Kabanata 2: Ang Binata sa La Librería

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 2]

HINDI nakasagot ang binata. Sandali itong natulala kay Socorro saka umiwas ng tingin. "Ang mga manuscito na iyan... Nabasa ko na ang..." Patuloy ni Socorro ngunit napatigil siya nang marinig ang kanyang pangalan.

"Socorro!" Sigaw ni Segunda. Gulat na napalingon si Socorro mula sa La Licorería. Maging si Amor ay nagulat dahil hindi niya akalain na magagawang sumigaw ni Segunda dahil sa pagmamadali. Kilala itong tahimik, at mahinahon sa lahat ng pagkakataon.

Agad pinara ng binata ang kalesang paparating. "Ginoo, kailangan kong..." Pagtingin ni Socorro sa binata ay nakasakay na ito sa kalesa. Tumango lang ito sa kanya bilang pagpapaalam saka madaling pinakiusap sa kutsero na patakbuhin ang kabayo.

Naiwang tulala si Socorro sa tabing kalsada. Animo'y lumalakad pa siya sa panaginip kung saan ay sandali siyang pinagbigyan ng langit na matupad ang isa sa kanyang mga kahilingan, ang makita ang paborito niyang manunulat.

Natauhan si Socorro nang may kumapit sa kanyang braso, "Kanina ka pa namin hinahanap ni ate Segunda." Bulong ni Amor saka hinila si Socorro pabalik sa kanilang kalesa.

Bakas sa hitsura ni Segunda na hindi ito natuwa sa kanyang nasaksihan. Magkatabi sina Socorro at Amor habang nasa tapat naman nila nakaupo si Segunda. Tinatahak nila ngayon ang daan pabalik sa kanilang tahanan.

Nakayuko at makailang ulit na nakikiramdam si Amor kung magagalit na ba ang kanilang nakakatatandang kapatid. Samantala, tulala at tila wala sa sarili si Socorro habang nakatingin sa bintana.

Tumikhim si Segunda dahilan para mapaayos ng upo si Amor. Sinagi niya si Socorro ngunit tulala pa rin ito sa kawalan na tila may malalalim na iniisip. "Sino ang binatang kausap mo kanina?" Tanong ni Segunda, sinagi ni Amor nang mas malakas si Socorro dahilan upang matauhan ito.

Napahawak si Socorro sa kanyang braso, pagsasabihan niya sana si Amor ngunit nagsalita muli si Segunda, "Socorro, iyo bang nakaligtaan na maaaring masira ang iyong dangal sa ikinilos mo kanina?"

Napalunok si Socorro at napaayos ng upo. Nakalimutan niya na mas may dapat pa pala siyang problemahin bukod sa pagkakakilanlan ng lalaking iyon. "Hindi ko siya kilala..." Napatigil si Socorro, iniisip niya kung dapat bang sabihin ang kanyang natuklasan o hindi.

Mas lalong kumunot ang noo ni Segunda, gulat namang napalingon si Amor kay Socorro. "Hindi mo kilala ang binatang iyon ngunit nakikipag-usap ka sa kaniya?" Hindi makapaniwalang tanong ni Segunda. Nababatid niya kung gaano kabilis kumalat ang usap-usapan dahil palagi siyang nagiging tampulan ng mga iyon.

"Nagkakamali kayo... Ang totoo ay may natuklasan ako tungkol sa binatang iyon." Wika ni Socorro sabay tingin sa dalawa niyang kapatid. Hindi makapagsalita si Amor, madalas niyang kasama si Socorro ngunit wala naman itong naikukuwento na binata sa kaniya.

"Ako'y nangangamba na maaaring magdulot ito ng kasiraan sa iyo, Socorro. Mabuti na lamang dahil iilan lang ang tao kanina sa pamilihan. Hindi tayo nakasisiguro kung ilan ang mga nakakita sa inyo." Wika ni Segunda saka napahawak sa kanyang sentido.

"Makinig kayo. Wala kayong dapat ipangamba. Ang binatang iyon..." Napahinga nang malalim si Socorro. "Siya ang manunulat na si Palabras Perdidas." Nagkatinginan sina Segunda at Amor. Bukambibig ni Socorro ang manunulat na iyon na maging sa pagsisinunggaling ay naisasama niya na rin.

"Babae si Palabras." Saad ni Amor.

"Hindi. Walang nakakaalam kung sino siya, hindi ba?"

"Ngunit sa kanyang mga nobela... Sa aking palagay ay babae siya."

"Nakasulat sa ikatlong panauhan ang kaniyang mga nobela. Paano ka nakatityak?"

"Wala siyang dapat itago kung siya ay lalaki. Tiyak na magkakamit pa siya ng maraming parangal at magiging tanyag siya sa kaniyang mga nobela."

"Paano kung may dahilan siya upang itago ang kaniyang pagkatao? Maaaring..."

"Tumigil na kayong dalawa. Anuman ang kasarian at kung sino man ang manunulat na iyan, labas na tayo roon." Wika ni Segunda gamit ang mas mataas na tono. Natahimik ang dalawa. Nauunawaan nila ang tindi ng nangyari lalo pa't nasa wastong edad na ng pag-aasawa si Socorro.

"Sa ngayon kailangan nating magmatiyag nang mabuti. Mabilis lumaganap ang usap-usapan. Mayamaya ay maaaring pangalan mo na ang laman ng bibig ng mga tao. Sinasabi kong mag-iingat kayong palagi." Paalala ni Segunda saka napasandal sa upuan. Hindi pa siya ina ngunit dahil sa mga nakababata niyang kapatid ay nararanasan na niya maging ina.

"Dahil tayo ay mga babae." Wika ni Socorro na animo'y dinugtungan ang sinabi ni Segunda. Napatingin sa kaniya sina Segunda at Amor. Parehong walang nasabi. Animo'y isang pagsang-ayon na may kaakibat na kalungkutan. Nanatili na lang silang tahimik hanggang sa marating nila ang kanilang tahanan.


HALOS nabunutan ng tinik si Doña Marcela nang makita ang mga bagong bariles ng alak. "Mabuti na lang at may nakaimbak na alak sa La Licorería." Wika ni Manang Tonya saka pinaasikaso sa mga kargador ang maingat na pagbaba ng mga bariles.

Tumingin si Segunda kina Socorro at Amor, "Mananatiling lihim muna sa ating tatlo ang nangyari kanina." Bilin ni Segunda nang makababa sila sa kalesa. Napangiti si Socorro at akmang yayakap kay Segunda.

"Iwasan ang maging kahina-hinala. Ipagdasal na lang natin na walang mabuong usap-usapan tungkol sa iyo, Socorro." Patuloy ni Segunda saka nauna nang pumasok sa loob. Napangiti sa isa't isa sina Socorro at Amor ngunit bago pa sila makapasok ay nakita na nila ang ina na seryosong nakatingin sa kanila.


PAPALUBOG na ang araw. Patuloy ang kasiyahang nagaganap sa tahanan ng pamilya De Avila. Dumating na ang banda na mas lalong nagbigay sigla sa pagdiriwang ng kaarawan ni Don Epifanio.

Samantala, sa ikalawang palapag ng bahay ay taimtim na nagdadasal sina Socorro at Amor habang nakaluhod sa tapat ng altar. Madilim ang silid na naiilawan lang ng dalawang lampara at mga kandila sa altar. Palakad-lakad ang kanilang ina habang sinasabayan ng pagbabasa ng dasal ang dalawang anak at may hawak itong pamalo.

"Kawikaan 12:22" Wika ni Doña Marcela.

"Namumuhi si Yahweh sa taong sinunggaling, ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw." Sabay na tugon nina Socorro at Amor. Tiningnan ni Doña Marcela ang dalawang anak, lalo na si Socorro na siyang hindi sumunod sa bilin niya na walang aalis ng bahay sa kaarawan ng kanilang ama.

"Kawikaan 12:15"

"Ang akala ng mangmang ay siya lagi ang tama, ngunit handang tumanggap ng payo ang taong laging may unawa." Isinara na ni Doña Marcela ang Bibliya saka pinabigkas ang Sampung Utos ng Diyos.

"Ano ang ika-apat na utos?"

"Igalang ninyo ang inyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinigay ko sa inyo."

Pinatayo na ni Doña Marcela sina Socorro at Amor saka tumayo sa harap ng dalawa. "Ano ang iyong kasalanan, Amor?"

Napakagat sa labi si Amor, "Nagawa ko pong magsinunggaling sa inyo." Tugon nito nang hindi makatingin sa kanyang ina.

"Ano naman ang iyong kasalanan, Socorro?"

"Nilabag ko po ang inyong kabilin-bilinan na huwag lilisanin ang ating tahanan ngayong araw." Tugon ni Socorro habang nakayuko.

"At...?"

Napatingin si Socorro sa kanyang ina, "At nagsinunggaling din po ako na nagtungo lang kami sa hardin ni Nova."

"At... Ano pa?"

Napaisip si Socorro, animo'y dumadami ang puntos ng kanyang mga kasalanan. "At ang mga naging kilos ko ay nagsadlak sa kapahamakan sa aking mga kapatid. Sila ay nagsinunggaling para sa akin."

Huminga nang malalim si Doña Marcela, kilala siyang strikta at disiplinaryo ngunit hindi niya pinagbubuhatan ng kamay ang kanyang mga anak. Winawasto niya ang mga pagkakamali nito sa pamamagitan ng Bibliya at panitikan.

"Mula ngayon kayong dalawa ay hindi maaaring magtungo sa puno ng Acasia sa loob ng dalawang linggo." Wika nito na ikinagulat ng dalawa. Magsasalita sana si Socorro ngunit napatigil siya sa hawak na pamalo ng kanyang ina.

"Sa oras na lumabag na naman kayo ay ipapagiba ko na ang bahay sa punong iyon. Malaki na kayong dalawa. Lalo ka na Socorro, ikaw ay nasa hustong edad na. Kalimutan niyo na ang paglalaro na gawain lamang ng mga bata." Saad ni Doña Marcela sabay tingin kay Socorro dahil nababatid niya na mas may lakas ng loob lumabag si Socorro kumpara kay Amor.

Natigil ang pagpapangaral ni Doña Marcela nang marinig ang tatlong katok mula sa pinto. "Ina, pinapatawag po kayo ni ama sa piging." Wika ni Leonora saka nagbigay-galang bago isinara nang marahan ang pinto.

"Bakit hindi niyo tularan si Leonora? Ang wastong kilos ng kababaihan, ang asal, ang pananalita, at ang ugali ay siyang dapat niyong isapuso at alalahanin sa lahat ng pagkakataon." Patuloy nito, nanatiling nakayuko ang dalawa.

"Bumaba na kayo at kumain. Hangga't maaari ay manatili na lang kayo sa tabi ni Remedios. Hindi ko nais makarinig ng isa na namang suliranin mula sa inyo, lalo na sa 'yo, Socorro." Bilin ni Doña Marcela saka lumabas ng pinto. Nakita nila si Leonora na nanatili pa pala sa labas ng pinto at akmang nakikinig sa pagpapangaral sa kanila.

Hinawakan ni Socorro ang kamay ni Amor, "May tsokolate akong nakita sa kusina kanina." Ngiti ni Socorro dahilan para mapangiti na rin si Amor. Magkahawak-kamay silang lumabas ng silid at bumaba ng hagdan.

Nilalaro ni Amor ang apat na taong gulang na lalaki na anak ni Remedios na si Honesto. Samantala, mabagal na kumakain si Socorro. Hindi niya pa nauubos ang pagkain sa kanyang pinggan dahil ang kanyang isipan ay lumilipad tungkol sa manunulat na kanyang natuklasan.

"Inumpisahan ko pa lang ang ikatlong nobela kagabi. Ibig ko sanang ipagpatuloy ang pagbabasa ngunit kinuha na ni ina. Ako'y naririndi sa kanyang pangaral ukol sa pagkasira ng aking mata dahil sa pagbabasa sa madilim." Wika ng isang dalaga habang kausap ang kaibigan nito. May iba pang mga dalaga na magkakasama sa iisang mesa.

"Ako'y hindi tututol sapagkat nagagawa kong magkubli sa palikuran matapos lang ang huling aklat. Kay husay na manunulat ni Palabras." Ngiti ng babaeng kausap. Napalingon si Socorro nang marinig ang pag-uusap ng dalawa. Hindi niya namalayan ang sarili na tumayo at naglakad papalapit sa dalawang dalaga.

Napatigil sa mahinang pag-uusap at pagtatawanan ang dalawang dalaga na mga anak ng opisyal. Madalas niya lang nakikita ang mga ito kasama ang iba pa nilang mga kaibigan na parehong mga anak ng mga may katungkulan.

Tiningnan ng dalawang dalaga si Socorro mula ulo hanggang paa. Akala nila ay may lumapit na serbidora upang alukin sila ng inumin o pagkain. Nakilala nila ang dalagita na anak ni Don Epifanio.

"Ano ang maitutulong namin sa iyo?" Tanong ng dalaga sabay tingin sa kaibigan. Sa kanilang isipan ay ganap na silang dalaga at nabibilang sa hanay ng mga babaeng pinipilahan ng mga manliligaw.

"Ang manunulat... May ideya kayo kung sino siya?" Tanong ni Socorro, hindi niya mabatid kung bakit kailangan niyang itanong iyon sa ibang tao na tiyak na walang ideya tungkol sa misteryosong manunulat.

Nagkatinginan muli ang dalawang magkaibigan saka parehong naguluhan sa sinabi ni Socorro. "Kung maaari ay iyong bigyang linaw ang iyong ibig malaman." Wika ng isa sabay tingin sa kaibigan. Bakas sa mukha nito ang pagkairita dahil may nakikisali sa kanilang usapan.

Kinuha ng isang babae ang librong nakapatong sa mesa saka pinakita kay Socorro, "Ito ba ang iyong tinutukoy?" Pagkumpirma nito. Pakiramdam niya ay isa siyang henyo at ang kausap na dalagita ay mangmang at baguhan pa lang sa mundo.

"Si Palabras. Kailanman ay hindi ba sumagi sa inyong isipan na maaaring... hindi siya ang tipo na inaasahan nating lahat?" Nagkatinginan muli ang dalawang babae. Umikot pa ang mata ng isa.

"Malawak ang kaisipan at kakayahan ng isang manunulat. Kayang-kaya niya gampanan ang lahat ng tauhan na kanyang binuo. Ang mga karakter ay nagiging siya at ang mga boses nito ay kumakatawan sa kaniya..." Hindi na natapos ni Socorro ang sinasabi dahil nagsalita na ang isang dalaga.

"Kung ito ang iyong paraan upang makasama sa aming usapan. Pasensiya na sapagkat hindi kami interesado." Saad ng isa saka naunang tumayo. "Halika na, Valeria. Tayo'y magpahangin sa labas." Saad ng babae na sinundan ng kaibigan nito.

Napakunot ang noo ni Socorro, hindi siya makapaniwala sa pinakitang ugali ng dalawang babae na animo'y sinampal sa mukha. Hahablutin niya sana ang buhok ng dalawa nang mapatigil siya dahil sa pagharang ni Agustino.

"Tumabi ka riyan!" Inis na saad ni Socorro ngunit hinarangan siya muli ng kapatid. "Ibig mo bang maparusahan muli?" Paalala nito dahilan para mapatingin si Socorro sa kapatid na ngayon ay mas matangkad na sa kanya. Ang sinabi nito ay nagpaalala kay Socorro na hindi niya dapat ipahiya ang kanilang pamilya sa mga bisita.


MATANDA lang ng isang taon si Socorro kay Agustino ngunit ang tindig nito ay sumusunod na kina Felicano at Jacinto. Nakatayo sila sa balkonahe ng ikalawang palapag. Palakad-lakad si Socorro habang pinapanood ni Agustino ang mga bisita na humihithit ng sigarilyo sa ibaba.

"Ngayon ay nauunawaan ko na kaya hindi nakikipagkaibigan si ate Segunda sa kanila. Ang kanilang mga pag-uugali ay sadyang kasuklam-suklam. Paano nila natatawag ang sarili na mga magigiliw na binibini? Sila dapat ang makatanggap ng pagdidisiplina ni Ina." Nanggigigil sa inis si Socorro habang walang humpay na kinukumpas ang kamay sa ere at pabalik-balik na naglalakad sa magkabilang dulo ng balkonahe.

Matagal nang napapaisip si Agustino kung ano ang lasa ng sigarilyo. Ngunit sa amoy pa lang nito ay nanunuot na sa kanyang ulo. "Kanilang tiyakin na hindi na muli magtatagpo ang aming mga landas dahil kung hindi..." Napahinga nang malalim si Socorro saka inis na ibinagsak ang kamay sa balkon.

"Bakit kahit batid nating makakasama sa atin ay ginagawa pa rin natin?" Tanong ni Agustino habang nakatingin sa mga naninigarilyo.

Napaisip si Socorro. Bihira lang magsalita si Agustino ngunit ang mga salitang lumalabas sa bibig nito ay sadyang makabuluhan. "Dahil kahit makakasama sa atin ay kailangan pa rin natin gawin upang bigyang leksyon ang mga mas masasama." Tugon ni Socorro ngunit hindi siya sigurado sa kanyang sagot. Naalala niya ang mga katuruan tungkol sa paghihiganti. Nakaramdam siya ng konsensiya. Sino ba ang dapat humatol kung sino ang mas masasama sa lahat ng nagkasala?

Tumingin si Agustino kay Socorro, "Ang tinutukoy ko ay ang mga ginoo at ginang na iyon." Wika ni Agustino. Napatikhim si Socorro. Sa simpleng tanong ni Agustino ay napagtanto niya agad na mali ang maghiganti at hilingin ang ikakasama ng dalawang babae.

"Marami na ang mga nailathalang aral mula sa larangan ng medisina na nagdudulot ng maraming sakit ang paninigarilyo ngunit marami pa rin ang nahuhumaling." Wika ni Agustino. Napatingin si Socorro sa kapatid. Sandali niya itong pinagmasdan. Parang kailan lang ay kalaro niya pa ito at palaging inaaway. Ngayon ay malapit na rin ito sumunod sa yapak ng kanilang mga nakatatandang kapatid na lalaki.

"Aking napansin na ikaw ay nahihilig sa medisina." Saad ni Socorro. Madalas niyang makitang nagbabasa si Agustino ng mga aklat na may kinalaman sa agham at medisina.

"Ako'y maraming katanungan lamang kung saan nagmumula ang mga sakit at kung paano ito nalulunasan." Paliwanag ni Agustino. Hindi pa siya desidido kung ano ang nais niyang gawin sa buhay. Pinili niyang mag-aral sa kanilang tahanan sa tulong ng maestro na binabayaran ng kanyang ama dahil ang Maynila ay hindi para sa kaniya.

"Anuman ang iyong piliin ay tiyak na susuportahan ka nina Ama at Ina. Anumang kurso, anumang bansa, anumang kolehiyo..." Napatigil si Socorro saka napatulala sa mga ginoo na masayang tinatamasa ang kanilang mga kayamanan. Nagagawa nila ang lahat ng gusto nilang gawin. Nakakapag-aral sila at nakakarating sa iba't ibang bansa. Nagkakaroon ng mga trabaho at nagiging mahahalagang mamamayan ng isang lipunan.

Hindi nakapagsalita si Agustino. Nauunawaan niya ang nararamdaman ngayon ng kapatid. Kung naging lalaki lang si Socorro ay nakasisiguro siya na mamamayagpag din ito sa Maynila dahil sa angkin nitong talino at prinsipyo sa buhay.


KINAGABIHAN, taimtim na nagsusulat si Socorro sa kanyang talaarawan. Sa pamamagitan ng pagsusulat ay kumakalma ang kanyang sarili lalo na sa mga araw na kay daming nangyayari. Isinulat niya ang lahat ng kanyang mga hinaing, mga damdamin, at mga katanungan na kahit ang papel na puno ng sulat ay walang maibigay na kasagutan.

Napatigil si Socorro nang maalala ang binatang puno ng misteryo. Ang mga mata nito ay pinagkukublian ng napakaraming lihim. Naalala niya ang pagtigil nito at pag-iwas ng tingin, ang takot na namamayani sa puso ng taong may tinatago.

Kinuha ni Socorro ang isang kuwaderno saka sinubukang iguhit ang lalaki habang sariwa pa sa kanyang alaala ang hitsura nito. Makailang ulit niyang sinubukang iguhit ang mga mata nito na nauuwi sa paglukot ng papel dahil hindi niya magawa ng tama.

Naisip niya si Leonora, nagagawa nitong iguhit maging ang maliliit na detalye. Napatingin siya sa pinto ng kanyang silid. Nagdadalawang-isip siya kung hihingi ng tulong kay Leonora na masunurin at tapat sa kanilang ina. Tiyak na magtatanong ito kung sino ang lalaking ipapaguhit niya.

Napailing si Socorro sa ideyang iyon. Sigurado siya na mas magiging magulo ang lahat sa oras na may makaalam tungkol sa binata.

Inilipat ni Socorro ang pahina at isinulat doon ang mga detalye na nalaman niya sa estrangherong binata. Ang manuscrito na kanyang nabasa, ang pangalan at lagda ng paborito niyang manunulat, at ang La Librería.

Napatitig si Socorro sa La Librería. Ngayon ay nagsimula siyang maghinala na maaaring nalalaman ng tindahang iyon ang pagkakakilanlan ng misteryong manunulat.


"IKAW ba ay nakatitiyak na magbibigay ng impormasyon ang La Librería tungkol kay Palabras?" Tanong ni Amor habang tinutulungan siya ni Socorro sa pagligpit ng kama nito. Alas-siyete na ng umaga. Mayamaya ay tatawagin na sila ni Manang Tonya para sa agahan.

Sabay nilang hinawakan ang magkabilang dulo ng kumot at maayos itong inilapag sa kama. "Maaaring hindi. Ngunit susubukan ko pa rin. Hindi lamang sa salita nakukuha ang sagot. Maaari ko silang mahuli sa kanilang reaksyon at kilos."

Pinagpatong-patong na nila ang mga unan. "Tunay na misteryoso ang manunulat na iyon ngunit ano ang iyong mapapala sakaling malaman mo ang kanyang pagkakakilanlan?" Tanong ni Amor saka kinuha ang walis at nagsimulang magwalis sa kanyang silid.

Naupo si Socorro sa kama saka napatulala sa malaking bintana sa gilid ng silid. "Ako'y hindi nakasisiguro. Marami akong nais itanong at malaman sa isang mahusay na manunulat tulad niya. Ibig ko ring iparating sa kaniya na siya'y naging inspirasyon ko upang magpatuloy." Wika ni Socorro habang tulala sa labas kung saan naglalakad na ang mga manggagawa ng kanilang hacienda patungo sa mga taniman ng niyog.

"Paano kung wala na siya rito? Tiyak na hindi naman siya taga-rito gaya ng iyong sinabi na ngayon mo lamang siya nakita. Bukod doon, tiyak na magtatago na iyon dahil nakita mo ang manuscrito." Saad ni Amor saka itinabi ang walis at binuksan pa ang ibang bintana ng kanyang silid.

Napahinga nang malalim si Socorro, "Ni hindi ko rin nakuha ang kanyang pangalan." Saad ni Socorro. Inilagay na ni Amor ang mga lampara sa lagayan nito nang mapatigil siya at tumingin kay Socorro.

"Kung nakilala mo pala siya ay maaari kang humingi ng tulong sa kanya upang makapagpalimbag ng libro!" Wika nito dahilan para mapatingin si Socorro sa kapatid. Ngayon lang din pumasok sa kanyang isipan ang ideyang iyon. Ang unang hakbang upang matupad niya ang kanyang pangarap.

Tumayo si Socorro at lumapit kay Amor, "Kailangan ko siyang mahanap!"


NAGMAMADALING umakyat si Nova patungo sa silid ni Socorro. Isang linggo pa lang ang nakalilipas mula nang pagbawalan sila ni Doña Marcela magtungo sa puno ng Acasia. "Socorro! Dumating na!" Abot-tainga ang ngiti ni Nova na lumundag sa kama ng kaibigan.

Agad nagtungo si Amor sa silid ni Socorro nang mabalitaan kay Manang Tonya na naroon si Nova. Lumundag din ito sa kama kung saan tahimik na nagbabasa ng libro si Socorro kani-kanina lang.

Oras ng siyesta, sumunod si Manang Tonya sa silid ni Socorro, "Mga binibini, inyong hinaan lamang ang inyong mga boses sapagkat oras ng pahinga ngayon." Paalala ni Manang Tonya. Tumango ang tatlo saka muling nagkumpulan sa kama.

Nang lumapat ang pinto ay muli silang nagpalitan ng mahihinang hagikgikan. "Pasensiya na hindi na ako nakapaghintay. Binasa ko na kanina habang patungo ako rito." Ngiti ni Nova. Sabay na binasa nina Socorro at Amor ang tugon na liham ng manliligaw ni Nova.

Pareho silang napangiti dahil sa matatamis na mga salita na ginamit nito. "Ikaw ay malulunod sa kanyang mga papuri at pagsinta, Nova." Wika ni Socorro sabay ngiti. Kinuha na niya ang lagayan ng kanyang mga panulat at pumwesto sila sa sahig dahil baka matapunan ng tinta ang kama.

"Hindi na rin ako makapaghintay na makatanggap ng mga ganitong liham." Ngiti ni Amor ngunit napatigil siya nang mapagtanto niya na hindi niya dapat sabihin iyon sa harap ng nakatatanda niyang kapatid at kaibigan nila na mas matanda rin sa kaniya.

"Hihintayin kong makapag-asawa muna kayong lahat, lalo na si ate Segunda. Sa ngayon ay hayaan niyo muna akong mangarap." Natawa sina Socorro at Nova kay Amor na namumula na ang pisngi.

Inilatag na ni Socorro ang papel at maingat na isinawsaw ang pluma sa tinta. "Ngayon ay oras na upang bigyan mo siya ng katiting na pag-asa." Ngiti ni Socorro na sinundan ng mahihinang tawanan ng dalawa.

Mahal kong Ambrosio,

Sa ganang ang mga iniukol mong salita ay nagpapangiti sa aking labi. Ako rin ay nagagalak na mabatid ang mga tumatakbo sa iyong isipan, maging ang iyong mga pangarap. Ayon sa manunulat na si Shakespeare, "Love looks not with the eyes, but with the mind; and therefore, is winged Cupid painted blind."

Ako'y humahanga sa iyong angking talino. Ang mga bagay na tumatakbo sa iyong isipan ay nais ko pang malaman. Sa araw at gabi, sa tag-ulan at tag-araw, at sa tuwing ako ay nag-iisa.

Napatigil si Socorro nang magsalita si Nova, "Socorro, aking nauunawaan na ikaw ay nakakaunawa ng salitang Ingles. Ngunit paano kung kausapin ako ni Ambrosio sa wikang iyan?" Nag-aalalang saad ni Nova. Napaisip si Socorro saka napatango sa sarili. Nilukot niya ang papel saka nagsulat muli ng bago.

"Isalin na lamang natin sa wikang tagalog." Saad ni Socorro at nagpatuloy muli sa pagsusulat. Ang magkakapatid na De Avila ay bihasa sa wikang Tagalog, Español, at Ingles dahil sinisikap ng kanilang ama na matutunan ng mga anak ang mga wikang may kaugnayan sa kaniyang propesyon at koneksiyon.

Karamihan sa mga inhinyero na nakakatrabaho ng kanyang ama ay mga Ingles. At noong kabataan niya ay nagtrabaho siya sa isang kompanya sa London.

Alas-tres na ng hapon nang matapos nila ang liham. Napasayaw at umikot-ikot sa ere si Nova sa tuwa. "Tila tumitibay ang lubid na nagdudugtong sa aming dalawa. Salamat sa inyo, lalo sa iyo, Socorro!" Ngiti ni Nova saka kinuha ang salapi sa kanyang bulsa at ibinigay sa kaibigan.

"Huwag na. Hindi mo na kailangang gawin ito." Ngumiti pabalik si Socorro ngunit kinuha ni Nova ang kanyang kamay at inilagay ang salapi. "Hayaan mong makatulong din ako sa iyo kahit papaano. Ang iyong talento ay nararapat lamang bigyan ng halaga." Ngiti ni Nova. Ibabalik pa sana Socorro ang salapi ngunit kinuha na iyon ni Amor.

"Makakatulong din sa iyo ito upang makaipon ka sa pagpapalimbag." Wika ni Amor saka tumayo at inihulog niya sa alkansya ni Socorro ang salapi.

"Ngunit... Ikaw rin ay aking kaibigan. Ginagawa ko ito dahil nais kong tumulong sa iyo." Saad ni Socorro sabay tingin kay Nova.

"Kaibigan mo rin ako na nais tumulong sa iyo. Tutulungan ka namin upang matupad ang iyong pangarap." Ngiti ni Nova na sinabayan ng tawa ni Amor. Hindi lingid sa kanilang kaalaman na tutol si Don Epifanio sa pangarap ni Socorro na maging manunulat. Naniniwala ang Don na magdudulot iyon ng kapahamakan sa anak at maging sa kanilang pamilya. Ang mundo ng pagsusulat ay nakakalikha ng maraming kaaway.

Napangiti si Socorro, hindi niya akalain na ang malabo niyang pangarap ay unti-unti nang nagiging malinaw. "Ako'y manghihikayat pa ng ilan sa aking mga kakilala." Wika ni Nova bago nagpaalam. Kailangan niya pang humabol sa tanggapan ng koreo (Post Office) bago ito magsara.


KINAGABIHAN, matapos ang hapunan ay kumatok si Socorro sa silid kung saan nagpipinta si Leonora. Malapit ito sa kanilang silid-aklatan sa tabi ng salas. Naabutan niya itong abala sa pagpipinta. "Bakit tuwing gabi mo mas naiibigan magpinta?" Tanong ni Socorro saka isa-isang tiningnan ang mga natapos nang iguhit at ipinta ng kapatid.

"Bakit ka pumapasok nang hindi hinihintay ang tugon ng nasa loob?" Balik ni Leonora nang hindi tumitingin sa kaniya. Naupo si Socorro sa maliit na mesa ngunit tumingin sa kaniya ang kapatid.

"Ang mesa ay lagayan ng gamit. Ang silya ang inuupuan." Wika nito, ang kanyang boses at pananalita ay natutulad sa kanilang ina. Kabisado rin ni Leonora ang lahat ng dasal, mga aral, at pangaral ng kanilang ina.

Tumikhim si Socorro saka naupo sa silya na malapit sa bintana. Kahit abala sa pagpipinta si Leonora ay maayos at malinis pa rin ang silid. Hindi tulad ng kanyang silid-tulugan na tila binabagyo palagi.

"Para kang si Ina." Saad ni Socorro ngunit hindi nagsalita si Leonora. Hindi sila malapit sa isa't isa at madalas sila mag-away lalo na noong bata pa sila. Si Leonora ay larawan ng isang mahinhin at kaibig-ibig na dalaga. Samantala, si Socorro ay ang kabaliktaran niya.

"Ano ba ang iyong pakay?" Tanong ni Leonora saka ibinaba ang pincel at tumingin kay Socorro. Napatikhim muli si Socorro saka tumayo at naglakad papalapit sa kapatid. Mas matanda siya kay Leonora ngunit ang isip nito ay mas husto at natutulad sa kanilang ina.

"Ako'y may binubuong nobela. Sa kalagitnaan ay nahihirapan ako sapagkat aking nakakaligtaan ang hitsura ng aking pangunahing tauhan na lalaki." Panimula niya saka pinakita kay Leonora ang naiguhit niya noong isang gabi.

Napakamot sa ulo si Socorro, "Kung maaari sana ay tulungan mo akong iguhit ang tauhan na nasa aking isipan nang sa gayon ay maging malinaw ang aking paglalarawan sa aking istorya." Ngumiti si Socorro. Kailanman ay hindi siya humingi ng malaking pabor kay Leonora, mga maliliit na bagay lang tulad ng pag-abot ng tubig at kanin habang kumakain sila sa hapag-kainan.

Tiningnan ni Leonora ang iginuhit na binata saka tingninan ang kapatid. "Ito ba ang iyong napupusuan?" Tanong ni Leonora na ikinalaki ng mata ni Socorro.

"H-hindi!" Pagtanggi nito saka napalunok nang mapagtanto niya na hindi dapat ganoon ang kaniyang maging reaksyon. "Hindi lang talaga ako mahusay sa pagguhit kung kaya't hindi maayos ang aking nagawa." Patuloy niya.

Inilapag ni Leonora ang papel sa tabing-mesa. "Bigyan mo ako ng tatlong araw. Tatapusin ko lang itong pang-regalo ni Ama sa ating tiyo." Saad ni Leonora, napangiti si Socorro. Hind niya akalaing papayag si Leonora at hindi na ito mag-uusisa pa kung sino ang lalaking iyon. Sa kaniyang isip ay naging epektibo ang kaniyang plano.

"Salamat, Leonora!" Masayang paalam ni Socorro na halos lumundag sa tuwa. Nang makarating siya sa pintuan ay muli siyang lumingon sa kapatid. "Siya nga pala, maaari bang ilihim natin ito? Iyong nababatid na hindi matutuwa sina Ina at Ama sa oras na malaman nilang nagsusulat pa rin ako." Tumango si Leonora sa pakiusap ni Socorro dahilan para mapangiti ito muli at magpasalamat sa kaniya.

Napangiti sa sarili si Leonora nang makaalis si Socorro. Sa laki ng pagkakaiba nila ay naghahatid pa rin ng kulay ang kanilang pagkakaiba tulad ng mga ipinipinta niyang obra.


MULING sinundan ng tingin ni Manang Tonya si Nova at ang bago na naman nitong kasamang kaibigan na babae. Apat na araw na sunod-sunod nagdadala ng kaibigan at pinsan si Nova na sinasabi nitong ipapakilala kina Socorro at Amor.

"Mabuti na po iyan. Ako'y umaasa na mahihikayat mag-aral sa Maynila sina Socorro at Amor dahil marami na silang kaibigan." Wika ni Doña Marcela habang patuloy na nagbuburda sa salas.

"Sa isang taon ay labing-pitong taong gulang na si Socorro. Marapat lang na bigyan niyo siya ng pagkakataong matuto sa kumbento." Suhestiyon ni Manang Tonya. Napaisip si Doña Marcela, ngayon pa lang ay sumasakit na ang ulo niya sa oras na maging estudyante si Socorro ng mga madre. Tiyak na linggo-linggo ay makakatanggap siya ng hinaing at kaso na kinasasangkutan ng pilyang anak.

"Iba po ang plano ni Epifanio sa kanila. Minsan na niyang nabanggit sa akin na nais niyang manatili rito sa Sariaya ang aming mga anak na babae kasama ang kanilang mga magiging kabiyak. Nagawa na ngang hati-hatiin ni Epifanio ang aming lupain para sa aming limang binibini." Ngiti ni Doña Marcel. Napatango ng ilang ulit si Manang Tonya. Naalala niya si Remedios at ang sarili nitong pamilya na nasa katabing barrio lang nila.

Magkaiba ang pangarap at plano ni Don Epifanio sa kaniyang mga anak na babae at lalaki. Ang mga lalaki ay inaasam niyang makalikha ng sari-sariling pangalan sa kani-kanilang propesyon. Hangga't maaari ay ibig niyang makilala ang kanilang pamilya sa Europa.

Samantala, simple lang ang pangarap niya para sa mga anak na babae. Nais niya itong makasama sa hacienda De Avila. Sa mga anak na babae niya hahatiin ang buong hacienda at hihikayating magpatayo ng mga bahay malapit sa kanila upang magkakasama sila sa iisang lugar.

Tumingin si Manang Tonya kay Doña Marcela, napahinga na lamang nang malalim ang Doña nang maunawaan ang simpatya ng mayor doma dahil ang tulad niya ay walang kakayahang magdesisyon para sa pamilya. Ang ama ng tahanan ang may hawak ng kapalaran ng kanilang pamilya.


HALOS magasgas na ang lalamunan ni Socorro habang kausap ang mga kliyente na dinadala ni Nova. Lima na ang natulungan niya sa loob ng apat na araw at ngayon ang ika-anim. Nagkukumpulan sila sa tabing-bintana kung saan nakapatong ang maliit na mesa na pinagsusulatan ni Socorro.

"Kung gayon, nais mong itanong kung may balak siyang pakasalan ka?" Pagkumpirma ni Socorro gamit ang mahinang boses na halos pabulong. Tumango ang babae na nagngangalang Sara sabay pahid ng luha. Hinagod naman ni Nova ang likod ng kaibigang dalaga habang si Amor ang nagbabantay sa tabi ng pinto at nagmamatiyag kung may paparating.

"Kung sakaling wala siyang balak na alukin ako ng kasal ay mabuti pang kalimutan na namin ang isa't isa." Wika ng babae na nagsimulang humagulgol. Agad tinakpan nina Nova at Socorro ang bibig nito sa takot na may makarinig.

Ang paalam nila ay mag-aaral, magtatahi, at magbuburda lang sila sa silid ni Socorro. Giniit pa ni Nova na marami siyang kaibigan na gustong ipakilala kay Socorro dahil gusto rin nilang maging kaibigan ito.

Nang mahimasmasan si Sara ay umayos na nang upo ang dalawa. Panay naman ang silip ni Amor sa pintuan. "Marapat lang na maging malinaw sa inyo ang plano sa hinaharap. Hindi tama na maiwan ka ritong naghihintay at umaasa sa kaniyang mga pangako at salita." Wika ni Socorro, dahilan para mapalingon si Amor at mag-isip nang malalim si Nova.

Nagsimulang magsulat si Socorro, "Hindi natin hahabaan ang liham. Marapat lang na maramdaman niya na hindi ka natutuwa at nasasaktan sa mga oras na ito." Patuloy ni Socorro. Napaisip si Nova, matipid din magsalita ang kaniyang ina sa tuwing nagtatampo ito sa kanyang ama.

Makalipas ang ilang minuto ay natapos na niya ang liham. Nanatili pa sila sa silid at nagkwentuhan hanggang sa lumipas ang isang oras. Pinapatagal nila ang oras upang hindi magtaka sina Doña Marcela at Manang Tonya at akalaing naglilibang lang ang mga bata.

Nang sumapit ang alas-singko ng hapon ay nagpaalam na sina Nova at Sara. Pilit nilang pinatahan si Sara at nilagyan ng pulbos sa mukha upang hindi mapansin ang pagluha nito. Iniabot na ni Sara ang kaniyang bayad.

"Salamat sa inyo. Sa oras na matuloy ang kasal, huwag sana kayong mawala sa araw ng aming pag-iisang dibdib." Sinubukang ngumiti ni Sara ngunit nang maalala niya ang malamig na pakikitungo sa kaniya ng nobyo ay naluha na naman siya. Agad siyang pinatahan ng tatlo at nilagyan muli ng pulbos sa mukha.


KINAGABIHAN, nang matapos ang hapunan ay agad sumunod si Socorro kay Leonora. Araw ng Biyernes, umaasa siya na natapos na ng kaniyang kapatid ang pabor na hiningi niya.

"Ibig ko pa sanang gawing mas itim ang kulay ng kaniyang kasuotan ngunit naubusan ako ng pangkulay." Wika ni Leonora saka kinuha ang isang obra sa tabi ng mga pinapatuyo niyang iba pang obra.

Nanlaki ang mga mata ni Socorro nang makita niya kung gaano kalaki ang ipinintang larawan ni Leonora. Kasinglaki ito ng mesa sa kanilang salas. "Bakit? May mali ba?" Nagtatakang tanong ni Leonora.

Napagtanto ni Socorro na hindi niya pala nasabi kay Leonora na sa maliit na papel lang ipinta ang pinakita niyang guhit noon. Ngayon ay hindi niya alam kung paano itatago ang malaking obra na gawa ng kapatid.

"Hindi naman ito nalalayo sa iyong iginuhit. Mas naging buhay at kaakit-akit dahil sa mga kulay. Maaari mo na itong ilagay sa iyong silid." Saad ni Leonora na nagulat sa naging reaksyon ni Socorro.

"Hindi maaari!" Kinuha ni Socorro ang obra saka inilapag sa gilid. Naghanap siya ng malaking tela saka ipinangtaklob sa larawan.

"Makakatulong na makita mo iyan upang tuloy-tuloy ang iyong pagsusulat." Saad ni Leonora, ngayon ay nagsisimula na siyang maghinala dahil sa kakaibang reaksyon ng kapatid.

"Hindi ito maaaring makita ni Ina." Wika ni Socorro na animo'y kinakabahan. "Maging nina Amor at ate Segunda." Patuloy nito saka sinubukang buhatin ang obra na pagkalaki-laki.

"Bakit hindi? Iyan ay isang obra..."

"Basta hindi maaari. Kailangan ko muna itong itago sa aking silid."

"Saan?"

"Sa ilalim ng kama o sa sulok na hindi ito mapapansin o makikita."

Hindi maunawaan ni Leonora ang ikinikilos ng kapatid, "Pagbuksan mo ako ng pinto, Leonora." Pakiusap ni Socorro, binuksan ni Leonora ang pinto saka sinundan ng tingin si Socorro na buong puwersang binuhat ang obra.

"Samahan mo rin ako sa itaas..." Hindi na natapos ni Socorro ang sasabihin dahil napatigil siya nang makita ang kaniyang Ama at Ina sa salas.

"Socorro, ano iyan?!" Gulat na napatayo si Doña Marcela.

"W-wala po ina. Hiningi ko lang ito kay Leonora." Nagmamadaling sagot ni Socorro saka mabilis na naglakad paakyat ng hagdan ngunit napatid siya sa kaniyang saya dahilan upang madapa siya at tumilapon sa ere ang obra.

Natanggal ang tela na pinangtakip niya sa obra at patihaya itong bumagsak sa sahig. Napatakip sa bibig sina Doña Marcela at Leonora. Naisigaw naman ni Don Epifanio ang pangalan ng anak. Samantala, dali-daling tumakbo si Jacinto papalapit sa kapatid.

"Bakit ka ba nagmamadali?" Tanong ni Jacinto saka inalalayang tumayo ang kapatid. Napahawak si Socorro sa kaniyang siko at tuhod na diretsong tumama sa kahoy na sahig.

"A-ayos lang ako..." Napatigil si Socorro at nanlaki ang kaniyang mga mata makita ang isang pamilyar na binata na nakatayo sa salas. Bakas sa hitsura nito ang pagkagulat at pag-aalala sa pagkadapa ni Socorro.

Tiningnan ni Jacinto si Socorro na ngayon ay tulala, sinundan ang tingin nito at nakita ang isinamang kaibigan. "Siya nga pala, isinama ko ang aking matalik na kaibigan at kaklase. May proyekto kami at kailangan namin ng tulong mula kay ama." Wika ni Jacinto.

Tumingin si Jacinto sa kaibigan, "Ang mga kapatid ko, sina Socorro at Leonora." Pakilala nito.

"Magandang gabi, ang ngalan ko ay Cristobal. Ako'y nagagalak na makilala kayo." Bati ng binata at nagbigay-galang. Yumukod at nagbigay-galang si Leonora pabalik. Samantala, nanatiling tulala sa binata at hindi makapaniwala si Socorro.

"Ano ba itong dala-dala mo?" Tanong ni Jacinto saka akmang kukunin ang obra sa sahig nang matauhan si Socorro. Sa takot na makilala nito ang lalaki sa obra ay agad lumundag si Socorro at padapang tinakpan ang obra.

Nagulat ang lahat sa pag-aakalang nadapa muli si Socorro ngunit ang totoo ay buwis-buhay niyang tinakpan ang larawan dahil ang lalaki sa obra ay ang binatang nasa tahanan nila ngayon.


*****************

#SocorroWP

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro