Kabanata 14: Colours Café

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

KABANATA 14—Colours Café


"SURE KA bang hindi na natin siya pupuntahan sa loob?"

Pang-ilang beses na tanong na niya 'yan sa akin. Do'n kasi kami sa dormitory niya dumiretso kanina pero si ate Lyz yung nadatnan namin, yung landlady niya, at sinabing pumasok daw sa eskwelahan ngayon si Orange. Sa aming dalawa talaga, siya ang mas gugustuhing pumasok sa school kaysa gumimik katulad ko. Hindi ko nga alam kung paano kami naging mag-best friend, e. Sobrang magkaiba kasi ang ugali naming dalawa ni Orange. Mabuti talaga at natitiis niya pa ako.

"'Wag na at palabas na rin 'yon."

"Creamy, may problema ka ba? Para kasing kagabi pa mainit ulo mo, e."

"Wala akong problema." pagsisinungaling ko.

Alam ko kasing mali 'tong nararamdaman ko, e. Kaya hangga't maaari kailangang mapigilan ko pa 'to.

Ilang saglit pa at natanaw ko na si Orange na kalalabas lang. "Ayon na siya."

"Sige, ako na lang ang lalapit sa kanya at dito ka na lang."

Hindi agad ako nakapag-react sa sinabi niya. Mabilis din kasi siyang lumabas. Kaya naman wala na kong nagawa pa kundi panoorin na lang silang dalawa habang nag-uusap. At nanlaki na lang ang mga mata ko ng parehas silang ngiting-ngiti na naglalakad papalapit dito.

"Sa likod ka muna umupo, Creamy. Diyan uupo si Orange."

Alam kong magkasalubong na ang dalawa kong kilay dahil sa sinabi sa akin ni Blue mula sa ear pod na nakakabit na naman sa mga tainga namin.

"Saan ba tayo pupunta, Blue?"

Napanganga ako nang marinig ko ang tono ng pananalita ng best friend ko. Aba't talaga naman! Kailan pa sila nagkakilala at parang close na close na sila agad?Pero mas napanganga pa ako nang pagbuksan ni Blue si Orange at inalalayan pang makaupo sa may passenger's seat. Kasi naman, ni minsan hindi niya ko pinagbukas ng pintuan!

Bakit ka naman niya kasi pagbubuksan, e, kaya mo namang tumagos lang?

Tahimik lang naman ang naging buong biyahe. Nakatingin lang sa labas si Orange habang pasulyap-sulyap naman sa aming dalawa si Blue. Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya o ano pero sa tuwing magkakatitigan kami, ngumi-ngisi na lang siya basta. Nagulat ako nang ilag saglit lang, nag-park na si Blue sa isang coffee shop.

"Paano mo nalaman?"

"Paano mo nalaman?"

Nagulat ako nang sabay kaming magsalita ni Orange. Hindi ko alam kung sinadya niya ba talaga na dito dalhin si Orange sa paborito naming coffee shop—ang Colours Café—o nagkataon lang. Wala naman kasi akong natatandaan na kinuwento sa kanya na dito kami madalas tumambay ni Orange kaya nakakapagtaka lang.

"Sinabi sa akin ni Creamy na madalas kayong magpunta ditong dalawa."

Sinamaan ko siya ng tingin dahil sa sinabi niya. "Hoy! Wala akong natatandaan na may sinabi ako sa 'yo, ha! Gumagawa ka na naman ng kuwento!" pasigaw na sabi ko.

At ang mokong, hindi man lang ako pinansin. Aba't sinusubukan talaga ako nito, ah!

Sa may bandang dulo sila pumwesto. "Totoo ba yung sinasabi mong nakikita at nakakausap mo si Creamy?"

Sasapakin ko na sana si Blue nang magsimula ng magsalita si Orange.

"Para kasing hindi kapani-paniwala. Um... alam mo na, nasa 21st century na tayo. Saka sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ako sumama sa 'yo, e, hindi naman talaga kita kilala."

"Baka kasi sobrang guwapo ko kaya hindi—aray!"

Galit akong tinitigan ni Blue nang tapakan ko ng napakalakas ang paa niya.

"Ibigay mo na nga yung mga pinabibigay ko!"

"Tsk. 'Wag ka ngang magulo sa diskarte ko." sagot niya sa akin.

"Blue? Sino ang kausap mo?"

"Ah, wala. 'Yong magulo mo lang best friend. Nagseselos kasi ata—aray! Ito na nga, o."

"Ayos ka lang ba, Blue?" nag-aalalang tanong ni Orange kay Blue.

"Hay naku, Orange! Ayos lang 'yang mokong na 'yan. Nag-iinarte lang 'yan."

"Nga pala, ipinabibigay ng best friend mong nasa menopausal stage na ata." pang-aasar na sabi niya sabay abot ng isang set ng sari-saring bagay na kulay Orange—relo, bracelet, damit, at yung ballpen na gustong-gusto niya pero parating out of stock. Sa totoo lang, matagal ko ng nabili yung ballpen na 'yon. Naghanap lang talaga ako ng tamang timing para ibigay 'yon sa kanya.

"OMG!" tanging nasabi ni Orange matapos niyang makita ang mga ipinabigay ko.

"May pinapasabi rin pala si Creamy," muling pagsasalita ni Blue. "Una sa lahat, gusto niya raw magpasalamat dahil parati kang nandiyan para sa kanya. Salamat daw sa suporta at pag-iintindi. Lalo na sa pagdamay sa kanya sa mga panahong malungkot siya at kailangan niya ng isang best friend na katulad mo. Sobrang suwerte niya raw na ang katulad mo ang naging best friend niya.

"Gusto niya rin daw na mag-sorry dahil alam niyang malaki ang pagkukulang niya bilang best friend mo. Ipinapangako niya raw na babawi siya sa 'yo."

Sa unang pagkakataon, nakita kong umiyak si Orange. Siya kasi yung tipo ng tao na mas gugustuhing umiyak mag-isa kaysa ipakita pa ito sa iba. Kaya naman natutuwa ako na nakita kong umiyak si Orange—hindi dahil nasasaktan siya kundi dahil masaya siya. Tears of joy, kumbaga.Pero naiinis pa rin talaga ako kay Blue!


KANINA PA ako nakaupo dito sa loob ng sasakyan ni Blue at hinihintay siya. Paano ba naman kasi, may gusto pa raw siyang sabihin kay Orange. Mukhang ayaw niya talagang iparinig sa akin kung ano ang sasabihin niya dahil nakita ko pa kung paano niya tanggalin yung ear pod sa tainga niya. Dahil sa sobrang pagkainis sa kanya, hinayaan ko na lang siya. Alam ko naman kasing may gusto siya sa best friend ko. Yung paraan pa lang niya ng pagtitig kay Orange, ibang-iba na. Hindi ko naman siya masisisi dahil halos na kay Orange na nga ang lahat—matalino, mabait, at maganda pa. Wala ka ng ibang mahihiling pa. Perfect girlfriend material para kay Blue.

Teka! Bakit ko ba sila iniisip? Tsk.

Napatigil ako sa pag-iisip nang may biglang kumatok mula sa bintana ng sasakyan.

"E-Enzo? OMG! Enzo, ikaw nga!"

Dali-dali akong lumabas mula sa sasakyan nang mapagtanto kong si Enzo nga yung kumakatok sa bintana. Paglabas ko, hindi ko na napigilan ang sarili ko at yinakap ko na siya. Hindi ko alam kung bakit pero kasi parang... sobrang na-miss ko siya.

"O, sobra mo ba akong na-miss at kung makayakap ka parang isang taon tayong hindi nagkita?" natatawang sabi ni Enzo.

"Ay, sorry." natatawa ring sabi ko sabay alis ng pagkakayakap sa kanya.

"Kumusta na?"

Sasagot na sana ako nang biglang may tumawag sa akin. Kalalabas lang pala nila Blue. Sa tingin ko nakikita niya rin si Enzo dahil ang sama ng tingin niya rito. Hindi ko na lang siya pinansin at hinawakan ang kamay ni Enzo sabay teleport. Narinig ko pang tinawag ni Blue ang pangalan ko pero hindi ko na siya pinansin pa.

"May problema ba kayo nung lalaking 'yon? Bakit parang... ang sama ng tingin n'on sa akin?"

"Huwag mo na siyang pansinin. Magme-menopause na kasi 'yon." natatawang biro ko.

"Magme-menopause? 'Di ba para lang 'yon sa mga babae?"

Poker face ko siyang tinitigan dahil sa tanong niya. Hindi niya ba nakuha yung joke ko? Ano ba naman 'yan! Ang guwapo rin sana kaso slow.

"Wala. 'Wag mo ng isipin 'yon." sabi ko. "Ikaw, kumusta ka na? May progress na ba?" pag-iiba ko sa usapan.

"Wala pa nga rin, e."

"Enzo..."

"Alam mo, kahit gustong-gusto ko pang magpatuloy. Para kasing unti-unti na kong nawawalan ng pag-asa."

Parang mas nalulungkot at nasasaktan ako sa pinagdadaanan ni Enzo. Ang hirap naman kasi ng sitwasyon niya, e. Sobrang hirap.

"Gusto mo ba kausapin na natin si Goddess M? Susubukan ko siyang tawagin. Subukan nating hingin yung ibang detalye para sa misyon mo—"

Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang bigla na lang humangin ng malakas. At nagulat na lang kami dahil sa matandang biglang sumulpot sa harapan namin.

"S-sino ka?"

"Lola Solidad?!"

Sabay na sabi namin ni Enzo bago kami nawalan pareho ng malay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro