Kabanata 1: Ibig Kitang Makilala

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 1]

MAINGAT na isinawsaw ni Socorro ang pluma sa tinta saka pinagmasdan iyon na halos ikaduling niya. Samantala, walang kurap na nakatingin sa kaniya ang kapatid niyang si Amor at ang kaibigang si Nova. Animo'y pinapanood nila ang sagradong ritwal sa pagsusulat ni Socorro ng liham.

Tahimik silang nakaupo ng paikot sa loob ng maliit na bahay na nasa sanga ng puno ng Acasia. Matatagpuan iyon sa gitnang lupain ng hacienda De Avila. Ang munting bahay-bahayan sa itaas ng puno ay nagsilibing pahingahan at palaruan ng magkakapatid noong mga bata pa sila. Ngayon ay tanging sina Socorro at Amor ang madalas naroroon.

Maraming libro sa loob ng maliit na bahay. Karamihan ay mga akda ng paboritong manunulat ni Socorro na kilala sa tawag na Palabras Perdidas. Walang araw na hindi niya nababanggit kung gaano kaganda ang mga akda nito. Madalas sa kanyang pananalita ay nagagamit niya ang mga salitang binuo ng manunulat.

"Mahalaga ang bawat guhit na nililikha ng plumang ito na siyang bubuo ng mga salitang ating gagamitin." Paliwanag ni Socorro saka tiningnan ang dalawa. Oras ng tanghali, hindi nila alintana ang musika, tawanan, at kasiyahan ng mga panauhing isa-isang nagsisidatingan sa mansion ng pamilya De Avila.

Kaarawan ng kanilang ama, si Don Jose Epifanio De Avila na isang mahusay at kilalang inhinyero. Karamihan sa naging proyekto nito ay mga gusali at kalsada sa kalakhang Maynila. Tanyag din ang propesor sa mga kabataan dahil isa siya sa mga ipinagmamalaking propesor. Si Don Epifanio ay ang tanging tagapagmana ng kayamanan ng mga De Avila na kilalang nagmamay-ari ng limang malalaking barko na ginagamit sa pangangalakal sa ibang bansa.

"Tunay na nakakahalina ang maayos at malinis na pagkakasulat sa mga liham." Pagsang-ayon ni Nova, ito ang unang beses na nakatangap siya ng liham mula sa manliligaw. Sinubukan niyang tugunan ang liham nito ngunit hindi niya magawa nang maayos kung kaya't nagpatulong siya sa matalik na kaibigang sina Socorro at Amor.

Iniabot ni Socorro ang pluma kay Nova, "Oras na upang maipahayag mo ang iyong damdamin sa lalaking ito." Ngiti ni Socorro, sinubukang ngumiti ni Nova ngunit napahinga siya nang malalim saka napayuko.

"Maaari bang ikaw na lang ang magsulat para sa akin? Ako'y hindi bihasa sa paggamit ng magagandang salita. Bukod doon ay nagkakamali ako sa pagbabaybay." Hinawakan ni Amor ang balikat ni Nova. Katulad niya ay hindi rin siya makabuo ng magandang liham. Kung kaya't madalas ay umaasa siya sa kanyang kapatid na si Socorro.

Napatikhim si Socorro saka ngumiti, "Ikinalulugod kong tulungan ka, Nova. Ako ang bahala sa iyo." Ngiti ni Socorro saka muling isinawsaw ang pluma. Pinabasa ni Nova kina Socorro at Amor ang liham na pinadala sa kaniya ng manliligaw.

Napatakip ang bibig ni Amor upang pigilan ang sarili dahil sadyang nakakahalina ang metaporang ginamit ng lalaki. Samantala, nakailang tango si Socorro bilang pagsang-ayon sa ganda at lalim ng liham.

Napansin ni Socorro na matalino ang lalaki, sa mga salitang ginamit pa lang nito kung paano niya inilarawan ang paghanga kay Nova ay hindi maitatangging magaling ito sa panitikan. "Nasaan siya ngayon?" Tanong ni Socorro, kailangan niya ng ilang impormasyon bago makabuo ng itutugon sa liham.

"Siya ay nasa Maynila. Nag-aaral ng abogasya sa kolehiyo." Ngiti ni Nova na namumula ang pisngi. Napangiti ang magkapatid na De Avila. Nagtanong pa ng ilang detalye si Socorro upang mas maibagay ang isusulat na liham.

"Tila pagdating ng araw ay maninirahan ka na rin sa Maynila!" Ngisi ni Amor saka sinubukang kilitiin si Nova.

"Hindi malabong mangyari iyon, Nova. Halika, simulan na nating kulayan ang iyong buhay pag-ibig." Ngiti ni Socorro saka nagsimulang magsulat. Sinundan nila ng tingin ang paglapat ng pluma sa malinis na papel habang isinusulat ni Socorro ang pangalan ng binatang nagpapatibok sa puso ni Nova.

Makalipas ang ilang minuto na halos hindi sila humihinga nang maayos ay natapos na ni Socorro ang liham. Hindi makapaniwala sina Nova at Amor na makakagawa ng liham si Socorro sa loob lang ng halos sampung minuto.

Hindi na rin sila nagtaka sapagkat kilala nilang magaling sa larangan ng panitikan si Socorro. Mahilig itong magbasa, gumawa ng tula, at madalas nagiging representante sa balagtasan at pagtatalumpati tuwing piyetsa.

"Nova, ihanda mo na ang iyong sarili. Gaya ng iyong hangad, ipaubaya mo na sa Poong Maykapal ang araw ng inyong kasal." Biro ni Socorro dahilan para mabasag ang katahimikan at tumawa sina Nova at Amor.

Halos magdikit ang mukha nina Nova at Amor upang basahin ang liham na nabuo ni Socorro.

Mahal kong Ambrosio,

Ipagpaumanhin mo na ngayon lamang ako nakatugon sa iyong liham. Aking nauunawaan ngayon ang winika ni Francisco Baltazar, "Hindi ko makita ang patas na wika, sa kaguluhan ko't pagkawalandiwa, nang makiumpok na'y ang aking salita, anhin mang tuwirin ay nagkakalisya." Ang aking puso ay tunay na nabigla sa iyong paglalarawan sa akin. Salamat, Ambrosio sa iyong mga tinuran. Ngayon ay hayaan mong ako naman ang magpahayag ng aking saloobin.

Kung minsan ba ay sumasagi sa iyong isipan ang mangyayari sa ating kinabukasan? Nagagawa mo bang ibulong sa hangin ang iyong mga hangarin at mithiin? Ano ang mga bagay na iyong kinasasabikan at nagbibigay sa iyo ng kasiyahan? Ano rin ang mga bagay na nagdadala sa iyo ng dalamhati at kalungkutan?

Ang mga bagay na ito ang siyang una kong ibig malaman tungkol sa iyo. Hayaan mong kilalanin muna natin ang isa't isa. Nais kong malaman kung ano ang tumatakbo sa iyong puso't isipan sa tuwing tayo ay magkalayo. Kung nagagawa ko bang bumisita sa iyong gunita sa tuwing ikaw ay nag-iisa at nakakaramdam ng pangungulila?

Aking nababatid na hindi sapat ang liham na ito upang makilala natin ang isa't isa. Ngunit nais kong simulan ang paghakbang patungo sa iyong mundo. Handa ko ring salubungin ka sa aking buhay dahil ibig kitang makilala nang lubusan.

Napatili sa tuwa sina Nova at Amor nang mabasa ang unang pahina ng liham na ginawa ni Socorro. Tatlong pahina sana ang gustong ibigay ni Nova dahil anim na pahina ang nagawang isulat ni Ambrosio. "Sandali. Hindi ba tayo hahanapin sa bulawagan?" Napalitan ng kaba ang hitsura ni Nova nang maalala na kanina pa sila hindi bumabalik sa salo-salo.

Pinapantay na ni Socorro ang pangalawang papel na susulatan niya. "Huwag kang mag-alala, abala silang lahat sa pagdiriwang ngayon." Saad ni Socorro at sinimulan na muli ang pagsusulat.

"Magtutungo muna ako roon upang siguraduhin na walang naghahanap sa atin." Wika ni Amor saka payukong tumayo dahil matangkad na sila at hindi na makakatayo ng tuwid sa maliit na bahay.

Nagpatuloy sa pagkukuwento si Nova habang nagsusulat si Socorro upang madagdagan ang liham na isinusulat nito. "Kay ganda ng iyong sulat-kamay." Namamanghang wika ni Nova habang nakatitig sa marahang pagbuo ni Socorro ng mga salita.

"Ito marahil ang nagiging kinalabasan sa tuwing pinapataas sa amin ni ina ang mga libro." Ngiti ni Socorro na sinabayan ng tawa ni Nova. "May mabuti rin palang naidudulot ang pagtanggap ng parusa."

"Kung makakapagpalimbag ka rin ng aklat. Tiyak na maiibigan ng mga tao ang iyong mga akda." Patuloy ni Nova dahilan para mapatigil si Socorro at mapangiti sa kaibigan. Matagal ng pangarap ni Socorro ang makatapos ng kuwento at mailimbag iyon upang mabasa ng publiko. Ngunit tutol ang kanilang ama kaya palihim lamang siyang nagsusulat.

"Sa oras na dumating ang araw na iyon, iaalay ko sa iyo ang isang kopya ng aking akda." Ngiti ni Socorro, "Magdilang-anghel ka nawa."

"Ako'y naantig sa iyong isinulat. Lalo na ang ideyang kilalanin ko muna siya." Wika ni Nova. Nasa edad na sila kung saan magsisimula nang dumating ang mga manliligaw. Napangiti si Socorro habang patuloy na nagsusulat.

"Kilalanin mo siya gaya nang kung paano mo kinikilala ang iyong sarili. Alamin mo ang kanyang kalakasan at kahinaan na siyang magiging gabay kung paano mo siya pakikisamahan. Ang pagkilala sa isang tao ay kaluluwa ng pag-ibig. Nagsisimula ang paghanga sa hangarin ng sinuman na makilala ang isa't isa." Pagbigkas ni Socorro sa isa sa mga paborito niyang linya mula sa akda ni Palabras Perdidas.

Samantala, mula sa malaking mansion ng pamilya De Avila ay mabilis na narating ni Amor ang likod na pintuan ng kusina kung saan halos abala ang lahat ng kanilang kusinera, agwador, nangangayat ng karne, at mga sebidora.

Agad kumuha ng isang basong inumin si Amor at kunwaring abala habang naglalakad sa pasilyo patungo sa malaking salas kung saan nagaganap ang kasiyahan. Sa kanyang kilos ay tila kanina pa siya naroon, at abala sa pagmamasid sa paligid.

Lumapit si Amor sa kapatid nilang si Agustino na tumutugtog sa piyano at siyang nagbibigay ng indak ng musika. Ang bandang inupahan ng kanilang ama ay darating pa mamayang gabi. Ngayong tanghali ay malalapit na kamag-anak, at kaibigan lang ang inimbitahan ni Don Epifanio. Sa hapunan darating ang iba niyang katrabaho, katuwang sa mga negosyo, estudyante, at mga kaibigang opisyal.

Sandaling tumingin sa kanya si Agustino nang pabulong siyang magtanong kung nasaan ang kanilang ina. Napakibit-balikat si Agustino habang patuloy na tumutugtog. Pabulong din itong tumugon na huwag siyang guluhin ng kapatid dahil baka magkamali siya sa pagtipa.

Nakita ni Amor ang ama sa tapat ng pintuan habang sinasalubong ang mga bisita. Kasama nito sa pagtanggap ng bisita ang panganay nilang kapatid na si Remedios. Ang magkakamag-anak na De Avila at Gonzalez ay ngayon na lamang nagkita-kita kung kaya't hindi matawaran ang matitinis na hiyawan ng mga babae, at ang malalakas na halakhak ng mga lalaki. Samantala, si Concordio ang bunso nilang kapatid ang naging lider ng kanilang mga batang pinsan.

Inis na umalis si Amor at naglakad pabalik sa kusina ngunit napatigil siya nang matanaw ang ina kasama ang mayor doma na bumababa ngayon sa hagdan. Tatalikod na sana siya ngunit nagtama na ang paningin nila ni Doña Maria Marcela De Avila.

Bumulong si Doña Marcela kay Manang Tonya na ngayon ay napatingin na rin sa kinaroroonan niya. Mabilis na bumaba si Manang Tonya upang habulin si Amor na nagmamadaling bumalik sa kusina ngunit napatigil sila nang marinig ang sigaw ng kanilang tiyo.

"Narito ang gobernadorcillo!" Sigaw nito dahilan para mataranta ang mag-asawang De Avila. Hindi nila inaasahan na darating ang gobernadorcillo ng Sariaya na sinubukan nilang padalhan ng imbitasyon. Nakakasama lang nila ito sa ibang salo-salo, ngunit hindi ang sariling pagdiriwang na inihanda ng kanilang pamilya.

"Madali ka, hanapin niyo ang mga bata!" Bulong ni Doña Marcela sa isang serbidora na agad inilapag sa mesa ang mga dalang pagkain. Kasama ang ilan sa mga kasambahay ay dali-dali nilang hinanap ang mga magkakapatid.

"Nakapanghihinayang. Wala sina Feliciano at Jacinto ngayon." Bulong ni Don Epifanio sa asawa nang kumapit na ito sa kanyang braso. Tinatanaw nila ngayon sa pangunahing pintuan ang papalapit na goberndorcillo kasama ang mga bantay nito.

"Huwag mo nang isipin iyon. Ngumiti ka na!" Bulong ni Doña Marcela saka sinubukang ngumiti sa kabila ng matinding kaba. Maging ang mga kamag-anak nilang bisita ay hindi makapaniwala na narito ang goberndorcillo ng kanilang bayan.

Kilalang mahusay sa larangang ng inhenyeria si Don Epifanio ngunit wala itong katungkulan sa gobyerno sa kabila ng samu't saring proyekto ng gobyerno na hinawakan niya. "Magandang tanghali, Don Fernando. Kami ay nagagalak sa pagpapaunlak niyo sa aming imbitasyon." Ngiti ni Don Epifanio saka iniabot ang kanyang kamay na malugod na kinamayan ng goberndorcillo.

"Binabati kita ng maligayang kaarawan, Don Epifanio. Salamat sa paanyaya. Malayo pa lang ay nasasabik na akong maging bahagi ng inyong pagdiriwang." Ngiti ng gobernadorcillo na nasa edad limampung taong gulang.

Agad inanyayahan ng mag-asawang De Avila si Don Fernando Villafuerte sa kanilang tahanan. Bumati at nagbigay-galang din ang ibang mga panauhin. Lumapit ang ilang kalalakihan at nagpakilala ng kanilang propesyon at pinagkakaabalahan.

Ilang sandali pa ay natanaw na ni Doña Marcela si Manang Tonya kasama ang kanyang mga anak na maayos nilang pinahelera upang ipakilala sa goberndorcillo. Nanlaki ang mga mata ni Doña Marcela nang mapagtanto na wala pa si Socorro. Agad siyang tumingin kay Remedios at tinanong kung nasaan si Socorro.

Walang ideya si Remedios kung kaya't ipinasa niyo ito kay Segunda na ipinasa kay Leonora hanggang makarating kay Amor.

"Nasaan si Socorro?" Bulong ng Doña kay Amor na pasimpleng dumaan sa likod ng anak. Nababatid niyang malapit sa isa't isa sina Amor at Socorro. Napalunok sa kaba si Amor. "M-masama po ang pakiramdam niya, Ina. Kanina pa po siya pabalik-balik sa palikuran." Tugon ni Amor na ikinakunot ng noo ni Manang Tonya.

"Walang tao sa palikuran. Kagagaling ko lamang doon." Wika nito dahilan para mas lalong tumalim ang tingin ni Doña Marcela sa anak na halatang pinagtatakpan ang kapatid. "Nasaan si Socorro?" Ulit nito na may halong panggigigil. Kulang na lang ay kurutin niya ito sa tagiliran. Hindi niya nais na masayang ang pagkakataong maipakilala ang kanyang mga anak sa goberndorcillo na maraming koneksyon sa pamahalaan at kolonya ng Espanya.

Napapikit si Amor saka tumingin kay Agustino na tatayo pa lamang mula sa kinaroroonan ng piyano. Naunawaan agad ni Agustino ang paghingi ng saklolo ng kanyang kapatid. Napahinga na lang siya nang malalim saka muling bumalik sa pagkakaupo sa tapat ng piyano at tinugtog ang Symphony No.5 ni Ludwig Van Beethoven.

Nagulat at napalingon ang lahat sa malakas na bagsak ng kamay ni Agustino sa piyano habang tinutugtog ang musikang nakakalikha ng kaba at misteryo. Maging ang mag-asawang De Avila ay halos manghina ang tuhod dahil sa ginagawa ngayon ng kanilang anak. Kararating lang ng goberndorcillo at iyon pa ang naisipan nitong patugtugin.

Agad lumapit si Doña Marcela kay Agustino upang patigilin ito ngunit itinaas ni Don Fernando ang kanyang kamay upang sabihin na hayaan lang ang bata sa pagtugtog. Nagtaka sina Don Epifanio, at Doña Marcela, maging ang mga bata, at ang mga bisita dahil nakangiti at natutuwa ang goberndorcillo sa musikang kaniyang naririnig.

Samantala, napatigil si Socorro nang marinig ang musikang iyon mula sa kanilang tahanan. Agad siyang dumungaw sa bintana. "Bakit?" Nagtatakang tanong ni Nova.

"Si Agustino ba ang tumutugtog ng piyano?" Tanong ni Socorro. Tumango si Nova, "Oo. Pagdating namin kanina ay siya na ang naroon."

"Hindi naaangkop sa kasiyahan ang musikang inihahandog niya." Saad ni Socorro. Kilala niya si Agustino na maingat sa mga kilos nito. Hindi niya maunawaan kung bakit ganoon ang tinutgtog ng kapatid.

"Tila kayo ay may mahalagang panauhin." Wika ni Nova sabay turo sa karwahe na napapalibutan ng bantay dahilan para mapagtanto ni Socorro ang nangyayari.

"Narito ang gobernadorcillo! Kailangan na nating bumalik!" Sigaw ni Socorro. Dali-dali nilang iniligpit ang kanilang gamit. Isinilid sa maliit na maleta ang mga papel, lagayan ng pluma, at sinigurong nakasara nang maayos ang bote ng tinta.

"Paano mo nalaman na iyon ang goberndorcillo?" Tanong ni Nova habang tumatakbo sila nang mabilis ni Socorro pabalik sa mansion.

"Madalas kong makita ang gobernadorcillo sa bayan. Minsan nang iginuhit ni Leonora ang karwahe nito." Tugon ni Socorro na muntik pang madapa. Mabuti na lang dahil nahawakan agad siya ni Nova.

Patuloy ang pagalingawngaw ng musika na mas lalong lumalakas habang papalapit sila. Umaakma ang musika sa kanilang pagmamadali at hindi matawarang kaba. Nang marating nila ang pintuan sa likod ng kusina ay gulat silang napatigil nang makitang nag-aabang na roon si Manang Tonya.

Nakahalukipkip ito at nakataas ang kilay. "Saan ka na naman nanggaling, Socorro?!" Kilalang matapang at disiplinaryo ang mayor doma. Bukod sa kanilang ina ay inalagaan din sila nito at natunghayan sa kanilang paglaki.

Ngumiti si Socorro saka naunang pumasok at pasimpleng ipinasa kay Nova ang hawak niyang maleta. "Naglakad-lakad lang po kami sa hardin, hindi ba?" Wika ni Socorro na kilalang nagsisinunggaling sa malilit na bagay.

Tumikhim si Nova saka tumabi sa kaibigan, "O-opo, nagbasa lang po kami ng libro roon." Wika nito, nanatiling nakataas pa rin ang kilay ni Manang Tonya ngunit pinapasok na niya ang mga dalagita.

"Magtungo na kayo sa salas. Madali!" Wika nito, huli na nang mapansin ni Manang Tonya na marumi ang laylayan ng saya ng dalawa dahil nakapasok na ito sa salas. Agad tumayo si Socorro sa tabi ni Amor. Nang makita ni Agustino na nakarating na ang kanyang kapatid ay agad tinapos na niya ang pagtugtog.

Naunang pumalakpak si Don Fernando na sinundan ng mga panauhin. Ngumiti at pumalakpak sa tuwa sina Socorro at Amor dahil sa tulong ni Agustino. "Mahusay! Ako'y nahihilig din sa musika. Ikaw ay may pambihirang talento, hijo." Papuri ni Don Fernando dahilan para mawala ang kaba ni Doña Marcela at makalimutan ang pagkataranta.

Napatingin si Don Fernando kay Doña Marcela at lumingon siya kay Don Epifanio, "Huwag niyo sabihing anak niyo ang mahusay na batang ito?" Nakangiting tanong ng gobernadorcillo dahilan para mapangiti at matawa ang lahat.

Pinauna ni Don Epifanio ang kanyang mga anak papalapit sa goberndorcillo upang sabay-sabay na magbigay-galang. "Buong pusong ikinalulugod ko po sa inyong ipakilala, ang aking mga anak." Ngiti ni Don Epifanio. Saka isa-isang tiningnan ang magkakapatid na De Avila.

"Magandang umaga po, Don Fernando. Ang ngalan ko po ay Remedios." Bati ng panganay sa magkakapatid. "Pagbati sa iyong biyaya. Ang bata ay naghahatid ng suwerte sa buong pamilya." Ngiti ng goberndorcillo nang mapansing nagdadalang-tao si Remedios.

Si Maria Remedios De Avila Dominguez ay ang panganay sa magkakapatid. Siya ay dalawampu't apat na taong gulang na. Limang taon na itong kasal sa asawa nitong abogado at nabiyayaan na ng dalawang anak. Si Remedios ay naging abala na sa buhay may asawa ngunit kada Linggo ay dumadalaw pa rin ito sa tahanan ng kanyang mga magulang na dalawang kilometro lang ang layo sa kanila.

Maganda, mabait, maunawain, at responsable sa lahat ng bagay si Remedios. Ilang araw na umiyak ang kanyang ina sa magkahalong saya at lumbay nang maikasal na ang kanyang panganay na anak na naging sandigan niya sa pag-aalaga sa mga kapatid nito.

"Magandang umaga rin po, Don Fernando. Ang ngalan ko po ay Segunda." Wika ng pangalawa sa magkakapatid. Si Maria Segunda De Avila ay dalawampu't dalawang taong gulang. Tulad ni Remedios ay nagtataglay din ito ng kariktan ngunit mailap ito sa mga tao lalo na sa kalalakihan. Si Segunda ngayon ang nagdudulot ng matinding alalahanin sa mag-asawang De Avila, lalo na kay Doña Marcela dahil hindi pa ito nag-aasawa at wala ring umaakyat ng ligaw.

Nagiging tampulan tuloy ng tukso at usap-usapan si Segunda mula sa mga may inggit sa pamilya De Avila. Marami ang nagsasabi na hindi raw kagandahan ito 'di tulad ng mga kapatid kaya walang nagkakagusto. Ayon naman sa ilan ay tatandang-dalaga raw si Segunda dahil sa masyadong pihikan.

"Ikinagagalak ko po kayong makilala, Don Fernando. Ang ngalan ko po ay..." Sandaling napatigil si Socorro. Iniisip niya kung dapat niya bang ituloy ang naisip niyang pagpapakilala o maging karaniwan na lang tulad ng ordinaryong pagpapakilala.

Pinandilatan siya ng kanyang ina ng mata. Samantala, nagtaka si Don Epifanio at ang kanyang mga kapatid sa pagtigil ni Socorro. Sa isip nila ay nakalimutan siguro ni Socorro ang kanyang pangalan.

"Ang pangalan ko po ay nangangahulugang pagtulong. Tulad ng kung paano niyo po pinaglilingkuran ang mamamayan at ang inyong mga nasasakupan. Kayo po ay nagtataglay ng pusong matulungin at handang umagapay anumang oras, at sa lahat ng pagkakataon. Ang ngalan ko po ay Socorro." Wika niya saka nagbigay-galang. Muling pumalakpak ang gobernadorcillo, hindi niya akalaing mapupuri siya sa pamamagitan ng pagpapakilala nito.

Si Maria Socorro De Avila ang panlima sa magkakapatid. Siya ay labing-anim na taong gulang ngunit ang kanyang pananalita, husay sa larangan ng panitikan, at prinsipyo sa buhay ay aakalaing siya ang panganay sa kanilang lahat. Maging ang pangatlo at pang-apat sa magkakapatid na sina Felicano at Jacinto ay bilib din sa kanyang katapangan at kaisipan.

Ang mag-asawang De Avila ay parehong nahihirapan kay Socorro dahil sa bawat diskusyon ay lagi nitong ipinahahayag ang kanyang opinyon at saloobin. Matapang, may prinsipyo sa buhay, at agad gumagawa ng paraan si Socorro sa kahit anong bagay. Sa kabila niyon ay kinagigiliwan at minamahal pa rin siya ng kaniyang mga magulang, lalo na ng kanyang ama dahil sa pagiging matulungin nito gaya ng kanyang pangalan.

Malayo sa pangunahing pinagkaabalahan ng mga kababaihan na kapareho ng kanyang edad ay mas pinagtutunan ng pansin ni Socorro ang kanyang pagkatuto, lalo na ang pagsusulat at mga bagay na may kinalaman sa panitikan. Kung kaya't nag-aalala rin si Doña Marcela na hindi maging kaibig-ibig o ligawin si Socorro tulad ng nakatatanda nitong kapatid na si Segunda.

"Ako'y iyong pinabilib sa iyong husay sa pananalita. Kung hindi ako nagkakamali, ang aking pangalan naman ay nangangahulugang malaya. Hangad ko ang malayang pagusbong ng talino at talento ng ating mga kabataan. Salamat din sa iyong mga papuri. Lubos kong ikinagagalak na makilala ka, Binibining Socorro." Ngiti ni Don Fernando na tuwang-tuwa pa rin sa papuri at papugay na nagpapataas ng kanyang kumpyansa.

Sunod na nilapitan ng goberndorcillo ang pang-anim sa magkakapatid na De Avila. "Maraming salamat po sa inyong pagkilala sa aking munting kakayahan, Don Fernando. Ang ngalan ko po ay Agustino."

Si Jose Agustino De Avila ay labinglimang taong gulang. Pinili niyang mag-aral sa bayan matapos hindi masiyahan sa pananatili sa Maynila. Tahimik, matalino, at kilalang magaling sa larangan ng musika si Agustino. Kumuha rin ng sariling maestro si Don Epifanio para kay Agustino sa pag-asang maging tanyag itong manunugtog at makalikha ng pangalan sa Europa.

"Balang araw ay hangad kong mapanood ang iyong konsyerto. Sisikapin kong makaupo sa unahan katabi ang iyong mga magulang." Ngiti ni Don Fernando na tuwang-tuwang makilala ang pamilya De Avila.

Nakaramdam ng kaba si Leonora. Hindi niya mapigilang mag-alala dahil sa husay na ipinamalas nina Socorro at Agustino na labis na nagpaligaya sa goberndorcillo. Sa isip niya ay kailangan niya ring makalikha ng magandang impresyon sa harap ng Don.

"Ang pagdating niyo po ang bumuo sa kasiyahan ng pagdiriwang namin sa kaarawan ng aming ama. Maraming salamat po sa inyong oras, Don Fernando. Ako nga po pala si Leonora." Ang pampito sa magkakapatid. Siya ay labing-apat na taong gulang. Sa mga babaeng anak ng mag-asawang De Avila, si Leonora ang angat at pinakamaganda. Nakuha nito ng buo ang hitsura ng kanilang ina na isang insulares. Sinasabing si Leonora ang batang bersyon ni Doña Marcela.

Marunong sa gawaing bahay, matalino, mahinhin, magalang, may disiplina, maayos ang pananalita, at higit sa lahat magaling sa pagpipinta si Leonora. Madalas na siya ang bukambibig ng kanilang ina. Siya rin ang inaasahan ng kaniyang mga magulang na makakapangasawa ng purong Kastila at maninirahan sa Europa.

"Tiyak na hindi na makapaghihintay ang Maynila sa iyong pagdating, hija." Ngiti ni Don Fernando, siya rin ay may unica hija na hinahangaan ng lahat sa taglay nitong kagandahan.

Napalunok sa kaba si Amor nang lumapit na sa kanya ang gobernadorcillo. "M-agandang umaga po, ako po si Amor." Mabilis na pakilala nito at mabilis ding nagbigay-galang. Mas lalo siyang kinabahan dahil sa pinuri ng gobernadorcillo ang kanyang mga nakatatandang kapatid kaya nagkagulo-gulo na ang isipan niya. Nag-eensayo siya kanina ng sasabihin ngunit ngayon nasa harap na niya ang Don ay nais niyang matapos na agad ang pagpapakilala nila.

"Amor. Kay gandang pangalan. Anong bagay ang hihigit pa kaysa sa pag-ibig?" Tanong ni Don Fernando, nanigas sa kinatatayuan si Amor dahil hindi niya akalaing magagawa nitong magtanong. Hindi siya kasinggaling ng kanyang mga nakakatandang kapatid.

Napatingin sa kanan si Don Fernando nang makitang nagtaas ng kamay si Socorro. Animo'y nais nitong magbigay ng sagot sa klase.

Nagulat at nagkatinginan ang mag-asawang De Avila dahil si Socorro pa sa lahat ng taong naroroon ang ibig sumagot sa tanong ng gobernadorcillo. Ibababa sana ni Doña Marcela ang kamay ni Socorro ngunit huli na ang lahat, ngumiti si Don Fernando at tumango kay Socorro.

"Ako po'y naniniwala na makapangyarihan at malaki ang nasasaklaw ng pag-ibig. Ngunit, kung ako po ang inyong tatanungin, mas nahihigitan po ng pag-asa ang pag-ibig. Sa kadahilanang, ang lahat ng tao at anumang bagay na nabubuhay sa mundong ito ay kinakailangang nagtataglay ng pag-asa. Ang taong may pag-ibig at iniibig ng lahat ay mawawalan din ng sigla at kulay kung siya ay walang nakikitang pag-asa sa buhay, sa ibang tao, at higit sa lahat sa sarili."

"Pag-asa ang pinanghahawakan ng taong nasa kadiliman. Pag-asa rin ang nag-aangat sa taong nawawalan nito. At pag-asa ang siya ring bumubuhay sa pag-ibig." Patuloy ni Socorro. Sandaling natahimik ang lahat hanggang sa muling pumalakpak si Don Fernando na sinundan muli ng mga panauhin.

Walang sinabi ang gobernadorcillo ngunit nababakas sa mga mata nito ay kitang-kita ang kanyang pagkabilib sa husay ni Socorro.

Napangiti si Amor dahil hindi na niya kailangan pang dugtungan ang kanyang pagbati sa gobernadorcillo. Tumingin siya kay Socorro at ngumiti dahil niligtas siya nito sa pagsagot. Ngumiti sa kanya pabalik si Socorro.

Si Maria Amor De Avila ay pangwalo sa magkakapatid. Siya ay labing-tatlong taong gulang. Kumpara sa iba niyang mga kapatid, hindi niya pa natatagpuan ang gusto niya talagang gawin. Madalas siyang sumama kina Socorro at Agustino dahil wala naman siyang mapala kay Concordio na puro takbuhan at paglalaro sa labas ang hilig, at kay Leonora na puro pagpipinta at pagkilos nang wasto.

Kamakailan ay nahihilig siya sa pag-awit. Bagay na ikinatuwa ni Doña Marcela na agad kumuha ng maestra upang sanayin si Amor. Madalas silang sabay mag-ensayo ni Agustino na siyang tumutugtog ng musika.

Huling lumapit ang gobernadorcillo sa bunsong anak ng mag-asawang De Avila. "Magandang umaga po, Don Fernando. Ang ngalan ko po ay Concordio. Sa ngayon, bihasa na po ako sa pagbabasa, pagsusulat, at... at paglalaro." Wika nito dahilan para humalakhak si Don Fernando. Maging ang mga bisita ay natuwa rin sa sinabi ng batang walong taong gulang.

Malayo ang agwat nila ni Amor at akala noon ng mag-asawang De Avila ay si Amor na ang kanilang magiging huling anak. Si Jose Concordio De Avila ay kilalang pilyo at mahilig sa takbuhan. Madalas itong nakukurot ng kanilang ina dahil laging umuuwing pawisan.

Nagpatuloy ang kasiyahan. Inimbitahan na ni Don Epifanio si Don Fernando sa piging. Muling tumugtog ng nakakaindak na musika si Agustino na mas lalong nabuhayan dahil sa pagkilala ng mataas na tao at mga panauhin sa kanyang talento.

Agad kumapit si Socorro sa braso ni Amor. Pareho man nilang hindi sabihin, nararamdaman nila na dadalhin sila sa taas ng kanilang ina para kausapin at parusahan. Hinila ni Socorro si Amor papalapit kina Remedios at Segunda na abala sa pakikipagkuwentuhan sa ibang kababaihan. Ngunit hindi rin nila maunawaan ang pinag-uusapan ng mga iyon na mga ganap na dalaga na.

Ilang sandali pa ay napatigil sila nang marinig nila ang pagtikhim ng kanilang ina mula sa likod. "Kayong dalawa. Pumanhik kayo..." Hindi na natapos ni Doña Marcela ang kanyang sasabihin dahil lumapit ang isang kusinera sa Doña.

"Doña Marcela, may nangyari po sa kusina." Bakas sa mukha ng kusinera ang matinding pag-aalala dahilan para agad magtungo ang Doña sa kusina. At dahil sa kuryosidad, agad sumunod sina Socorro at Amor upang alamin kung anong nangyari.

Laking-gulat nila nang makitang natapon ang dalawang bariles ng alak. Kakarating lang ng goberndorcillo at may mga darating pa mamayang gabi. Isang malaking kahihiyan na wala silang maihahandog na inumin sa mga panauhin.

"Sinumpong po ang kabayo kanina. Hinabol ni Mang Espeng ngunit nabangga po ng kabayo ang mga bariles na nasa labas." Paliwanag ng kusinera. Gulat na napatulala sina Doña Marcela, Socorro, at Amor sa natapong alak sa labas na animo'y may tumatagas na dugo mula sa mga bariles.

"Madali kayo sa bayan! Inihahain pa lamang ang mga putahe. Maihahabol natin ang inumin. Hindi ba't may naipamahagi na kayo sa mga bisita at kay Don Fernando?" Tumango ang mga serbidora. Ang kailangan lang nila ipagdasal ay huwag sana maubos agad ang mga inumin sa baso na hawak ng mga panauhin.

"Doña Marcela, kung ipapadala niyo po ang mga kusinera at serbidora sa bayan. Magkukulang po tayo rito." Wika ni Manang Tonya na ngayon ay tumulong na sa paghihiwa ng mga sangkap.

Napaisip ang doña, hindi niya akalaing mangyayari ito. Nagtaas ng kamay si Socorro, "Kami na lang po ang bibili sa bayan, Ina." Boluntaryo nito. Nagtaas din ng kamay si Amor. Natutuwa rin siya sa ideyang makakapunta sila sa bayan na sila lang.

Bakas sa mukha ng kanilang ina na hindi ito papayag. Parehong bata at magaslaw ang kilos ng dalawa. Saktong napadaan sa kusina si Segunda upang kumuha ng tubig, "Kay ate Segunda niyo po ipagkatiwala ang salapi, Ina." Ngiti ni Socorro na sinabayan din ng ngiti ni Amor. Samantala, nagtataka namang napatingin sa kanila si Segunda na walang kamalay-malay sa iuutos sa kanila.


MADALI nilang narating ang bayan. Nag-aalala si Segunda na hindi makakaabot ang kanilang bibilhing alak. Samantala, nakadungaw lang sa bintana sina Socorro at Amor. Parehong natutuwa sa mga gusali at tao sa pueblo at pamilihan.

Narating na nila ang La Licorería, ang kilalang tindahan ng mga alak at mamahaling inumin. Naunang bumaba si Segunda, agad sumunod ang dalawa na ang tanging nasa isipan ay namamasyal sila.

Sinalubong si Segunda ng may-ari ng tindahan. Mabuti na lang dahil marami pa itong bariles na nakaimbak. Tumawag ng mga kargador ang may-ari ng tindahan upang ipahakot ang mga bariles ng binili ng pamilya De Avila.

Habang abala sina Segunda at Amor sa pagbabayad. Naalala ni Socorro ang paborito niyang tindahan sa bayan. Bumulong siya kay Amor ngunit hindi nito naunawaan dahil abala ito sa pagbibilang ng salapi.

Lumabas si Socorro at tumawid sa kabilang kalsada. Apat na tindahan mula sa kanilang kinaroroonan ay naroon ang La librería, ang tindahan ng mga aklat, papel, at pluma. Tumigil si Socorro sa tapat ng tindahan kung saan naroroon ang isang malaking salamin.

Malabo ang salamin ngunit sa kabila niyon ay hindi hadlang para kay Socorro ang pagmasdan ang tatlong libro na nasa likod ng salamin. Ang mga nasabing libro ay mga tanyag na nobela para sa buwan ng Agosto.

Hinawakan niya ang salamin upang damhin ang mga nobelang nagpapadaloy sa kanyang mga hangarin sa buhay. Nabasa na niya ang mga nobelang iyon na masasabi niyang isa sa mga paborito niyang akda. Ang mga nobela ng manunulat na nagpakilalang si Palabras Perdidas. Ito ay may dalawang bersyon na nakasulat sa wikang Tagalog at wikang Español.

Humakbang si Socorro papalapit sa salamin at napangiti sa sarili. Nabasa na niya ang tatlong nobela na iniregalo sa kaniya noon ni Feliciano. Bukod doon ay pangarap niya ring makapaglimbag at magkakaroon din ng lugar sa silid-aklatan ang kaniyang mga akda.

Napatitig si Socorro sa repleksyon niya sa salamin. Nakikita na niya ngayon ang kanyang sarili. Hindi niya nakaugalian na pagtuunan ng pansin ang sariling hitsura hindi gaya ng iba niyang kaibigan, at mga kapatid na babae. Subalit hindi niya maitatanggi na sa kanilang siyam na magkakapatid ay siya ang pinakamalapit sa hitsura ng kanyang ama na isa ring insulares.

Mahaba, makintab, at kulot ang itim na buhok. Ang hugis ng kanyang mukha ay bilog, kulay tsokolateng mga mata, katamtamang ilong, mapulang pisngi na madalas ay dulot ng kanyang pangangati sa lamig, katamtamang katawan, at maliit na nunal malapit sa kaliwang bahagi ng kanyang kilay. Suot niya ngayon ang tinahing damit ng kanyang ina na kulay puting baro at pulang saya.

Lumingon si Socorro sa La Licorería, isang bariles pa lang ang nahahakot ng mga kargador. Lima pa ang bibilhin nila. Nagdala rin siya ng salapi. Balak niyang bumili ng bagong kumpol ng mga papel.

Tinulak ni Socorro papasok ang pintuan ng La Librería ngunit laking gulat niya nang nauna itong bumukas at muntik na niyang mabangga ang lalaking papalabas. Nabitiwan ng binata ang hawak na maleta dahilan para kumalat ang mga papel na laman nito.

"Pasensiya na..." Wika ni Socorro at agad tinulungan ang binata sa pagpulot ng mga papel na nagkalat sa daraanan ng tao. "Hindi ko sinasadyang... Akala ko ay walang tao kung kaya't hindi na ako kumatok sapagkat..." Napatigil si Socorro nang mabasa ang nakasulat sa isang papel. Isa itong manuscrito ng isang kuwento.

Nanlaki ang mga mata ni Socorro nang mapagtantong pamilyar ang kuwentong nilalaman ng mga papel na sulat-kamay. May ilang bura ang manuscrito. Napatigil si Socorro nang mabasa ang nakasulat na pangalan sa ibabang bahagi nito.

Escrito por Palabras Perdidas

"Maaari ko na bang makuha, binibini?" Tanong ng binata na nakatayo at nakatingin sa kanya. Napulot na nito ang lahat ng papel na nagkalat. Dahan-dahang tumayo si Socorro at halos walang kurap na nakatingin sa binata. Mas matangkad ito sa kaniya. Sa tindig, bihis, at hitsura ng binata ay masasabi niyang taga-Maynila ito at may magandang trabaho o mataas na posisyon.

Kinuha ng binata sa kamay ng babaeng ngayon niya lang nakita ang manuscrito saka ibinalik sa kanyang maleta. Nagmamadali siya at ang nangyaring insidente ay makapagpapaantala sa kanyang patutunguhan.

Hinawakan ng binata ang kanyang sumbrero at tumango upang magpaalam at magpatuloy na sa kanyang lakad ngunit nanatiling tulala ang babae sa kanya. Nagpatuloy na sa paglalakad ang binata habang tumitingin sa kalsada sa pag-asang may mapadaang kalesa.

Natauhan si Socorro nang mapagtanto na hindi niya dapat hayaang makaalis ang misteryosong binata. "S-sandali... Ginoo!" Sigaw nito dahilan upang mapalingon sa kanya ang binata. Nagmadaling maglakad ang binata upang hindi siya maabutan ngunit hindi niya akalaing mabilis tumakbo ang babae hanggang sa maabutan siya nito, nagulat siya nang hawakan ng babae ang dulo ng kanyang tsaleko.

"Ginoo, may nais lang akong itanong na... mahalaga." Panimula ni Socorro na animo'y hinihingal ngunit mas nangingibabaw ang kaba na kanyang nararamdaman. Kung tama ang kanyang hinala, hindi niya akalaing makikilala ang misteryosong manunulat.

Napatingin ang binata sa kamay ni Socorro na ngayon ay nakakapit pa rin sa dulo ng kanyang tsaleko. Ngayon lang siya nakarating sa Sariaya. Hindi niya akalain na ganitong pangyayari rin ang sasalubong sa kaniya.

"Ikaw ba ang manunulat na nagtatago sa pangalang Palabras Perdidas?" Halos hindi makahinga si Socorro. Walang nakakaalam sa katauhan ng manunulat. Wala ring ideya ang mga tao kung ilang taon na ito o kung ano ang kasarian nito. Sa kabila niyon, hindi man sagutin ng binata ang kanyang tanong, nababasa niya sa mga mata nito ang pag-asang hindi siya nagkamali. Dahil ngayon ay kaharap na niya ang manunulat na nagbigay ng inspirasyon at pag-asa sa kanya sa larangan ng panitikan.


*******************

#SocorroWP

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro