Kabanata 4: Limang-Daang Paraan

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 4]

MAKAILANG ulit na napapahinga nang malalim si Segunda habang nakapila sa likod ng simbahan. Ilang minuto na lang ay tatawagin na sila upang maghandog ng awit para sa namayapang prayle.

Hindi siya sanay humarap sa madla bukod sa noong bata sila ay sapilitan silang pinapaawit tuwing pasko para sa kanilang mga Ninong at Ninang. Natigil na lamang iyon nang magdalaga at magbinata na silang magkakapatid. Ngayon ay sina Concordio at Amor na lang ang pinapaawit ng matatanda at binibigyan ng pamasko.

Subalit, sa pagkakataong ito, nais ni Segunda harapin ang isa sa mga bagay na hindi siya komportable gawin. Nababatid niyang makikilamay ang kaniyang pamilya na ngayon ay kasalukuyang nasa Maynila pa. Nais niyang supresahin ang mga ito.

Hindi nga siya nagkamali, nang tawagin na sila upang umawit ay natunghayan niya ang magkahalong gulat, pagtataka, at ngiti na hitsura ng kaniyang ama't ina. Kasama rin ng mga ito sina Jacinto at Concordio. Nagawa pang kumaway ni Concordio sa kaniya habang nakangiti ito nang matamis.

Animo'y naglaho ang kaba na nararamdaman ni Segunda nang matanaw ang kaniyang pamilya. Bakas sa mukha nina Don Epifanio at Doña Marcela na hindi nila inaasahang kakanta rin sa harap si Segunda at muli nila itong makikita. Nababatid ng lahat na mailap ang pagkakataong makalabas sa kumbento ang mga babaeng nais magmongha. Kahit isang linggo pa lamang ang nakalilipas mula nang pumasok si Segunda sa kumbento, pakiramdam nila ay ilang buwan na itong nananatili roon.

Nagsimula ang kanilang awit. Isang dasal para sa kaluluwa ng namayapa. Minsan na ring nakasalumuha ni Segunda si Padre Hernandez na nag-aalay din ng misa tuwing piyesta sa Sariaya. Nais niyang makiisa sa pagdarasal at pag-alay ng huling pasasalamat sa mabait na pari.

Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang pakiramdam tumayo sa harap ng maraming tao kasama ang koro. Kabilang siya sa mga alto ng koro kung kaya't hangga't maaari ay binabalanse niya rin ang kaniyang himig na hindi magkamali. Nababatid ni Segunda na hindi siya magaling kumanta, ngunit hindi rin maipagkakaila na kaya niyang sumabay sa musika. Mabuti na lamang dahil napipilitan siya noon samahan sa pagsasanay sina Agustino at Amor tuwing nagtutungo ang guro ng musika sa kanilang tahanan.

Sa isang iglap ay tila nag-iba ang tono ng kaniyang himig nang mapatingin sa isang binata na gulat ding nakatingin sa kaniya. Nakaupo ito malapit sa kinatatayuan ng koro dahilan upang mas makita nila ang hitsura ng isa't isa. Napatingin kay Segunda si Sor Teresa na nang mapansin na nawala ito sa pokus. Nakatayo si Sor Teresa sa gilid habang pinapanood ang pagtanghal ng kaniyang mga alaga.

Mabuti na lamang dahil patapos na ang awit. Kalmadong pumalakpak ang mga tao at sabay-sabay na yumukod ang koro bago pila-pilang naglakad patungo sa likod ng simbahan. Malinaw ang utos ni Sor Teresa na pagkatapos nilang umawit ay maayos silang maglalakad patungo sa likod at doon ay maghihintay ng pagkakataon mag-alay ng bulaklak para kay Padre Hernandez bago ito buhatin at dalhin sa libingan na matatagpuan mismo sa loob ng simbahan.

Hindi na nagsayang ng oras si Xavier, agad siyang umalis sa upuan at sumunod sa direksyon ng mga madre sa pag-aakalang hindi napapansin ng karamihan dahil nakatuon muli ang atensyon ng lahat sa sinasabi ng kura paroko. Ang hindi niya nalalaman, nakuha niya ang atensyon ng karamihan dahil naglalakad siya patungo sa gilid ng simbahan nang hindi man lang nagsumikap yumuko upang hindi makaharang sa mga tao.

Pabulong siyang tinawag ng kaniyang ina ngunit hindi na niya ito napansin. Maging sina Jose, Tito, Pedro, at Julio na nakaupo sa likod kasama ang kani-kanilang mga pamilya ay nagtaka sa biglaang pagtayo ni Xavier na tila ba walang nagsasalita sa harap.

Napahilamos na lang sa mukha si Don Manuel dahil sa kahihiyan. Binuklat naman ni Doña Antonia ang kaniyang abaniko saka itinakip sa kaniyang mukha. Nakalikha pa ng ingay ang pabulong niyang pagtawag sa anak na narinig din ng mga taong nakaupo malapit sa kanila. Maging si Doña Marcela na nakaupo sa kabilang helera ay napatingin sa kanila dahilan upang taasan niya ito ng kilay. Nanlaki ang mga mata ni Doña Marcela sa harap-harapang pagtataray ni Doña Antonia kung kaya'y nagpaypay na lang siya upang pakalmahin ang sarili.

Hindi inalis ni Xavier ang kaniyang paningin sa koro, pare-pareho ang suot ng mga ito kung kaya't hindi niya matukoy kung nasaan na ang babae hanggang sa may isang babae ang humiwalay sa grupo. Tinahak nito ang mahabang pasilyo patungo sa palikuran.

Sinalubong ni Xavier ang babae sa kabilang lagusan ng pasilyo. Hindi nga siya nagkamali, ito ang babaeng matagal na niyang hinahanap upang pagbayarin sa lahat. Agad niya itong hinarangan, "

"Huli ka!" Saad ni Xavier. Halos walang kurap na napatingin ang babae sa kaniya at napatigil ito sa paglalakad. "Saan ka magtutungo? Huwag mo sabihing tatakasan mo naman ako?" Patuloy ni Xavier, sinubulang lumusot ng babae sa kaliwa at kanan ngunit maagap niya itong naharangan.

"Ikaw pala ay isang madre ng Imaculada Concepcion," saad ni Xavier sabay turo sa babae. Nakikilala niya ang suot nito, maging si Sor Teresa na isa sa mga nanunungkulan sa kumbento. Hindi lubos maisip ni Xavier na isa palang madre ang babaeng... Napapikit na lamang siya. Lumalala ang kasalanang nagbubuhol sa kanilang dalawa.

Napapahakbang paatras ang babae, lumingon din ito sa paligid na tila ba naghahanap ng matatakasang lugar, ngunit sa tuwing umaatras ang babae ay humahakbang naman siya papalapit na tila isang tigre na nakahuli ng biktima.

Umiwas ng tingin ang babae. Nababatid ni Xavier na hindi tamang titigan niya nang derecho ang isang binibini lalo na ang isang alagad ng simbahan, subalit mas nangingibabaw sa kaniyang isipan ang hangaring masingil agad ito bago pa siya humingi ng tulong sa kaniyang kapatid na abogado at mga kamag-anak sa Audencia.

"Ano ang iyong pangalan?!" Ang una niyang kailangang malaman ay ang pagkakakilanlan nito. Hindi nga siya nagkamali na taga-Maynila lang ang babae. Bukod doon, katawa-tawang isipan na matatagpuan lang sa kabilang kanto ng kanilang tahanan ang kumbento.

Sa dami ng kaniyang tanong ay hindi nagsalita ang babae dahilan upang mapahawak si Xavier sa kaniyang sentido. Nanatiling nakayuko ang babae na tila ba nagtatago o nag-iisip ng paraan upang makatakas muli. Ilang sandali pa, napatingin siya sa isang batang lalaki na tumatakbo sa pasilyo.

"Ate Segunda!" Tawag ng bata na nakangiting tumatakbo patungo sa kanila. Napatulala si Xavier nang makilala ang batang paslit na siyang kasama ni Jacinto at yumayakap-yakap kanina sa mag-asawang De Avila.

Napatingin si Xavier sa babae na bakas ang pangamba sa mukha nito. Naalala niya ang mga letrang nakaburda sa manggas nito. MSDA na maaaring ang tatlong huling letra ay nangangahulugang Segunda De Avila.

"Kapatid mo si Jacinto... De Avila?!" tulalang bulalas ni Xavier sa sarili. Nagunita niya noong nagdaang Bagong Taon ay hindi siya lumundag o nakiisa sa pagpapaputok upang itaboy ang malas. Marahil, nagsisimula na ngayong kumatok ang kamalasan ng kaniyang buhay. Paano niya ngayon sisingilin ang isang De Avila nang hindi muling makakabangga ang pamilya nito?!

Yumakap ang batang lalaki kay Segunda, "Kay husay mo kanina sa pag-awit, ate!" Ngiti ng bata ngunit nagtaka ang hitsura nito nang mapatingin kay Xavier, "Sino ho siya?" tanong ni Concordio sabay turo kay Xavier. Napakurap ng dalawang beses si Xavier, ang pagiging mapangahas ng batang paslit na iyon ay natutulad kay Jacinto.

"Ah, b-bakit ka naririto? Nasaan sina ama't ina? baka hinahanap ka na nila," sunod-sunod na tanong ni Segunda na halatang natataranta. Anumang segundo ay tiyak na may susunod kay Concordio. Siguradong magkakaroon ng maling interpretasyon ang sinumang makakakita sa kanilang dalawa ni Xavier.

Ngumisi si Xavier, bakas sa kaniyang hitsura na hindi siya makapaniwala na hindi nakaabot sa dalawang ito ang kaniyang katanyagan, "Hindi niyo ba ako nakikilala?" tanong ni Xavier sabay suksok ng mga kamay sa bulsa ng kaniyang pantalon. Mauunawaan niya kung hindi siya kilala ng isang bata, subalit, hindi niya matatanggap ang posibilidad na walang ideya si Segunda sa kaniyang katauhan.

"Hindi ko ito madalas ginagawa, subalit, para sa inyong kaalaman at nang maging maingat kayo sa taong inyong binabangga ay gagawin ko na. Ako si Ma----" Hindi na natapos ni Xavier ang sasabihin dahil agad binuhat ni Segunda ang kapatid.

"Halika na, Cording. Baka hinahanap ka na nila." Mabilis na saad ni Segunda saka kumaripas ng takbo patungo sa misa habang buhat ang kapatid na kumaway pa kay Xavier at nagpaalam.

Napanganga sa gulat si Xavier at napakurap ng dalawang beses dahil sa nangyari. Hindi siya makapaniwalang lalayasan lang siya ng ganoon ng babaeng iyon na hindi man lang humingi ng pasensiya sa mga nagawa nito sa kaniya.


NAPANSIN ni Sor Teresa na mas lalong namutla ang kulay ni Segunda at hindi ito mapakali. Panay ang lingon nito sa paligid na tila ba may multong humahabol sa dalaga. Nagawa rin nitong umupo sa gitna ng mga madre na para bang nais niyang protektahan ang sarili laban sa demonyong umaaligid sa paligid.

Sumiksik din si Segunda sa mga madre at hindi humiwalay kay Sor Teresa nang sila na ang nakapila upang mag-alay ng bulaklak sa kabaong ni Padre Hernandez. Nang mailing ang pari sa libingan na matatagpuan sa haligi ng simbahan, nanatili si Segunda sa tabi ni Sor Teresa na tila ba pandikit na hindi mawawalay sa kaniya.

Habang binabasbasan ng Agua Bendita ang kabaong bago ipasok sa nitso ay hinawakan ni Sor Teresa nang marahan ang braso ni Segunda at kinausap ito sa isang gilid, "Ikaw ba'y ayos lang, Segunda?"

Napalunok si Segunda. Gusto na niyang tumakbo papalabas at magtago sa loob ng kumbento. Naniniwala siya na hinding-hindi na siya magugulo o masusundan doon ng lalaking kanina niya pa nararamdamang nakatingin sa kaniya nang masama mula sa malayo. Sa tuwing napapalingon siya ay nagtatama ang kanilang paningin na tila ba bantay-sarado ito sa lahat ng kaniyang kilos.

"M-masama po ang aking pakiramdam. Ako'y nilalamig at..." Napalunok muli si Segunda sa kaba nang makitang nakatingin sa kaniya ang lalaki habang nakasandal sa pader at nasa kumpol ng mga kalalakihan. Hindi nito inaalis ang paningin na para bang isang anino na handa siyang sundan kahit saan.

"Nais mo na bang mauna umuwi?" tanong ni Sor Teresa. Napaisip si Segunda, tiyak na susundan siya sa labas o baka magawa pa siyang tambangan ng lalaking iyon. Hindi siya maaaring umuwing mag-isa o maiwang mag-isa dahil magkakaroon ito ng pagkakataong lapitan siya.

"Maaari ho ba akong magpahatid kina ama't ina? narito po sila. Narito rin po ang aking mga kapatid." Tanong ni Segunda. Ito na lamang ang natitira niyang pag-asa upang makauwi. Nakasisiguro siya na hindi siya lalapitan ng lalaking iyon sa oras na kasama niya ang kaniyang pamilya gaya nang kung paano ito magulat nang malaman na isa siyang De Avila.

Umiling si Sor Teresa, "Hindi maaari, Hija. Magkakasama tayong nagtungo rito bilang koro. Narito rin ang kanilang pamilya ngunit hindi rin sila maaaring sumabay sa kanilang kalesa," ang tinutukoy ni Sor Teresa ay ang mga kasamahang madre ni Segunda na maluha-luha rin ang mga mata dahil natatanaw nila sa malayo ang kanilang mga magulang at kapatid.

Napapikit si Segunda. Nang ihatid niya si Concordio kanina ay pinatakbo na lang niya ito pabalik sa upuan ng kaniyang mga magulang dahil nababatid niya na hindi maaaring makita ng mga tao na sinasamantala niya ang pagiging miyembro ng koro upang makalabas sa kumbento.

Ngayon ay wala nang ibang paraan kundi ang hintayin matapos ang libing at sabay-sabay silang umuwi. Nanatili na lamang si Segunda sa gitna ng mga madre hanggang sa magsabi si Sor Teresa na uuwi na sila. "Tayo ay daraan muna sa simbahan ng San Agustin, bago tayo tumuloy sa kumbento," saad ng madre. Kailangan muna nilang tumigil sa isang lugar upang magpagpag ayon sa pamahiin.

Lumabas na ang mga madre. Naghihintay sa labas ng Imaculada Concepcion ang limang kalesa ngunit laking-gulat nila nang makitang wala ng gulong ang mga ito. "Anong nangyari?" tanong ni Sor Teresa sa mga kutsero na napakamot na lang sa ulo habang pilit na hinahanap ang mga gulong.

"Nag-merienda lang ho kami sandali, pagbalik namin ay nagkaganito na," dismayadong tugon ng isang kutsero na hindi na nagawang ubusin ang hawak na tinapay.

"Paano iyan? Paano po tayo uuwi?" tanong ng isang estudyanteng madre.

"Maglalakad tayo," tugon ni Sor Teresa na napaatras pa dahil nang lumingon siya sa likod ay halos nakadikit na si Segunda sa kaniya sa sobrang lapit nito. "Segunda, ano bang nangyayari sa 'yo?"

Hindi nakapagsalita si Segunda. Hindi niya alam ang sasabihin. Hindi siya sanay magsinunggaling kung kaya't pinipili na lang niyang huwag magsalita kaysa makapagbitaw ng kasinunggalingan.

Akmang maglalakad na sana ang mga madre sa pangunguna ni Sor Teresa ngunit napatigil sila nang sunod-sunod na dumating ang mga kalesa na bagong-bago. Maging ang mga kabayo ay malulusog at makikintab ang balahibo. Nakasuot din ng uniporme ang mga kutsero.

Bumaba mula sa unang kalesa ang isang matangkad na lalaki na nakasuot ng gabardino at itim na sombrero. Napatulala ang lahat sa pagdating nito, maging ang mga taong nakilamay na lumabas sa simbahan ay inakalang may dumating na representate mula sa Espanya.

"Magandang hapon, Sor Teresa at sa inyong lahat," bati nito saka nagbigay-galang. Animo'y bumagal ang paligid at kumikinang sa paningin ng lahat ang binata na nagawa pang hawiin ang buhok.

"Xavier, hijo!" bati ni Sor Teresa na hindi makapaniwalang makikita ang kaniyang inaanak sa binyag. "Kumusta ka na, anak?" patuloy nito. Ngumiti si Xavier, isang ngiti na siyang dahilan nang mabilis na pagkahulog sa kaniya ng mga kababaihan.

Napatulala ang ilang babae. Kilala ng lahat si Xavier na bunsong anak ng pamilya Sanchez na ipinanganak at lumaki sa Maynila. Ang tanging hindi nakakakilala sa kaniya ay ang babaeng bihira magtungo sa Maynila dahil mas ibig niyang manirahan sa tahimik na probinsya ng Sariaya.

"Ako po'y mabuti. Palaging mabuti," tugon ni Xavier na nagawang tumingin kay Segunda at pinandilatan ito.

"Siya nga po pala, aking nabalitaan na nasira ang inyong kalesa. Hayaan niyong ihatid na namin kayo pauwi," patuloy ni Xavier sabay turo sa limang kalesa na pag-aari ng kanilang pamilya. Hindi na siya nagpaalam. Pinakuha lang niya ang mga iyon sa kanilang kutsero.

"Hulog ka ng langit, hijo! Salamat!" wika ni Sor Teresa sabay ngiti na para bang anak niya si Xavier at ipinagmamalaki sa lahat ang kabutihan nito. Bihira lang makitang ngumiti si Sor Teresa ngunit pagdating sa kaniyang mga inaanak at anak ng kaniyang malalapit na kaibigan ay nakikita ang iba niyang anyo sa mga batang nasubaybayan niya rin ang paglaki.

Nagpasalamat ang mga madre kay Xavier habang isa-isang sumasakay sa kalesa maliban kay Segunda na nanatiling nakayuko at hindi man lang nagbitiw ng anumang salita. Nagulat ang lahat nang sumakay din si Xavier sa unang kalesa kung nasaan sina Sor Teresa, Segunda at tatlo pang madre. "Sasamahan ko na ho kayo," saad ni Xavier saka umupo sa bakanteng upuan.

Halos wala nang mukhang maiharap si Segunda. Nakaupo ngayon sa kaniyang tapat ang lalaking bigla-biglang sumusulpot kahit saan. "Kay rami niyo namang kalesa. Pakisabi kina Manuel at Antonia na ipinaparating naman ang aming lubos na pasasalamat sa pagpapahiram niyo ng inyong sasakyan," wika ni Sor Teresa na tinugunan ni Xavier ng ngiti.

"Wala ho iyon, anuman ang inyong hiling, handa kaming umagapay." Saad ni Xavier sabay taas ng kilay at tumingin kay Segunda. Nawala ang kaniyang ngiti nang mapatingin sa babaeng dahilan kung bakit umabot hanggang dito ang sukdulan ng kaniyang plano. Lingid sa kanilang kaalaman, nang makatakas si Segunda kay Xavier buhat si Concordio ay agad itong nag-isip ng plano.

Nababatid ni Xavier na hindi niya magagawang lapitan si Segunda upang masingil ito at makausap nang masinsinan sa harap ng madla. Bukod doon, kasama nito ang grupo ng mga madre, tiyak na hindi kaaya-aya sa paningin ng lahat maging ng langit ang paglapit niya.

Kailangan niyang mag-isip ng paraan dahil sa oras na matapos ang libing ay tiyak na uuwi na ang mga madre at hindi siya nakasisiguro kung kailan muli lalabas ang koro. Bukod doon, may posibilidad na hindi na sumali sa koro si Segunda. Sa oras na mangyari iyon, hindi na niya ito masisingil dahil imposibleng makapasok siya sa loob ng kumbento.

Mabuti na lamang dahil nakaisip agad siya ng paraan nang mag-aya nang umuwi si Pedro. Agad siyang nagpatulong sa mga kaibigan na tanggalin ang gulong ng mga kalesang sasakyan ng mga madre. Kinaibigan ni Pedro at inaya mag-merienda ang mga kutsero, dinala niya ang mga ito sa kanilang panaderia at doon ay nilibang ng kuwentuhan at pagkain.

Walang tao sa likuran ng simbahan kung saan nakaparada pansamantala ang mga kalesa. Agad pinagtatanggal nina Xavier, Jose, Tito, at Julio ang mga gulong. "Bakit ba natin ginagawa 'to?" reklamo ni Jose ngunit mas mabilis pa siya magtanggal ng mga gulong.

"Oo nga. Sino bang may-ari ng mga 'to? Naroon ang kina Jacinto at Cristobal!" saad ni Tito sabay turo sa dalawang kalesa na nasa ilalim ng puno.

"Huwag niyong intindihin ang dalawang nuno na 'yon. Bilisan na natin. Darating na ang mga madre," saad ni Xavier na nakapokus sa pagkalas ng mga gulong.

"Mga madre? Huwag mo sabihing... Nais mo ba talagang mapunta sa impyerno? Huwag mo naman kami idamay!" bulalas ni Julio na napatayo pa sa gulat. Maging sina Jose at Tito ay napatigil sa kanilang mga ginagawa.

"Ano bang ginawa sa 'yo ng mga madre?" tanong ni Jose. Napasabunot na lang si Xavier sa kaniyang ulo dahil hindi niya matanggal nang maayos ang isang gulong. Bukod doon, mas natataranta silang lahat dahil sa dami ng tanong ng kaniyang mga kaibigan.

"Ang babaeng hinahanap natin. Iyong nanampal sa akin at siyang dahilan ng pagkawala ng aking... ating salapi. Narito siya! Kasama siya ng mga koro ng madre!" saad ni Xavier dahilan upang mapatulala ang kaniyang mga kaibigan sa gulat. Nabitiwan pa nito ang hawak na bakal.

"Iyong babae na naninilip sa ating dormitoryo?" pagkumpirma ni Tito.

"Iyong may sakit sa balat at hayok sa lalaki?" gunita ni Julio.

"Isa siyang madre?" gulat na saad ni Jose.

Sabay-sabay na tanong ng tatlo. Napapikit muli si Xavier, "At kung minamalas nga naman, kapatid pala ng babaeng 'yon si Jacinto." Dagdag ni Xavier, mas lalong napanganga sa gulat si Tito. Muntik pang tumulo ang laway nito. "At Julio, kung maaari lang ha, huwag mo nang ihalo ang kuwentong-bayan sa totoong naranasan natin sa babaeng iyon." Paalala ni Xavier dahil kung minsan ay nalilito si Julio kung totoong balita ba ang kaniyang narinig o ayon lang iyong sa mga kuwento na narinig niya sa kaniyang lola.

"May mga kapatid nga palang babae si Jacinto." Saad ni Jose. Nababatid ng lahat na maraming anak ang mag-asawang De Avila, subalit hindi kilala ng mga taga-Maynila ang mga babae na bihira lang magtungo sa Maynila.

"O'siya, kailangan kong makausap ang babaeng 'yon nang masingil natin siya. Hindi maaaring ganoon na lang. Kung hindi niya tayo babayaran. Magkita-kita na lang kami sa hukuman," palaban na saad ni Xavier na muling bumalik sa pagtanggal ng mga gulong.

Mas naging pursigido na rin ang kaniyang mga kaibigan na tanggalin ang mga gulong nang malaman nila ang tunay na pakay. Nang matanggal na ang lahat ay isinakay nila ito sa isang kalesa upang itago pansamantala sa bahay nila Xavier. Nagbilin din si Xavier sa kanilang kutsero na dalhin pa ang limang kalesa na pagmamay-ari ng kanilang pamilya.

Nang maisakatuparan nila ang plano ay dali-dali silang nagpunas ng kamay saka bumalik sa loob ng simbahan na tila ba walang nangyari. Sa loob ng ilang taon, sanay na sila sa pagtanggal ng mga gulong lalo na sa tuwing may nais silang gantihan o pagkatuwaan na mga estudyante o propesor.

Nagsimulang umandar ang kalesa, "Sor Teresa, maaari ho ba akong magtanong?" panimula ni Xavier upang basagin ang nakaiilang na katahimikan. Hindi rin nagsasalita ang tatlong madre na kasama nila sa kalesa dahil sa hiya.

"Ano ho ang masasabi niyo sa mga alagad ng Diyos na hindi isinasapuso ang kanilang tungkulin?" Nagtaka ang hitsura ni Sor Teresa.

"Anong ibig mong sabihin, hijo?"

Tumikhim si Xavier saka umupo nang maayos, "Iyon pong mga alagad ng Diyos na tumatakas sa kanilang pagkakautang at kasalanan," tugon ni Xavier. Tumango nang marahan si Sor Teresa. Ang usapin ay maselan lalo na't sila'y mga alagad ng Diyos ngunit natutuwa si Sor Teresa sa mga tanong na sumusubok sa kanilang katalinuhan, pananampalataya at paniniwala.

"Sa bagay na iyan, ako'y naniniwala na ang sinumang tao, anuman ang kaniyang propesyon, tungkulin o estado sa buhay, mahalaga na marunong siyang maging responsible sa kaniyang mga naging pagkakamali. Ang utang ay marapat na bayaran. Maging hari, konde, o alagad ng Diyos na nagkaroon ng utang ay nararapat lamang na magbayad." Tugon ni Sor Teresa dahilan upang mapatango ng ilang ulit at pumalakpak si Xavier na para bang nanonood siya ng debate.

"Ako'y sang-ayon! Lubos na sumasang-ayon!" Paulit-ulit na wika ni Xavier na nagagawa ring pandilatan ng mata si Segunda na halos mabali na ang leeg sa pagyuko o paglingon sa bintana huwag lang tumingin kay Xavier.

"Kung gayon, ano ho ang dapat kong gawin sa mga taong tumatakas sa kanilang kasalanan?"

"Ang akin nga, marapat lang na singilin mo. Ngunit, mas mabuti rin na maghari sa iyong puso ang pagpapatawad at pag-unawa. Malay mo gipit sa salapi o sadyang may dapat na unahin ang taong iyon. Mas magiging payapa ang iyong kalooban kung wala nang hinanakit sa iyong puso nang dahil lang sa utang." Nawala ang ngiti ni Xavier nang banggitin ni Sor Teresa ang landas ng kabutihan.

Natawa ang tatlong madre dahil sa reaksyon ni Xavier. Maging si Sor Teresa ay natawa sa biglaang pagkawala ng ngiti ni Xavier na kanina lang ay sumasang-ayon at pumapalakpak pa sa kaniyang sagot. Tanging si Segunda lang ang tahimik at hindi alam ang dapat na maging reaksyon. Hindi siya makahinga dahil nararamdaman niyang tungkol sa kaniya ang mga tanong at pagpaparinig ng binata.

"Kaya ikaw, Xavier hijo, piliin mo ang buhay na maghahatid sa 'yo ng kapayapaan at kaginhawaan. Marahil tama na ang pagliliwaliw at pagsunod sa makamundong hilig ng kabataan. Balita ko ay hinahanapan ka na ng asawa ng iyong mga magulang. Ipakita mo sa kanila na ikaw ay nasa hustong pag-iisip na at may sapat na kakayahan upang buhayin ang iyong magiging pamilya." Pangaral ni Sor Teresa. Napakamot na lang sa ulo si Xavier, hindi niya akalain na mauuwi sa pangaral ang balak niya sanang konsensiyahin si Segunda.

Kaakibat ng tanyag na pangalan ni Xavier ang mga pagkakakataong nasasangkot din ito sa gulo. Hindi bago kay Sor Teresa ang mabalitaang sumasakit na naman ang ulo ni Padre Mendoza na siyang vice-rector ng Letran dahil kay Xavier at sa mga kaibigan nito.

Magsasalita pa sana si Sor Teresa ngunit tumigil na ang kalesa sa tapat ng kumbento. Nagsimulang umambon dahilan upang patakbong maglakad ang mga madre patungo sa pintuan. Mabilis ding tumakbo si Segunda sa loob bagay na hindi na napigilan ni Xavier.

"Maraming salamat sa paghatid sa amin, Xavier. Pagpalain ka nawa ng Diyos." Paalam ni Sor Teresa bago tuluyang pumasok sa loob ng kumbento. Tumikhim si Xavier na animo'y pipigilan ang pagsara ng pinto.

"S-sandali, maaari ho ba akong makigamit ng inyong palikuran?" habol ni Xavier na sabay hawak sa tiyan at nagkunwaring namimilipit na sa sakit. "Napaano ka?" Nagtatakang tanong ni Sor Teresa saka napalingon sa likod. Umaakyat naman na ang mga estduyante. Malapit lang din ang palikuran sa pintuan.

"Hindi ko na ho kayang pigilan..." Pikit-matang saad ni Xavier, wala na siyang mukhang maiharap. Mas magagawa niyang lunukin ang kahihiyan kaysa ang katotohanan na hindi na maibabalik ang kaniyang ipon.

Binuksan ni Sor Teresa nang malaki ang pinto, "O'siya, bilisan mo. Sumunod ka sa akin," wika ni Sor Teresa. Nanlaki ang mga mata ni Segunda nang makitang nakapasok sa bulwagan si Xavier. Hindi naman nahirapan si Xavier, agad niyang nasumpungan si Segunda na paakyat pa lang ng hagdan kasabay ang iba pang mga madre.

"Sandali, wala yatang tubig doon," wika ni Sor Teresa saka lumingon sa likod. Una niyang nakita si Segunda na nahuhuli sa pag-akyat. "Segunda, hija. Kumuha ka ng isang baldeng tubig sa balon. Madali!" napaturo si Segunda sa sarili. Isang malaking ngisi naman ang namutawi sa labi ni Xavier. Hindi siya makapaniwala na tila umaayon sa kaniya ang tadhana.

Napapikit na lamang si Segunda. Sa isip niya, bibilisan niya ang pagkuha ng tubig at dahan-dahan niyang ilalagay sa pinto ng palikuran. Kakatok siya saka mabilis na tatakbo palayo. Ngunit nagkamali siya, nang makarating siya sa pinto ng palikuran ay laking-gulat niya nang bumukas ang pinto bago niya pa mailapag ang balde ng tubig.

Nagulat si Segunda nang bigla siyang hilahin ni Xavier papasok sa loob ng palikuran at isinara iyon. Wala rin sa paligid si Sor Teresa. Walang ibang tao malapit sa kanila. Sisigaw na sana si Segunda ngunit agad tinakpan ni Xavier ang kaniyang bibig at marahan siyang itinulak sa dingding.

"Makinig ka nang mabuti. Hindi ako humantong hanggang dito para lang makipaglaro sa 'yo. Ang nais ko lamang ay ibalik mo ang aking salapi!" bulong ni Xavier. Sa sobrang lapit nito ay ramdam niya ang init ng hininga ng binata. Maging ang mainit nitong palad na nakatakip sa kaniyang bibig.

Nag-aagaw dilim na. Mabuti na lang dahil may sindi ang kandila sa loob ng palikuran. Sinindihan ito ni Sor Teresa bago niya iwan doon ang inaanak.

"Susundan kita kahit saan, maging hanggang imyerno. Tandaan mo 'yan." patuloy ni Xavier saka dahan-dahang inalis ang kamay niya sa bibig ni Segunda, "Huwag mong subukang sumigaw. Alam kong nababatid mo kung anong mangyayari sa ating dalawa sa oras na malaman nilang narito tayo sa loob." Dagdag ni Xavier.

Napahawak si Segunda sa kaniyang dibdib upang pakalmahin ang sarili at habulin ang kaniyang paghinga. Ito ang unang beses na nagawa siyang hilahin, hawakan sa bibig at kausapin nang seryoso at malapitan ng isang lalaki.

Napakunot ang noo ni Segunda saka tiningnan nang masama ang lalaki. Kung kanina ay nangangamba siya sa maaari nitong gawin, ngayon ay sumasabog ang kaniyang damdamin sa galit sa mapangahas nitong paghawak sa kaniya at kung paano rin siya nito kausapin.

"Sisigaw ako hanggang sa masiguro kong ikaw ay mabibilanggo!" Banta ni Segunda dahilan upang mapangisi si Xavier. Nagawa pa nitong sumandal sa pader at mapahalukipkip.

"Malaya kang sumigaw. Sa oras na gawin mo 'yan, tiyak na ipapakasal ka sa akin ng iyong mga magulang upang ingatan ang iyong dangal," saad ni Xavier na tila ba hindi nangangamba. Sa totoo lang, walang kaso sa kaniya kahit kanino siya ipakasal. Nababatid din naman niya sa sarili na magagawa niya pa rin ang gusto niya kahit pa siya'y mag-asawa na. Hinding-hindi siya makokontrol ng kaniyang mapapangasawa. Hindi rin naman siya madaling naaapektuhan ng mga usap-usapan o panghuhusga ng lipunan.

Ibang usapan nga lang ang maikasal sa pamilya De Avila. Handang tanggapin ni Xavier ang maikasal kahit kanino, huwag lang sa kapatid ni Jacinto. Ngunit ngayon, wala siyang balak ipahalata kay Segunda ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Sa pagitan nilang dalawa, nararamdaman ni Xavier na mas takot maikasal si Segunda kung kaya't ginagamit niya itong panakot ngayon.

Napalunok si Segunda. Napagtanto niya na siya ang mas magiging dehado sa kanila dahil mukhang walang problema kay Xavier ang maikasal sa kaniya. "Sisingilin pa rin kita hanggang sa kahuli-hulihang kusing. Ang utang ay marapat bayaran, ayon kay Sor Teresa." Ngisi nito. Hindi nakapagsalita si Segunda. Kung may lakas ng loob lang sana siyang makiusap sa isa sa mga kasamahan niya, hindi na sana siya ang kumuha ng tubig para kay Xavier. Hindi sana siya nahuli sa bitag nito.

"Huwag kang mag-alala, wala akong balak pakasalan ka. Ang akin lang, kailangan kong masiguro na maibabalik mo ang aking salapi." Wika ni Xavier, ngayon ay seryoso na muli ang hitsura nito habang nakasandal sa pader.

Napaihinga nang malalim si Segunda, "M-magkano ba?"

Muling sumilay ang ngiti ni Xavier, "Limang daang piso."

"Limang daan?! Paanong..." Sandaling naaptulala si Segunda. Maraming barya ang tumilapon sa ere noong umagang iyon. Nakasisiguro siya na hindi aabot ng limang daang halaga ang lahat. Subalit, naalala niya na may mga kasama rin itong perang papel at billete. Napatakip na lamang sa mukha si Segunda.

"Nauunawaan ko na malaking halaga ang Limang daan. Kaya sana nauunawaan mo rin na hindi ko kayang palagpasin lang iyon. Magagawan mo naman ng paraan, hindi ba?"

Napapikit na lamang si Segunda. Kung magagawa niyang katukin ang lahat ng taong pumulot ng pera noong araw na iyon ay gagawin niya. Subalit, hindi niya matandaan ang hitsura ng mga ito. Wala rin siyang masyadong kilala sa Maynila. Higit sa lahat, hindi niya magagawang makiusap sa maraming tao at magmakaawa na ibalik ang pera.

"Humingi ka ng tulong sa iyong mga magulang. Tiyak na barya lang sa kanila ang..." Hindi na natapos ni Xavier ang kaniyang sasabihin.

"Hindi. Hindi nila maaaring malaman." Seryosong saad ni Segunda. Napakagat ng labi si Xavier saka tumango na lang. Inaamin niyang nagitla siya sa sagot ng dalaga.

"Bigyan mo ako ng isang buwan." Wika ni Segunda.

"Isang Linggo." Putol ni Xavier.

"Tatlong Linggo." Hirit ni Segunda.

"Limang araw." Seryosong saad ni Xavier.

Napalunok si Segunda. Batid niyang dehado siya ngayon sapagkat siya ang may utang.

"O'siya. Limang araw." Walang nagawa si Segunda kundi ang sumang-ayon. Kapag humirit pa siya ay tiyak na babawasan ni Xavier ang palugit na araw.

"Magkita tayo sa Sabado, sa ganap ng alas-dose ng gabi. Hihintayin kita sa..." Napaisip si Xavier. Naalala niya na hindi nga pala makakalabas si Segunda. "Saan ba kita hihintayin? Saan hindi dumaraan ang mga madre?"

"Maaari tayong magkita sa likod ng kampana. May pinto roon sa ibaba malapit sa bakod ng hardin." Sagot ni Segunda, tumango si Xavier. "Kailangan ko ang Limang daang piso na maaaring may labis ngunit walang kulang. Sa oras na hindi ka tumupad sa usapan ay magkita na lang tayo sa hukuman," saad ni Xavier na animo'y may bahid ng pagbabanta.

"Sasampahan mo ako ng kaso?" Gulat na tanong ni Segunda. Hindi na niya nais dumating pa roon ngunit nababatid niyang mas ligtas siya sa hukuman dahil walang sapat na katibayan si Xavier laban sa kaniya. Kung siya ay isang taong walang konsensiya ay hahamunin niya pa ito ng sampahan siya ng kaso.

Ngunit, siya si Segunda na naniniwala na hindi iyon ang tamang paraan. Na ang lahat ng kasamaan at panglalamang sa kapwa ay may matinding kabayaran sa huli. Na hindi kaaya-aya sa mga mata ng Diyos ang mga gawaing mapangsamantala at madaya. Inaamin niya na nagawa nga niyang magtago o tumakas kay Xavier, subalit, nababatid niya sa sarili na hindi niya ito matatakasan habambuhay kung kaya't nagbabalak din siya mag-ipon o gumawa ng paraan na makaipon man lang bago muling harapin ang binata.

"Oo. Ngayong nalalaman ko na ang iyong pagkakakilanlan. Magagawa ko na iyon," tugon ni Xavier na animo'y sanay na sa hukuman o anumang gulo.

"Hindi ko ba maaaring bayaran iyan sa loob ng isa o dalawang taon? Maaari kang magpatong ng tubo." Suhestiyon ni Segunda ngunit umiling lang si Xavier saka isinuksok ang kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon.

"Pasensiya na ngunit kailangan ko na ang salapi. May paglalaanan ako niyon." Napabagsak ang balikat ni Segunda. Naisip na niyang humingi ng isa o dalawang daan kay Feliciano. Ngunit nangangamba siya na baka dalawang buwan pa bago makarating ang liham sa niya sa kapatid. May posibilidad din na makautang siya sa asawa ni Remedios na si Aurelio, ngunit malabong mapautang siya nito ng limang daan. Baka isang daan lamang.

Sumagi rin sa kaniyang isipan ang kaniyang mga magulang. Ngunit muli siyang napailing. Hindi niya nais malaman ng mga ito ang nangyari, lalo na ang natunghayan niya sa dormitoryo.

Nanlaki ang mga mata ni Segunda nang may maalala siyang mahalagang bagay. "N-nasa iyo ba ang liham na... na naiwan ko sa inyong dormitoryo?" tanong ni Segunda. Hindi niya alam kung anong salita ang dapat na gamitin. Hindi niya magawang sabihin ang salitang Naisampal ko Sa 'yo.

Napalunok si Xavier saka umiwas ng tingin. Bigla siyang nailing nang maalala ang una nilang pagkikita puno ng kahihiyan. "Oo. Kailangan mo pa ba 'yon?" tanong ni Xavier.

Tumango si Segunda, "Maaari ko bang makuha pabalik?" Ang tono ni Segunda ay tila nakikiusap dahilan upang manibago si Xavier. Napasalikop pa ang dalawa nitong kamay. Hindi sanay si Xavier na kumausap sa isang babaeng masyadong mahinahon. Karamihan ay mga babaeng bayaran na maligalig o kaya ay mga binibining kaniyang nililigawan at mga naging nobya sa magkakaibang bayan na pare-parehong naghahayag din ng damdamin sa kaniya.

Tumikhim si Xavier saka napakamot sa ulo, "O'siya. Ibabalik ko sa 'yo. Iyong tiyakin lang na maibabalik mo ang aking limang daang piso," saad ni Xavier. Napahinga nang malalim si Segunda saka muling tumingin sa binata. "Hindi mo naman nabasa ang laman ng liham, hindi ba?" pagkumpirma niya.

Napataas ang kilay ni Xavier ngunit pilit nitong itinago ang pagkabigla. Hindi niya akalaing magagawa siyang tanungin nang ganoon ng babaeng may atraso sa kaniya. "Wala akong pakialam sa mga bagay na walang kinalaman sa 'kin." Depensa ni Xavier sabay tikhim.

"Siya nga pala, wala ka namang pinagsabihan tungkol sa araw na iyon, hindi ba?" tanong ni Xavier. Ngayon ay nais niyang masiguro na walang usap-usapan na kumakalat tungkol sa kaniya. Hindi niya maitatanggi na kahit papaano ay naaapektuhan pa rin siya ng mga usap-usapan lalo na kung tungkol ito sa kaniyang pagkalalaki.

Napaiwas ng tingin si Segunda. Napansin ni Xavier na biglang namula ang mukha nito dahilan upang mahawa rin siya at makaramdam ng init. Sinisisi niya ngayon ang sarili kung bakit niya pa tinanong si Segunda tungkol sa araw na iyon.

Muling tumikhim si Xavier, "Anuman ang nangyari noong na araw na iyon sa dormitoryo ay kalimutan na natin. Wala kang nakita. Hindi tayo nagkita roon. Ikaw ba'y sumasang-ayon?"

Tumango si Segunda bilang tugon. Maging siya ay naniniwala na may mga bagay na mas mabuting kalimutan na lamang. Lalo na kung ang mga pangyayaring iyon ay hindi kaaya-aya at nagdudulot ng kasalanan.

Tumikhim si Xavier, kulang na lang ay masamid na ito sa sariling laway sa kakatikhim kanina pa. Naglakad na siya patungo sa pinto. Tumabi naman si Segunda upang bigyan siya ng daan. Akmang aalis na sana si Xavier ngunit nagsalita si Segunda.

"Siya nga pala, ano ang iyong pangalan?" tanong ni Segunda. Sandaling naghari ang katahimikan. "Kung sakaling wala na akong maisip na paraan. Ako'y lalapit sa aking ama't ina. Hindi ko nais magsinunggaling upang makahingi ng salapi sa kanila. Malaking halaga rin iyon."

"Kung gayon, ipagtatapat mo sa kanila na sinisingil kita ng limang daan?" nagtatakang tanong ni Xavier. Tumango nang marahan si Segunda. Hindi mabatid ni Xavier kung tatawa ba siya o tuluyang masisiraan ng bait.

Nasa harap niya ngayon ang babaeng sa unang tingin ay mukhang inosente ngunit pakiramdam niya ay maglalagay sa kaniya sa kapahamakan. "Makinig ka, Binibini, kagalang-galang na madre, o anuman ang nais mong itawag sa 'yo. Maaari kang humingi ng salapi sa iyong magulang nang hindi sinasabi ang buong katotohanan. Sa oras na malaman nila ang ugnayan natin, tiyak na iisipin nilang may namamagitan sa ating dalawa. Magmumukha pang pineperahan kita."

"Hindi ba ganoon naman ang nangyayari? Ikaw ay humihingi ng salapi sa akin," wika ni Segunda na tila hindi patanong. Mahinahon ito ngunit mababasa sa kaniyang reaksyon na nagugulumihanan siya sa nais mangyari ni Xavier. Animo'y inuudyakan siya nitong magsinunggaling at linlangin ang kaniyang ama't ina.

"Hindi ako nanghihingi. Sinisingil kita sa iyong pagkakautang," paglilinaw ni Xavier. Kaunti na lang ay mauubos na ang kaniyang pasensiya. Ngayon ay hindi na siya magdududa na kapatid ngang tunay ni Segunda si Jacinto na sanhi rin ng pananakit ng kaniyang ulo.

"Sinasabi ko na sa 'yo, Ginoo, ang maaaring mangyari. Hangga't maaari ay hindi ko nais malaman ng aking ama't ina. Hindi ko rin sila nais abalahin o bigyan ng matinding alalahanin. Ngunit, sa oras na dumating ang pagkakataon na wala akong malapitan ng tulong. Kailangan kong ipagtapat sa kanila ang totoo upang makahingi ng----" hindi na natapos ni Segunda ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Xavier.

"O'siya, tatlong daang piso. Sapat na sa akin ang tatlong daang piso sa Sabado. Ang natitirang dalawang daan ay maaari mong unti-untiin. Sang-ayon ka na ba?" saad ni Xavier na napahawak na sa sentido.

Tumango nang ilang ulit si Segunda. Malaking bagay na ang mabawasan ang halaga na dapat niyang bayaran nang mabilisan. "Ako'y sumasang-ayon." Tugon ni Segunda na pilit itinago ang pagsilay ng ngiti sa kaniyang labi. Nais pa sana niyang humirit na babaan pa ang dapat niyang bayaran sa Sabado ngunit napansin niya na nauubos na ang pasensiya ni Xavier.

Sandaling naghari ang katahimikan habang nakatingin sila sa mga mata ng isa't isa. Pareho silang naiipit sa kakaibang sitwasyon kung saan nagawa nilang bumuo ng kasunduan sa loob ng palikuran.

Lalabas na sana si Xavier nang may maalala ito at muling lumingon kay Segunda, "Manuelito Xavier Sanchez... Huwag mong kalimutang saliksikin ang aking katauhan." Saad nito bago tuluyang lumabas sa palikuran.

Napatulala si Segunda ng ilang segundo sa kawalan habang iniisip kung saan niya narinig ang pangalan na iyon na tila ba pamilyar. Napatakip na lamang siya sa kaniyang bibig nang mapagtanto na iyon ang pangalang nabanggit nina Don Manuel at Doña Antonia Sanchez na anak nilang nais sanang ipakasal sa kaniya o kay Socorro noong nakaraang buwan!


HINDI na nagsayang ng oras si Segunda. Agad niyang binilang ang kaniyang ipon na umabot lang ng limampung piso. Si Feliciano sana ang kaniyang pag-asa ngunit nasa Europa ito. Malabong makarating ang kaniyang liham sa loob ng ilang araw lamang.

Nagsimulang magsulat si Segunda kay Remedios upang makahingi ng tulong kay Aurelio na asawa nito. Ipinagtapat niya ang kaniyang problema ngunit nilukot niya ang papel at muling nagsulat. Naalala niya na isang abogado si Aurelio, tiyak na magagalit ito o hihimukin siyang sampahan ng kaso si Xavier, bagay na hindi na niya nais mangyari kung kaya't sinabi na lang niya sa liham na mayroon lang siyang mahalagang paglalaanan ng salapi.

Gumawa rin siya ng sulat para kina Jacinto at Agustino na nababatid niyang may mas malaking ipon dahil nag-aaral sila. Nagawa niyang humingi ng kahit tig-limampung piso sa dalawa. Naisip niya si Socorro, ngunit napailing siya nang maalala na naghihirap din si Socorro at nagsisimula sa trabaho nito bilang redaktor.

Naalala niya ring sulatan sina Leonora at Nova. Humingi siya ng kahit tig-dalawampung piso. Ang lahat ng kaniyang malilikom sa mga kapatid ay pagsisikapan niyang maibalik. Subalit, sa ngayon, kailangan niya munang tumupad sa unang usapan upang matapos na ang kaniyang problema.

Madaling araw nang matapos magsulat ng mga liham si Segunda. Mabuti na lang dahil hindi nagising ang mga kasamahan niya sa silid habang nagsusulat siya gamit ang maliit na kandila. Nagawa niyang magpanggap na natutulog nang marinig ang tunog ng Angelous sa umaga.

Buong araw ay walang ginawa si Segunda kundi mag-isip kung paano pa siya makalilikom ng salapi. Bukod doon, kailangan niya pang ipadala ang mga liham dahilan upang mabawasan ang sarili niyang ipon.

Katatapos lamang ng tanghalian, at oras ng siyesta nang magtungo si Segunda sa silid-aklatan. Naroon ang katiwala ng mga madre na si Ester, ito ay labing-dalawang taong gulang na dalagita na nagsisilbi bilang taga-hatid ng mga liham sa koryo at siya ring kasama ng mga kusinera sa pamamalengke. Si Ester ang gumagawa ng gawain kapag kinakailangang lumabas ng kumbento.

Naabutan ni Segunda si Ester na natutulog sa silid-aklatan. Nagdadalawang-isip siyang gisingin ito lalo na't hindi niya nais makaistorbo ng natutulog. Aalis na lang sana siya ngunit napansin niyang gumalaw ang dalagita hanggang sa narinig niya ang mahinang pag-ungol nito.

Dahan-dahan nilang nilapitan si Ester. "Ayos ka lang ba?" tanong ni Segunda. Nang makalapit siya ay napagtanto niya na namimilipit pala si Ester sa sakit ng tiyan. Agad niya itong nilapitan. "Anong nagyari sa 'yo?" tanong ni Segunda. Nakapikit si Ester at nakakunot ang mukha dahil sa sakit ng tiyan.

"May nakain yata akong hindi maganda. Hinahanap na ho ba ako ng punong madre? May inutos pa naman siya sa akin sa koryo," bulalas ni Ester na halos maiyak na sa sakit. Napatingin si Segunda sa bayong na nakapatong sa mesa. Hindi niya napansin na ang laman ng mga iyon ay kumpol ng mga liham.

"Dadalhin kita kay Sor Teresa upang matingnan ang iyong sik----"

"Huwag na ho, Binibini. Kaya ko ho ito. Madalas ito nangyayari sa akin. Kailangan ko lang magbawas." Kasabay niyon ay naglabas si Ester ng masamang hangin. Napatulala si Segunda sa kakaibang amoy.

"Bakit ngayon pa? Kailangan kong umalis... Hindi ko na kaya!" Napatayo si Ester. Isang oras lang ang siyesta kung saan maaaring makalabas si Ester dahil kailangan niya pang tumulong sa paglalaba.

Kinuha ni Segunda ang bayong, "Ako na ang magdadala nito sa koryo. May kailangan din akong ipadala na liham kaya kita hinanap," mabilis na saad ni Segunda. Bakas sa hitsura nito ang determinasyon.

"Ngunit... hindi ka maaring lumabas binibini...Ahhh!" Napahawak si Ester sa kaniyang puwerta. "Magtungo ka na sa palikuran. Ako nang bahala rito. Walang ibang makakaalam ng ating napag-usapan." Saad ni Segunda saka inalalayan si Ester palabas ng silid-aklatan.

Habang naglalakad sila ay inabot ni Ester ang susi sa likurang pinto ng kusina ng kumbento at ang salapi pambayad sa mga liham ng punongmadre. Ipinasuot din ni Ester ang kaniyang pulang balabal kay Segunda.

Hindi naman nahirapan makalabas si Segunda matapos siyang magpalit ng baro't saya. Mahaba din ang pulang balabal na suot niya at halos magkasing-katawan sila ni Ester. Hindi rin siya napansin nang dumaan siya sa kusina dahil nababalot ng makapal na usok ang buong kusina habang nagluluto ng ginataang mais.

Kumakabog nang malakas ang dibdib ni Segunda ngunit nagawa niyang makalabas nang hindi napapansin ninuman. Hindi niya akalaing sa loob ng isang linggong pananatili sa kumbento ay dito niya mararanasan ang iba't ibang pakikipagsapalaran sa buhay.

Kumpara kahapon, maganda na ang lagay ng panahon sa labas. Maaliwalas ang langit at maganda ang sikat ng araw. Naglakad si Segunda sa gilid ng mga puno patungo sa koryo na ilang kanto lang ang layo.

Tahimik din ang kalsada. Iilan lang ang mga kalesang dumaraan at mga taong naglalakad sa labas dahil karamihan ay nagsisiyesta. Ilang minuto lang, narating na niya ang koryo. Nagtaka si Segunda dahil tila maraming taong pumapasok doon. May mga kalesa ring nakaparada sa gilid na tila ba may pagdiriwang na nagaganap.

Nang makapasok siya sa loob, hindi niya ibinaba ang suot na balabal. Natanaw niya ang pila sa pagpapadala ng liham. Hindi ito kasingdami sa umaga o hapon bago magsara. Pang-lima si Segunda sa pila. May ilang tao rin ang nakaupo sa mga silya na nakahelera malapit sa hagdan ng ikalawang palapag. Napagtanto ni Segunda na tila may pagtitipon ang mahahalagang katiwala ng koryo dahil may mga sumasalubong din sa mga bisitang dumarating.

Bagaman may okasyon sa loob. Patuloy pa rin ang serbisyo ng koryo sa mga mamamayan kung kaya't may pila pa rin sa gilid. Ilang sandali pa, nagulat si Segunda nang may kumalabit sa kaniya. "Ate Segunda? Ikaw nga!" Gulat na wika ni Nova na kaibigang matalik ng kapatid niyang si Socorro at malapit din sa kaniya.

Agad yumakap si Nova sa kaniya na tila ba kabilang din siya sa magkakapatid na De Avila. "Sinasabi ko na nga ba't ikaw ang nasa unahan ko," patuloy ni Nova. Napangiti si Segunda saka niyakap ito pabalik. Kahit papaano ay gumaan ang kaniyang pakiramdam sa piling ni Nova na halos kapatid na rin ang kaniyang turing.

"Ano palang ginagawa mo rito, ate?" usisa ni Nova. Nakangiti ito at nasasabik makausap siya ngunit bakas ang pamamaga sa kaniyang mga mata na tila ba ilang araw itong lumuha. Magsasalita na si Segunda ngunit nagaptuloy si Nova. "Ah, bakit ko pa tinatanong, naparito nga tayo upang magpadala ng liham." Dagdag ni Nova, ang kasunod nitong ngiti ay tila may bahid ng pait at lungkot.

"Ikaw ba'y may pinagdadaanan?" tanong ni Segunda ngunit tumawa lang si Nova. "Wala, ate. Maliit na bagay lang ito. Katulad ng kung paano hindi tayo napagbibigyan sa kagustuhan natin anuman ang ating gawin." Wika ni Nova dahilan upang tumango na lang si Segunda. Napansin niya rin na nagpagupit ng buhok si Nova dahil umiksi hanggang leeg ang buhok nito.

"Siya nga pala, batid kong nakakahiya subalit ako'y gipit na sa oras. Maaari ba akong makahiram ng dalawampung piso sa 'yo, Nova?" napalunok si Segunda. Ito ang unang beses na umutang siya sa ibang tao. Kailanman ay hindi siya humihingi ng pera o umutang kahit sa mga magulang o kapatid niya.

"Walang problema, ate Segunda, subalit wala akong dala ngayon. Nais mo bang sumama sa aming tahanan?" ngiti ni Nova, hindi maitatanggi na mas bumagay sa dalaga ang maikli nitong buhok dahilan upang mas bumata ito tingnan.

"Ang totoo niyan..." Napakagat ng labi si Segunda. Hindi niya alam paano sasabihin kay Nova na tumakas lang siya sa kumbento ngayon. Tila walang ideya si Nova na pumasok na siya sa kumbento. Bukod doon nahihiya rin siyang magsabi na kung puwede ay ipadala na lang nito sa kumbento dahil hindi siya makalalabas.

Biglang kumapit si Nova sa kaniyang braso sabay turo sa hagdan, "Narito pala ang representante ng Audencia ng Espanya na ating kababayan!" Nasasabik na saad ni Nova sabay turo sa mga kalalakihan na bumababa sa hagdan.

Sandaling tumigil ang paligid ni Segunda nang makilala ang isa sa mga lalaking bumababa sa hagdan at sinasalubong ng ilan pang kalalakihan. "Nakikita mo ba ang ginoong iyon sa huli, ate? Siya si Señor Romeo Castillo na bagong representante ng Audencia." Patuloy ni Nova sabay turo sa matangkad na lalaking larawan ng kakisigan at pagiging magalang.

Kinakamayan siya isa-isa ng mga opisyal na nag-aabang sa ibaba. "Nakasama namin sila kagabi sa hapunan sa tahanan ng akalde. Isinama ako ni tiyo dahil tinuturuan na rin niya akong maging tagasalin ng wika. Ako'y kasalukuyang nag-aaral ng wikang Ingles at Portugis." Pagmamalaki ni Nova na bihasa na rin sa wikang Kastila dahil ang kaniyang tiyo ay tanyag na tagasalin ng wika.

Sinubukang humakbang ni Segunda ngunit hindi niya maigalaw ang kaniyang paa hanggang sa tuluyan na siyang mabalot ng lamig nang matunghayan ang pagdating ng isang magandang babae suot ang magarbong kasuotan tulad sa Europa. Kumapit ang babae sa braso ni Romeo at nagbigay-galang din sa kaniya ang mga opisyal.

"Ang babaeng iyon ay siyang asawa ni Señor Romeo! Nakakuwentuhan ko sila kagabi. Kay bait ng kaniyang asawa na isang Kastila at siyang anak ng punonghukom ng corte sa Espanya!" Animo'y tumigil ang mundo ni Segunda nang marinig ang sinabi ni Nova. Nagsimulang sumikip ang kaniyang dibdib dahilan upang mahirapan siya huminga.

"Señora Catarina Castillo y Ybañez ang ngalan ng napakagandang binibining iyon. Binigyan niya rin ako ng pabango mula sa Pransya. Naikuwento niya rin sa akin kung paano sila nagkakilala ni Señor Romeo. Ayon sa kaniya, dalawang taon na silang kasal. Nagkakilala sila sa Espanya nang makapasok bilang abogado na may mababang posisyon si Señor Romeo sa Audencia. Noong una raw ay hadlang ang kaniyang ama sa pag-iibigan nilang dalawa dahil hindi nagmula sa kilalang pamilya si Señor Romeo at ito'y dayuhan pa sa kanila."

Napakabig si Segunda sa dingding ngunit hindi iyon napansin ni Nova na nakakapit sa braso niya dahil patuloy ito sa pagsasalita nang mabilis habang nakatingin sa mag-asawang Castillo na lubos niyang hinahangaan. "Ngunit sadyang pursigido raw si Señor Romeo hanggang sa sila'y magtanan," bumulong si Nova sa huling salitang sinabi nito saka humagikgik ngunit napatigil siya nang mapansing namumutla na si Segunda habang nakahawak sa dibdib.

"Ate Segunda, bakit? Masama ba ang iyong pakiramdam?" nag-aalalang tanong ni Nova saka inalalayan si Segunda. Mabuti na lang dahil nakakapit siya nang mahigpit sa braso nito kung kaya't hindi agad natumba si Segunda.

Magsasalita pa sana si Nova ngunit bumitaw na si Segunda, "K-kailangan ko nang umalis," saad ni Segunda nang hindi tumitingin sa kaniya saka mabilis na naglakad papalabas. Napansin ni Nova na hindi makalakad nang tuwid si Segunda habang nakahawak sa dibdib.

Sinubukan niyang alalayan muli si Segunda ngunit tumanggi ito, "K-kaya ko nang umuwi," saad ni Segunda saka nagpatuloy sa paglalakad palabas. Hindi na siya makahinga at tila dumadagundong sa bilis ang tibok ng kaniyang puso nang dahil sa hindi niya inaasahang matuklasan.

Nanlalabo na rin ang kaniyang paningin. Hindi niya gaano marinig ang ingay sa paligid. At tila namamanhid na ang kaniyang mga kamay at binti. Isang malakas na ingay ang umalingawngaw sa buong koryo nang mabangga ni Segunda ang malaking porselanag paso na dekorasyon malapit sa pinto.

Nabasag ang paso dahilan upang mapalingon ang lahat sa kinaroroonan nito. Kasabay niyon ang paghari ng nakakabinging katahimikan sa paligid habang nakatingin ang lahat kay Segunda na tila wala sa sarili.

Dahan-dahang napatingin si Segunda sa direksyon ni Romeo at ng asawa nito. Hindi rin nakagalaw sa Romeo sa kaniyang kinatatayuan nang magtama ang kanilang paningin. Pilit na pinigilan ni Segunda ang pangingilid ng luha sa kaniyang mga mata habang pinapakalma ang sarili.

Sa unang pagkakataon ay nagawa niyang magmura sa kaniyang isipan habang nakatingin nang derecho kay Romeo na ngayon ay nababalot ng pagkabigla at awa sa kaniya. Sino ba namang hindi maaawa sa isang babaeng pinaghintay ng halos apat na taon ngunit ni isang liham at pangungumusta ay wala man lang natanggap?

Sino ba namang hindi maaawa sa isang babaeng pinapipiyestahan sa usap-usapan at madalas husgahan dahil hindi siya tulad ng mga kapatid na nangingibabaw ang ganda, talino, at talento.

Sino ba namang hindi makakaramdam ng awa sa babaeng walang maipagmamalaki, walang magandang kapalaran o alok na kasal, kung kaya't pinili na lang ang tahimik na buhay sa loob ng kumbento.

At sinong hindi maaawa sa babaeng sentro ng atensyon nang mabasag niya ang porselanang paso na pag-aari ng koryo. Nakatingin ang lahat sa kaniya na tila ba hinuhusgahan siya ng mga tao sa paligid kung gaano siya katanga at minamalas.

Napatakip sa bibig si Nova sa gulat at akmang tatakbo papalapit kay Segunda ngunit nagawa nang kumilos ni Segunda. Tuluyan nang bumagsak ang kaniyang mga luha bago niya nagawa ihakbang ang kaniyang mga paa palabas sa koryo.

Ang mga hakbang ay nagawa niyang pabilisin hanggang sa tumakbo siya papalayo sa lugar na iyon dala ang sugat sa kaniyang puso mula sa lalaking matagal niyang hinintay bumalik at laman ng kaniyang mga panalangin ngunit nagawa siyang kalimutan.

Tumakbo nang tumakbo si Segunda na tila walang pakialam sa ilang taong nakakasalubong hanggang sa bigla siyang humandusay sa kalsada matapos tamaan ng matigas na bola ng sepak takraw sa mukha.

Patihayang bumagsak si Segunda. Tulala sa kawalan habang dahan-dahang tumutulo ang dugo sa kaniyang ilong. Bago siya tuluyang mawalan nang malay, naaninag niya ang limang lalaki na tumatakbo papalapit sa kaniya. Ang isa doon ay walang iba kundi ang binatang nagdudulot sa kaniya ng sunod-sunod na kamalasan.


*******************

#Segunda

https://youtu.be/fAmtIqvJ-uM

"Matutulog" by Urie's Attack Ft. Ashley Gosiengfiao

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro