Kabanata 3: Isang Mapalad na Araw

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 3]

"PINUNO, nag-aaya ng pustahan ang mga panadero namin mamayang gabi," wika ni Pedro sabay kamot sa ulo. Nanatiling nakapikit ang mga mata ni Xavier habang minamasahe ni Julio ang kaniyang balikat, si Tito naman ang nagmamasahe ng kaniyang paa, habang sinisindihan ni Jose ang sigarilyo na nasa bibig niya.

"Nais daw nilang bumawi, hindi ako tinitigilan kahapon e," patuloy ni Pedro. Ang totoo binigyan siya ng mga panadero ng apat na piso para piliting maglaro muli si Xavier ng baraha. Araw ng Sabado, karamihan sa mga estudyante sa dormitoryo ay umuwi sa kani-kanilang mga tahanan. Iilan lamang ang nananatili sa dormitoryo tuwing walang pasok, lalo na ang mga nakatira pa sa malalayong lugar.

Tumikhim si Xavier saka ginalaw ang kaniyang ulo, "Magkano raw ang kaya nilang ipatalo?" tanong nito dahilan upang ngumisi na parang hyena sina Jose, Julio, at Tito.

"Dalawang daang piso marahil, iyon na raw ang natitira nilang ipon." Nagulat ang lahat ng biglang tumayo si Xavier sabay kuha ng maliit na baul na nasa ilalim ng kaniyang kama. "O'siya, pagbigyan natin ang kanilang kahilingan na ubusin ang kanilang ipon," ngisi ni Xavier sabay buga ng usok mula sa sigarilyo.

Alas-dos na ng madaling araw ngunit hindi pa rin natatapos ang paglalaro nila ng baraha. Ito na ang pang-apat na laban dahil makailang ulit na naglalabas ng salapi ang mga panadero na paulit-ulit natatalo. Pasado alas-tres nang tumayo na si Xavier, "Inyong sinasadya ang mabagal na pagtaya. Ilapag niyo na 'yan!" wika nito na hindi na mapigilan ang init ng ulo. Napapikit ang kaniyang mga kasamahan dahil hindi dapat sila mag-ingay.

Wala nang nagawa ang punong panadero, nang ilapag niya ang hawak niyang mga baraha ay napahiyaw ang mga kaibigan ni Xavier dahil panalo na naman sila. "Kung nanahimik na lang kasi kayo sa araw ng Sabado," kantyaw ni Xavier habang sinasamsam nila ang mga salapi na nakalatag sa mesa at inilalagay sa maliit na baul.

"Ito na ang huling laro natin, baka nais niyo naman kaming painumin," hirit ng punong panadero na nagawa pang palungkutin ang kaniyang mga mata. Ginaya rin siya ng dalawa niya pang kasama dahilan upang mapatigil ang mga kaibigan ni Xavier at tumingin ang mga ito sa kaniya habang naghihintay ng sagot mula sa kanilang lider.

"O'siya, sagot namin ang gabi!" Ngisi ni Xavier dahilan upang maghiyawan ang lahat ngunit sabay-sabay din silang napatakip sa kanilang mga bibig nang mapagtanto na lihim lang ang pasugalan sa tuktok ng panaderia.

Agad silang nagtungo sa isang tindahan ng mga gamot. May maliit na lampara na naaaninag mula sa loob ng botikaryo. May mga taong nangangailangan ng gamot sa gitna ng malalim na gabi kung kaya't hindi ito palaisipan sa mga rumurondang guardia.

Nang buksan ng matandang babae na tagapagbantay ng botikaryo ang pinto at matanaw ang mga pamilyar na mukha ay agad niyang binuksan ang pinto. "Sinong may sakit?" bulong ng panadero kay Pedro ngunit ngumisi lang ito na tila ba may nag-aabang na surpresa sa kanila.

Nagbigay-galang ang matandang babae. Matagal na nilang parokyano si Xavier at ang mga kaibigan nito. Hindi nagsalita ang matandang babae, nauna itong naglakad patungo sa isang sulok at binuksan ang pintuan sa ilalim. Nanlaki ang mga mata ng panadero, hindi nila akalain na may lagusan pa sa loob.

"K-kung hindi niyo ibig magpa-inom, inyong sabihin lang. Mabuti pang umuwi na---" hindi na natapos magasalita ang punong panadero dahil inakbayan siya ni Xavier. "Mag-uumpisa pa lang ang isa sa maliligayang araw niyo. Walang uuwi ngayong gabi nang hindi masaya." Ngisi ni Xavier saka isinama pababa ang punong panadero.

Inakbayan na rin nina Jose, Tito, Julio, at Pedro ang dalawa pa saka sapilitan itong hinila papasok sa sikretong lagusan. Sinubukan nilang sumigaw at magpumiglas ngunit napatigil sila nang makita ang mga tao sa loob na nakaupo sa mga mesa katabi ang ilang babae na agad nilang napagtanto na mga babaeng bayaran.

"Sanchez!" ngisi ng isang abogado na si Señor Legaspi, malaki ang tiyan at balbas sarado ito. "Ninong, hindi ko akalain na narito pala kayo," bati ni Xavier pabalik saka kuwaring nagmano dahilan upang magtawanan ang iba pang mga kasama nito sa mesa.

"Sabado. Araw ng pahinga matapos ang buong Linggong mga papeles sa Audencia," tawa ni Señpr Legaspi na sinabayan muli ng mga kasama niya. Tumatawa sila sa mga maliliit na bagay kahit hindi naman nakakatawa. Marahil ay dulot ng pagkalasing na halata rin sa kanilang mga namumulang pisngi.

"Nais din ho naming ng sandaling pahinga matapos ang buong Linggong pag-aaral at pagsusulit," hirit ni Xavier dahilan upang mas lalong matuwa ang mga nakatatanda. Isang bagay ang kakaiba at lubos na hinahangaan ng mga tao kay Xavier, ito ay ang kung paano ito humihirit at nakikipagsalamuha sa madla bata man o matanda. Bagaman kilala siyang basag-ulo na nasasangkot sa samu't saring gulo, hindi maipagkakaila na magaling siyang makibagay at makisalamuha sa mga pagtitipon o kahit anong okasyon.

Agad naghanda ng bagong mesa at mga silya ang serbidora. Alas-tres na ng madaling araw ngunit magsisimula pa lang ang negosyo sa ilalim ng tindahan ng pagamutan. Marami itong parokyano, iba't ibang politiko, doktor, abogado, at kahit mga sundalo. Sa ikalawa at ikatlong palapag matatagpuan ang mga silid ng mga babaeng bayaran.

Nagpahain ng mga putahe at maraming alak si Xavier. Ito ang madalas nilang gawain na mga magkakaibigan tuwing walang pasok o kahit may pasok kinabukasan dahil wala naman kaso sa kanila ang lumiban sa klase.

Sa tuwing nananalo si Xavier sa mga pustahan at sugal, palagi silang nagdiriwang sa tagong inuman na inaabot hanggang umaga. Malakas ang kapit ng may-ari ng bahay-aliwan at inuman na hanggang ngayon ay wala silang ideya kung sino. Ngunit nababatid nilang kaya nitong bayaran ang gobernador-heneral o maging ang sinumang representante ng kolonya dahil kailanman ay hindi ito natuklasan o tinugis ng mga guardia.

Dumating ang mga babaeng bayaran na karamihan ay kanilang kilala. Halos hindi makagalaw sa gulat at pagkamangha ang tatlong panadero na pare-parehong wala pang mga asawa. Nabalot ng tawanan, kantyawan, sayawan, at walang katapusang inuman ang mga parokyano hanggang sa hindi na nila namalayan na pasikat na ang araw.

Alas-sais na nang umaga nang makalabas sila. Binuhat na ni Jose at Tito sina Julio at Pedro na parehong bagsak na sa alak. Gumegewang-gewang naman sa paglalakad ang tatlong panadero na panay ang tawa kahit wala naman silang pinag-uusapan. Sumusuray-suray din ang lakad ni Xavier habang aka pang maliit na baul na naglalaman ng salapi. Inabot ng tatlumpung piso ang binayaran niya sa inuman at tatlumpung piso rin sa tatlong babaeng bayaran para sa tatlong panadero.

Sabay-sabay nilang tinatahak ang daan pabalik sa Letran habang magkakaakbay at nagtatawanan nang makatapak ng dumi ang panadero. Nagtawanan sila dahil nagsisisigaw ito habang pinapahid sa lupa ang sapatos na puno ng dumi ng kabayo. Hindi nila namalayan ang apat na guardia na nakatayo sa magkakabilang gilid bilang bantay sa palibot ng Plaza Roma.

Natapakan ng panadero ang sapatos ng guardia dahilan upang sigawan siya nito at itulak sa kalsada. Natigilan sina Xavier at ang kaniyang mga kasama. Animo'y nakalimutan nila ang kanilang kasiyahan.

"Por favor. Por favor!" Paulit-ulit na wika ng panadero. Tinutukan siya ng guardia ng baril saka hinila ang kuwelyo dahilan upang malaglag sa kalsada ang mga ipinagbabawal na gamot na nakasilid sa damit at bulsa nito.

"Arréstenlos!" sigaw ng guardia sabay turo sa walong kalalakihan dahilan upang maalerto ang iba pang nakatayo sa gilid. "Puta. Takbo!" Sigaw ni Xavier saka mabilis na kumaripas ng takbo. Agad sumunod sina Jose at Tito, nabitiwan nila sina Julio at Pedro na nagising din ang diwa nang marinig ang sigawan at takbuhan, maging ang mga panaderong sumasayaw sa pagkalasing ay tila bumalik sa ulirat.

Mabilis nilang tinahak ang Plaza Roma, sa dami ng tao sa labas ng simbahan ay nagsisigaw sila ng "Tabi!" "Tumabi kayo riyan!" habang nagsisisigaw din sa kanilang likuran ang mga guardia na hindi magawang magpaputok ng baril dahil malapit na sila sa simbahan.

Mahigpit na akap ni Xavier ang maliit na baul ngunit sa isang iglap ay hindi niya akalaing mabibitiwan niya ito matapos bumangga sa babaeng nanatiling nakatayo sa gitna ng maraming tao. Tumalipon sa ere ang lahat ng barya, perang papel, ginto, at mga billetes dahilan upang maghiyawan sa tuwa ang mga tao at dali-daling nag-agawan sa mga salapi.

"Buena Mano! Buena Mano!" sigaw ng ilan habang ang ilang mananampalataya ay nagpasalamat at lumuhod sa tapat ng simbahan. Naglabasan din ang mga panauhin ng kasal at nagawang magsaboy ng bulaklak dahil sa sobrang kasiyahan.

"Putangina!" Bulalas ni Xavier sabay hawak sa kaniyang noo na tumama sa noo ng babae. Subalit, sa kanilang dalawa mukhang siya ang napuruhuan dahil hindi man lang nagsalita o nagreklamo ang babae na tila naistatwa pahiga habang nakatitig sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata ni Xavier nang mamukhaan ang babae. Hindi siya nagkakamali. Hindi siya maaaring magkamali. Ang babaeng nasa ilalim niya ngayon ay ang babaeng sumampal sa kaniya nang walang dahilan.

"Ikaw!" Saad ni Xavier na akmang hihilahin patayo ang babae ngunit napasigaw siya nang hilahin ni Jose ang kaniyang buhok, "Ano pang ginagawa mo? Takbo!" Sigaw nito saka tinangay si Xavier mula sa mga taong nag-aagawan sa salapi. May mga lumulundag-lundag upang maabot ang mga billetes at perang papel na dahan-dahang bumabagsak.

Sinubukang magpumiglas ni Xavier sa pagkakahila ni Jose ngunit wala na siyang nagawa nang mas lalong dumami ang mga taong nakikiagaw sa salapi. Maging ang mga guardia na humahabol sa kanila ay hindi na makadaan at naipit na rin sa kumpol ng mga tao.

Nagawang umupo ni Segunda ngunit hindi siya makatayo dahil nagsisiksikan na ang mga tao. Mabuti na lamang dahil natunton siya ng kaniyang ama at nahila palayo sa mga taong naghihiyawan at nag-aagawan sa pinaniniwalaan nilang biyaya sa araw ng Buena Mano.


SINASABING mapalad sila noong araw na iyon dahil hindi sila nakasuot ng uniporme dahilan upang hindi agad matukoy ng mga guardia na estudyante ng tanyag na paaralan. Mapalad din sila sapagkat may kasal noong umagang iyon at sadyang napakaraming tao sa Plaza Roma. Mapalad din sila sapagkat nabibilang sila sa mga pamilyang may angking pribelihyo na hindi naaapektuhan ng batas.

Ngunit ang mga sawimpalad tulad ng tatlong panadero ay ikinulong at ngayon ay bali-balitang maipapatapon sa malayong lugar matapos pagmultahin ng malaking halaga. Isinalaysay ng mga panadero ang kanilang natuklasan na bahay-aliwan na nagbabalat-kayo bilang botikaryo at ang pagsusugal nina Xavier at ang mga kaibigan nito ngunit ni isa sa mga iyon ay walang naparusahan.

Ang hindi nalalaman ng karamihan. Sa tuwing nasasangkot ang bunsong anak ni Don Manuel Sanchez sa gulo ay siya ang unang nakababatid. Pinapatawag niya si Xavier sa dormitoryo pabalik sa kanilang tahanan malapit sa Aduana upang kausapin nang masinsinan.

Subalit, lingid din sa kaalaman ng karamihan, ang tinutukoy nitong masinsinang usapan kasama ang anak ay nangangahulugan ng dalawampung latigo sa likod, tatlong suntok sa mukha, at pagpapaulan ng mura't masasakit na salita na tila ba hindi na tumatalab sa dalawampung taong gulang na binata.

Hindi umiimik si Xavier, nagagawang tumitig nang masama pabalik sa ama, at kung minsan ay ngumingisi pa dahilan upang makatikim siya ng malalakas na sampal at hampas na tumatagos sa makakapal na pader ng kanilang tahanan.

"Pustahan, sugal, inuman, at mga babaeng puta! Ano pang gusto mong idagdag nang masira nang tuluyan 'yang buhay mo?!" sigaw ni Don Manuel habang nilalatigo sa likod si Xavier. Duguan at basa na sa pawis ngunit hindi ito kumikibo sa pagkakaluhod sa sahig na tila ba wala siyang iniindang sakit.

"Ipinagbabawal na halamang-gamot," tugon ni Xavier dahilan upang mas lalong manggalaiti sa galit ang Don. Hinila niya ang buhok ni Xavier saka tiningnan ito nang derecho sa mga mata, "Subukan mong pasukin 'yan. Subukan mong sirain nang tuluyan ang ating pangalan. Ako ang unang magkakanulo sa 'yo sa bilangguan!" banta ni Don Manuel na namumula na ang buong mukha at nag-aapoy ang mga mata.

Hindi nagpatinag si Xavier, tiningnan niya rin nang derecho ang kaniyang ama. "Bakit hindi mo ako dalhin sa bilangguan ngayon? Para saan pa 'tong ritwal na ginagawa mo?" hamon ni Xavier sabay ngisi. Nababatid niya kung paano sagarin ang pasensiya ng kaniyang ama na walang ginawa kundi saktan silang magkakapatid at kaniyang ina mula pagkabata.

Kilalang magiliw si Don Manuel Sanchez sa mga kaibigan nito at mga nakatataas na mahihingian niya ng pabor. Subalit, sa oras na ito'y magalit ay wala siyang sinasanto maging ang kaniyang sariling mga anak at asawa ay napagbubuhatan niya ng kamay.

Humahagulgol na lamang si Doña Antonia Sanchez sa tuwing nasasampal at sinasabunutan siya ng kaniyang asawa hanggang sa pinipili niyang ibalik ang kaniyang postura upang ipakita sa ibang tao na siya'y kagalang-galang at minamahal ng kaniyang kabiyak.

Hangga't maaari ay hindi siya nakikialam sa tuwing sinasaktan ni Don Manuel ang kanilang mga anak dahil naniniwala siya sa paraan ng pagdidisiplina nito. Nagagawa niya pang uminom ng tsaa sa salas at magbasa ng dyaryo habang naririnig sa ikalawang palapag ang pananakit na ginagawa nito sa mga bata.

Isang malakas na hampas sa mukha ang tinamo ni Xavier dahil sa palaban niyang pananalita. Bumagsak siya sa sahig ngunit pilit pa ring pinapakita sa ama na higit siyang matibay sa lahat. Hindi niya ibibigay ang kagustuhan nitong makita siyang nahihirapan at namimilipit sa kirot.

"Ikaw ay malas sa buhay namin! Wala ka nang ginawang tama kahit kalian! Nais mo pang dagdagan ang kahihiyan na ating tinamo sa harap ni Don Rufino Salcedo matapos mong banggain ang kaniyang anak! Malas! Sakit sa ulo! Demonyo!" sigaw ni Don Manuel habang paulit-ulit tinatadyakan si Xavier kasabay ng mga masasakit na salitang binitiwan niya.

Tulad ng dati, gugulpihin niya ang anak dahil sa matinding sama ng loob ngunit siya pa rin ang gagawa ng paraan upang maresolba ang gulong kinasangkutan nito. Hindi na bago sa kaniya ang suhulan ang Audencia, mga guardia, maging ang mga may katungkulan sa pamahalaan. Nakikinabang din naman ang mga ito sa kaniya dahil karamihan ay may mga negosyo na nagagawa niyang ipuslit sa Aduana kung kaya't nakaliligtas ang mga ito sa malaking patong na buwis.

Si Don Manuel Sanchez ang punong katiwala ng Kagawaran ng Aduana (Bureau of Customs). Ang kaniyang kapatid ay may mataas ding katungkulan sa Kagawaran ng Pananalapi. Ang panganay niyang anak ay isang abogado sa Laguna, at ang pangalawa ay may posisyon din sa Kagawaran ng Pananalapi. Marami silang lupang pag-aari sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Kamailan lamang ay nakabili sila ng isang pulo sa Panay.

Maraming kaibigan, maraming koneksiyon, at nagagawang baguhin ang sitwasyon ayon sa kanilang pabor sa tulong ng salapi, iyan ang mga dahilan na nagpapatibay sa kanilang pangalan bagama't ang kanilang anak ay nasasangkot sa iba't ibang gulo.

Ipinikit na lamang ni Xavier ang kaniyang mga mata habang iniinda ang sakit. Ilang sandali pa, umalis na si Don Manuel bitbit ang kaniyang latigo. Tulad ng dati, hindi siya makapapasok sa paaralan ng ilang araw dahil sa mga tinamo niyang sugat.

Mag-aagaw dilim na nang maalimpungatan si Xavier, nakahiga na siya sa kama habang ginagamot ni Manang Dioneng na siyang halos nagpalaki sa magkakapatid na Sanchez. Nasa edad pitumpung taong gulang na ito, mahina na ang pangangatawan at kuba na rin kung lumakad ngunit pilit pa ring nagtatrabaho.

"Gising ka na. Heto, uminom ka muna ng mainit na sabaw," wika ni Manang Dioneng saka akmang aabutin ang mangkok sa gilid ngunit dahil mabagal at mahina na siya ay nauna pa si Xavier na umabot niyon matapos itong bumangon at umupo sa kama.

Napapikit si Xavier sa sakit, sa sobrang pagod at puyat niya ay hindi niya namalayan na nakatulog siya nang patahiya dahilan upang mas lalong sumakit ang mga sugat niyang tinamo mula sa hampas ng latigo. "Sinasabi ko naman sa 'yong bata ka, ilayo mo na ang iyong sarili sa gulo. Darating ang araw na hindi ka na magagawa pang tulungan ng iyong mga magulang. Huwag mong sirain ang iyong buhay," wika ni Manang Dioneng habang dinadampi nang marahan ang basang tuwalya sa noo ni Xavier.

Napatitig si Xavier sa sabaw saka napangiti sandali. Kung may nag-iisang tao na tunay nag-aalala sa kaniya sa mundong ito nang walang inaasahang kapalit, iyon ay si Manang Dioneng na halos ituring niyang ina. "Wala naman ho silang pakialam sa akin. Mas higit nilang inaalala ang posibilidad na madamay ang aming pangalan at masira ang aming reputasyon sa karamihan." Ngiti ni Xavier. Ang ngiting iyon ay may bahid ng pait sa ilang taon niyang pagtitiis sa puder ng kaniyang mga magulang.

"Ganoon naman talaga ang kanilang magiging reaksyon lalo na't nilalagay mo sa kapamahakan ang iyong sarili. Halika rito, lagyan natin ng gamot ang iyong mga sugat sa likod." Marahang dumapa si Xavier, kinagat niya na lang ang kumot upang hindi siya mapasigaw sa kirot.

"Kahit anong mangyari, sila pa rin ay mga magulang mo. Nawa'y nauunawaan mo rin kung bakit sila nagagalit, lalo na ang iyong ama. Ikaw na lang ang natitirang anak sa kanilang puder, hangad lang nila ang kabutihan mo." Patuloy ni Manang Dioneng. Gustong matawa ni Xavier, sa mga ganitong sitwasyon, sa tuwing pinapangaralan siya ng ibang tao tungkol sa pagpapahalaga sa magulang ay natatawa na lamang siya. Subalit, hindi niya nagawang tumawa ngayon sapagkat seryoso si Manang Dioneng at tiyak na malulungkot ang matanda kapag tinawanan niya lang ang mga payo nito.

"Maiba tayo, hindi ka naman gumagamit ng ipinagbabawal na halamang-gamot, hindi ba?" kumpirma ni Manang Dioneng. Hindi na makapagpigil si Xavier, animo'y isa siyang bata na napapahiyaw sa sakit habang nilalapatan ng gamot ang kaniyang mga sugat.

"Manang, hindi pa ako hibang upang gawin iyon. Hindi rin naman iyon nagbibigay-ginhawa sa akin---" hindi na natapos ni Xavier ang kaniyang sasabihin dahil bigla siyang hinampas ni Manang Dioneng sa balikat.

"Jusmiyo! Ikaw ay sumubok na?!"

Ngumisi si Xaiver, "Ako'y nagbibiro lamang, Manang... Ahhh!" Wika nito sabay hiyaw nang diinan ng matanda ang paglagay ng gamot sa kaniyang sugat sa likuran. "Sinasabi ko sa 'yo, sa oras na tahakin mo ang pagkalulong sa ganoong halamang-gamot, dadalhin ko hanggang sa kabilang-buhay ang hinanakit ko sa 'yo," patuloy ni Manang Dioneng na hindi na makapagpigil. Halos anak na rin kung ituring niya ang tatlong anak ng mag-asawang Sanchez. Dahil nakapag-asawa na ang dalawa, si Xavier na lamang ang kaniyang iniintindi sa ngayon. Bukod doon, si Xavier ang pinakamagiliw at nakikipagbiruan sa kaniya.

Tumango na lamang ng ilang ulit si Xavier. Ang totoo, dalawang beses na siyang sumubok ng pagpapausok ng ipinagbabawal na halamang-gamot noong siya'y nasa ikalawang taon ng kolehiyo. Subalit, napagtanto niya na hindi iyon kaaya-aya lalo na nagmumukha siyang hibang sa harap ng karamihan. Idagdag pa ang panganib na dala nito. Napansin din niya na nagiging malamlam ang mga mata at sabog ang hitsura ng mga kakilala niyang gumagamit niyon, bagay na hindi niya nais mangyari dahil marami siyang nililigawang binibini.

"Hati tuloy ang aking palagay sa iyong pag-aasawa. Paano ka mag-aasawa sa lagay na iyan? Paano mo bubuhayin ang iyong asawa't mga anak kung ngayon pa lang ay tila naglalaro ka pa rin na parang bata," wika ng matanda, napatahimik at kumalma na si Xavier dahil naramdaman na niya ang lamig at ginhawa mula sa gamot na inilagay sa kaniyang mga sugat.

"Nakahanap na ho ba sina Ama't Ina ng aking mapapangasawa?" tanong niya sabay yakap sa unan habang nakadapa pa rin. Hindi na bago sa kaniya ang matulog nang nakadapa o hubo't hubad sa dahil iyon ay mas naghahatid ng ginhawa sa kaniyang katawan.

"Kagagaling lang nila sa Sariaya nitong nakaraang buwan, ang balita ko ay nagtungo sila sa pamilya De Avila," tugon ng matanda. Gulat na bumangon si Xavier at lumingon kay Manang Dioneng ngunit napapikit lamang siya nang maramdaman ang kirot ng kaniyang likod.

"De Avila... ang pamilya nina Jacinto at Feliciano De Avila?!" Hindi makapaniwala si Xavier. Akala niya ay nababatid ng ama niya ang lahat ng gulong kaniyang kinasasangkutan. Kung ganoon, dapat nalalaman din nito kung sino ang kaniyang mga kaaway.

"Oo. Kapatid nila ang panganay na si Remedios De Avila na siyang naging Reyna Elena noon, hindi ba?" kumpirma ni Manang Dioneng, ipinagpatuloy niya ang paglalagay ng gamot sa binti ng alaga. Napakamot sa ulo si Xavier dahil sa inis, pipiliin niyang tumalon na lang sa apoy kaysa maging kapamilya ang pamilya De Avila.

Hindi sumagot si Xavier, tanging sina Feliciano, Jacinto, at Agustino lamang ang kilala niyang De Avila bukod sa mag-asawang Don Epifanio at Doña Marcela. "Kahit pa ang ang kapatid ni Jacinto ang maging Reyna Elena taon-taon at siyang pinakamagandang dilag sa mundo, hinding-hindi ako magpapakasal sa pamilya nila," seryosong wika ni Xavier. Hindi niya nais maugnay kay Jacinto o makita ang hitsura nito sa mga kapatid na babae. Ang pagpapakasal sa isang De Avila ay katumbas ng pagpapakasal din kay Jacinto na isa sa mga kinasusuklaman niya sa paaralan dahil gumaganti rin ito sa kaniya.

"Sa aking gunita, may asawa na si Remedios, ang asawa niya ay aking kababayan sa Laguna," wika ni Manang Dioneng habang nag-iisip nang malalim. Minsan na niyang nakita ang mga dalagang anak ng pamilya De Avila ng Sariaya na dumadalo rin sa pista ng karatig-bayan ng Laguna.

"Ipaglalaban ko ang aking sarili, hinding-hindi ako mapipilit ni ama magpakasal sa De Avila," wika ni Xavier nang may paninindigan dahilan upang matawa si Manang Dioneng, "Mag-ingat ka sa iyong binibitiwang salita, baka mag-iba ang ihip ng hangin, hijo." Kantyaw ng matanda dahilan upang isubsob ni Xavier ang mukha sa unan habang sinusumpa sa kaniyang isipan ang pangalan ni Jacinto.

Ilang sandali pa, napasigaw siya nang makita sa kaniyang isipan ang hitsura ni Jacinto na nakangiti habang unti-unting nagbago ang anyo nito, nagkaroon ng mahabang buhok at nakasuot ng baro't saya. Tila nakalimutan ni Xavier ang hapdi ng kaniyang mga sugat dahil mas hindi niya kayang maatim na ang posibleng mapangasawa niya ay kadugo at kamukha ni Jacinto De Avila.

HALOS isang Linggong hindi nakalabas ng bahay si Xavier. Bukod sa pinagbawalan siyang lumabas ng kaniyang ama. Wala ring kaso iyon sa kaniya dahil hindi niya nais pumasok sa klase. Iyon nga lang, ilang araw na rin siyang nababagot. Wala na siyang magawa sa apat na sulok ng kaniyang silid. Minsan niyang tinangkang tumakas isang gabi upang makipag-inuman muli sa kaniyang mga kaibigan subalit napaurong siya sa taas ng ikatlong palapag mula sa bintana ng kaniyang silid. Naisip niya pa lang ang ilang butong maaaring mabali sa kaniya ay pinili na lang niyang humilata muli sa kama.

Nababatid ni Xavier na wala siyang angking talento o kakayahan na maipagmamalaki. Ilang taon siyang pinag-aral ng ama upang matuto tumugtog ng instrumento pang-musika subalit wala itong napala. Tumatakbo lang si Xavier at nakikipaglaro ng tagu-taguan sa guro sa musika dahilan upang sumuko na lang ang matandang guro at hindi na bumalik pa.

Sinubukan din siyang bilhan ng kaniyang ina ng mga gamit sa pagpinta noong siya'y bata pa. Ilang araw lang ang nakalipas, natagpuan nila ang mga kulay na nagkalat sa ilog habang nagliligo roon si Xavier at ang dalawa niyang nakatatandang kapatid.

Sa larangan ng pagbabasa, pagsulat, at literatura ay wala rin silang maaasahan dahil walang tiyaga si Xavier sa mga ito na madalas niyang tulugan. Napilitan lang siyang kunin ang kursong abogasya nang papiliin siya ng ama kung medisina, abogasya o itakwil at hindi bigyan ng baon. Pagdating naman sa pagnenegosyo, wala siyang tiyaga sa mahabang proseso at mabusising paghahanda sa negosyo dahilan upang maubos lang ang mga puhunan na mula sa kaniyang magulang.

Nilalaro ni Xavier ang maliit na bola ng Sepak Takraw. Ilang taon na rin mula nang huli siyang nakalaro niyon kasama ang kaniyang mga kapatid at pinsang lalaki. Ilang ulit siyang napapahilamos sa mukha habang iniisip ang laki ng halaga na nawala sa kaniya nang mabangga ang babaeng hindi man lang tumabi sa daan.

Muling napabangon si Xavier, dalawang ulit na nang nagtagpo ang landas nila ng babaeng iyon at sa mga pagkakataong iyon ay nagdulot ito ng problema sa kaniya. Ngayon ay may dalawang dahilan na rin siya upang singilin ang babaeng iyon na hanggang ngayon ay hindi niya nalalaman ang pagkakakilanlan.

Tumayo si Xavier at naglakad-lakad sa loob ng kaniyang silid, tuluyan nang naghilom ang kaniyang mga sugat. Malinaw sa kaniyang isip na taga-Maynila lang ang babae. Nakasuot ito ng balabal dahilan upang hindi niya matukoy kung ano ang suot nitong damit dahil sa bilis din ng pangyayari.

Napaisip siyang mabuti, ngayon ay Araw ng Linggo. Mag-iisang Linggo na mula nang habulin sila ng mga guardia dahil sa ipinagbabawal na halamang-gamot na nahuli sa isa sa mga panadero. Hindi niya rin makausap ang mga kaibigan dahil pinagbawalan din siyang tumanggap ng bisita.

Agad nagpalit ng damit si Xavier, nagsisimba ang kaniyang ina sa Imaculada Concepcion tuwing Linggo. Ngayon ay nagkaroon siya ng bagong pakay, at titiyakin niyang mahuhuli na niya ang babaeng naghahatid sa kaniya ng kamalasan.


NAKATUON ang atensyon ni Segunda sa kumpas ng kamay ng madre na nagtuturo sa kanilang umawit. Isang Linggo na mula nang pumasok siya sa kumbento. Matapos ang nakahihiyang pangyayari sa labas ng simbahan ng Imaculada Concepcion, at sa harap ng mga tao ay minabuti ni Segunda na huwag nang patagalin pa ang pagpasok sa kumbento. Bukod doon, nangangamba rin siyang muling makita ang lalaking sanhi ng pagkakasala ng kaniyang paningin.

Nakasisiguro siya na nakilala siya nito ayon sa naging reaksyon ng binata. Iyon ang dapat niya ring iwasan. Nakasisiguro siyang ligtas siya sa loob ng kumbento.

Hindi nahirapan si Segunda makibagay sa loob ng kumbento dahil nag-aral din sila noon nina Remedios at Socorro ng ilang buwan. Hindi rin siya nahirapan sa mga alituntunin na dapat sundin dahil buong buhay niya ay naging tahimik siyang tagasunod sa anumang panukala. Gumigising sila nang maaga, nagdarasal, kumakain nang sabay, naghahanda sa lektura, sama-samang nakikinig sa mga aral, tulong-tulong din sa paggawa sa mga gawaing-bahay, at bago matulog ay hindi nila nakaliligtaang magdasal at maghanda para sa kinabukasan.

Ngayon ay isinama si Segunda sa mga koro kahit pa hindi siya umaawit. Kailangan nila sumali sa isang aktibidad. Nais sana niyang lumahok sa pagluluto o anumang gawaing-bahay ngunit puno na ang mga ito. Siya ang pinakabago sa lahat. Ang aktibidad sa koro, at pagtatanim na lamang ang bakante. Pinili niya ang koro dahil walang halamang nabubuhay sa kaniyang mga kamay.

Bukod doon, sa palagay ni Segunda ay makatutulong ang pagsali sa koro upang kahit papaano ay mabawasan ang kaniyang pagiging mahiyain. Ang pag-awit kasama ang karamihan ay hindi naman maglalagay sa kaniya sa sentro ng atensyon. Naroon ang katotohanan na maaaring obserbahan sila isa-isa. Subalit, naniniwala siya na tulad ng dati ay hindi naman siya makatatawag ng pansin, bagay na nais niyang mangyari.

Limang binibini sa silid ang kasama ni Segunda. Karamihan ay dalawa hanggang apat na taon nang nananatili roon. Tahimik din ang mga ito at abala sa kani-kaniyang mga ginagawa. Ilang minuto na lamang bago sumapit ang alas-otso ng gabi. Nang bumukas ang pinto, sabay-sabay silang tumayo sa tapat ng kanilang mga kama suot ang kanilang mga pantulog.

Gabi-gabi naglilibot ang madre na si Sor Teresa na namamahala sa kaayusan at disiplina ng mga estudyante. Ilang taon pa ang kailangan nilang gugulin bago ang ordena. Marami ang nakapagtapos, ngunit marami rin ang nahinto. Isa-isa silang tinitigan ng madre na nasa edad limampu. Huminto ito sa tapat ni Segunda, sandali niyang pinagmasdan ang dalaga. Sa kaniyang palagay, marahil isa si Segunda sa mga babaeng pumasok sa kumbento dahil nais takasan ang pag-aasawa o bigo sa pag-ibig.

"Maligayang Isang Linggong pananatili, Hija. Hinihiling ko na ito ang landas na bukal sa loob mong nais tahakin. Anuman ang iyong naging buhay sa labas, nawa'y kalimutan mo na iyon upang iyong matagpuan ang kapayapaan at pag-ibig sa piling ng Panginoon," wika ni Sor Teresa saka napatingin sa hawak na Bibliya ni Segunda saka pinagmasdan ang mga hawak na libro ng apat na binibini na kasama nito sa loob ng silid.

"Inyong tularan si Segunda, ang pagbabasa ng Bibliya bago matulog ay makatutulong sa pagpapatibay ng inyong pananampalataya at pagkilala sa Diyos. Mula ngayon, hindi ko nais makita ang mga librong iyan bago kayo matulog," saad ng madre sabay turo sa mga libro at binuburdang tela ng ibang estudyante.

Ngumiti si Sor Teresa kay Segunda bago ito lumabas sa silid. Hindi makapaniwala si Segunda, ito ang unang beses na nagawa siyang purihin at ikumpara sa iba. Napatingin siya sa kapwa mag-aaral na ngayon ay nakabusangot na ang mukha, bakas sa kanilang reaksyon na hindi sila natuwa sa bagong utos ng madre dahil sa palagay nila ay nagpapakitang-gilas si Segunda na bagong-salta.

Ngayon ay nalalaman niya na rin ang pakiramdam ng taong pinupuri at kinukumpara sa iba tulad ni Leonora. Hindi nga niya maitatanggi na nagdudulot iyon ng hidwaan o pagkailang sa mga taong kinukumpara.

Tumikhim si Segunda saka inilapag sa tabing-mesa ang kaniyang Bibliya bago lumuhod sa tabi ng kama. Nagdasal sila ng ilang minuto, maririnig ang mahihinang bulong mula sa mga labi ng mga estudyante. Tanging si Segunda ang tahimik at walang bulong na lumalabas sa kaniyang bibig habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Nahihirapan siya makipag-kaibigan sa iba, at ngayon ay tila mas mahihirapan siya dahil sa nangyari.

Hindi pa siya tapos magdasal nang matapos na ang apat. Pinatay na nila ang nag-iisang lampara kahit hindi pa tapos si Segunda. Sa huli, wala na siyang nagawa, hinayaan lang niya ang mga ito hanggang sa matapos siyang magdasal. Dahan-dahan niyang kinapa ang kama at nagtaklob ng kumot. Kung may bagay siyang pinapanalangin ngayon sa Diyos, iyon ay ang maging madali ang mga araw na paparating.


KINABUKASAN, maagang nagising si Segunda at nag-ayos ng higaan. Matapos siyang magdasal ay nagtungo na siya sa palikuran. Tulog pa ang mga kasama niya sa silid. Isang oras pa bago ang ganap na alas-singko ng umaga.

Nagdala ng piraso ng kandila si Segunda patungo sa palikuran na matatagpuan sa dulong bahagi ng pasilyo. Napatigil siya nang makasalubong si Sor Teresa na kalalabas lang din sa silid nito. "Magandang umaga po," bati ni Segunda saka nagbigay-galang.

"Ikaw ba ay naninibago at hindi pa rin makatulog nang maayos?" tanong ng madre saka marahang ngumiti. May kakaiba sa hitsura nito na karamihan ay napapaiwas ng tingin dahil sadyang matapang ang hitsura ni Sor Teresa ngunit malamig ang boses nito.

"Mabuti na ho ang aking pagtulog. Sadyang sanay lang din po ako na maaga gumising," tugon ni Segunda. Tumango nang marahan si Sor Teresa ngunit nanatili silang nakatayo sa pasilyo. "Sa totoo lang, nababasa ko sa iyong mga mata na tila hindi buo ang iyong puso't isipan na ialay ang iyong buhay sa Diyos," derechong saad ng madre na kilalang hindi naglilihim. Siya ang ikatlo sa linya para sa pagiging punongmadre. Sa loob ng ilang taon ay maaari siyang makarating sa posisyong iyon.

Ngayon pa lang ay nakikita na ni Sor Teresa ang potensyal ni Segunda na larawan ng isang dalagang mahinhin, malapit sa Diyos, at may busilak na kalooban. Subalit, nararamdaman din niya na tila may humahadlang kay Segunda sa landas ng pagiging madre.

Napayuko si Segunda, hindi niya maikakaila na madaling mabasa sa kaniyang mga mata ang tumatakbo sa kaniyang isipan. "Kung pipiliin mo ang Diyos, piliin mo siya nang buong puso, hindi dahil sa wala kang ibang mapuntahan, dinikta lamang sa iyo, o may nais kang takasan sa nakaraan," wika ng madre saka naglakad papalapit kay Segunda.

"Hindi nalulugod ang Diyos sa mga taong ginagawa siyang pangalawa. Ang pagmomongha ay hand among ialay ang iyong buhay sa Panginoon nang buong puso at kaluluwa. Ginagawa mo ito dahil ito ang nais mo at naniniwala ka na tinawag ka Niya. Kung kaya't, hija, kung ang pananatili mo rito ay magdudulot lamang ng pagkakasala o paglilinlang mo sa iyong sarili, ang mabuti pa ay bumalik ka na lamang sa iyong tahanan at magsumikap na malagpasan ang lahat bago ka bumalik dito." Malumanay na saad ng madre, hindi nakapagsalita si Segunda. Ang lahat ng sinabi ni Sor Teresa ay tumusok sa kaniyang puso't isipan na tunay na nagkakasala.

Aminado siya na nagdadalawang-isip na siyang tumuloy sa kumbento lalo na nang makita muli si Romeo. Subalit, wala siyang magawa kundi ang tumuloy dahil nakapangako na ang kaniyang mga magulang sa punongmadre na sila'y tutuloy. Bukod doon, nais niya ring takasan ang binatang tiyak na sisingilin siya habambuhay dahil sa kaniyang mga nagawa.

"Sor Teresa... Paano ko po malalaman kung ito ba talaga ang landas na para sa akin?" tanong ni Segunda, nag-iisang apoy sa kandila ang nagbibigay-liwanag sa buong pasilyo. Sandaling tinitigan ng madre si Segunda, naalala niya ang sarili noong kaniyang kabataan. Minsan niya rin itong naitanong sa dating punongmadre.

"Kung ang lahat ay umaayon sa iyo na tila ba langit na ang naglalapag ng paraan at naghahanda ng iyong daraanan. Ang mga bagay na para sa 'yo ay bagaman may kaakibat na paghihirap, subalit, hindi iyon magiging dahilan upang ikaw ay sumuko sa gitna ng daan," tugon ni Sor Teresa saka ngumiti nang marahan.

Ang sagot niyang iyon ay minsan ding naging sagot sa kaniya ng dating punongmadre. Pumasok siya sa kumbento dahil siya'y ulila at wala nang mapupuntahan. Ngunit, ang pansamantalang masisilungan ay naging habambuhay niyang kanlungan nang mapagtanto niya sa sarili na handa siyang ialay ang lahat bilang pasasalamat at pagmamahal sa Panginoon.


MULING nagdahilan si Xavier upang hindi siya piliting pumasok sa paaralan. Napapapikit na lamang si Doña Antonia dahil sumisigaw-sigaw si Xavier na masakit ang likod habang nakahiga sa kama. "Kay aga-aga sinisira mo ang aking araw," inis na wika ng Doña saka ipinatawag si Manang Dioneng para gamutin si Xavier sa kung ano mang iniinda nito.

Nang pumasok ang matanda ay naabutan niyang kumakain ng almusal si Xavier na parang nagbabakasyon. "Kung kalian isang taon na lang ay makakapagtapos ka na, saka pa lumala ang iyong katamaran," wika ni Manang Dioneng na tila ba suko na siya sa katigasan ng ulo ng alaga.

Napadighay pa si Xavier matapos maubos ang mainit na tsokolate, itlog, at tortilla de patatas. "May mabuti ring naidudulot ang ginagawa sa akin ni Ama sa tuwing siya'y galit. Kailangan ko rin makinabang," ngisi ni Xavier dahilan upang mapailing na lamang ng ilang ulit si Manang Dioneng.

"Akin na iyang pinggan at baso, lalanggamin ka naman dito," saad ng matanda na akmang kukunin ang pinagkainan ng alaga ngunit nauna na itong kinuha ni Xavier. "Ako na lang ho ang magbabalik sa kusina. Magtutungo na rin ako sa palikuran," saad nito saka mabilis na lumabas ng silid na tila masigla na ang katawan.

Muling napailing ang matanda saka napangiti sa sarili. Mula nang magkasakit siya at tuluyang manghina ang katawan, napapansin niya na nagagawa nang kumilos ni Xavier para sa sarili upang hindi na siya mahirapan.

Inilagay ni Xavier ang hugasan sa batalan kung saan naroon ang ilang kasambahay. Nagkuwari siyang masakit ang likod at nagpaika-ika ng lakad paakyat ng hagdan nang maalala na nagpapanggap pa pala siyang may sakit upang hindi makapasok sa klase.

Nang makarating siya sa ikalawang palapag at masigurong wala nang ibang tao ay muling naging tuwid ang kaniyang lakad pabalik sa silid. Napadaan siya sa silid ng kaniyang ama't ina, napansin niya na nakabukas nang kaunti ang pinto dahilan upang marinig niya ang mahinang pag-uusap ng mga ito.

"Anong balita sa pamilya Villafuerte?" tanong ni Doña Antonia sa asawa na nakaharap sa salamin at inaayos ang damit.

"Ako'y hindi nakatitiyak kung itutuloy pa ni Don Fernando ipakasal ang kaniyang unica hija sa anak ni Don Amorsolo Del Rosario," tugon ni Don Manuel. Napaisip si Xavier at napatango sa sarili nang mapagtanto na ang tinutukoy ng kaniyang mga magulang ay ang anak ni Don Amorsolo na si Ambrosio Del Rosario na siyang unang sumuntok sa kaniya sa Panciteria. Mukhang kaibigan din ito nina Jacinto at Cristobal.

Napangisi sa sarili si Xavier, ano kaya ang magiging reaksyon ni Ambrosio sa oras na malaman nito na sa kaniya na ipapakasal ang binibining nakatakda sa kaniya. Napatango si Xavier sa sarili, tila nais niya ring maisakatuparan iyon lalo pa't si Don Fernando Villafuerte ay Gobernadorcillo ng bayan ng Sariaya.

Aalis na dapat si Xavier ngunit may narinig siyang pangalan na kahit malayo pa lang ay nakapagpipintig ng kaniyang tainga, "Marapat lang na ipakasal natin ang gating anak sa isang politiko. Hindi ko hahayaang maugnay tayo sa pamilya De Avila. Oo, mayaman nga naman ang mga De Avila, mas marangya sila kumpara sa mga Villafuerte, subalit, hindi ko maaatim na maging balae sina Epifanio at Marcela na hindi kayang disiplinahin ang kanilang mga anak," buwelta ni Doña Antonia saka nagpaypay ng abinako. Hindi niya pa rin matanggap ang binulalas na salita ni Socorro De Avila sa kanilang harapan nang minsang magtungo sila sa Sariaya.

Mas inilapit ni Xavier ang kaniyang tainga sa maliit na uwang ng pinto, naniniwala na siya na siya'y isang Sanchez. Pare-pareho silang mga namumuhi sa pamilya De Avila. Sandaling napaisip si Xavier, ang alam niya ay matalik na magkaibigan ang kanilang mga magulang ni Jacinto, madalas pa itong lumabas at magbakasyon sa Sugbo. Minsan na silang isinama ni Jacinto, pareho silang nakabusangot sa barko at tila hindi sila magkakilala o nakikita ang presensiya ng isa't isa.

"Huwag ka mag-alala, hinding-hindi ko hahayaang makasal ang ating anak sa pamilya De Avila. Tamaan na lang ako ng kidlat, huwag lang maugnay sa pamilya ng mga iyon. Ako'y nagsisi tuloy na nag-alok pa tayo ng kasal sa kanila," saad ni Don Manuel saka tinapik sa balikat ang asawa na nagawa nang uminom ng tubig.

Napangisi na lang si Xavier, ngayon ay sumagi sa isipan niya kung paano sasakit ang ulo ng kaniyang mga magulang sa oras na makasal siya sa pamilyang kinamumuhian din nila. Sandali niyang inisip ang posibilidad na iyon dahilan upang matawa siya nang marahan. Tiyak na gyera ang aabutin ng kanilang mga magulang at maging si Jacinto ay mamomoblema nang malala dahil magiging asawa niya ang kapatid nito.

Napalingon ang mag-asawang Sanchez sa pinto nang marinig ang mahinang tawa. Dali-daling tumakbo si Xavier pabalik sa kaniyang silid saka mahinang isinara ang pinto at lumundag sa kama. "Anong..." Hindi na natapos ni Manang Dioneng ang kaniyang sasabihin nang biglang magpanggap na natutulog si Xavier. Kasalukuyang nagliligpit ng higaan ang matanda, mabagal ang kaniyang kilos kung kaya't hindi niya pa natatapos tupiin ang kumot.

Ilang sandali pa, bumukas ang pinto at tumambad sa kaniyang harapan si Doña Antonia. May sasabihin sana ito ngunit napatigil nang makitang tulog si Xavier, "Kanina pa ba siya nakatulog, Manang?" pagkumpirma ng Doña.

Napatingin si Manang Dioneng kay Xavier na kumindat nang kaunti, "Opo. Nakatulog siya agad matapos kong lagyan ng gamot ang kaniyang mga sugat," tugon nang matanda saka tinakluban ng kumot ang alaga.

"Nasaan ang kaniyang agahan?" Nagtatakang tanong ng Doña matapos mapansin na wala na sa tabing-mesa ang almusal na dinala niya kanina.

"Ah. Ibinaba ko ho muna sapagkat nilalanggam dito sa mesa," tugon ni Manang Dioneng. Tumango na lamang si Doña Antonia, akmang isasarado na sana niya ang pinto nang muli siyang magsalita.

"Siya nga pala, pagkagising ho ni Xavier, pakisabi na magbihis siya ng itim, magtutungo kami sa lamay ng kaniyang Ninong sa Binyag, si Padre Hernandez." Bilin nang Doña bago tuluyang umalis.

Nang marinig ni Xavier ang pagsara ng pinto, napasabunot siya sa sarili. "Pinagtakpan kita, bilang kapalit, sumama ka mamaya sa burol ng iyong Ninong," wika ng matanda. Walang nagawa si Xavier kundi ang mapahinga na lang nang malalim at nagtaklob ng kumot. Nais sana niyang matulog na lang buong araw ngunit wala siyang magawa sa kondisyon ni Manang Dioneng na nagagawa siyang tulungan at pagtakpan anumang oras.


MAKAILANG ulit na humihikab si Xavier sa huling misa para kay Padre Angelo Hernandez na sa tanang-buhay niya ay hindi niya maalala kung nakasalamuha niya ba ito o nabigyan ba siya ng pamasko. Maraming kinukuha na Ninong at Ninang ang kaniyang mga magulang para sa kanilang magkakapatid. Sa dam ay nagiging pista ang kanilang mga kaarawan noon dahil halos lahat ng panauhin ay mga kaibigan ng kanilang magulang.

Nakaupo sa pang-limang helera ng upuan sa simbahan ng Imaculada Concepcion ang pamilya Sanchez. Alas-kuwatro ng hapon, umaga nadeklara na sumakabilang-buhay ang prayleng kaibigan ng marami. Mamayang alas-sais ng hapon ay ililibing din agad ang pari.

Ang kabaong na gawa sa kahoy ay nasa gitna habang nag-aalay ng huling misa ang kura paroko ng simbahan. Bukod sa pagbabasa, ang pagdalo sa misa ay naghahatid ng antok kay Xavier. Mabuti na lang dahil natanaw niya sa likuran ang kaniyang mga kaibigan at ang pamilya nito na dumalo rin sa lamay.

Natanaw niya rin sa kabilang helera ng upuan ang pamilya De Avila, napasingkit ang mga mata niya nang magtama ang kanilang mga mata ni Jacinto. Napansin ni Xavier na sina Don Epifanio at Doña Marcela lang ang naroroon kasama ang isang batang lalaki na nasa edad pitong taong gulang. Sa palagay ni Xavier ay anak iyon ni Jacinto na nilihim ng pamilya nila at ipinalabas sa madla na anak ito ng mag-asawang De Avila.

Natauhan si Xavier nang marinig ang pag-awit ng koro. Mga madre na nakasuot ng itim ang nakatayo ngayon sa puwesto ng mga koro. Nag-aalay sila ng awitin para sa namayapang prayle.

Muling napahikab si Xavier, idadagdag niya ngayon sa listahan ng mga bagay na nagpapaantok sa kaniya ay ang awitin ng koro ng mga madre. Ngunit napatigil siya sa kalagitnaan ng kaniyang paghikab nang mapansin ang pamilyar na babae na nasa hanay ng mga madreng umaawit. Nakatayo ito sa likod at nakasuot din ng itim.

Napaupo nang tuwid si Xavier dahilan upang mapatingin sa kaniya si Doña Antonia, "Sumasakit baa ng iyong likod?" tanong nito na hindi pinansin ni Xavier. Napasingkit ang mata ni Xavier upang tingnan nang mabuti ang babae, hanggang sa mapatingin ito sa kaniya. Lumaki ang mga mata ng babae sa gulat at muntik pa itong mapatigil sa pag-awit nang makilala siya.

Akmang tatayo sana si Xavier at sisigaw upang tawagin ang babae ngunit natapos na ang pag-awit ng koro ng mga madre at pumalakpak nang malumanay ang madla. "Ano bang nangyayari sa 'yo?!" bulong ni Doña Antonia sabay hawak sa braso ng anak. Kulang na lang ay kurutin niya ito sa tagiliran dahil hindi ito mapakali sa upuan.

Samantala, mula sa hanay ng mga madreng umaawit ay agad napaiwas ng tingin si Segunda sa pamilyar na lalaki. Hindi niya akalaing makikita ito ngayon sa lamay. Nawala sa isip niya ang posibilidad na makadaupang-palad ang lalaki dahil ang mas nangibabaw sa kaniyang isipan ay ang makita ang kaniyang ama't ina at mga kapatid sa hanay ng mga manonood. Umaasa rin siya na makita si Romeo kung sakaling makikilamay ito sa tanyag na prayle.

Nang matapos ang kanilang pag-awit ay agad siyang sumunod sa pagbaba. Ni hindi na niya nagawang lumingon sa kaniyang pamilya at tinakpan ang mukha habang nakapila patungo sa likod ng simbahan. Nagpatuloy ang misa, naglalakad ang mga madre sa likod at pila-pilang maglalakad patungo sa likod ng simbahan upang tapusin ang misa at maghintay ng pagkakataon na makapag-alay ng bulaklak at masilayan sa huling pagkakataon ang pari.

Subalit, sa halip na sumunod si Segunda sa pila ay nagdahilan siya na magtutungo sa palikuran. Ang kaniyang plano, magtatago siya roon hanggang sa matapos ang misa. Magdadahilan na lang din siya kay Sor Teresa na masama ang kaniyang pakiramdam upang hindi na siya sumama sa libing mamaya. Nakatitiyak si Segunda na sasama sa libing ang lalaking kailangan niyang taguan.

Mahigpit na hawak ni Segunda ang kaniyang itim na balabal habang mabilis na naglalakad sa mahabang pasilyo patungo sa palikuran. Walang ibang tao sa likod ng simbahan maliban sa maingay na yapak ng kaniyang sandalyas na pilit niyang pinapahina dahil sumasabay din ito sa bilis ng tibok ng kaniyang puso dahil sa matinding kaba.

Bago niya tuluyang marating ang pinto ng palikuran ay tumambad sa kaniyang harapan ang binatang nanggaling sa gilid ng simbahan. Tuluyang hindi nakagalaw si Segunda, animo'y isa siyang istatwa na nabalot ng kahihiyan.

"Huli ka!" Saad ng binata na agad humarang sa kaniyang daraanan. Halos walang kurap na napatingin si Segunda sa leeg nito dahil sa sobrang lapit ng binata sa kaniya. "Saan ka magtutungo? Huwag mo sabihing tatakasan mo naman ako? Ikaw pala ay isang madre ng Imaculada Concepcion!" Sunod-sunod na saad ng binata. Napapahakbang na lang paatras si Segunda sa tuwing humahakbang ito papalapit sa kaniya. Nagawa na niyang umiwas ng tingin, nagbabalik sa kaniyang alaala ang kaniyang nasilayan noong unang beses silang nagkita at ang pagtilapon sa ere ng mga salaping dala ng binata nang dahil sa kaniya.

"Ano ang iyong pangalan?!" Saad ng binata nang hindi pataong. Tila ito ay isang piskal na naghahangad ng agarang kasagutan sa harap ng hukuman.

Yumuko si Segunda na nagdarasal nang lamunin ng lupa. Balak niyang takpan lalo ang kaniyang mukha bago tuluyag banggain ang lalaki hanggang sa makapasok siya sa palikuran at ikandado iyon. Tiyak na hindi na siya masusundan ng lalaki dahil hindi ito magsisisigaw sa palikuran ng babae kung nais nitong iligtas ang sariling dangal.

Gagawin na sana ni Segunda ang kaniyang plano ngunit napatigil siya nang marinig ang pag-alingawngaw ng maliit na boses sa pasilyo, "Ate Segunda!" Tawag ni Concordio na ngayon ay nakangiting tumatakbo papalapit sa kaniya.

Maging ang lalaki ay napanganga sa gulat at tumingin sa kaniya, "Kapatid mo si Jacinto?... Isa kang De Avila?!" bulalas nito sa sarili, bagay na narinig ni Segunda. Sinubukan niyang tumingala upang makita ang reaksyon ng binata. Nabasa niya ang matinding pagkabigla sa reaksyon nito lalo na't ang isang tulad niya na mula sa angkan ng pamilya De Avila at ngayo'y patungo sa landas ng pagiging alagad ng simbahan ay may kasalanang nais niyang taguan.

Isang kasalanan na ngayon ay pakiramdam niya ay hindi na niya magagawang takasan pa dahil nababatid na nito ang kaniyang pangalan, kinaroroonan, at pamilyang kinabibilangan.


************************

#Segunda

https://youtu.be/AR0yrR_Do5E

"Demonyo" by Juan Karlos

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro