Kabanata 15: The Jealous Lost Soul

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

KABANATA 15—The Jealous Lost Soul


HANGGANG NGAYON hindi pa rin ako makapaniwala sa mga katotohanang nalaman ko mula kay Lola Solidad o Goddess Sol, the Goddess of all Goddesses. Sa impormasyon pa lang na 'yon, hindi na nga ako makapaniwala. Naging malinaw na tuloy sa akin yung araw ng una naming pagkikita. Pero may isang bagay talaga akong hindi makalimutan mula sa mga sinabi niya. Isang bagay na tanging makakatulong upang makabalik si Enzo sa katawan niya. Isang bagay na kailangan ng pagsasakripisyo ko. Muli ko tuloy naalala yung huli naming pag-uusap kanina bago nagkamalay si Enzo.

"Ikaw ang natatanging makakatulong kay Enzo upang makabalik siya sa katawan niya."

"Goddess Sol, ano pong ibig niyong sabihin? Hindi ko po kayo maintindihan."

"May pagpipilian ka naman, Creamy. Ang muli kang mabubuhay at makabalik sa katawan mo pero mamamatay naman si Enzo o si Enzo ang mabubuhay at makakabalik sa katawan niya pero ikaw naman ang mamamatay."

"Bakit po gano'n? Bakit sa akin po nakasalalay ang buhay ni Enzo?"

"Dahil ikaw ang dahilan kung bakit siya napunta sa sitwasyong 'to."

"Ano pong ako ang dahilan? Hindi ko po maintindihan! Bakit ako? Ni hindi ko nga lubusang kakilala 'yang si Enzo, e."

"Nagkakamali ka, Creamy. Kilang-kilala mo si Enzo."

"Huh?"

"Ngayon, may tatlong araw ka pa para magdesisyon. Kung itutuloy mo pa ba ang misyon mo upang makabalik ka na sa katawan mo o ipapaubaya mo na ito kay Enzo upang siya na ang mabuhay muli. Tatlong araw lang, Creamy. Tatlong araw na lang..."

Hindi ko napansin na umiiyak na pala ako. Para kasing may nagtatalo sa isipan ko, e. Totoo naman kasing hindi ko kakilala si Enzo pero bakit gan'to ang epekto niya sa akin? Parang sobrang tagal na nga naming magkakilala. Pero hindi ko talaga maalala na nagkakilala na kami.

"Creamy, nandito na tayo."

"A-ah, a-ano 'yon?"

"Kanina ko pa napapansin na ang tahimik mo at parang ang lalim ng iniisip mo. May problema ba?"

"Enzo..."

"Creamy, okay lang naman sa akin na sabihan mo ko ng mga problema mo, e. Makikinig ako."

Ngayon ko lang napagtanto na gan'to pala ang pakiramdam kapag kailangan mong mag-sakripisyo para sa ibang tao. Para sa kapakanan nila. Ang hirap pala talaga.

"Ah, wala 'to, Enzo. Napagod lang siguro ako."

"Gano'n ba? O sige, mauuna na ako sa 'yo."

"Sandali lang."

"Bakit, may kailangan ka pa?"

"Puwede bang sumama ka sa amin ni Blue bukas sa resort ng tita ko? Kung wala ka lang namang gagawin. Pero kung meron, okay lang naman—"

"Sige ba, ayos lang sa akin."

"T-talaga?"

"Oo naman. Sige, mauna na ko. Kita na lang tayo bukas."

Saktong pag-alis ni Enzo saka ko narinig ang boses ni Blue mula sa likuran ko. Paglingon ko, magkasalubong na naman ang dalawang kilay niya. Ano na naman ang problema ng isang 'to?

"Saan ka nagpunta, huh? Bakit hindi ka nagpapaalam? Saka sino yung kasama mong lalaki kanina?"

"Blue, pagod ako. Puwede bang mamaya na tayo mag-usap?" sabi ko sabay teleport papunta sa unit niya.

Pagdating ko, sa kusina agad ako dumiretso para uminom ng tubig. Iba ang pagod na nararamdaman ko ngayon. Siguro dahil na rin sa mga nalaman ko at pinag-iisip ko. Ilang saglit lang narinig ko na ang pagpasok ni Blue. Kaya naman dali-dali kong itinabi yung baso ko at agad na nag-teleport papunta sa kuwarto ko.

"Creamy! Alam kong nasa loob ka. Buksan mo 'tong pinto. Kausapin mo nga ako!"

Nagbingi-bingian ako at hindi pinansin ang pagkatok niya. Ang kulit din naman kasi ng isang 'to, e. Sinabi ngang pagod ako, ayaw pa rin akong tantanan.

"Sige, 'wag mo 'tong buksan. Maghanap ka na lang ng taong sasama sa 'yo bukas sa resort ng tita mo—"

"Blue naman kasi!"

"O, akala ko hindi mo na ako pagbubuksan."

"Ang kulit mo kasi. Iba-blackmail mo pa ako."

"Hindi kita bina-blackmail."

"E, ano sa tingin mo yung ginagawa mo?"

"Gusto ko lang naman kasing malaman kung bakit bigla ka na lang umalis kanina tapos may kasama ka pang lalaki."

"Si Enzo 'yong kasama ko, okay? May pinuntahan lang kami sa kung saan at wala ka na ro'n. Ano, may tanong ka pa?"

"Ano yung relasyon mo sa kanya?"

"My God, Blue! Ano ba yung pinag-iisip mo? Magkaibigan lang kami ni Enzo."

"Okay."

"E, kayo ni Orange, anong pinag-usapan niyo kanina?"

"Niyaya ko lang siya na sumama sa lakad natin bukas."

"Ano?!"

"Bakit, ayaw mo ba? Hindi mo ba nami-miss yung best friend mo?"

Hindi ko alam kung ano ba talaga ang gustong mangyari nitong si Blue. Pero kaunti na lang, maaasar na talaga ako.

"Okay. Tamang-tama at pumayag na rin si Enzo na samahan ako bukas."

Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at isinara ko na agad ang pintuan. Todo takip ako sa tainga ko para kahit papaano hindi ko marinig ang nakakairitang pagsigaw ni Blue. Tsk. Big deal ba sa kanya ang pagsama ni Enzo sa amin? Mukhang tanga, ah.


PAREHAS NA magkasalubong ang mga kilay namin ni Blue habang hinihintay ang pagdating ni Orange. Ang usapan kasi namin 6AM ang call time dahil halos apat hanggang limang oras din ang biyahe papunta sa resort ng tita Maris ko. Pero 6:24AM na wala pa rin ang magaling kong best friend.

"Dadating pa ba si Orange?" naiinis na tanong ko kay Blue.

"Oo naman. Bakit naman hindi?" pabalang na sagot niya.

"Nagtatanong lang ako, 'di ba?"

"Sumasagot naman ako, 'di ba?"

"Guys, nag-aaway ba kayo?" napatingin kami parehas kay Enzo nang magtanong siya at sabay kaming sumagot ng, "Hindi!"

"No offense, p're, huh? Pero ano bang gagawin mo do'n at naisipan mong sumama?"

"H-huh?"

"Blue, ano ba! Ako ang nagsama sa kanya. 'Wag ka ngang makialam. E, bakit 'yang si Orange, ano bang gagawin niya ro'n at g na g siyang sumama, aber?"

"Best friend mo siya, Creamy. Kaya ayos lang naman siguro na sumama siya. E, 'yang lalaking multong 'yan, kakakilala mo pa lang."

"Pero kaibigan ko naman na siya. So, what's the problem?"

"You! You are the problem and your immaturity."

"Excuse me? Sa ating dalawa, ikaw ang mas immature, 'no!"

"Hindi nga talaga kayo nag-aaway, 'no?"

Sasagot pa sana kaming dalawa sa sinabi ni Enzo nang saktong dumating na ang pa-VIP kong best friend.

"Blue, sorry kung medyo na-late ako. Nag-review pa kasi ako kagabi kaya na-late na kong gising. Pasensya na talaga."

"No, it's fine. Maaga pa naman, e."

Hindi ko na lang pinansin ang paglalandian—este pag-uusap nila at pumasok na ko sa sasakyan. Syempre, dahil kasama namin si Orange—na tao at hindi kaluluwa na katulad ko, este namin ni Enzo—do'n siya sa may passenger's seat nakaupo habang nasa backseat naman kaming dalawa ni Enzo.

"Ikaw nga, Creamy, umamin ka nga. Kayo ba nitong si Blue?" bulong sa akin ni Enzo nang magsimula nang i-start ni Blue ang sasakyan.

"What?!" gulat na sigaw ko. "Hindi, 'no! Over my dead and sexy body."

Pagkasabi ko niyon, nagulat na lang ako sa biglaan niyang pag-preno at dahil hindi pa ako nakakapagsuot ng seatbelt, nasubsob tuloy ako at tumagos kay Orange.

"Blue, okay ka lang? May problema ba?" rinig kong pag-aalalang tanong ni Orange.

"H-huh? Ah, wala. May nakita lang kasi akong padaan na pusa." nagpipigil namang tawa ni Blue.

Muntikan ko na siyang mabatukan kung hindi lang ako napigilan ni Enzo.

Tahimik lang ang naging biyahe pero bigla na namang nagising ang diwa ko sa muling tanong ni Enzo. "So, kung hindi kayo? One-sided love lang, gano'n? Mukha kasing nagseselos ka kasi na kasama natin ang best friend mo, e."

Hindi ko alam pero hindi agad ako nakasagot sa sinabi niya. Teka—nagseselos nga ba talaga ako sa kanila ng best friend ko?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro