Kabanata 5: Ang Unang Alok

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 5] 

TILA mga hari ng kalsada ang limang binata na naglalakad sa gitna ng daan. Oras ng siyesta, walang masyadong tao sa labas. Iilang kalesa lang din ang dumaraan sa gitna. Tulad ng nakagawian, madalas silang lumiliban sa klase lalo na pagtapos ng tanghalian at makuha ang pagtala ng kanilang pangalan.

Nilalaro ni Xavier ang bola ng sepak takraw. Nagkasundo silang maglaro sa malaking bakanteng lote malapit sa dalampasigan ng Maynila. Ngunit, animo'y mga kiti-kiting hindi mapakali sa paglalakad, nagawa na nilang magpasahan ng bola sa gitna ng kalsada na tila ba walang pakialam sa paligid.

Unang inihagis ni Xavier ang bola kay Tito na nagawa itong saluhin gamit ang kaniyang paa at ipasa kay Pedro sa kabilang kalsada. "Mga walang hiya!" Sigaw ng kutsero nang tumayo ang kabayo dahil sa gulat mula sa paparating na bola.

Nagtawanan lang ang magkakaibigan saka mabilis na tumakbo habang nagpapasahan pa rin ng bola. Napapayuko ang ilang taong naglalakad sa gilid dahil sa kanilang pagiging maligalig. Nang mapasakamay muli ni Xavier ang bola ay buong puwersa niya itong ibinato kay Julio na agad umiwas nang mapagtanto na hindi niya kakayanin ang bilis ng bola.

Isang babae ang tumatakbo sa kabilang kalsada ang derechong tinamaan sa mukha dahilan upang ito ay matumba nang patihaya. Animo'y humiwalay ang kanilang mga kaluluwa sa kanilang katawan nang matunghayan kung paano bumagsak ang babae.

Maging ang dalawang tindero na may buhat na mga panindang bilao at bakol ay napatigil sa nangyari. Dali-daling tumakbo sina Xavier, Jose, Tito, Julio, at Pedro patungo sa babae na tulalang nakatingin sa langit habang unti-unting lumalabas ang dugo sa ilong nito.

"Binibini..." wika ng magkakaibigan ngunit napatingin sila kay Xavier nang marinig nila ang unang lumabas sa bibig nito sabay hilamos sa mukha. "Putangina talaga!"

"Dalhin na natin siya sa pagamutan!" patuloy ni Xavier na siyang unang bumuhat sa babae. Hindi makapaniwala ang mga kaibigan niya sa natunghayan. Kulang na lang ay hawakan din nila sa likod si Xavier dahil sa pamumutla ng mukha nito. Hindi naman nakapagtataka sa kanila sapagkat si Xavier ang bumato ng bola na siyang tumama sa babae.

Agad silang pumara ng kalesa at sabay-sabay na sumakay. Marahang hiniga ni Xavier ang ulo ni Segunda sa kaniyang hita dahilan upang mapatakip na lang sa bibig sina Jose, Tito, Julio, at Pedro dahil sa mga mapangahas nitong kilos.

Pinatakbo na ng kutsero ang kalesa subalit ito'y mabagal, "Bilisan niyo naman ho, Manong. Mas mabilis pa kaming tumakbo e," reklamo ni Pedro dahilan upang kunot-noong lumingon sa kanila ang kutsero.

"Kung hindi naman kayo mga hunghang, bumaba nga kayo! Hindi tayo makatatakbo nang maayos sa dami niyo rito!" seryosong saad ng kutsero na akmang ihahamas sa kanila ang latigo na ginagamit sa kabayo.

Nagsimulang magtulakan ang magkakaibigan na tila ba wala silang pinagsamahan. Napasigaw sina Pedro, Jose, at Tito na sabay-sabay nahulog sa kalesa. "Bilisan niyo na ho!" Sigaw ni Julio sabay yugyog sa balikat ng kutsero sa takot na maabutan siya ng mga kaibigang nagawa niyang itulak. Napahawak na lamang si Xavier sa kaniyang sentido. Hindi na bago sa kanila ang maglaglagan at iwan ang isa't isa sa mga ganitong sitwasyon lalo na kapag nasa bingit sila ng pangangailangan.

Bumilis ang takbo ng kalesa. Hindi nagpatinag ang tatlong estudyanteng nahulog. Agad silang tumayo at kumaripas ng takbo upang mahabol ang kalesang patungo sa pagamutan habang sumisigaw at pinagmumura ang lulan ng sasakyan.

Sariaya, 1865

"Ito ang mga kamatis na maaari na nating magamit sa pagluluto," wika ni Manang Tonya saka ipinakita kay Segunda ang kamatis na tama lang ang kulay, hindi ito masyado mapula at hindi rin luntian. "Mahalaga na malaman mo kung alin sa mga ito ang dapat na anihin. Marami riyan ay inaakala nating handa na, subalit ang totoo ay hindi pa pala. Kinakailangan pa nito nang mas mahabang araw upang maging husto." Ngumiti ang mayor doma kay dalagitang sampung taong gulang pa lamang ngunit ito'y interesado na sa pagluluto.

"Katulad po nito, Manang?" tanong ni Segunda saka pinakita ang pinitas niyang kamatis. Umiling nang marahan si Manang Tonya saka kinuha ito sa kamay ni Segunda. "Marami ring huwad tulad nito na nagpapanggap na husto na. Huwag kang palilinlang, hija." Paliwanag ni Manang Tonya matapos pisilin ang kamatis na hinog na ang kulay ngunit matigas pa rin.

Nagpatuloy sila sa pagpitas ng mga sangkap sa malakign hardin ng hacienda De Avila. Natatanaw mula sa malayo ang mansyon. Oras ng siyesta ngunit piniling sumama ni Segunda kay Manang Tonya dahil hindi niya nais matulog sa hapon. Bukod doon, madalas din siyang manatili sa kusina upang panoorin ang mga kusinera sa pagluluto.

Ilang sandali pa, natanaw nila ang isang lumang karos ana hinihila ng kalabaw. Naglalakad ang lalaking nasa edad tatlumpu at walang sapin sa paa habang hila ang lubid na nakatali sa kalabaw. Nakaagapay naman sa likod ang binatilyo habang pasan ang batang babae sa likod nito. Samantala, nakasakay naman sa karosa ang asawa at ang apat na bata na halos magkakalapit lamang ang edad.

"Dumito ka lang, Segunda." Bilin ni Manang Tonya saka inilapag sa lupa ang dalang bakol na siyang pinaglalagyan ng mga pinitas nilang sangkap. Nanatiling nakatayo si Segunda sa likod ng mababang talahib na puno ng mga pananim.

Lumapit si Manang Tonya sa pamilyang kararating lang. "Magandang umaga ho, ako ho si Caredo Castillo, at ang akin pong asawa at mga anak." Pakilala ng lalaki sabay hubad ng sumbrerong buri at itinapat iyon sa kaniyang dibdib.

"Anong maitutulong ko sa inyo?" tanong ni Manang Tonya saka mabilis na sumulyap sa kalagayan ng mag-iina. Kapansin-pansin ang payat nilang pangangatawan ngunit bilugan ang tiyan ng mga batang paslit.

"Kami ho sana ay nagbabaka-sakali na maaaring mamasukan sa inyong lupain? Kami po ay tubong Leyte. Amin hong nabalitaan na masagana ang sakahan dito sa Sariaya."

Napatingin si Segunda sa sanggol na nagsimulang umiyak habang pinapatahan ng ina. Bakas ang panghihina sa ina na nababalot ng dumi ang mukha at damit. Tahimik at walang kibo naman ang mga batang nasa edad tatlo pataas. Ang panganay na lalaki na nasa edad labing-limang taong gulang ang siyang nag-aasikaso sa mga kapatid nito.

Nagkatinginan sina Segunda at ang binatilyo. Suot ni Segunda ang bagong damit na tinahi ng kaniyang ina gamit ang mamahaling tela na binili pa nito sa Maynila. Suot din niya ang perlas na kuwintas na regalo sa kaniya ng ama noong nakaraang kaarawan. Nakapusod din nang maayos ang kaniyang buhok na may halimuyak ng rosas. At suot ang pilak na payneta na bigay ng kaniyang ina.

Hindi malaman ni Segunda kung bakit bigla siyang nahiya sa kaniyang katayuan sa buhay. Sa paningin ng pamilyang kararating, siya'y nabibilang sa mga taong kailanman ay hindi nila malalapitan dahil sa kumikinang nitong mga alahas, palamuti sa katawan, at malinis na bihis.

"Pasensiya ngunit walang bakanteng---" hindi na natapos ni Manang Tonya ang sasabihin dahil nagsalita si Segunda at naglakad papalapit sa kanila.

"Manang, akin pong naulinigan na nangangailangan si ama ng pastol ng mga tupa." Saad ni Segunda sabay tingin sa mag-amang Castillo na maaaring humalili sa pagpapastol matapos mamayapa ng pinagkakatiwalaang pastol ni Don Epifanio.

"Manganganak din po si Aling Julia kung kaya't mangangailangan po si ina ng kusinera." Dagdag ni Segunda. Napahinga na lang nang malalim si Manang Tonya, "Mag-usap muna tayo sandali, hija." Wika nito saka hinawakan nang marahan ang kamay ni Segunda at kinausap ito sa likod ng mga pananim na kamatis.

"Hindi natin nakikilala ang mga taong iyan. Sila'y mga bagong salta. Paano kung mayroon silang pakay na hindi maganda sa inyong pamilya? Isinasaalang-alang ko lang hija ang inyong kaligtasan."

Marahang umiling si Segunda saka tumingin sa pamilyang nababakas ang panghihina, gutom, uhaw, at kalungkutan. "Manang, sa aking palagay, walang sinumang magulang ang gagawa ng masama kasama ang kaniyang buong pamilya. Bagong-silang ang pinakabata sa kanila. Akin pong nakikita sa kanilang mga mata ang pagnanais nang masisilungan at pansamantalang pagkakakitaan hanggang sa sila'y makabawi ng lakas."

Tiningnan ni Manang Tonya ang kalagayan ng sawim-palad na pamilya. Pinanganak din siya sa pamilyang isang kahig isang tuka subalit kahit papaano ay hindi sila marami magkakapatid. Nagawa silang buhayin ng kanilang ama't ina dahil dalawa lang silang anak.

"Nawa'y hindi tayo ang maging dahilan upang tuluyan silang sumuko sa buhay. Marami ho ang mga batang iniiwan ng magulang dahil sa hirap ng buhay. Ngunit, tingnan niyo ho ang mag-asawang ito, kahit gaano kahirap, kahit gaano kalayo, kasa-kasama nila ang kanilang mga anak. Ipakita po sana natin sa kanilang mga anak na tama ang desisyon ng kanilang mga magulang na maglakbay patungo rito."

Ngumiti si Segunda, "Ako po ang bahalang kumausap kina ama't ina. Ako po'y naniniwala na hindi nila hahayaang mauwi sa wala ang paglalakbay ng pamilyang ito." Walang nagawa kundi ang mapahinga na lang nang malalim at ngumiti si Manang Tonya saka tinapik nang marahan ang ulo ni Segunda.

"Ikaw'y anghel nga ng iyong mga magulang. Ako'y hindi na magtataka kung ikaw ay maging alagad ng Diyos balang araw," saad ng mayor doma. Lumapit sila sa pamilya na nabuhayan nang pag-asa matapos sabihin ni Manang Tonya na sumunod ang mga ito sa kanila. Paulit-ulit na nagpasalamat ang pamilya Castillo kay Segunda. Nagawa pang lumuhod ni Karyo at ng anak nitong binatilyo sa harap ni Segunda ngunit agad silang pinatayo ni Segunda.

"Maraming salamat ho, Binibini. Ang bagay na ito ay tatanawin ko pong utang na loob magpakailanman." Saad ng binatilyo na agad pinunasan ang kaniyang namumuong luha. Sa edad na labing-lima ay tila naging ama na rin siya ng kanilang malaking pamilya. "Ang ngalan ko ho pala ay Romeo Castillo." Pakilala ng binatilyo saka muling yumukod.

"Maria Segunda De Avila," saad ni Segunda saka tumango nang marahan. Ngumiti pabalik ang binatilyo na muling nagpahid ng luha dahilan upang kumalat ang putik sa mukha nito. Natawa silang dalawa. Ang simpleng ngiti na nauwi sa tawanan ay pareho nilang hindi inaakalang mauuwi sa mabuting pagkakaunawaan.

Gulat na iminulat ni Segunda ang kaniyang mga mata nang marinig ang paghampas ni Julio sa likod ni Jose upang mawala ang pananakit ng likod nito matapos mahulog sa kalesa at tumakbo ng ilang kilometro. Minamasahe nila ang isa't isa. Tanging si Xavier ang problemado at nakahawak sa sentido habang nakasandal sa tabi ng bintana.

"Kapag ako'y hindi nakalakad. Hahabulin kita hanggang sa impyerno, nakita mo!" Banta ni Tito kay Julio sabay sigaw nang hampasin ang balakang niya.

Tuluyang nagising ang diwa ni Segunda nang marinig ang linya tungkol sa pagsunod hanggang impyerno. Ngayo'y tila nasa impyerno siya kung saan naririnig niya ang pagtatalo ng mga kalalakihan habang minumura ang isa't isa. Nagawa pang batukan at batuhin ni Jose si Julio na humihilot sa kanila.

Gulat na bumangon si Segunda nang mapagtanto kung nasaan siya. Napatigil ang limang lalaki nang makitang gising na si Segunda at bumangon na para bang karakter sa isang puppet show. "Ano ang iyong nararamdaman, Binibini?" tanong ng babaeng nakatayo sa gilid habang inaayos ang mga gamit sa pagamutan.

Maging si Xavier ay napaayos nang tayo nang makitang gising ni Segunda. Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin. Hindi niya rin matukoy kung nakita ni Segunda na siya ang bumato ng bola. Napahinga nang malalim si Xavier saka nagsimulang humakbang papalapit sa higaan ni Segunda. Hindi niya sinasadya ang nangyari. Wala siyang intensyon na ibato ang bola sa kinaroroonan ni Segunda na hindi niya rin batid kung paano nakalabas sa kumbento.

Nababatid ni Xavier na marami na siyang nabigo at nasaktang binibini. Siya si Manuelito Xavier Sanchez, na natutuwa sa mga papuri at luha ng mga binibining nagawa niyang bihagin sa kaniyang mga ngiti at mabulaklak na pananalita. Subalit ngayon, hindi niya maunawaan kung bakit walang siyang mahanap na salita upang ipaliwanag ang nais niyang sabihin.

"Anong ginagawa mo rito?" seryosong tanong ni Segunda. Pupunasan sana ng babaeng nagtatrabaho sa pagamutan ang sugat sa ilong ni Segunda ngunit napatigil siya sa sinabi nito habang nanlilisik ang mga matang nakatingin kay Xavier.

Napaatras si Xavier na parang tutang nais magtago sa likod ng ina. "D-dinala ka namin dito, nawalan ka nang malay kanina." Saad ni Xavier na nagawa pang tumikhim saka mabilis na tumingin sa mga kaibigan na magkakahalo ang reaksyon. Nagtataka ang hitsura ni Jose. Naguguluhan naman si Tito. Nakangisi na parang hyena si Julio. Habang pinipigilan naman ni Pedro ang kaniyang pagtawa.

"Dahil sa inyo. Sino bang nasa katinuan ang maglalaro sa gitna ng kalsada?" saad ni Segunda na nasagad na ang pasensiya. Sa kanilang magkakapatid, mahaba ang kaniyang pasensiya subalit sa oras na maubos ito ay hindi na nakapagsasalita sina Jacinto, Socorro, at Amor.

"S-sino bang nasa katinuan ang hindi tumitingin sa daan? At bakit ka rin tumatakbo? May tinatakasan ka na naman. Ano?" buwelta ni Xavier dahilan upang mas maging matindi ang tensyon. Napatakip pa sa bibig sina Jose at Tito.

Tumikhim si Segunda saka umiwas ng tingin. Hindi niya akalaing matatamaan siya sa sinabi ni Xavier. Tumatakas siya sa mga sitwasyon na nais niyang iwasan. Lumalayo siya at nagkukubli upang hindi malaman ng iba ang totoo niyang pinagdaraanan.

"Hindi namin sinasadya ang nangyari. Mabuti na lang dahil walang masamang nangyari sa 'yo. Ayon sa doktor, nawalan ka raw ng malay dahil sa matinding pagkabigla, pagod, at maaaring dahil sa puyat. Kami na ang bahala sa mga gastusin dito." Saad ni Xavier, muntik pang pumalakpak si Tito. Mabuti na lang dahil agad ibinaba ni Jose ang kamay nito.

Hindi nagsalita si Segunda. Napansin niya ang pasa sa kaliwang pisngi ni Xavier na wala naman noong huli silang nagkita. Ibinaba na lang ni Segunda ang kaniyang ulo saka binalatan ang daliri. Sa tuwing nakararamdam siya nang nerbyos ay madalas ito ang nagpapakalma sa kaniya.

"Paano kayo nagkakila?" singit ni Julio.

"Hindi kami magkakilala." Mabilis na sagot ni Xavier sabay halukipkip. Napatingin si Segunda kay Xavier. Pinandilatan pa siya nito ng mata na para bang sinasabi niya na sumang-ayon na lang ito na hindi sila magkakilala upang hindi na mag-usisa ang iba pa nitong kaibigan.

"Marahil. Isa ka sa mga binibining pina-ibig ng kaibigan naming ito, hindi ba?" tanong ni Jose na tila isang abogado sa hukom. Nagkatinginan sina Xavier at Segunda na parehong napakunot ang noo nilang dalawa. Nababatid nila pareho na kahit magunaw pa ang mundo, hinding-hindi sila mahuhulog sa isa't isa.

"At ngayon ay natuklasan mong hindi ka pala nag-iisa? Sa Letran kami nag-aaral. Abangan mo na lang sa kanto 'to," hirit ni Tito dahilan upang batukan siya ni Xavier upang manahimik ngunit agad itong nakaiwas sabay yakap sa baywang ng kaibigan at humagalpak ng tawa.

Tumikhim si Segunda. Sa mga ganitong sitwasyon, hindi niya nais umayon sa kagustuhan ni Xavier. Bukod doon, naniniwala siya na wala naman siyang nagawang kasalanan at wala naman silang dapat ilihim kung kaya't hindi tama ang magsinunggaling o maglihim.

"Aking hindi sinasadya na ma..." napalunok si Segunda. Nag-aabang ang lahat sa kaniyang sasabihin. Maging ang babaeng nagtatrabaho sa pagamutan na nakatayo sa tabi ng kaniyang hinigaan. Mas lalo siyang nakaramdam ng hiya at kaba. Ang kaninang determinasyon na labanan ang kasinunggalingan ni Xavier ng katotohanan mula sa kaniya ay tila naglaho dahil sa atensyon na ipinupukol ng lahat sa kaniya.

"A-anong oras na?" tanong ni Segunda sa babaeng katabi. Dinukot nito ang relos na orasan sa bulsa. "Pasado alas-singko na ho," tugon ng babae gulat na napatulala ng ilang segundo si Segunda.

"Ano ang iyong sasabihin, binibini? Maaari mo nang ituloy," paghihikayat ni Jose subalit hindi siya pinansin ni Segunda. Agad itong tumayo saka nag-aalangan kung sa kaliwa o kanang pinto ba siya lalabas.

"Kailangan ko nang umalis," wika ni Segunda sa babae saka napatigil nang maalala ang bayarin. Lumingon siya kay Xavier na nanatiling nakahalukipkip habang nakasandal sa tabi ng bintana. Nagtataka namang nakatingin sa kaniya ang mga kaibigan nito na tila naguguluhan sa palitan ng tingin ni Xavier at ng dalaga na ngayon lang nila nakita.

"Ukol sa bayarin. Handa akong bayaran ito... Sa susunod nating pagkikita," saad ni Segunda kay Xavier na animo'y may maraming nakaimbak na salapi. Nagawa niya pang magbigay-galang sa lahat at bumulong ng pasasalamat sa babaeng nagtatrabaho sa pagamutan bago dali-daling lumabas ng silid. Nang makalabas si Segunda. Sabay-sabay na napahiyaw ang mga kaibigan ni Xavier na nag-aakalang may bagong binibini na naman itong nabihag.

Napahawak muli sa sentido si Xavier. Sa isip niya, mas mabuti na ito kaysa malaman ng kaniyang mga kaibigan ang nakakahiyang pagtatagpo nila ni Segunda sa bakuran ng dormitoryo.

HINDI magawang iangat ni Segunda ang kaniyang ulo habang tinatanggap ang parusa nang lumabag siya sa mahigpit na patakaran na walang lalabas ng kumbento nang walang permiso sa punongmadre.

Nakaluhod sila ni Ester sa tapat ng maliit na altar habang paulit-ulit na nagdadasal at kinukumpisal ang kanilang kasalanan. Walang katapausan ang kanilang pagsasalita habang nakatayo sa kanilang likuran si Sor Teresa na seryoso ang mukha. Sa tanang buhay niya, marami na siyang nasubaybayan na mga estudyante at ang iba ay ganap nang madre na nagtangkang tumakas at nagtagumpay din na makatakas sa kumbento.

Karamihan sa mga iyon ay napilitan lang pumasok sa kumbento. Wala sa kanilang loob ang magsilbi sa simbahan. Ngunit para sa kaniya, naiiba si Segunda. Wala itong pusong mapaghimagsik. Hindi rin mababakas sa kilos, pananalita, at reaksyon nito na napilitan lang siyang pumasok sa kumbento.

Kung kaya't laking-gulat niya nang malaman na nawawala si Segunda bago sila magsalo-salo sa hapunan. Bumalik nga si Segunda ngunit huli na dahil nababatid na ng lahat ang kaniyang pagkawala.

Ibinagsak ni Sor Teresa nang marahan ang hawak na baston, "Bakit nagkasala sina Adan at Eba?" tanong niya saka naglakat patungo sa harap ng altar.

Tumingin si Ester kay Segunda na nababatid niyang may nalalaman na sagot ngunit agad siyang tumingin nang derecho nang mahuli siya ni Sor Teresa, "Ester, sa iyong palagay, sino ang mas nagkasala sa dalawa?"

Tumikhim si Ester, "A-ako po'y naniniwala na kasalanan ni Eba sapagkat siya po ang nag-udyok kay Adan na kainin ang ipinagpapabawal na prutas." Tugon ni Ester sabay pikit nang mata. Walang sinabi si Sor Teresa, sunod itong tumingin kay Segunda.

"Ano ang iyong sagot Segunda? Sumasang-ayon ka ba sa tugon ni Ester?"

Napahinga nang malalim si Segunda, "Ako po'y naniniwala na kasalanan ang ibintang sa iba ang iyong pagkakasala upang ikaw ay maghugas kamay o pababain ang nararapat na kaparusahan dahil ikaw ay naudyok lamang. Ang maudyok sa pagkakasala ay kasalanan pa rin. Nalalaman nilang pareho na ang prutas na iyon ay ipinagbabawal kung kaya't magkapantay lang din silang nagkasala. Kung tunay na matuwid si Adan, hindi siya aayon sa udyok ni Eba. Hindi rin tama na isisi ito sa kababaihan dahil anuman ang kasarian, kung ang tao ay masilaw sa isang bagay at walang sapat na kontrol sa sarili, mahuhulog at mahuhulog siya sa bitag ng pagkakasala."

Sandaling tinitigan ni Sor Teresa si Segunda nang may paghanga sa sagot nito. Napalunok si Ester, ugali ni Sor Teresa na taliwasin ang sagot ng mga mag-aaral upang mauwi ang mga ito sa pagbibigay ng kani-kaniyang palagay at opinyon sa mga bagay.

"Kung gayon, sino ang mas nagkasala sa inyong dalawa ni Ester?" tanong ni Sor Teresa dahilan upang mapatingin sa kaniya ang dalaga. Kilalang mahinahon si Sor Teresa at siyang unang nalalapitan ng mga estudyante at madre subalit sa oras na ito'y magalit at madismaya, nagiging mas strikta ito sa pagdidisplina.

Napatingin si Segunda kay Ester. Kumpara sa kanilang dalawa, maaaring hindi siya parusahan nang matindi ni Sor Teresa dahil nagmula siya sa kilalang pamilya. Samantala, si Ester ay isang ulila. Wala itong ibang mapupuntahan kundi ang kumbento. Mula pagkabata ay nanilbihan na siya sa kumbento upang matustusan ang sarili at may matuluyang tirahan.

Ang paglabas sa kumbento ay may malaking parusa. Maaari siyang pauwiin at hindi na tanggapin pa. Maaari rin siyang mapatalsik kung mapatunayang may ginawa siyang hindi kalugod-lugod nang siya'y tumakas. Anuman sa parusang iyon, may tahanan pa rin siyang mauuwian. Subalit si Ester ay wala. Tiyak na hindi rin ito tatanggapin ng kaniyang mga magulang lalo na sa oras na malaman na magkasabwat sila sa nangyari.

Napayuko si Segunda, "Ako po ang higit na nagkasala. Kung maayos lang po ang kalagayan ni Ester kanina ay iaabot ko lamang ang ipapadala kong liham. Subalit, hindi ko na po nagawang hintayin na bumuti ang kaniyang kalagayan. Ako po mismo ang kusang lumabas upang gawin ang kaniyang trabaho. Kasalanan ko pong labagin ang patakaran at unahin ang aking pansariling motibo." Wika ni Segunda habang mahigpit na nakahawak sa kaniyang saya.

Dahan-dahan siyang tumingin sa mga mata ni Sor Teresa, "Ngunit... makaaasa po kayo na wala akong ibang ginawang kasalanan sa labas. Aking inihatid lamang ang mga liham sa koreo." Napatigil si Segunda nang maalala na hindi niya nakuha pabalik ang mga liham. Hindi niya rin maalala kung saan niya ito naiwan.

Nanatiling nakatingin si Sor Teresa kay Segunda. "At bakit hindi ka bumalik agad? Malapit lang koreo mula rito."

"A-ang totoo po niyan, ako'y natamaan ng bola sa aking pag-uwi. Dinala po nila ako sa pagamutan at doon po ako nagkamalay-tao." Tugon ni Segunda na napahawak sa kaniyang ilong na may bakas ng sugat.

Napahinga nang malalim si Sor Teresa. Kahit papaano ay nakahinga siya nang maluwag dahil tumugma ang sagot ni Segunda sa ibinalita sa kaniya ng babaeng nagtatarbaho sa pagamutan. Ngayon niya napatunayan na nagsasabi ng totoo ang dalaga.

"Ano ang laman ng liham at kanino mo ito pinadala? Gaano ba kahalaga ang mga iyon upang hindi ka makapaghintay na bumuti ang kalagayan ni Ester?" derechong tanong ni Sor Teresa dahilan upang gulat na mapatingin sa kaniya si Segunda. Kung may bagay siyang hindi maililihim, iyon ay ang kaniyang mga tingin at reaksyon. Agad nahuli ni Sor Teresa ang pagkagitla ni Segunda.

"Ester, bumalik ka na sa iyong silid." Utos ni Sor Teresa. Agad tumayo si Ester na muntik pang mawalan nang balanse dahil sa ilang oras na pagluhod. Nagkatinginan sina Segunda at Ester, bakas sa hitsura ni Ester ang pag-aalala sa posibleng kaparusahan na harapin nilang dalawa. Nang makaalis si Ester ay naglakad si Sor Teresa papalapit kay Segunda. Animo'y hinuhukay nito sa mga mata ng dalaga ang katotohanan.

"Isang tanong, Segunda. Ikaw ba ay may kinikitang mangingibig sa labas ng kumbentong ito?" hindi nakapagsalita si Segunda. Ang kaninang magkahalong takot at gulat na kaniyang nararamdaman ay napalitan ng pagtataka.

Unang bumungad sa kaniyang isipan si Romeo. Ang lalaking matapos siyang pangakuan ay naglaho na parang bula. At sa pagbabalik ng multo nito, hindi niya mawari kung anong dapat maramdaman matapos umasa sa taong nagawa siyang kalimutan na tila ba wala silang pinagsamahan.

"Ipinapaalala ko sa 'yo, Segunda. Sa oras na mapatunayan na ikaw ay may kinikitang mangingibig, hinding-hindi ka na makababalik dito." Patuloy ni Sor Teresa habang nakatitig sa mga mata ng dalaga.

Hindi nakapagsalita si Segunda lalo na nang pumasok sa kaniyang isipan si Xavier at ang nalalapit nilang pagkikita sa likod ng kumbento upang mabayaran niya ang kaniyang pagkakautang. Sa oras na mahuli sila, tiyak na wala na siyang mukhang maihaharap kay Sor Teresa, sa kaniyang pamilya at mga kapatid, at lalo na sa sarili. Siya si Segunda na handang maglingkod sa simbahan ay masisira lamang ng isang binatang walang ibang alam kundi ang maglaro, ngumisi, magpakahambog, at mag-ingay na parang bata.

"Wala po, Sor Teresa. Makaaasa po kayong wala akong mangingibig o kinikita sa labas ng kumbento." Deretsong sagot ni Segunda nang walang halong pagsisinunggaling. Hindi niya makita sa sarili na mauugnay sa binatang iyon na taliwas sa kaniyang ipinagdarasal na magiging kabiyak noong kaniyang kabataan.

Tumikhim si Sor Teresa, wala na siyang ibang maitanong. Bukod doon, bakas sa mukha ni Segunda na hindi niya nagustuhan ang ideya na may kinikita ito sa labas na mangingibig. Animo'y kinilabutan pa ang dalaga na napailing ng dalawang ulit.

Gabi na nang makabalik si Segunda sa silid. Naroon na ang mga kasama niya, magkakasama ang tatlo habang sinusuklay nila ang buhok ng isa't isa. Natigil ang pag-uusap ng mga babae nang makitang pumasok si Segunda. Sinundan nila ito nang tingin na para bang sinisisi nila ito sa pagiging mas mahigpit ng kumbento.

Umupo si Segunda sa kaniyang kama saka kumuha ng damit pamalit. Marumi ang suot niyang damit, ni hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon makapagpalit mula nang makabalik siya at dalhin sa altar upang parusahan at kausapin.

"Ano ang naging desisyon ng iyong kapatid, Sofia?" tanong ni Patron ana ipinagpatuloy ang kanilang pag-uusap na naudlot nang duamting si Segunda. Marahan niyang sinusuklay ang buhok ng kaibigan.

"Napilitan na lang siyang magpakasal sa lalaking nais ni ama para sa kaniya. Kahit papaano malaki rin ang nakuhang dote ng aking kapatid, malawak na lupain na nagkakahalaga ng pitong daang piso. Bukod pa iyon sa mga regalo mula sa kasal at mga alahas," sagot ni Sofia. Lumapit ang ilang estudyanteng madre na naging interesado sa ibinabahagi nitong kuwento.

Maging si Segunda na abala sa pagkuha ng damit ay napatigil at taimtim na nakinig. "Kay laking-halaga. Ngunit, hindi bai yon mapupunta lahat sa lalaki?" kumpirma ng isa.

Napakibit-balikat si Sofia, "Ako'y walang ideya. Malakas ang loob ng aking kapatid, sa palagay ko ay hindi siya papayag na ang asawa niya lang ang hahawak ng kanilang salapi. Mag-asawa na sila kung kaya't iisa na ang kanilang yaman. Nabigyan din naman ang asawa niya ng salapi mula sa magulang nito upang makapagpatayo sila ng tahanan dito sa Maynila." Sabay-sabay na tumango ang mga babae mula sa salaysay ni Sofia.

"Kay lungkot lamang dahil hindi nakatuluyan ng aking kapatid ang kaniyang nobyo. Nagmula sa mahirap na pamilya ang kaniyang nobyo. Hindi pumayag si ama sapagkat wala itong kakayahan buhayin ang aking kapatid at kanilang magiging pamilya kung sakali." Patuloy ni Sofia.

"Ano bang trabaho ng dati niyang nobyo?" tanong ni Patrona.

"Ang alam ko ay sumasama ito sa pangingisda. Wala rin siyang sariling bangka."

"Aanhin mo ang kayamanan kung hindi mo naman mahal ang iyong mapapangasawa," saad ng isa. Sumang-ayon ang ilang kababaihan.

"Aanhin mo naman ang pag-ibig kung sabay kayong maghihirap at mamamatay sa gutom. Idadamay niyo pa ang inyong mga anak," saad naman ni Patrona na sinang-ayunan ng ilan.

"Magulo ang mundo sa labas. Mas payapa rito. Kaya dumito na lang ako upang hindi ko na problemahina ng pag-aasawa at kahirapan na 'yan," saad ni Sofia saka nahiga sa kama. Nagpatuloy sa pagkukuwentuhan ang magkakaibigan na tila ba hindi nila napapansin na mayroong isang babae na nakikinig din sa kanilang usapan habang nakaupo sa kama at kunwaring abala sa pag-aayos ng mga damit.

Natigil ang usapan nang sumapit ang ganap na oras ng pagtulog at naglibot si Sor Teresa sa bawat silid. Mahimbing nang nakatulog ang lahat, maliban kay Segunda na nakatingala sa kisame at nag-iisip sa kawalan.


KINABUKASAN, maaga pa lang ay bumangon na si Segunda upang simulant ang isang linggong parusa nila ni Ester. Gagawa sila ng isang daang kopya mula sa isang libro na naglalaman ng doktrina ng Simbahan sa pamamagitan ng pagsulat.

Panay ang hikab ni Ester habang nagsusulat. Samantala, determinado naman si Segunda na matapos iyon upang makabalik na siya sa mga aralin. Ngunit hindi makailang-ulit siyang nagkakamali sa bawat pahina kung kaya't kailangan na naman niya itong ulitin. Ang daming gumugulo sa kaniyang isipan, idagdag pa ang problema niya kung paano babayaran si Xavier gayong malapit na ang araw ng Sabado.

"Ester... minsan bang sumagi sa iyong isipan ang mag-asawa?" tanong ni Segunda dahilan upang mapakurap ng dalawang beses si Ester na tila nagising ang diwa dahil sa kakaibang paksang binuksan ni Segunda.

"Naisip ko lang, kung wala ka ngayon sa kumbento, sa iyong palagay ay nasaan ka?" patuloy ni Segunda na napakagat ng labi. Ngayon ay nakaramdam siya ng pagsisisi kung bakit niya pa binuksan ang paksang iyon. Maaaring magkaroon ng ideya si Ester sa bagay na gumugulo sa kaniyang isipan.

"Ako'y ulila nang lubos. Nakikita ko ho ang aking sarili na dito na tatanda at mamamatay sa kumbento. Subalit, kung ako'y palarin na makapag-asawa, sa aking palagay mas pipiliin ko ho iyon," sagot ni Ester na napaisip din sa sarili niyang buhay.

"Paano kung hindi mo naman gusto ang iyong mapapangasawa? Paano kung malabong mahalin niyo ang isa't isa?" tanong ni Segunda. Bagama't bata pa, nababatid ni Segunda na matalino si Ester at marami itong nalalaman lalo pa't hinubog ito nang karanasan at maagang namulat sa reyalidad ng buhay.

"Ako'y mapalad na kung mapangasawa kung ang taong aking iniibig. Kung hindi ko naman siya gusto, basta siya'y responsable, tapat, at mabait, sa aking palagay ay matututunan ko rin siyang mahalin." Sagot ni Ester dahilan upang mapahinga nang malalim si Segunda. Malabong matutunan niyang mahalin si Xavier. Maaaring hindi rin siya magustuhan nito dahil magkaiba silang tunay.

Tumayo si Ester saka tumabi kay Seugnda, "Bakit, Binibini? Mayroon bang nag-alok sa 'yo ng kasal?" bulong nito sabay ngiti. Agad umiwas ng tingin si Segunda at kunwaring nagpatuloy sa pagsulat. "Kaya ba hindi ka makapaghintay na lumabas kahapon ay dahil sa kayo'y magkikita?"

Napatikhim si Segunda, "N-nagpadala lang ako ng liham sa koreo." Depensa ni Segunda dahilan upang mas lalong mapangiti si Ester.

"Pakiramdam ko ay may nag-alok sa 'yo ng kasal kaya lang hindi mo siya gusto. Kung ako sa 'yo, BInibini, tanggapin mo na. Kung hindi rin naman buo ang loob mong magsilbi sa simbahan. Tila nililinlang mo lang ang iyong sarili at ang Diyos," napatigil si Segunda dahil sa sinabi ni Ester.

"Ang sabi sa akin ni Sor Teresa, hindi niya ako pipiliting mag-mongha dahil hindi niya nais maglingkod ako dahil lang sa ako'y napipilitan o wala nang ibang mapuntahan. Nais niyang manatili ako rito nang buong puso at buong kusa dahil ito ang nais kong tahaking kapalaran." Dagdag ni Ester saka muling ngumiti kay Segunda.

"Kung magagawa ka naman niyang buhayin at bigyan ng magandang buhay. Bakit hindi? Matututunan mor in siyang mahalin."

"Paano kung hindi niya ako gusto at hindi ko rin siya kayang mahalin?" tanong ni Segunda na halatang nag-aalangan. Tumawa si Ester sabay halukipkip.

"Kung gayon, makinabang ka na lang sa kaniyang kuwarta, mamasyal sa Europa. Manirahan sa malayong lugar at bisitahin na lang siya sa tuwing pasko, fiesta, o bagong taon upang hindi magtaka ang inyong mga kamag-anak at kaibigan. Hindi naman kailangan magsama kayo araw-araw hanggang kamatayan." Tugon ni Ester sabay tawa. Animo'y nagising ang diwa ni Segunda nang mapagtanto ang mga bagay na iyon.

Ang mabuhay nang malayo, tahimik, at payapa kasabay ang katotohanang siya'y may asawa na titiisin na lang niya makita ng tatlong beses sa isang taon. Anuman ang nais nitong gawin sa buhay ay hindi niya pakikialaman, basta hindi lang din siya nito pakikialaman sa mga nais niyang gawin. Animo'y nabunutan siya ng isang tinik. Para sa kaniya, hindi na rin masama ang buhay na gayon.


DALAWANG minuto bago sumapit ang oras ng paghihigpit ay nakarating na si Xavier sa kanilang tahanan. Napakabig pa siya sa pinto sapagkat nawalan siya ng balanse dahil sa kalasingan. Naabutan niyang nakaupo sa salas ang kaniyang ama, ina, ang panganay na kapatid at ang asawa nito.

Magsasalita na sana si Doña Antonia ngunit naunang itaas ni Xavier ang kaniyang kamay, "Kaarawan ng kaibigan ng aking kaibigan, isang kabastusan ang pagtanggi sa paanyaya, hindi ba?" ngisi ni Xavier na namumula ang buong mukha at pumupungay pa ang mga mata.

Hindi niya magagawang itago ang kaniyang pagkalango sa alak dahil madalas mamula ang kaniyang buong mukha, tainga at hanggang leeg.

"Don Carlo!" ngiti ni Xavier saka naglakad nang pagewang-gewang papalapit sa panganay na kapatid na bihira na lang din niya makita. Maliban na lamang kung may okasyon o may hihingiing pabor ito sa kaniyang mga magulang.

"Doña Almira. Magandang gabi!" bati ni Xavier sa asawa ng kaniyang kapatid. Nagpaypay lang ito saka nagtakip ng ilong nang maamoy ang alak. Hindi nga siya nagkamali, nagtungo ang kaniyang kapatid at ang asawa nito sa kanilang magulang upang humingi ng kapital para sa itatayo nilang negosyo.

"Manang Dioneng, pakisamahan na si Xavier sa taas!" tawag ni Doña Antonia na nagsimula na ring magpaypay. Tiningnan siya ni Don Manuel. Sa oras na hindi niya mapaalis si Xavier sa salas ay tiyak na siya ang pagbubuntunan nito ng galit dahil hindi niya nagagawa ang tungkulin ng isang ina.

"Paumanhin kung ako'y nakasagabal sa inyong pagpupulong. Ituloy niyo na ang kahibangang iyan. Ako'y papanhik na sa----" hindi na natapos ni Xavier ang kaniyang sasabihin dahil binato ni Don Manuel ang hawak na tasa sa kaniyang direksyon. Tumama ang bubog ng tasa sa kaniyang sapatos.

"Estúpido!" Sigaw ni Don Manuel habang nanlilisik ang mga mata nito. Wala nang ginawa si Xavier kundi ang sagarin ang kaniyang pasensiya, ipahiya siya, at dungisan ang pangalan ng kanilang pamilya.

"Sé." Ngisi ni Xavier dahilan upang mas lalong manggalaiti sa galit ang ama nito. Akmang hahambalusin ni Don Manuel ng baston ang anak ngunit agad nang tumayo si Carlo.

"Xavier. Pumanhik ka na sa taas!" maging si Carlo ay hindi na rin makapagtimpi. Sinira ni Xavier ang maayos sanang usapan nila ng kaniyang ama. Malaking bagay ang hihingiin nilang pabor kung kaya't minabuti nilang makausap ito nang personal at siguraduhing maayos ang timpla ng araw ng Don.

Subalit, nang dahil kay Xavier ay tila mauudlot ang pagsang-ayon ng kanilang ama na magpautang ng kapital. Nasira na naman ang araw nito. Sinira ng walang iba kundi ang bunsong anak na sadyang sakit sa ulo.

Sandaling tiningnan ni Xavier ang panganay na kapatid. Kailanman ay hindi rin ito naging mabuti sa kaniya. Sinisigawan at pinapalo rin siya nito noong mga bata pa sila. "Ikaw naman ay umuwi na sa inyo. Nagtutungo ka lang dito kapag may kailangan ka. Naaalala mo lang sila kapag kailangan mo ng pera o kapag nais mong tumaas ang iyong posisyon sa trabaho," saad ni Xavier. Akmang sasampalin siya ni Carlo ngunit pumagitna na ang asawa nito.

"Carlo, nakatingin sa atin ang iyong mga magulang." Paalala ni Almira saka pinandilatan ang asawa. Ngumisi lalo si Xavier sabay tawa na parang nangungutya.

"Reputasyon. Dangal. Pangalan. Ano pa?" tawa nito sabay turo sa kanila. "Hanggang saan aabot ang inyong pagtitimpi upang alagaan ang mga walang kuwentang bagay na 'yan. Nais niyong maging mahinahon at kagalang-galang sa paningin ng madla subalit sa totoong buhay ay isa kayong malaking huwad at mapagpanggap!" patuloy ni Xavier sabay tawa. Saktong dumating na si Manang Dioneng. Napatigil siya nang maabutan ang mabigat na tensyon at pagtawa ni Xavier sa harap ng pamilya nito.

"Tumigil ka na, Xavier!" suway ni Don Antonio subalit hindi nagpatinag si Xavier. Sa tuwing lango rin siya sa alak ay mas lalo siyang tumatapang. Nagagawa niyang sabihin ang mga tumatakbo sa kaniyang isipan nang walang pag-aalinlangan.

"Alam niyo kung anong bagay ang hindi niyo karapat-dapat na matamo? Respeto. Hinding-hindi kayo karapat-dapat na respetuhin. Ang mga tulad niyong pakitang-tao ay nararapat lang na maging laman ng usap-usapan. Bakit kayo takot sa mga balitang kumakalat sa paligid tungkol sa inyo? Pinapatunayan niyo lamang na natatakot kayong mabatid nang lahat ang tunay niyong anyo!"

"Hindi ka na namin nais patulan, Xavier. Kung tutuusin, hindi na kailangang sabihin pa ngunit nababatid ng lahat na wala kang mararating sa buhay. Nagpapakasaya ka upang itago ang katotohanang mahina ang iyong ulo, wala kang talentong maipagmamalaki, at walang magandang hinaharap. Sino ang huwad at mapagpanggap sa ating dalawa?!"

Hindi nakapagsalita si Xavier, pilit niyang pinipigilan ang paghigpit ng kaniyang kamao. "Tanggapin mo na lang na hanggang diyan ka na lang. Pasalamat ka dahil sina ama't ina na ang gumagawa ng paraan upang kahit papaano ay maikasal ka sa mayamang pamilya. Bakit, kaya mo bang maikasal sa kilalang pamilya nang mag-isa? Hindi. Nalalaman ng lahat ng isa kang bulakbol, estupido, sira ulo, at laman ng gulo. Walang babaeng magpapakasal sa 'yo nang kusa. Tiyak na magtitiyaga ka na lang sa mga babaeng dukha upang may magsilbi sa 'yo."

Nang dahil sa mga salitang binitiwan ni Carlo at ang paghamak nito ay hindi na napigilan ni Xavier ang sarili. Sinuntok niya sa mukha ang kapatid dahilan upang mapasigaw sina Doña Antonia at Almira. Gumanti rin ng suntok si Carlo dahilan upang mapabagsak sila sa sahig. Nabasag ang mga porselang paso at ilang kagamitan sa salas habang naghihiyawan ang dalawang Doña at sumisigaw naman si Don Manuel ngunit hindi na marinig ang kaniyang boses sa sunod-sunod na pagkasira ng kanilang gamit at hindi maawat na sigawan sa loob ng kanilang tahanan.


TUNAY na sa bawat hakbang ay kaakibat ng mabigat na desisyon. Hindi natin nalalaman kung anong kapalaran ang ating haharapin sa oras na tahakin natin ang ibang direksyon. Maging si Segunda ay hindi sigurado sa kahihinatnan ng kaniyang pasya, at ngayon, sa bawat hakbang niya patungo sa makipot na lagusan ng dambana ng kumbento ay hindi matigil ang pagkabog ng kaniyang dibdib dahil sa matinding kaba at pag-aalinlangan.

Ngayon ay nakatakdang araw ng kanilang pagkikita ni Xavier upang mabayaran niya ang kaniyang pagkakautang. Wala siyang ibang dala kundi ang kaniyang sarili at ang isang lampara na siyang tanglaw niya sa madilim na gabi.

Hindi siya nahirapang buksan ang pinto sa likod ng dambana dahil ipinahiram iyon ni Ester sa kaniya. Hatinggabi, tulog na ang lahat at nagawa na rin niyang tapusin ang isang daang libro na kaniyang isinalin bilang parusa.

Malamig na hangin at amoy ng lupang nabasa sa mahinang ulan ang sumalubong sa kaniya nang buksan niya ang pinto. Mabuti na lamang dahil may suot siyang talukbong kung kaya't may panangga siya sa ginaw at hamog ng gabi.

Mula tanghali ay makailang ulit na umaambon ngunit hindi natutuloy ang pag-ulan. Marahil ay may hinihintay ito kung kaya't nagagawa pang pigilan ang bagsak ng ulan.

Marahang isinara ni Segunda ang pinto saka inilibot ang mga mata sa paligid. Nababalot ng kaunting hamog ang maliit na hardin sa likod. Bagaman madilim, naaaninag pa rin ang mga puting rosas sa hardin dahil sa kulay dalisay nito mula sa bilog na buwan na nahaharangan ng manipis na ulap sa kalangitan.

Nagsimulang maglakad si Segunda sa hardin hawak ang lampara sa pag-asang maaaninag si Xavier. Hindi nagtagal ay nakita niya itong nakasandal sa pader ng dambana habang nakasuot ng makapal na itim na gabardino. Bakas sa hitsura ni Xavier na siya'y nilalamig ngunit walang ibang masilungan sa gitna ng mga pananim na bulaklak.

"Bakit kay tagal mo?" reklamo ni Xavier habang may kagat na tobacco. Napansin ni Segunda na nakasuot pa ito ng sombrero na tila dadalo sa pormal na okasyon. "Kanina pa ako nilalamig. May mga langgam din ata rito," patuloy ni Xavier na nagawa pang tingnan ang kaniyang sapatos. Hindi niya magawang sindihan ang sigarilyo dahil maglilikha iyon ng liwanag at usok.

Sandaling tinitigan ni Segunda si Xavier. Napagtanto niya na si Xavier ang tipo ng tao na hindi uso ang pagbati sa mga kausap o pagkilos ng pormal kasabay ng mga salitang ginagamit ng lahat upang bumati o magbigay-galang.

Si Xavier ang tipo na hindi nag-aalala sa sariling imahe at panghuhusga ng iba. Siya ang tipo rin ng lalaki na hahamakin ang lahat masunod lang ang nais niyang maisakatuparan. Pulos mga mura, pangangantyaw, at salitang hindi sinasalin o pinapagaan ang mga lumalabas sa bibig nito.

Minsan na rin niyang naulinigan na marami itong nililigawang babae na sa huli ay iniwan sa ere dahil ang lahat ay laro lamang para sa kaniya. Hindi rin ito nagseseryoso sa pag-aaral at walang ibang ginawa kundi ang magpakasaya, manghamak ng iba, at maging puno't dulo ng kaguluhan.

Subalit, si Xavier lamang ang tanging makakapitan niya ngayon upang maisakatuparan ang buhay na matagal na niyang pinapangarap. Ilang oras siyang nagdasal sa Poong Maykapal at humingi ng tawad dahil tunay na hindi buo ang kaniyang loob na magsilbi sa Simbahan habambuhay. Totoo rin na pumasok lamang siya sa kumbento upang umiwas sa usap-usapan at panghuhusga ng mundo.

Ang mga babaeng tumatandang walang katuwang sa buhay ay siyang kaawa-awa sa mata ng lipunan. Paano na lamang mabubuhay ang babae kung wala siyang asawa't mga anak? Sino ang mag-aalaga sa kaniya sa oras na siya't tumanda? Sino ang makaaalala sa kaniya gayong wala nang henerasyon na susunod sa kaniyang yapak. Siya'y mabubura lamang sa mundo at makalilimutan ng lahat tulad nang kung paano madalas makalimutan ang kaniyang presensiya sa gitna ng maraming tao.

"B-bakit? Hindi mo naman ako papaslangin at ililibing sa hardin na 'to, Ano?" tanong ni Xavier nang makaramdam ng pagkailang dahil nakatitig lang si Segunda sa kaniya na tila may malalim itong iniisip. Niluwagan ni Xavier ang butones sa leeg ng kaniyang gabardino. Nanunuyot na rin ang kaniyang boses dahil mahigit dalawampung minuto na siyang naghintay sa labas.

"Huwag na nating patagalin pa ito. Akin na ang tatlong daang piso," saad ni Xavier sabay lahad ng kaniyang kamay upang hingiin ang salapi. Nanatiling nakatayo si Segunda at nakatingin sa kaniya dahilan upang makanot ang kaniyang noo.

"Kapatid ni Jacinto, ako'y hindi nakikipagbiruan sa 'yo. Ibigay mo na sa akin nang matapos na." ulit ni Xavier sabay taas ng kilay saka inusisa si Segunda na halos walang kurap na nakatingin sa kaniya na para bang siya ang may utang at dapat na magbayad.

Tiningan niya si Segunda mula ulo hanggang paa. Napansin niya na wala itong dalang baul o bayong na maaaring paglagyan ng salapi. "Ikaw ba ay nakikinig sa----" hindi na natapos ni Xavier ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na si Segunda.

"Magpakasal tayo." Derechong saad ni Segunda. Ang mga mata nito ay puno ng determinasyon na tila ba wala nang ibang paraan kundi ang gawin iyon. Napakunot ang noo ni Xavier, bakas sa kaniyang hitsura ang pagkalito sa sinabi nito. Sa isip niya ay maaaring mali lang siya nang narinig.

Nagsimulang humakbang si Segunda papalapit kay Xavier dahilan upang wala itong magawa kundi ang mapasandal na lamang sa pader. "Magpakasal tayo at lumayo sa lugar na 'to," patuloy ni Segunda dahilan upang hindi makapagsalita si Xavier at mapatulala na lang sa dalaga. Ni hindi rin nito namalayan na nahulog mula sa kaniyang bibig ang kagat na sigarilyo.

Hindi maunawaan ni Xavier kung anong pumasok sa utak ni Segunda upang sabihin iyon. Hindi niya rin maunawaan kung bakit hindi siya agad nakatanggi sa nais nitong mangyari. Kung ang pagpapakasal ang tanging paraan upang makalayo siya sa puder ng kaniyang magulang...

Maaaring hindi na rin masama ang bagay na iyon.


***********************************

#Segunda

https://youtu.be/ywV8LsuSIK8

"Iglap" by Tanya Markova

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro