Kabanata 18: Tres Segundos

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

[Kabanata 18]

NANATILING nakatutok si Socorro sa kaniyang binuburdang panyo habang paikot-ikot si Amor sa kanilang harapan. Napapangiti at napapailing na lang sina Don Epifanio at Doña Marcela dahil sa labis na saya ng kanilang anak.

Isang oras bago ang tanghalian, kasalukuyan silang nasa asotea habang dinadama ang malamig na simoy ng hangin sa buwan ng Disyembre. "Ako'y hindi na makapaghintay sa kaniyang pagbabalik!" Ngiti ni Amor sabay lapit sa kaniyang Ina upang ipakita muli ang liham mula sa kasintahan.

Tumango nang ilang ulit si Doña Marcela, "O'siya, iyong tugunan agad si Leonel at sabihing dito na siya mamalagi sa ating tahanan sa kaniyang pag-uwi," wika ni Doña Marcela dahilan upang muling mapatalon sa tuwa si Amor at humalik sa kaniyang Ina.

"Tiyak na matutuwa siya! Salamat, Ina!" Makalawang ulit pang umikot si Amor bago tuluyang mahilo dahilan upang matawa ang mag-asawang De Avila at si Manang Tonya na tahimik na umiinom ng tsaa.

"Basta't ipangako mo, Amor na hindi magiging ganiyan ang iyong kilos pagdating niya rito," paalala ni Doña Marcela, natutuwa siya para sa anak ngunit hindi niya palalagpasin ang pagsayaw at pagngiti ni Amor na tila ba sabik na sabik sa katipan nito.

"Hayaan mo siya, Marcela. Anupa't umibig kung hindi naman kayang ipagsigawan, hindi ba anak?" Wika ni Don Epifanio na nagbabasa ng dyaryo, kumindat siya kay Amor bilang suporta, dali-daling tumakbo papalapit sa kaniya ang anak at yumakap.

"Bihira lang ang may lakas ng loob na maghayag ng kaniyang damdamin. May ibang takot, may ibang hindi sigurado, at may ibang huli na bago mapagtanto ang kanilang nararamdaman. Anong silbi ng pag-ibig kung wala ng pag-asa?" Patuloy ni Don Epifanio na kilala ring makata at nahihilig sa mga babasahing panitikan.

"Hayaan niyo Ama't sasabihan ko si Leonel na dalhan kayo ng mga alak," bulong ni Amor dahilan upang matawa silang dalawa.

Nanatiling tahimik si Socorro sa binuburda nito kahit pa lumagpas na sa gibuhit na mga bulaklak. "Mahalaga ang maihayag ang pagsinta ngunit mahalaga rin na pakaingatan ang kilos. Hindi ko ibig na isipan ng pamilya ng iyong katipan na ikaw ang hulog na hulog sa kanilang anak," paliwanag ni Doña Marcela.

Kumindat si Amor sa Ama saka umupo sa tabi ng Ina, "Nauunawaan ko po, Ina. Ganito po ba?" Ngumiti nang marahan si Amor at nagkunwaring kumilos nang mahinhin at buong-giliw dahilan upang matawa si Manang Tonya.

"Ikaw ay tila may tinitiis na hindi kanais-nais, Amor." Tawa ni Manang Tonya. Napangiti si Doña Marcela saka hinawakan nang marahan ang pisngi ng anak. Walang salitang lumabas sa bibig ni Doña Marcela, ngunit ang kaniyang mga mata ay nangungusap. Si Amor ang bunso niyang babae, hindi niya inaasahan na mauunahan pa nito ang mga nakatatandang kapatid.

Napatitig si Socorro sa kaniyang kapatid at Ina, animo'y nagpapalitan sila ng pasasalamat at payo sa isa't isa dahil patungo na si Amor sa bagong yugto ng buhay nito. Hindi malaman ni Socorro kung bakit nakaramdam siya nang bigat sa dibdib nang sumagi sa kaniyang isipan na maaaring kailanman ay hindi niya maranasan iyon.

Napalingon ang lahat kay Socorro nang mapasigaw ito sa sakit, natusok siya ng karayom sa daliri. "Jusmiyo, mag-ingat ka, hija," paalala ni Manang Tonya na agad binaba ang tasa. Lumingon si Doña Marcela at akmang kukunin ang kamay ni Socorro ngunit nauna nang tumayo si Socorro, "Huhugasan ko lang po ito." Mabilis na wika ni Socorro na dali-daling nagtungo sa palikuran.

Susundan sana siya ni Manang Tonya ngunit mas binilisan ni Socorro ang kaniyang paglalakad at sinarado agad ang pinto ng palikuran. Agad hinugasan ni Socorro ang hintututo na nagdurugo nang kaunti. Ang totoo ay hindi niya maramdaman ang hapdi ng sugat. Mas nangingibabaw ang bigat ng damdamin na hindi niya maipaliwanag mula nang makita muli si Cristobal.

Apat na beses niyang hinugasan ang sugat ngunit hindi pa rin siya mapanatag kung kaya't naghilamos na rin siya nang mukha. Ramdam niya ang maliliit na karayom na parang tumutusok sa kaniyang mukha at mga kamay. Sandaling tinitigan ni Socorro ang sarili sa salamin na malabo at naninilaw. Hindi niya maunawaan ang sarili, sa loob ng ilang taon ay naging maayos naman siya, masaya, malaya, at maligaya sa pagsusulat.

Ngunit ngayon ay tila nawalan ng saysay ang kaniyang mga nagawa para sa sarili at para sa pangarap. Ang pag-asa na nakikita niya sa kaniyang pangarap ay tila lumalabo at nawawalan ng kabuluhan dahil sa pagbabalik ng nakaraang pahina na hindi niya nagawang tapusin.

Ilang minuto pang nanatili sa loob ng palikuran si Socorro. Nang maramdaman niyang nabawasan na ang bigat ng kaniyang dibdib at ang pamamanhid ng kaniyang katawan ay huminga siya nang malalim saka naglakad papalabas ng palikuran.

Naabutan niyang pababa si Feliciano, bihis na bihis ito at may dalang maliit na maleta. "Magandang umaga," bati ni Feliciano sa kaniyang mga magulang, kapatid, at mayor doma na nasa asotea at nagtatawanan.

"May lakad ka, anak?" Tanong ni Doña Marcela, ibinaba ni Feliciano ang sumbrero. "Kukunin ko po ang naiwan kong maleta sa tahanan ng pamilya Salcedo," tugon ni Feliciano. Nagkatinginan sina Doña Marcela at Don Epifanio, matapos ang nakakahiyang nangyari walong taon na ang nakalipas sa pagitan ng kanilang pamilya at ng pamilya Salcedo ay hindi na nila nakausap muli si Don Rufino.

"O'siya, ikumusta mo na lamang kami sa kanila," saad ni Don Rufino na nagpatuloy sa pagbabasa ng dyaryo. Ang totoo ay nahihiya silang humarap kina Don Rufino at Doña Josefa Salcedo dahil ang anak nila mismo ang tumanggi sa kasal na sila rin ang unang nagbukas ng usapin.

Tumango si Feliciano at akmang aalis na ngunit humabol si Socorro, "D-dadaan ka sa bayan, Kuya?" Napalingon ang lahat sa kaniya. Buong-sikap na iniwasan ni Socorro ang tumingin sa kaniyang mga magulang at kapatid. Maging si Manang Tonya na natahimik.

"Oo, walang ibang daan patungo sa..."

"Sasama ako," wika ni Socorro na humakbang pa papalapit. "A-ako'y may kukunin sa La Librería," dagdag ni Socorro na mabilis sumulyap sa kaniyang pamilya na mga walang imik at nanatiling nakatingin lang sa kaniya.

Tumango nang marahan si Feliciano, nalalaman niya ang nangyari matapos ikuwento sa kaniya lahat nina Jacinto at Amor nang umuwi siya noon. Bukod doon ay nababatid din niya na walang makakapigil kay Socorro kung nais nitong sumama sa hacienda Salcedo.

"Ibaba mo lang ako sa bayan," saad ni Socorro na mabilis pumanhik sa kaniyang silid upang kumuha ng balabal, abaniko, at salapi. Sinadya niyang lakasan ang boses at sabihin iyon upang unahan sina Don Epifanio, Doña Marcela, Amor, at Manang Tonya na may ibang iniisip sa kaniyang pagsama.


TUMATAGOS ang sinag ng araw sa mga maliliit na uwang mula sa nagtataasang puno na kanilang nadaraanan. Nakalagpas na sila sa bayan ngunit walang sinabi si Socorro na siya'y bababa sa La Librería, bagay na alam na ni Feliciano kung kayat't hindi na niya pinaalala ang sinabi ng kapatid na magtutungo lang ito sa La Librería.

Sinasayawan nang marahan ang kulay dilaw na balabal ni Socorro na nakapayakap sa kaniyang balikat. "Nabasa mo na ba lahat ng pinadala kong aklat noong nakaraang taon?" Tanong ni Feliciano, tumango si Socorro bilang tugon nang hindi lumilingon sa kaniya. Nanatili itong nakatingin sa dinadaanan nilang malalawak na palayan na pag-aari ng pamilya Salcedo.

"Kunin mo na lang din ang mga binigay ko kay Jacinto. Marahil ay hindi niya pa nauumpisahan basahin ang isa," saad ni Feliciano ngunit tumango lang din si Socorro na tila ba may ibang iniisip. Nauunawaan niya ang kapatid na naging laman ng usap-usapan sa paglipas ng panahon. Sa mundo kung saan ang isang pagkakamali ay nagiging kasiraan ng isang tao habambuhay, maging ang isang hindi pagkakaunawaan ay nakakalikha ng bagong ikasisira ay nauunawaan ni Feliciano ang pinagdadaanan ng mga kapatid na babae.

Minsan nang dinanas ni Segunda ang lahat ng kahihiyan at paninira. Ngayon ay si Socorro naman ang naging sentro ng atensyon ng lahat. Laking-pasalamat ni Feliciano dahil ang mapanirang usap-usapan tungkol kay Socorro ay unti-unti nang humuhupa. Iyon nga lang, natutunan na ni Socorro na magsuot ng balabal sa tuwing lumalabas upang hindi makatawag ng pansin.

"Sandali, itigil po natin," wika ni Socorro na ikinagulat ng kutsero at in Feliciano.

"Bakit?" Nagtatakang tanong ni Feliciano ngunit bago pa siya makarinig ng sagot ay mabilis na lumundag si Socorro pababa ng kalesa at nilapitan ang isang ale na paika-ika maglakad.

"Kayo po ba ay ayos lang?" Tanong ni Socorro na agad humawak sa braso ng ale ngunit nahihiya itong umiwas at payukong nagpasalamat.

"H-huwag niyo ho ako alalahanin, Señorita," mahinang tugon ng ale na nanatiling nakayuko. Marumi at nababalot ng putik ang laylayan ng saya ng babae na sa tingin niya ay nasa edad apatnapu. Nangangayayat, matigas ang buhok, at namumula ang maputi nitong balat dahil sa init ng araw. Naalala niya ang mga tinutulungang hayop at maralita. Ang kaniyang sinasahod sa La Librería ay ibinibigay niya sa mga kababaihan na nangangailangan at sa samahan ng mga taong nangangalaga sa mga kuneho.

Bumaba si Feliciano sa kalesa at lumapit sa kanila, "Ang aking kapatid ay isang doktor, maaari niya po kayong suriin..." Hindi na natapos ni Socorro ang kaniyang sasabihin dahil nagsalita na ang ale na mabilis sumulyap sa kanila ni Feliciano.

"Hindi niyo na ho dapat sayangin ang inyong oras sa akin. Tumuloy na ho kayo sa inyong lakad, pakiusap," saad ng ale na makalawang ulit pang nagpasalamat. Nanatiling nakatitig si Socorro sa ale na dalawang beses nagtama ang kanilang paningin. Hindi malaman ni Socorro kung bakit tila pamilyar ang mga mata nito.

Kinuha ni Feliciano ang kaniyang tarjeta kung saan nakalagay ang kaniyang pangalan, propesyon, at klinika sa Madrid. "Sa ngayon ay wala pa po akong klinika rito, ngunit maaari po kayong magtungo sa aming tahanan, sa hacienda De Avila," saad ni Feliciano sabay abot ng tarjeta.

Sandaling napatitig ang ale sa tarjeta at sa magkapatid na De Avila. Kilala niya ang pamilya De Avila na isa sa mga maimpluwensiya at marangyang pamilya sa bayan ng Sariaya kung kaya't mas lalo siyang nakaramdam ng pagkailang at muling yumukod.

"Tanggapin niyo na po, pakiusap," wika ni Socorro sabay kuha sa kamay ni Feliciano ng tarjeta, hinawakan ang kamay ng ale, at inipit doon ang maliit na papel. "Tanggapin niyo na rin po ito," patuloy ni Socorro sabay hubad ng kaniyang dilaw na balabal at isinuot sa ale.

"Makakatulong din po iyan upang hindi kayo mapaso sa init ng araw at maging sa lamig ng gabi," wika ni Socorro na ngumiti nang marahan. Naalala niya sa ale ang ilang mga babaeng nakilala niya na kinupkop ng mga madre at ang ilang biyuda at mag-isang nagtataguyod sa kanilang mga anak.

"S-salamat, Señorita," yumuko muli ang ale, "At sa iyo, Señor," saad nito at nagpasalamat din kay Feliciano.

"Sumabay na po kayo sa amin, saan po ba kayo tutungo?" Tanong ni Socorro, umiling ang ale na nanatiling nakayuko habang hawak ang dulo ng balabal na sa tanang buhay niya ay ngayon na lang siya muli nakapagsuot nang malinis at mabangong tela na amoy lila.

"Ma-maraming salamat ho, ngunit huwag na po kayong mag-abala. Malapit na rin ho ang aking uuwian," tugon ng ale sabay turo sa mga kabahayan na matatagpuan paglagpas ng hacienda Salcedo.

Muling nagpasalamat ang ale, hindi malaman ni Socorro kung bakit hindi niya maiwan ang babae hanggang sa ito na mismo ang kusang naglakad. Ngunit nakakatatlong hakbang pa lang ang ale ay napatigil ito at dahan-dahang lumingon sa magkapatid na De Avila.

"M-maaari ko po bang malaman kung dito pa rin po nakatira ang pamilya ni... Don Rufino Salcedo?" Tanong ng ale na tila ba nagalinlangan pa banggitin ang pangalan ng dating punonghukom.

Napatingin sina Socorro at Feliciano sa mansyon ng pamilya Salcedo na ilang metro pa ang layo. "Opo, nagretiro na rin si Don Rufino bilang gobernadorcillo," tugon ni Feliciano, tumango ang ale at nagpasalamat saka muling nagpatuloy sa kaniyang paika-ikang paglalakad.

Nanatiling nakatingin si Socorro sa ale na ngayon ay napagtanto niya na nahahawig ang mga mata nito sa taong matagal na rin niyang kilala.

Ala-una ng hapon nang makarating sila sa tahanan ng pamilya Salcedo. Tahimik, maaliwalas ang paligid, at sadyang malaki ang tatlong palapag na mansyon. Mahilig sa bulaklak at mga halaman si Doña Josefa kung kaya't ang kanilang tahanan ay tila paraiso sa lupa.

Pinagmasdan ni Socorro ang paligid. Hindi niya maipaliwanag kung bakit tila naghahatid ito ng kapayapaan at inspirasyon. Sa isip niya ay marahil dahil nag-iisang anak lang si Cristobal kung kaya't payapa at napaganda talaga ni Doña Josefa ang tahanan nito. Kumpara sa kanilang tahanan kung saan madalas ay may nasisira sila nina Jacinto, Amor, at Concordio.

Natauhan si Socorro nang magtama ang kanilang paningin ni Cristobal na kakalabas lang at ngayon ay naglalakad na papalapit sa kanila. Kung nanaginip siya ng gising ay masasabi niyang ito ang nais niyang matunghayan sa tuwing uuwi siya sa sunod niyang tatawaging tahanan.

"Magandang tanghali. Salamat sa iyong pagpapaunlak, Señor Feliciano," bati ni Cristobal na agad nakipagkamay kay Feliciano. Tatlong segundo ang lumipas bago nagsalita si Cristobal at bumati kay Socorro, "Magandang tanghali rin sa iyo... Binibining Socorro," patuloy ni Cristobal na nagtapat ng sumbrero sa kaniyang dibdib.

Animo'y tinamaan ng kidlat ang puso ni Socorro nang maging pormal sa kaniya si Cristobal. Naalala niya na nagagawa na nilang tawagin ang isa't isa sa pangalan. Bukod doon ay ilang pagsubok, pagtatago, at pagkakataong makapag-usap nang malaya ang kanilang pinagsamahan noon.

Nakababa ang buhok ni Cristobal at napansin niya mas humaba ito. Nakasuot ito ng puting polo, tsaleko, pantalon, at sumbrero na kulay abo na tila may inaasahan itong panauhin. Natauhan si Socorro nang magsalita si Feliciano, "Tulog ba si Doña Josefa?"

Napagtanto ni Socorro na hindi pala siya nakabati pabalik kay Cristobal sa pagkabigla. Hindi niya malaman kung bakit pa siya nabibigla gayong inaasahan niyang makikita ito sa hacienda Salcedo Bukod doon ay siya ang nagboluntaryong sumama sa tahanan nito. Sa katunayan ay si Cristobal ang dapat na mabigla dahil hindi naman nito inaasahan ang kaniyang pagdating.

Sabay na naglakad sina Feliciano at Cristobal papasok sa mansyon habang ipinapaliwanag ni Cristobal ang kalagayan ng kaniyang Ina. Nalaman ni Socorro na ipinakiusap din pala ni Cristobal na suriin ni Feliciano ang kaniyang Ina kasabay ng pagkuha nito sa maletang naiwan ni Feliciano.

Limang minuto nang nakaupo si Socorro sa salas habang hinahatiran siya ng mga kasambahay ng sikulate at merienda. Mag-isa lang siya ngunit hindi niya mabatid kung bakit kumakabog ang kaniyang puso sa kaba kung kaya't kinain na lang niya ang mga inihain na tinapay at kakanin saka inubos ang sikulate, at humingi pa ng isang basong tubig at sikulate.

Nasa ikalawang palapag si Feliciano, sinamahan siya ni Cristobal sa silid ni Doña Josefa para suriin ito. "Señorita, ibig niyo pa ho ng kakanin?" Tanong ng kasamabahay na nagtaka dahil naubos ni Socorro ang merienda na para sa dalawang tao.

Tumikhim si Socorro saka tumayo, "Susunod ako sa itaas, may sasabihin ako sa aking kapatid," mabilis na wika ni Socorro na pilit nilalabanan ang kaniyang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag. "P-pasensiya na, hindi pa pala kami nananghalian," paliwanag ni Socorro na nakaramdam ng hiya kung kaya't hinawakan na niya ang kaniyang magkabilang saya at dali-daling umakyat sa ikalawang palapag.

Nang makarating siya sa ikalawang palapag ay kapansin-pansin ang naglalakihang mga obra sa bawat dingding. Maging ang makintab na kahoy na sahig kung saan tumatama ang repleksyon ng liwanag mula sa mga nakabukas na bintana.

Nagsimulang humakbang si Socorro patungo sa tabing silid kung saan niya naririnig ang ilang boses. Nakauwang ang pinto at may mga lumabas na tagapagsilbi ni Doña Josefa. Napatigil si Socorro sa tapat ng pintuan nang makita ang nangyayari sa loob ng malaking silid.

Sinusuri ni Feliciano ang tuhod at siko ng isang matandang babae na payat at nanghihina. Mabibilang lang ni Socorro sa daliri kung ilang beses niya nakita noon sa mga bulwagan at pista ang asawa ni Don Rufino na bihira lumabas ng bahay. Ayon din sa mga naririnig niyang usap-usapan noon ay mas gustong manatili sa bahay ni Doña Josefa upang makaiwas sa mga panghuhusga ng tao tungkol sa pagiging baog.

Ayon pa sa iba, sa kabila ng tagumpay at kayamanan ng pamilya Salcedo ay hindi sila nabiyayaan ng anak. Si Doña Josefa ang sinisisi ng karamihan dahil maaaring may nagawa raw itong malaking kasalanan o kaya naman ay hindi tunay na nananampalataya.

Ang pagdating ng anak ni Don Rufino mula sa kasambahay nito ay pagsupalpal daw sa reputasyon ni Doña Josefa at ng pamilya nito. Sa kabila niyon, ang ilehitimong anak na kinupkop at tinustusan ni Don Rufino ang nagsalba at magpapatuloy ngayon sa kanilang pangalan kung kaya't tinanggap na rin ng lahat si Cristobal na sinasabing magliligtas sa henerasyon ng mga Salcedo.

Malaki ang silid na napapalibutan ng mga mamahaling porselanang paso tulad ng nakahiligan ni Doña Marcela. May mahabang silya malapit sa pintuan, nasa tapat ang kama na nahaharangan ng malalambot na kulambo na animo'y kurtina.

Nakita ni Socorro si Cristobal na nakatayo malapit sa mahabang silya. Nakatalikod ito sa kaniya habang pinagmamasdan ang pagsusuri ni Feliciano kay Doña Josefa. May dalawang kasambahay ang tumutulong sa doña upang makasandal at makaupo ito nang maayos sa kama.

Napahinga nang malalim si Socorro bago humakbang papalapit kay Cristobal. Sa kaniyang paghakbang ay naalala niya ang mga liham na pinadala niya sa binata ngunit ni isa ay walang nakabalik, wala rin siyang tugon na natanggap. Bukod doon ay naalala rin niya ang pag-iwas nito ng tingin nang magkita sila sa La Librería kahapon.

Ngunit nauunawaan niya si Cristobal. Hindi nito tungkulin na tugunan ang kaniyang liham o paunlakan ang kaniyang presensiya sa kabila ng mga sinabi niya at ang tahasan niyang pagtanggi sa nararamdaman nito noon. Ang mga pahinang nalagpasan ay maaaring balikan at unawain muli, at iyon ang kaniyang gagawin.

Tumikhim si Socorro, "Huwag ka masyadong humanga sa aking kapatid," panimula niya. Tumingin sa kaniya si Cristobal, ni hindi ito nagulat o nabigla na para bang nalalaman na nito na susunod si Socorro at muli silang makakapag-usap. "Tiyak na maghihinanakit si Kuya Jacinto sa oras na mabatid niyang si Kuya Feliciano ang higit mong hinahangaan sa kanilang dalawa," patuloy ni Socorro saka ngumiti. Nais niyang bumalik ang dati. Bumalik ang kanilang maayos na pagkakaibigan. At higit sa lahat, ay ang makahingi ng tawad.

Tatlong segundong nanatiling nakatingin si Cristobal kay Socorro, kung paano ito tumingin noon, kung paano ito ngumiti, at kung paano nito nagagawang magbiro sa gitna ng suliranin ang siya pa ring dalaga na kaniyang nakilala.

Tipid na ngumiti si Cristobal, hanggang ngayon ay marami pa ring surpresang hatid si Socorro tulad ng kung paano niya ito muling nasilayan noong bisperas ng Pasko, at ang pagkikita nila ngayon sa kaniyang tahanan.

"Pareho silang mahusay at kahanga-hanga. Tunay na tanyag at tinitingala si Feliciano sa Europa. Si Jacinto... bagaman hindi niya ninais magtungo roon at lumikha ng sariling pangalan. Ako'y naniniwala na maligaya siya ngayon dito, Binibini," wika ni Cristobal. Hindi mabasa ni Socorro kung nawawala na ang pagiging pormal nito sa kaniya o pinupuri lang nito ang kaniyang mga kapatid.

"Nagkita na kayo ni Kuya Jacinto?" Tanong ni Socorro kahit pa malaki ang posibilidad na nagkita na nga sina Jacinto at Cristobal dahil sa Maynila dumaong ang barko mula Europa.

Tumango si Cristobal, "Siya ang sumalubong sa amin," tugon nito saka tumingin sa Ina. Napakagat si Socorro sa kaniyang labi. Dati ay hindi siya nahihirapan kausapin si Cristobal dahil kahit anong sabihin niya ay pinapakinggan nito at ito rin ang kusang nagtatanong upang ipagpatuloy niya ang kaniyang kuwento. Ngunit siya si Socorro, hindi siya agad sumusuko at tumatanggap ng pagkatalo lalo na pagdating sa pakikipagpanayam.

Humarap si Socorro kay Cristobal, "Totoo ba na may kasintahan si Kuya Jacinto?" Tanong niya dahilan upang mabigla si Cristobal ngunit agad itong tumikhim at umusog nang kaunti papalayo nang hindi napapansin ni Socorro dahil tiyak na mag-iisip nang kung ano ang mga taong makakakita sa kanila.

"Hindi siya nagsasabi sa amin. Ilang beses ko na siyang pinadalhan ng liham ngunit hindi niya ako tinutugunan..." Napatigil si Socorro at muling napakagat sa labi nang maalala ang parehong sitwasyon nila ni Cristobal kung saan ni isang tugon na liham ay wala siyang natanggap sa binata.

Pareho silang humarap sa kama kung saan sinusuri pa rin ni Feliciano ang doña. Mabilis na sumulyap si Socorro kay Cristobal, wala itong sinabi upang magpaliwanag kung nakatanggap ba ito ng mga liham mula sa kaniya o hindi. Ngunit sa pananahimik ni Cristobal ay nararamdaman niyang natatanggap nga nito ang mga liham subalit piniling hindi sumulat pabalik.

"Ang pakikipagpalitan ng liham ay hindi ko ugali. Ito rin ay nagdulot sa akin ng isang... karanasan," wika ni Cristobal na nanatiling diretso ang tingin, hindi man nito sabihin ngunit nauunawaan ni Socorro na ang tinutukoy nito ay ang maling akala ni Cristobal na siya ang nagpadala ng liham pag-ibig bilang Gumamela. "Tungkol sa nobya ni Jacinto, hindi ko pa rin ito nakikilala," patuloy ni Cristobal upang sagutin ang nauna niyang tanong.

"Siya nga pala, paano kayo nagkakilala ni Kuya Feliciano?" Pag-iiba ni Socorro ng usapan. Lumalakas ang kabog ng kaniyang dibdib ngunit pilit niya itong nilalabanan at pinipigilan. Tumingin si Cristobal kay Feliciano na masasabi niyang malaki ang pagkakaiba kay Jacinto. Minsang nabanggit ni Jacinto sa kaniya na kaugali niya si Feliciano bagay na masasabi ni Cristobal na may posbilidad dahil pareho silang hindi palasalita at palaimik ni Feliciano.

"Matagal ko na siyang kilala noong dumadalaw siya sa dormitoryo..." Napatigil sandali si Cristobal nang maalala ang pagdalaw niya noon sa silid na tinutuluyan ni Socorro. "Nakasabay din namin siya sa byahe pauwi," patuloy ni Cristobal, halos tatlong buwan din silang bumyahe at naging malapit din sila ni Feliciano kahit papaano.

Tumango nang ilang ulit si Socorro, sa pagkakataong iyon ay naubusan na siya ng itatanong. Nanatiling silang nakatayo na halos isang dipa ang layo sa isa't isa. Kung dati ay hindi siya nauubusan ng itatanong at sasabihin kay Cristobal, ngayon ay natagpuan niya ang sarili na nagsasalita at nagtatanong ng walang kabuluhan sa harap nito.

Lumipas ang ilang minuto ay nanatili na silang tahimik. Napatanto ni Socorro na halos walang pinagbago si Cristobal, tulad ng dati ay hindi ito masyado nagsasalita. Ngunit minsan niyang natunghayan kung gaano karaming salita ang nabigkas ni Cristobal at ang mga panahong iyon ay sinayang at binalewala niya matapos niyang tanggihan ang pagtatapat nito.

Mabilis na sumulyap si Socorro kay Cristobal na nanatiling nakatingin kay Doña Josefa ngunit napapikit din siya nang mapagtanto na nabablangko ang kaniyang isip at wala siyang masabi. Gusto niyang itanong kung paano sila nagkakilala ni Juliana, kung matagal na ba sila, at kung totoo bang ikakasal na sila sa susunod na buwan.

Subalit mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Socorro at nanlalamig na sa pawis ang kaniyang kamay. Batid niya na kahit gaano kalakas ang kaniyang loob ay may mga bagay na hindi niya kayang tanungin. At iyon ang tungkol sa relasyon nina Cristobal at Juliana.

Muli siyang tumingin kay Cristobal. Minsan na niyang napansin na maganda ang tindig ang hitsura ng lalaking inakala niyang si Palabras. Ngunit bakit ngayon ay tila mas nagliwanag ito sa kaniyang mga mata.

Natauhan si Socorro nang marinig niya ang boses ni Feliciano na kanina pa pala siya tinatawag. Hindi niya ito napansin, higit doon ay hindi niya napansin na tinititigan niya pala si Cristobal ng mga sandaling iyon. "B-bakit?" Nalilitong tanong ni Socorro.

"Nais kang makausap ni Doña Josefa," ulit ni Feliciano. Muling tumingin si Socorro kay Cristobal na tumingin lang din sa kaniya. Nagsimula nang humakbang si Socorro papalapit sa malaking kama kung saan nakasandal sa malalambot na unan ang doña.

"Ikaw pala si Socorro," wika ni Doña Josefa sabay ngiti. Marahan nitong itinaas ang kamay upang lumapit pa si Socorro. Niligpit na ni Feliciano ang kaniyang mga gamit, samantala nanatiling nakatayo si Cristobal habang nakatingin kina Doña Josefa at Socorro.

"Matagal na kitang ibig makilala, madalas kang ikuwento sa akin ni Juliana," ngiti ng doña. Maputi at bilugan ang mga mata ni Doña Josefa, kapansin-pansin ang mahahaba nitong pilik-mata. Nasa edad pitumpu pataas na ito at bakas pa rin ang kaniyang kagandahan.

Hindi malaman ni Socorro kung dapat ba siyang matuwa o hindi. Matagal na rin silang hindi nagkita at nakapag-usap ni Juliana. Hinawakan ni Doña Josefa ang kaniyang kamay, "Naikukuwento sa akin noon ni Juliana ang iyong husay sa pagsusulat, ang pagkahilig mo sa pagbabasa, at ang iyong pangarap na makapagpalimbag ng kuwento. Minsan ko ring pinangarap na makapagsulat, ako nga lang ay nawalan ng gana at pagkakataon sapagkat..." Hindi na natapos ni Doña Josefa ang kaniyang sasabihin, natahimik, saka muling ngumiti at tumingin kay Socorro.

"Katulad niyo ni Juliana ay mahilig din ako magbasa. Nawa'y makabasa ako ng iyong akda balang-araw. Inaasahan din kitang makita sa pag-iisang dibdib ng aking anak at ni Juliana, marahil ay sa sunod na buwan na iyon, hinihintay lang namin ang pagsang-ayon ni Don Fernando," ngiti ng doña saka pinisil nang marahan ang kamay ni Socorro. Ngumiti pabalik si Socorro, ngunit ang kaniyang isip at damdamin ay nakatuon sa katotohanan kung gaano kalapit sina Doña Josefa at Juliana sa isa't isa. Bukod doon ay malinaw na magaganap na ang kasal sa Enero.

Hinatid ni Cristobal ang magkapatid na De Avila sa labas kung saan naghihintay ang kalesa. Magkasabay na naglalakad sina Feliciano at Cristobal habang ipinapaliwanag ni Feliciano ang mga reseta niya at mga bawal na pagkain para kay Doña Josefa. Samantala, si Socorro ay tulala habang sumusunod sa agos kung saan siya dadalhin.

"Sa aking pagsusuri ay nanghihina na ang kaniyang mga buto. Ito ay bahagi ng pagtanda. Ang katandaan ay nagdudulot ng pagrupok at paghina ng mga buto," wika ni Feliciano saka inabot ang papel kung saan niya isinulat ang kaniyang reseta.

Tumigil sila sa tapat ng kalesa, samantala muntik nang mabangga si Socorro sa likod ni Feliciano dahil ang kaniyang isip ay lumilipad tungkol sa mga sinabi ni Doña Josefa. "Socorro, ikaw ba'y ayos lang?" Tanong ni Feliciano dahilan upang matauhan si Socorro.

Tumingin siya kay Cristobal bago tumango sa kapatid at agad sumakay sa kalesa. "Mauuna na kami. Salamat sa pagtago nito, Cristobal," paalam ni Feliciano bago isinakay sa kanilang kalesa ang malaking maleta na kulay itim.

Napatingin si Socorro sa maletang iyon na puno ng mga alaala. Nang tumingin siya kay Cristobal ay tumango ito kay Feliciano, ni hindi man lang tiningnan ang maleta na para bang kailanman ay hindi ito naging bahagi ng kanilang simula at pagiging malapit sa isa't isa noon.

Nang magtama ang kanilang paningin ay naunang umiwas ng tingin si Socorro at tumingin sa tabing bintana nang magsimula nang tumakbo ang kabayo. Hindi niya alam kung bakit nakakaramdam siya ng sama ng loob. Hindi niya mahanap ang tamang dahilan. At hindi niya matukoy kung sinong may kasalanan. Ang tanging alam lang niya ay mas lalong bumigat ang kaniyang dibdib sa katotohanang ikakasal na nga sina Cristobal at Juliana.

"Buhay pa pala ang maletang iyan," puna ng kutsero na hindi makapaniwala dahil muli niyang nakita ang lumang maleta ni Feliciano.

"Sa aking gunita ay mas matanda pa ito kay Amor," tugon ni Feliciano na napangiti nang kaunti.

"Tunay na nagtatagal ang mga bagay na iniingatan nang mabuti," wika ng kutsero na sinang-ayunan ni Feliciano ngunit nang tumingin siya kay Socorro ay muli niyang napansin ang nakakapanibagong pananahimik nito.


KINAGABIHAN, nakatanggap ang pamilya De Avila ng imbitasyon sa isang piging mula sa kay Don Fernando Villafuerte na siya pa ring kasalukuyang gobernadorcillo ng Sariaya. Hindi sana gustong dumalo ni Doña Marcela dahil siguradong naroon ang pamilya Salcedo ngunit sinabi ni Don Epifanio na dadalo sila upang patunayan na wala silang tampo o galit sa pamilya Salcedo. Bukod doon ay pagkakataon na rin ito upang muling ayusin ang gusot na nangyari noon.

Hindi rin nais sumama ni Socorro. Nakabihis at nakaayos na ang kaniyang mga magulang, maging si Amor ay nakapili na ng damit na susuotin gayong inaabot ito ng ilang oras sa pagpili pa lang. Nagkunwaring abala si Socorro sa pag-aayos ng manuscrito gayong tapos na niya ayusin ang akdang iyon.

Napatingin si Feliciano sa kulay puting baro at dilaw na saya na nakapatong sa kama ni Socorro. "Huwag mo sabihing hihintayin mo pa si Amor umakyat dito at pilitin kang sumama," wika ni Feliciano na nakatayo sa pintuan ng silid ni Socorro.

"Marami pa akong gagawin," wika ni Socorro nang hindi tumitingin sa kapatid. Nakabihis na rin si Feliciano. Ang hindi pagdalo sa imbitasyon ng gobernadorcillo ay tiyak na makakalikha ng samaan ng loob.

Naglakad papasok si Feliciano saka tumayo sa likod ni Socorro at pinagmasdan ang ginagawa nito na inuulit lang ang sinusulat sa isang papel. "Nabalitaan ko lang ang nangyari noon. Wala akong nalalaman kung ano ba ang tunay niyong nararadaman. Ngunit bakit nag-iba ang iyong kilos matapos nating magtungo sa tahanan ng pamilya Salcedo?"

Mas binilisan ni Socorro ang pagsusulat, hindi na niya napansin na nabubutas na ang papel. "Marami lang akong gagawin. Kailangan ko nang matapos ito," pagsisinunggaling ni Socorro. Huminga nang malalim si Feliciano, kung dati ay nagagawa niya pang pakalmahin si Socorro sa pamamagitan ng mga libro at matatamis na pagkain. Ngayon ay batid niyang imposibleng mangyari iyon. Malaki na si Socorro at tulad nga ng sinasabi ng kanilang mga magulang ay hindi na ito nakikinig sa kanila.

"May pagtingin ka ba kay Cristobal?" Tanong ni Feliciano na nagpatigil kay Socorro. Sandali siyang hindi nakapagsalita. Nang matauhan ay muling ibinalik ang atensyon sa sinusulat na hindi niya rin maunawaan.

"Kung Oo sana ay sumang-ayon na ako sa kasal noon. Hindi ako hibang upang magkaroon ng nararamdaman sa isang taong... tinuring kong kapatid at kaibigan," mabilis na tugon ni Socorro nang hindi lumilingon kay Feliciano.

Ngunit hindi kumbinsido si Feliciano sa sagot ng kapatid. Mas lalong nanggigil ito sa pagsusulat dahilan upang tuluyan nang mapunit ang papel na sinusulatan kung kaya't nilukot, tinapon, at kumuha muli ng bagong papel.

Ibinagsak ni Socorro ang panulat sa mesa saka lumingon kay Feliciano, "Isa pa, kaibigan ko si Juliana. Tinulungan ko pa silang... Ako ang nagsulat ng..." Napapikit si Socorro saka inis na bumalik sa pagsusulat. Buhol-buhol na ang kaniyang mga sinusulat na kahit doktor ay hindi magagawang basahin kung ano iyon.

"Bilang kaibigan nilang dalawa, marapat lang na magtungo ka sa piging," saad ni Feliciano, kailanman ay hindi niya nais magbigay ng ganitong klaseng suhestiyon ngunit naniniwala siya na si Socorro mismo dapat ang makatuklas sa kaniyang nararadaman. Siya rin ang dapat na gumawa ng paraan upang masolusyunan ang pinagdadaanan. Hindi na siya tulad ng isang batang paslit na magagawang niyang manghimasok at tulungan ang kapatid.

"Pagkakataon na rin ito upang iyong patunayan na walang katotohanan ang mga bali-balitang kumakalat tungkol sa inyo noon ni Cristobal. Ang iyong presensiya sa piging ang magbibigay ng kaliwanagan sa lahat na walang pagsasama, o pagtanan na nangyari sa inyo noon ni Cristobal," patuloy ni Feliciano. Bumagal ang pagsulat ni Socorro na animo'y napaisip sa sinabi ng kaniyang nakatatandang kapatid na hindi siya binibigo pagdating sa pagbibigay ng payo.

Alas-siyete ng gabi, natagpuan ni Socorro ang sarili sa tapat ng mansyon ng pamilya Villafuerte. Naunang bumaba sa kalesa ang kaniyang Ama't Ina na ngayon ay sinalubong at kinakamayan ng mag-asawang Villafuerte. Kumapit si Amor sa bisig ni Feliciano, "Nakapunta ka na rito, hindi ba?" Tanong ni Amor kay Socorro nang mapansin niyang nakatitig ito sa mga liwanag buong bahay. May malaking bintana sa tapat ng bulwagan kung saan nagaganap ang kasiyahan.

Kumapit si Amor sa braso ni Socorro, "Malay natin makilala mo na ang iyong mapapangasawa rito," ngiti ni Amor saka kinaladkad siya papasok sa mansyon. Sinalubong sila ng malakas at nakakaindak na musika mula sa banda. Sa kabila ng maingay na paligid ay nangingibabaw din ang mga tawanan at kuwentuhan ng mga bisita. Sumasayaw sa gitna ang ilang mga dalaga at binata na sumasabay sa indak ng tugtugin.

Huminga nang malalim si Socorro, inalala niya ang kaniyang layunin sa pagdalo sa gabing ito. Ang patunayan sa lahat na wala siyang nararadaman kay Cristobal. Naniniwala siya na wala naman talaga at madali niya lang magagawa iyon.

Napatingin ang ilan sa kaniya. Ang iba ay nagsimulang bumulong sa katabi. "Naroon si Sara!" Tuwang-tuwang bulong ni Amor saka hinila siya papunta sa ilang mga kababaihan. "Amor!" Ngiti ni Sara na bumeso sa kaibigan.

"Naalala mo ang aking nakatatandang kapatid," panimula ni Amor saka iniharap si Socorro na napilitang ngumiti. Napangiti nang malaki si Sara, "Binibining Socorro?!" Hindi ito makapaniwala at hinawakan ang kamay ni Socorro.

"Naalala mo ba ako? Minsan akong humingi ng tulong sa iyo tungkol sa liham na ipapadala ko sa aking katipan," ngiti ni Sara. Napangiti si Socorro, ngunit ang totoo ay hindi na niya masyado maalala. Maraming mga dalaga ang dinala noon ni Nova na nagpatulong sa kaniya sa pagsusulat ng liham.

"Kumusta? Kumusta kayo ng iyong katipan?" Tanong ni Socorro kahit pa wala pa rin siyang ideya na nagkakilala na sila noon.

"Ako'y mabuti. Wala akong ideya kung siya ay masaya rin. Matagal na kaming walang komunikasyon sa isa't isa matapos niyang ipagtapat sa akin na wala talaga siyang planong pakasalan ako," tugon ni Sara dahilan upang unti-unting mawala ang ngiti sa labi nina Socorro at Amor.

"Huwag kayong mag-alala, wala na iyon. Matagal nang nakalipas ang tungkol sa amin. Sa katunayan ay ikakasal na ako sa susunod na Linggo sa aking bagong katipan," ngiti ni Sara. Ang kaniyang ngiti ay puno ng tamis, saya, at walang kapantay na ligaya.

"Binabati ka namin! Siya nga't aking naalala na nagpadala ka ng imbitasyon sa inyong kasal!" Wika ni Amor na isa ring makakalimutin tulad ni Socorro. Napatalon sa tuwa sina Sara at Amor, may serbidora na naghatid sa kanila ng inumin at pagkain.

"Huwag kayong mawawala, pakiusap. Kung inyong naalala, nagawa ko na kayong anyayahan noon pa man," tawa ni Sara na sinang-ayunan ni Amor kahit ang totoo ay wala siyang maalala. Ngunit si Socorro ay mayroon. Naalala na niya si Sara na siyang umiiyak noon dahil naguguluhan ito sa kasintahan na hindi pa rin nag-aalok ng kasal.

Nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan. Tahimik lang si Socorro dahil wala siyang masabi tungkol sa paksang pinag-uusapan ng dalawa tungkol sa kani-kanilang mga nobyo at buhay pag-ibig. "Siya nga pala, ikakasal na rin si Nova sa taong ito," wika ni Sara, naalala ng magkapatid na De Avila na mag-pinsan sina Sara at Nova.

"Nakakatuwang balita!" Wika ni Amor ngunit nag-aalinlangan siyang ngumiti lalo na nang tumingin kay Socorro. Batid ni Amor na matagal nang gustong makausap ng kaniyang kapatid ang matalik nitong kaibigan.

"Sa katanuyan ay ako na lamang ang natitirang dalaga sa aming mag-anak. Mabuti na lamang dahil inalok na ako ng kasal ng aking nobyo," ngiti ni Sara na namula pa ang pisngi. Iniba ni Amor ang usapan, nagtanong na lang siya ng tungkol sa mga ganap sa Maynila.

Hindi malaman ni Socorro kung bakit pakiramdam niya ay lumiliit ang kaniyang mundo na tila ba kailangan niyang umayon sa karaniwang tinatahak ng mga kapwa niya babae. Naging matatag siya sa paniniwalang higit na mahalaga ang pagmamahal sa sarili at pagtupad sa mga pangarap bilang babae. Na tulad ng mga kalalakihan ay hindi lang pag-aasawa ang dapat na maging layunin niya sa buhay.

Natigil ang lahat nang pakalansingin ni Don Fernando ang kaniyang baso upang kunin ang atensyon ng mga panauhin. Tumayo siya sa kaniyang silya at ngumiti sa mga taong dumalo sa kaniyang imbitasyon.

"Magandang gabi, mga kagalang-galang na Binibini at Ginoo," panimula ni Don Fernando saka tumingin sa mga kaibigan niya at kamag-anak. "Ako'y taos-pusong nagpapasalamat sa inyong pagdalo ngayong gabi, bilang gobernadocillo ay nais kong maging kabahagi kayo ng isa sa mahalaga mangyayari sa aming pamilya," patuloy ng Don sabay tingin sa kaniyang asawa na buong-giliw ding nakangiti.

"Nais naming ibatid sa inyong lahat ang nalalapit na pag-iisang dibdib ng aking unica hija at ng unico hijo ni Don Rufino Salcedo," malakas na wika ni Don Fernando saka itinaas ang baso ng alak sa tapat ni Don Rufino na tumango at ngumiti habang nakaupo.

Sinalubong ng masigabong palakpakan, mga ngiti, at pagbati sina Juliana at Cristobal na dahan-dahang bumababa sa hagdan. Nakakapit si Juliana sa bisig ni Cristobal at ang magsing-irog ay nakangiting tinanggap ang pagbati ng mga panauhin.

Kulay puting baro at asul na saya na may mga palamuting dyamante at pilak ang suot ni Juliana. Nakapusod ang kaniyang buhok paitaas na pinalamutian ng paynetang pilak. Samantala, kulay puting polo, asul na tsaleko, pantalon, at sumbrero ang suot ni Cristobal. Maaliwalas ang hitsura ng binata at ang pagngiti na bihirang makita noon ay nagbigay ng bagong anyo sa dating Cristobal na tahimik at hindi gaano ngumingiti.

"Mga amigo't amiga, sa ika-dalawampu ng Enero ang kasal. Huwag kayong mawawala," hirit ni Don Fernando dahilan upang magtawanan ang lahat na sinabayan pa ng mas nakakaindak na musika. Kinantyawan ng lahat na sumayaw ang magkasintahan sa gitna na sinabayan din ng ibang mga mag-asawa at magkatipan.

Ang paligid ay puno ng sigla, tawanan, pagbati, mga ngiti, at pag-asa. Nagliliwanag ang magarang aranyas sa gitna ng bulwagan at umaalingangaw ang kaindak-indak na musika dahilan upang maghari ang kasiyahan.

Sa kabila ng lahat, tanging si Socorro ang nakatayo sa tabi ng bintana kung saan walang kibong nakatitig kung gaano kasaya sina Juliana at Cristobal na umiikot at magkahawak-kamay na sumasabay sa kasiyahan. Sa mga mata ni Socorro ay unti-unting bumabagal ang paligid, na sinabayan ng paghina ng musika sa kaniyang pandinig habang pinagmamasdan pa rin ang dalawang pusong may kislap ang mga mata.

Naalala ni Socorro na minsan niyang natunghayan kay Cristobal ang mga ngiti at kislap sa mga matang iyon. Sa tuwing nag-uusap sila, sa tuwing humihirit siya ng biro, sa tuwing nahuhuli niya itong nakatitig sa kaniya, at sa tuwing magkasama sila. Ngayon ay hindi na siya ang dahilan ng mga ngiti at kislap sa mata ng binatang hindi niya binigyan ng pagkakataon.

Akala niya ay kakayanin niyang harapin ang piging. Akala niya ay magagawa niyang ngumiti at sumabay sa agos ng kasiyahan. Akala niya ay mapipigilan niya pa rin ang kaniyang damdamin na nagbibigay sa kaniya ng kalituhan at panghihinayang.

Nanatiling nakatitig si Socorro hanggang sa hindi sinasadyang magtama ang mga mata nila ni Cristobal. Upang panindigan ang kaniyang mga naging desisyon, upang panindigan na hindi siya apektado at walang pinagsisisihan ay ngumiti siya kay Cristobal, nagsimulang pumalakpak, at makiisa sa kasiyahan kahit pa nagiging taksil ang kaniyang mga mata kung saan unti-unting nang namumuo ang kaniyang mga luha.

"Kay ganda ni Juliana. Noon pa man ay larawan na siya ng kagandahan at kabutihang-loob," bulong ni Sara kay Amor habang sumasabay sila sa pagpalakpak. "Marami siyang manliligaw ngunit ni isa ay wala siyang pinaunlakan, tanging si Ginoong Cristobal lang ang nagpahulog sa kaniyang damdamin," ngiti ni Sara sabay kapit sa braso ni Amor at inilapit niya pa ang mukha sa kaibigan upang marinig nila ang isa't isa dahil sa lakas ng musika.

"Kaibigan mo rin si Binibining Juliana?" Tanong ni Amor, tumango si Sara. "Oo, magkasama kami sa kumbento ng ilang taon. Siya'y mabait at maalalahanin. Minsan akong napagalitan ng punongmadre, si Juliana ang dumamay sa akin at humingi ng tawad upang hindi ipatawag ang aking Ama," ngiti ni Sara na tuwang-tuwa na nahanap na rin ni Juliana ang kaniyang ligaya.

Napatingin si Amor kay Socorro na pumapalakpak nang mahina, nakangiti, ngunit kumikislap ang mga mata dahil sa mga luhang pinipigilang bumagsak. "Likas na matulungin din si Juliana, madalas siyang sumama sa kaniyang Ama sa pagbisita sa iba't ibang bayan upang magbigay ng tulong sa mga maralita. Kamakailan lang ay pinangunahan niya ang pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Maynila," patuloy ni Sara. Tumango na lang si Amor at ngumiti nang kaunti, nag-aalala siya ngayon kay Socorro na batid niyang nagpipigil sa sarili.

"Kaya nga tunay na nababagay sila ni Ginoong Cristobal, ako'y nagagalak na likas na maginoo at marangal na lalaki ang mapapangasawa ni Juliana. Sa Europa ay kabahagi si Ginoong Cristobal ng samahan na mga nangangalaga sa kagubatan at mga hayop. Nagbibigay din siya ng tulong at serbisyo sa mga nasalanta ng bagyo, balita ko ay magtutungo sila ni Juliana sa susunod na Linggo sa Maynila upang pangunahan ang pagpapaayos at pagtatayo ng mga kabahayang nasira roon," dagdag ni Sara. Ang lahat ng sinasabi nito ay naririnig ni Socorro dahilan upang mas lalong bumigat ang kaniyang pakiramdam. Sa kabila niyon ay hindi siya umalis sa kaniyang kinatatayuan at buong-sikap na pinapakita sa lahat na matatag siya at hindi naaapektuhan.

"Sa kanilang pag-iisang dibdib ay tiyak na magdiriwang ang lahat dahil..." Hindi na natapos ni Sara ang kaniyang sasabihin dahil marahang bumitiw si Amor sa pagkakakapit nito sa kaniyang braso saka kunwaring ngumiti.

"Ah. May iniutos pala sa akin si Ina, nakaligtaan ko ang inumin na kaniyang hiningi," wika ni Amor sabay kapit sa braso ni Socorro, "Magtutungo muna kami roon, nagagalak akong makadaupang-palad ka muli, Sara," mabilis na paalam ni Amor na dali-daling inilalayo ang kapatid sa kapighatian.


ISANG hindi matapos-tapos na paghagulgol ang umaalingangaw sa karwahe na pabalik sa hacienda De Avila. Patuloy ang pagbagsak ng luha ni Socorro habang nakatakip ang panyo sa kaniyang mukha. Hinahagod ni Amor ang likod ng kapatid at pinapaypayan dahil hindi sila nagbukas ng bintana sa pangambang may makakita sa kalagayan ni Socorro.

"H-hindi ko mapigilan... ang aking mga luha... Amor," hagulgol ni Socorro, gusto na niyang tumigil sa pagluha ngunit hindi niya makontrol ang kaniyang mga mata at ang damdaming namamanhid sa dami na ng kaniyang nailuha. "H-hindi na... dapat... ako pumunta... roon," patuloy ni Socorro. Bagaman hindi masyado maunawaan ni Amor ang mga sinasabi nito kanina pa ay patuloy siya sa paghagod sa likod at pagsabing huminahon na ito.

"H-hindi ko naman batid na ganito... ang mangyayari. Kaya pala hindi na nagpakita sa akin si Juliana... dahil... iyon pala... sila na,"

"Nauunawaan ko, tumahan ka na," wika ni Amor saka pinunasan ang noo ng kapatid na puno na rin ng pawis.

Ibinaba ni Socorro ang kaniyang panyo saka tumingin kay Amor. Namamaga na ang kaniyang mga mata at halos wala na siyang makita, "Kaya pala hindi siya tumugon sa aking mga liham. S-sinabi niya pa kanina na hindi niya ugaling makipagpalitan ng liham... At pinaalala pa ang nangyari noon!" Saad ni Socorro na halos sumabog na sa harap ng hukuman.

"Nagkita at nagkausap kayo kanina?" Nagtatakang tanong ni Amor. Tinakpan muli ni Socorro ng panyo ang kaniyang buong mukha saka pilit na pinipigilan ang paghugulgol ngunit siya nagtatagumpay.

Naalala ni Amor na sumama si Socorro kay Feliciano kanina. "Ikaw kasi... hayaan mo na sila. Nakikita mo naman na masaya na sila sa isa't isa..." Napagakat sa labi si Amor nang makaligtaan na hindi na niya dapat sinabi iyon.

Muling ibinaba ni Socorro ang panyo sa kaniyang mukha saka humarap sa kapatid. Namumula na rin ang buong mukha nito lalo na ang ilong, "I-ibig ko lang naman humingi ng tawad... at masiguro na wala na siyang sama ng loob sa akin," pagtatanggol ni Socorro. Tumango na lang si Amor dahil batid niyang hindi siya mananalo sa mga katuwiran ni Socorro.

"Kung gayon, kumusta? Anong nangyari sa inyong pagkikita kanina?" Tanong ni Amor saka inayos ang pagkakatali ng buhok ni Socorro dahil nagulo na ito.

"W-walang nangyari. Walang s-saysay ang aming pinag-usapan," tugon ni Socorro kahit papaano ay mas kumalma na siya. Wala ng luhang bumabagsak sa kaniyang mga mata ngunit hindi pa rin matigil ang kaniyang paghikbi.

"Ano bang pinag-usapan niyo?" Tanong ni Amor. Mabuti na lang dahil nakauwi agad sila nang magsinunggaling siya sa kanilang magulang na nahihilo na siya at nagpasama kay Socorro pauwi.

Napailing si Socorro, "H-hindi ko alam. Ang alam ko lang... ay naging pormal siya sa 'kin..." Muling dumaloy ang luha mula sa mga mata ni Socorro nang maalala niya ang pagiging pormal ni Cristobal sa kanilang pag-uusap kanina.

Napahinga nang malalim si Amor. Kilala niyang matapang, matatag, at hindi madaling lumuha si Socorro kung kaya't magkahalong awa at pagkadismaya ang kaniyang nararamdaman nang matunghayan ang paghagulgol nito.

"Ano bang ibig mong gawin niya? Suyuin ka niyang muli? Narinig mo naman Ate na matagal na sila. Magkatuwang pa sila sa hangaring makatulong sa kapwa at bayan," wika ni Amor saka napabuntong-hininga. Hindi na niya binanggit pang muli ang nalalapit na kasal dahil siguradong mas masasaktan ang kapatid.

"H-hindi ko alam, Amor. Hindi ko na alam kung ano bang dapat kong gawin. K-kung ano bang dapat kong maramdaman? T-totoo naman ang mga sinabi ni Sara... nababagay nga sila sa isa't isa. Pulos pasakit at suliranin lang ang naibigay ko sa kaniya noon. Lagi... lagi niya akong tinutulungan," muling humarap si Socorro kay Amor na parang isang batang nagsusumbong.

"S-sinabi niya pa sa akin noon na siya na ang bahala sa akin. Na... na hindi niya muling sisirain ang aking tiwala at pag-asa..." Saad ni Socorro. Tumango si Amor ngunit bakas sa mukha nito na naghihintay pa ng sasabihin ni Socorro.

"Ngunit sinira ko rin iyon... ako ang tumanggi. Hindi ko siya pinakinggan noong ibig niyang magpaliwanag. H-hindi ko siya binigyan ng pagkakataon. T-tumanggi ako dahil akala ko ay siya ang magiging hadlang sa aking pangarap,"

Niyakap ni Amor si Socorro habang patuloy na hinahagod ang likod nito, "Wala na tayong magagawa, Ate. Natupad mo naman ang iyong pangarap, hindi ba? At pinagmamalaki ka namin sa bagay na iyon," saad ni Amor sa pag-asang makakatulong ang kaniyang sinabi. Nagdadalawang-isip siyang magsalita sapagkat kadalasan ay nagkakamali siya sa mga binibitiwang salita dahilan upang mas maging malala ang sitwasyon.

Inabot ni Amor ang bintana ng karwahe, "Malapit na tayo. Tumigil ka na kung hindi mo ibig mapansin ni Manang Tonya ang iyong namamagang mga mata," patuloy ni Amor saka muling niyakap si Socorro. Nahahabag din ang kaniyang kalooban dahil ang hinahangaan niyang kapatid ay hindi pa rin pala nakakausad sa nakaraan.


LUMIPAS ang ilang araw. Nanatili lang si Socorro sa kaniyang silid. Nagkaroon siya ng sipon at ubo dahil sa natuyong pawis sa likod at sa matagal na pagluha. Dalawang araw ding sumakit ang kaniyang ulo na isinisi ni Doña Marcela sa pagbabasa at pagsusulat ni Socorro sa gabi. Ang sipon at ubo naman ay idinahilan ni Amor sa hamog nang magtungo sila sa hacienda Villafuerte noong isang gabi. Tunay na malamig ang buwan ng Disyembre kung kaya't walang naghinala sa sinabi ni Amor.

Ika-tatlumpu't isa ng Disyembre, naglalakad sina Doña Marcela, Manang Tonya, Amor, at Socorro na kakagaling lang sa gitna ng pamilihan upang bumili ng mga paputok, bilog na prutas, regalo, mga lulutuin sa media noche.

Ang totoo ay hindi ibig sumama ni Socorro. Mas gusto niyang matulog na lang sa kaniyang silid kaysa ang makipagsabayan sa dami ng tao sa pamilihan. Nakakapit si Amor sa kaniyang braso habang nakasunod sa kanilang Ina na nauunang naglalakad kasabay si Manang Tonya.

May mga sinasabi si Amor na hindi maunawaan ni Socorro dahil sa ingay sa paligid. Mga boses ng mga tindero't tindera, mga hayop na humihiyaw, mga kutsero na nagpapatabi sa mga taong naglalakad, at mga yabag ng kabayo na nagpapagalaw din sa mga alikabok na nananahimik sa lupa.

Nabangga si Socorro ng isang batang nagbebenta ng mga dyaryo, "Paunmahin ho, Señorita," wika ng batang lalaki na yumukod. Nagkalat ang mga dyaryo sa lupa, ang ilan ay natapakan pa ng ibang naglalakad. Magkatulong na pinulot nina Socorro at Amor ang mga dyaryo upang tulungan ang bata na maisalba ang kabuhayan nito.

"S-salamat ho at pasensiya ho sa nangyari," ulit ng bata, napatigil si Socorro nang mabasa ang nakasulat sa pangunahing pahina ng pahayagan. Halos walang kurap siyang nakatingin sa dyaryo at dinampot ang isa na tumutukoy sa librong nailathala na.

El cuarto libro de Palabras Perdidas titulado Atardecer en el Valle de la Muerte fue publicado el 30 de Diciembre.

Dahan-dahang napatayo si Socorro. Inilapit ni Amor ang ulo at binasa ang hawak na dyaryo ni Socorro, "Hindi ba't iyan ang paborito mong manunulat, Ate?" Tanong ni Amor, hindi nakapagsalita si Socorro. Wala siyang mensahe o balitang natanggap na ilalathala na ang ikaapat na libro ni Palabras na siya mismo ang nag-ayos.

"Señorita, inyo ho bang bibilhin..." Hindi na natapos ng bata ang sasabihin dahil lumingon na sina Doña Marcela at Manang Tonya nang mapansin na hindi na nakasunod ang dalawa.

Napalingon si Socorro sa paligid, sa kaliwa ay papunta na sa bayan kung saan naroroon ang La Librería. Agad siyang tumakbo patungo sa La Librerîa. Tinawag siya ng Ina at ni Manang Tonya ngunit nagpatuloy siya sa pagtakbo. Agad kumuha ng barya si Amor upang bayaran ang dyaryo sa bata at tumingin kina Doña Marcela at Manang Tonya, "Ako na po ang susunod kay Ate," wika ni Amor na dali-daling humabol sa kaniyang kapatid.

Nahirapan si Socorro sa pagtakbo dahil sa dami ng taong kasalubong at kasabay niya. Bumagal ang kaniyang takbo nang matanaw ang La Librería kung saan nakapila ang mga tao sa labas ng tindahan. May mga nagbebenta ng mga pahayagan na naglalaman ng balita tungkol sa paglathala ng ikaapat na yugto ng nobela ni Palabras.

Sa haba ng pila ay aakalaing may inspeksyon sa pagpasok sa bayan-bayan. Tumigil si Socorro sa tapat ng La librerîa kung saan hindi maawat ang katiwala sa pagpapaliwanag sa ilang mga nakapila na ubos na ang kopya ng nobela sa araw na ito.

Sandaling napatitig si Socorro sa salamin kung saan nakalagay sa likod niyon ang isang librong kulay itim ang pabalat na yari sa kuwero at nakatatak ang pamagat ng ikaapat na yugto. Sa loob ng mahabang panahon ay wala siyang ideya kung matutuloy ba o hindi ang pagpapalimbag sa huling akda ni Palabras. At ngayon, walang pasabing inilabas ang nobelang pinakahihintay ng lahat. Ang wakas na siyang magbibigay ng hustisya at sagot sa tanong ng mga mambabasa.

Diretsong pumasok si Socorro sa La Librería, nakilala siya ng katiwala kaya wala itong nagawa nang itulak niya ang pinto at dire-diretsong naglakad patungo sa maliit na opisina ng pamangkin ni Don Julio. Umalma ang mga tao sa labas na matagal nang nakapila sa pag-aakalang may kopya pa at nagpasingit ang katiwala sa pila dahil nakapasok si Socorro.

Hindi malaman ni Socorro kung bakit pakiramdam niya ay binalewala at isinantabi siya ng pamangkin ni Don Julio. Ni hindi man lang ito nagbigay ng mensahe na ilang araw na palang nasa proseso ng paglilimbag ang ikaapat na yugto.

Pagbukas ng pinto ay diretsong naglakad si Socorro saka ipinakita ang dyaryong hawak, "Bakit hindi niyo man lang ako sinabihan? Bilang redactor ng akdang ito ay marapat lang na..." Napatigil si Socorro nang ibaba ng lalaking nakaupo sa silya ang kaniyang sumbrero habang kagat ang umuusok na tabako.

Nanlaki ang mga mata ni Socorro nang mapagtanto na nasa harapan na niya si Don Julio. Higit na kapansin-pansin ang laki ng ibiniwas sa timbang nito, at ang pagbabalik ng kulay na pinaputla ng pagkalulong sa tabako.

"Kailan pa po kayo dumating, Don Julio?" Tanong ni Socorro na dahan-dahang ibinaba ang dyarayong nais sana niyang isupalpal sa mukha ng pamangkin nito na laging tumututol sa kaniyang pananaw at plano sa mga manuscrito.

Hindi sumagot si Don Julio, bakas sa mukha nito na ikinagulat din niya ang biglaang pagpasok ni Socorro sa kaniyang opisina. Ngunit may kakaiba sa matandang Don, animo'y hindi maganda ang araw nito at nakadagdag pa siya sa ikasisira ng araw.

Tumikhim si Don Julio saka napahawak sa kaniyang sentido nang mailapag ang sumbrero sa mesa. "I-ikaw ang redactor?" Napalingon si Socorro nang marinig ang pamilyar na boses sa bandang kaliwa.

Hindi niya namalayan na naroroon din si Cristobal, nakatayo sa tapat ng lagayan ng mga libro habang hawak ang ikaapat na yugto ni Palabras. Gulat itong nakatingin sa kaniya na sa abot ng kaniyang isipan, kailanman ay hindi niya naisip na maaaring maging redactor si Socorro sa La Librería.

Tumingin si Cristobal kay Don Julio na tila kanina niya pa nililitis sa hukuman, "Kaya ba hindi niyo ako sinasagot kung sino ang nagpatuloy sa manuscritong ito? Ay dahil..." Hindi na nagawang tapusin ni Cristobal ang kaniyang sasabihin. Nang tumingin siya kay Socorro ay hindi niya maipaliwanag ang pag-aalalang nararamdaman dahil nalalaman niya ang panganib na dala ng huling yugto.

Nanatili silang nakatingin sa isa't isa. Parehong naguguluhan sa patuloy na surpresa ng tadhana. Parehong nalilito sa nakaraang hindi natapos. At higit sa lahat, parehong nagtatanong ng bakit. Bakit si Socorro ang bagong redactor ni Palabras? At bakit nangyayaring muli ang pag-uugnay ng kanilang landas?

Samantala, mula sa malawak na look ng Maynila ay paparating ang isang barko mula sa Europa. Lulan niyon ang isang lalaki na nakatayo at nakatanaw sa kalakhang Maynila na halos apat na taon din niyang hindi nasilayan.

Lumapit ang isang katiwala, may inabot itong mensahe na nakasulat sa maliit na papel. Tahimik na binasa ng lalaki ang mensahe saka muling tinanaw ang bayan na kaniyang babalikan. Napangiti ang lalaki sa sarili bago nilukot ang papel at hinayaan itong tangayin ng hangin hanggang sa lumubog at tuluyang mabaon sa ilalim ng dagat.

Sa kaniyang pagbabalik ay sisikapin niyang ibaon ang lihim tulad ng unti-unting pagkalusaw ng papel sa tubig. Walang maaaring makaalam, walang maaaring makialam, at walang maaaring makabasa ng mensaheng ipinadala ng taong humubog sa kaniyang kamalayan.

Todo hecho. Todos estamos listos. La única página que falta eres tú, Palabras Perdidas.


******************

#SocorroWP

Next update: April 15, 2022

Featured Song: "Gabi" by Fred Engay

https://youtu.be/G21IVugyx_c

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro