Las Cartas

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Ika- 26 ng Abril, 1879

Magandang araw, Cristobal!

Maaaring umaga, tanghali, hapon, o gabi makarating sa iyo ang liham na ito. Ang mahalaga ay magawa nitong malagpasan ang malalaking alon ng dagat at ang pagtatapos ng tag-lamig sa Europa. Isang taon at siyam na buwan na ang nakalipas mula nang ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral sa kabilang panig ng mundo. Binabati kita sa iyong pagtatapos, nakarating sa akin ang magandang balitang ibinahagi mo kay Kuya Jacinto.

Tulad mo ay masaya rin siya sa kaniyang pagtatapos, anong ligaya sa oras na sabay niyong maipagdiwang ang inyong tagumpay. Lubos din kitang binabati bilang isa sa mga nakakuha ng mataas na parangal. Ako'y nakatitiyak na walang mapagsidlan ang iyong kaligayahan sa mga araw na nagdaan.

Ang lahat ng tinatanggap mo ngayon ay siyang nararapat sapagkat nababatid ko kung gaano mo pinahahalagahan ang iyong pag-aaral at pagkatuto. Marami pa akong nais sabihin ngunit hanggang dito na lang muna. May iilang bagay na mas nais kong iparating sa iyo nang harapan dahil mas nararapat mo itong marinig. Hihintayin ko ang iyong pagbabalik, nawa'y makasama ka namin sa iyong darating na kaarawan.

Ang iyong kaibigan,

Socorro


Ika-20 ng Hunyo, 1879

Maligayang kaarawan, Cristobal!

Marahil ay buwan na ang lumipas bago pa makarating sa iyo ang liham kong ito. Gayunpaman, nais kong isulat ito sa araw mismo ng iyong kaarawan upang makiisa sa iyong pagdiriwang. Sa aking gunita, madalas ay ako pala ang nagkukuwento at nagsasalita dahilan upang makaligtaan ko na hindi ko pa pala naitatanong sa iyo kung ano ang iyong mga kahilingan, nais sa buhay, at mga pangarap.

Kung ako'y bibigyan mo ng pagkakataong magbigay ng hula, aking nararamdaman na pangarap mong makapagpatayo ng mga bantayog, gusali, at tahanan. Nabanggit din ni Kuya Jacinto na nakakahiligan mo noon ang maglakad sa tabi ng dalampasigan. Nakakatulong nga iyon sa tuwing may malalim kang iniisip o di kaya'y may mga bagay na nais mong gunitain.

Hinihiling ko na may malapit na dagat sa iyong tirahan at binabasa mo ngayon ang mga liham pagbati sa iyong kaarawan sa tabing-dagat. Muli, maligayang kaarawan at hangad ko na matupad ang iyong mga hiling sa araw na ito.

P.S. Pasensiya na sapagkat hindi ko na ito isinilid sa liham na pinadala ni Kuya Jacinto dahil mahilig siyang makialam ng gamit.

Bumabati,

Socorro


Ika- 11 ng Nobyrembre, 1879

Ginoong Cristobal:

Ako'y umaasa na makarating sa iyo ang liham na ito sa araw mismo ng Pasko. Ang payo ni kuya Jacinto ay maaga magpadala ng mga liham sapagkat marami raw ang dumarating sa Europa. Maaaring hindi mo natanggap ang mga nauna kong ipinadala sapagkat may mga barkong hinarang at nawalan ng mga dalang gamit. Parehong liham pagbati iyon sa iyong pagtatapos at kaarawan. Marami akong naririnig tungkol sa iyong mga tagumpay at parangal, hanggang dito ay binabati kita.

Nawa'y masaya ka ngayon kapiling ang iyong mga kaibigan, sana ay kasama mo sila sa noche buena at sa pagsalubong din ng bagong taon. Balita ko ay nakapanghihina raw ang lamig ngayon diyan, mabisang panlaban sa lamig ang salabat at makakapal na kumot. Iyon din ang ginagawa ni Ina sa tuwing ako'y nilalamig.

Ang huli kong balita ay nasa Madrid si Kuya Feliciano. Malayo man ang Granada sa Madrid, sakaling magawi ka sa sentro ay matatagpuan mo si Kuya Feliciano sa La Consultario de Romano. Ang kaniyang maestro ay tanyag na espesyalista sa puso, si doktor Samuel de Romano.

P.S. Siya nga pala, isinilang na ni ate Segunda ang kaniyang panganay na lalaki noong isang Linggo.

Lagda,

Socorro


Ika-2 ng Pebrero, 1881

Kumusta?

Sa Maynila na nga pala namamalagi si Kuya Jacinto. Tulad mo ay hindi rin kami gaano nakakapagpalitan ng liham. Sa totoo lang, hindi ko sana nais magsulat ng ganito sapagkat naniniwala ako na maaaring maging iba ang dating ng pagkakabasa sa tunay na layunin ng pagkakasulat. Kagaya na lamang kung paano nagiging iba-iba ang pananaw natin sa mga pahayag ng mga tauhan sa isang nobela. Maaaring may pagkayamot, pagkalungkot, pagkasabik, o pagkatuwa sa tono ng mga salita ngunit iba pala ang totoong laman ng pahayag. Hindi ba?

Madalas sumagi sa aking isipan ang mga naganap bago ka magtungo sa Europa. Aking naalala ang minsan nating napag-usapan tungkol sa mga taong nagpapakalat ng mga paninira at maling balita. Kailanman ay hindi ko binigyan ng halaga ang kanilang iisipin o sasabihin tungkol sa akin. Subalit ngayon ay napapaisip ako kung bakit kahit gaano katatag ang aking panangga, kahit pa gaano karami ang ipangharang ko sa aking pandinig, at kahit lagyan ko ng piring ang aking mga mata, naroroon pa rin sila na tila ba walang balak lumisan. Nag-aabang ng bagong kuwento na kanilang idadagdag sa panggatong upang pasiklabin muli ang apoy.

Aking napagtanto na hindi ko pala kayang panindigan ang aking mga prinsipyo at paniniwala. Tunay nga na madaling sabihin ngunit mahirap gawin. Madalas kong ipayo noon kay Ate Segunda na huwag pansinin ang mga naninirang-puri sa kaniya, ang mga naghahangad ng kaniyang pagluha at pagsuko, ang mga taong walang mabuting ambag sa lipunan.

Sadyang napakadali lang pala sambitin ng mga salitang iyon, subalit mahirap pala panindigan. Aking napagtanto na hindi ko na sana pinakinggan ang kanilang mga isipan. Bakit ko hinayaan na sirain nila ang lahat? Marahil hindi nakakatulong ang pagdagdag ng edad sa aking kamalayan. Sumasang-ayon ka rin ba, Cristobal?

Mula sa taong walang paninindigan,

Socorro


Ika-8 ng Agosto, 1882

Ako'y nagdadalawang isip kung dapat ko bang ipaalam sa iyo dahil maaaring magdala lang sa iyo ito ng kalungkutan. Marahil ay mas mabuti kung hindi mo na sila naaalala sapagkat halos limang taon na rin ang lumipas. Ikinalulungkot kong iparating sa iyo na sumakabilang buhay na sina Felipe at Paloma.

Apat na araw lang ang pagitan ng kanilang pagkamatay. Si Paloma ang siyang nauna, matapos ang ilang araw ay tuluyan na ring nanghina si Felipe at wala ng gana sa pagkain. Ayon kay Agustino, hindi na rin daw nakayanan ni Felipe ang pagluluksa. Kung minsan ay napapaisip ako kung mas mabuti ba ang nangyari? Na hindi na maiiwang mag-isa si Felipe at magkasama na silang muli ni Paloma.

Paumanhin kung hindi magandang balita ang laman ng aking liham. Hindi ko nais na maghatid ng kalungkutan sa iyong buhay. Sa huli, hinihiling ko na lagi kang nasa mabuting kalagayan. Mag-iingat ka sa bawat araw na dumarating.

Lagda,

Socorro


Ika-11 ng Oktubre, 1882

Cristobal,

Ako'y wala nang masabi. Ilang araw ko nang pinag-iisipan kung dapat ko pa bang ituloy ito? Kung natatanggap mo ba ang aking mga liham? Patawad sa lahat ng aking mga sinabi bago ka lumisan, paumanhin dahil naging padalos-dalos ako sa aking mga desisyon. Hindi ko dapat sinisi sa iyo ang nangyari, minsang nabanggit sa akin ni ate Segunda na wala tayong magagawa sa kung anong nais isipin ng ibang tao, at ang tanging mahalaga ay kung paano mo nalalaman ang totoo.

Wala kang kasalanan, Cristobal. Huwag mo sanang isipin na ako'y nagbago dahil hindi ikaw si Palabras. Sa katunayan ay maging ikaw man siya o hindi, ang mahalaga ay mas natutunan ko sa iyo kung paano ang magtimpi, kung gaano kahalaga ang aking pangarap, at kung gaano nasaktan ang aking Ama't Ina.

Sa totoo lang, hindi ko magawang humingi ng tawad sa kanila. Hindi ko batid kung bakit hindi ko magawang sabihin ang mga salitang iyon? Marahil ay dahil ako'y nahihiya? Nangangamba? Nag-aalinlangan? Wala rin akong ibang masabihan sapagkat hindi ko nais malaman nila ang aking tunay na pinagdadaanan. Nais na kitang makausap muli. Ikaw lang ang tanging nakikinig sa aking mga hinaing. Ikaw lang ang kaya kong sabihan ng lahat.

Patawad dahil hindi rin ako nakapagpaalam sa iyo nang maayos. Matagal ko nang hinihiling na masabi sa iyo nang harapan ang mga salitang ito ngunit hindi ko batid kung kailan tayo muli magkikita. Ako'y naghihintay pa rin sa iyong pagbabalik. Ikaw ay magbabalik, hindi ba?

P.S Aking nababatid na malabong mangyari ngunit sana ay makasama ka namin ni Kuya Jacinto sa aking nalalapit na kaarawan, sa ika-19 ng Nobyembre.

Lagda,

Socorro

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro