi nakalipad kaagad si Donovan ay paniguradong ginigisa na ako ng aking mga magulang sa mga oras na ito.

Napahinga ako ng maluwag nang makitang pumasok na ang kawal sa banyo. Sa pagkakataon na ito, ay napatingin naman ako kay Donovan na kanina pa ata nagmamasid sa akin.

Tumikhim ako ng makaramdam ako ng ilang nang magtama ang aming mga paningin.

“Muntik pa tayong mahuli, pasensiya. Nabalitaan ko ang nangyari kanina, nag-aalala lamang ako para sayo binibini.” Makailang beses akong kumurap nang sinabi niya ang mga salitang ito.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin at mararamdaman ko, gusto niya ba talaga ako? Baka naman ginugusto niya lang ako?

Ewan ko ba sa lalaking ito, ano ba ang ginagawa niya sa akin? Mababaliw na ata ako.

Do not plagiarize.
                                                 
-BCG-
All rights reserved 2023.
                             

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro