Chapter 1

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 1: Blood

"Saan siya nagmula?"

"Bakit siya natutulog sa ganitong klaseng lugar?"

Naalimpungatan ako sa mga narinig kong bulong sa paligid. Ramdam ko rin ang pangangawit ng aking likod na nakahilata sa matigas na lupa.. Parang kanina pa ako nasa ganitong posisyon.

Iminulat ko ang mata ko at tumambad sa akin ang isang lalaki at babae. Seryoso silang nakatingin sa akin ngunit bakas sa kanilang mata ang pagkamangha. Magkamukha ang dalawang ito na sa tingin ko ay magkapatid.

"Ayos ka lang?" Tanong sa akin ng batang babae.

Kumunot ang noo ko. Tumayo ako at pinagmasdan ang paligid. Parang nasa gubat ako dahil sa nagtataasang mga puno at masukal na paligid.

"Where am I?"

Nagkatinginan ang kambal. Bata pa sila na sa tingin ko ay nasa sampong taong gulang lang. Makaluma ang kanilang pananamit o sadyang nagmukha lang luma dahil sa dumi?

"Ano raw?" Tanong ng batang babae sa kanyang kasama.

"Ewan. Kakaiba ang kanyang lenggwahe." Mula sa kanyang mata ay makikita ang pagkalito.

Napangiwi ako nang mapagtanto na baka hindi nila naintindihan ang ginamit kong salita. Tumikhim ako para linawin ang aking katanungan.

"Nasaan ako?"

Ngumiti ang batang babae. "Nasa gubat," sagot niya.

"Huh?" Naguguluhang tanong ko bago napagtanto na ang tinutukoy niya ay ang gubat na ito. Gusto kong isipin na panunuya ang sagot na 'yon.

Muli kong iginala ang mata ko sa paligid. Wala akong makitang kahit na anong espesyal sa gubat na ito. Parang gubat lang sa mundo ng mga mortal.

Ito ba talaga ang mundo ng mga bampira? Hindi ko inakalang parang nasa mundo rin ako ng mga tao. Akala ko mamamangha ako sa mundo nila.

"Bampira kayo?!"

Napaatras ako ng isang beses nang mapagtanto 'yon. Tumawa sila nang malakas na animo'y isang malaking biro ang sinabi ko. Sabay silang humalakhak.

Napatingin ako sa kwintas na suot ko bago ito hinawakan.

"Ano bang klaseng tanong 'yan?" Natatawang sambit ng batang lalaki. "Oo naman. Ikaw ba hindi? Ano ka? Hayop?" Muli silang humalakhak.

Napahiya ako sa tanong ko. Gusto kong iumpog ang ulo ko dahil sa isang ignoranteng tanong na iyon.

"Anong pangalan mo, Ate?" Tanong ng batang lalaki.

"Hezira," maikli kong tugon.

"Ako naman si Hera," nakangiting sambit ng batang babae.

Mahaba ang itim nitong buhok at maputi ang kanyang kutis. Kitang-kita mo ang kanyang puti kahit na marumi ito at luma ang suot. Kung sa mundo ng mga tao ay matatawag silang batang-lansangan.

Napatingin naman ako sa kasama nyang lalaki.

"Ako ang kambal nya. Hegel nga pala ang pangalan." Natawa ako nang halikan niya ang likod ng aking kamay. Masyadong maginoo. Magulo ang buhok nitong kulay kayumanggi at gaya ni Hera ay maputi rin ang kutis nito.

Hindi ko sila maituring na pulubi dahil sa kutis na meron sila at ang ganda ng kanilang pangalan.

"Bakit ka nga pala nasa gubat, Ate Hezira?" Tanong ni Hera.

Hindi ako nakasagot dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hindi ko naman maaaring sabihin na pumasok ako sa portal mula sa mundo ng mga mortal. Alam kong hindi nila 'yon maiintindihan.

"H-Hindi ko alam. Tanging pangalan ko lang ang natatandaan ko," paggawa ko ng dahilan.

Kailangan kong maging maingat sa mga sasabihin ko lalo na't bago ako sa mundo nila. Hindi ko pa sila lubusang kilala kahit na may mga libro na rin akong nabasa tungkol sa kanila.

Nagkatinginan naman ang kambal na animo'y nag-uusap bago tumango sa isa't-isa. Parang nagkaintindihan ang dalawang ito gamit lang ang kanilang mga mata.

"Maaari ka munang manuluyan sa aming tahanan, Ate. Habang hindi pa bumabalik ang iyong alaala," sabi ni Hegel.

Ngumiti ako at tumango. Nagkwento sila sa akin habang naglalakad kami palabas ng gubat na 'yon.

Hindi ko lubos maisip na bampira ang dalawang batang ito. Bampira na may pambihirang lakas na kalimitan ay nakukuha nila sa pag-inom ng dugo.

Dugo? Anong klaseng dugo? Sa pagkakaalam ko ay walang tao sa lugar na ito. Posible kayang dugo ng kapwa bampira nila ang kanilang iniinom? Halos masuka ako sa inisip kong 'yon.

"Ito nga pala ang lugar namin."

Napalunok ako nang makita ang maliit na syudad kung saan makaluma ang lahat. Maraming nagtatakbuhang bata at mga bentahan ng kung anu-ano. Parang nasa mundo lang ako ng mga tao ngunit ang kakaiba lang ay ang binebenta nila ay mga iba't-ibang klase ng patalim.

Sinilip ko ang mga binebenta nilang patalim na nagkalat sa kalsadang hindi sementado. Ang mga sandata nila ay sa tingin ko'y pangil ng isang mabangis na hayop. Ang ginagamit nilang pamalit sa produkto ay pilak base sa nakikita ko.

"Gusto mo ate?" Tanong ni Hera nang mapansin na nakatingin ako roon. "Wala ka pa bang gamit?" Dugtong na tanong niya.

Umiling ako. "Hindi ko naman kailangan nyan," sambit ko.

Nakita ko ang pagkalito sa kanyang mata matapos ko 'yong sambitin. Kumislap ang pagkalito mula sa mga inosente niyang mata. Natawa ako nang hilahin na nila ako palayo roon.

Ang inosente nilang tignan pero alam kong hindi ako dapat magtiwala sa aking nakikita. Hindi sila tao... Hindi ko sila kauri.

Karamihan sa mga bahay dito ay gawa sa malalaking batong pinagpatong-patong lang. Halata na matibay ang mga ito kesa sa mga ginagamit sa mundo ng mga tao. Ang bubong ay gawa sa kahoy at dayami.

Parang nasa una kaming sibilisasyon.

Gaya nila Hera at Hegel ay makaluma rin ang kausotan ng lahat dito. Hindi naman gaano masyadong marami ang populasyon nila rito kung ikukumpara sa mundo ng mga tao na halos isang lakad mo lang ay may mabubunggo ka na.

Hindi marunong magfamily planning.

Ang temperatura rin dito ay tama lang. Hindi mainit at hindi malamig. Parang ganon lang talaga 'yon kahit na anong araw.

Teka--- Bakit sila nakakagala tuwing araw? Sa pagkakaalam ko ay takot sa liwanag ang mga bampira at tuwing gabi lang sila lumalabas. Paano? Paano sila malayang nakakagala sa ilalim ng naghaharing araw? Baka dahil nasa mundo sila ng mga bampira?

Mukhang mali ata ang pagkakaintindi ko tungkol sa mga bampira.

Huminto kami sa isang malawak na bakuran. Gaya ng mga bahay na nadaanan namin ay gawa rin sa makapal na bato ito.

Masayang pumasok ang kambal sa loob. Gawa sa kahoy ang kanilang pinto na bilog. Pagkapasok namin ay mga lumang kasangkapan ang bumungad sa amin. Ang kanilang mga upuan at lamesa ay yari din sa kahoy na materyal.

Lumabas sa isang silid ang isang babaeng sa tingin ko'y ina nila. Mahaba ang buhok nitong nakatirintas.

Nagmano ang dalawa sa kanilang in na nakangiti. Parang sa mundo lang namin.

"Saan ba kayo galing?" Tanong nito sa dalawa.

Hindi niya pa rin ako napapansin dahil nakatayo ako sa pinto.

"Naglaro lang sa kakahuyan. Ina, may bago kaming nakilala."

Ngumiti ako nang mapatingin sa akin ang kanilang ina. "Sino ka?" Tanong nito.

"Siya si Ate Hezira, Ina. Natagpuan namin syang walang malay sa kakahuyan at nung nagising sya'y wala siyang maalala," pagpapaliwanag ni Hera.

Lumapit sa akin ang kanilang ina. "Ganon ba? Halika at maupo." Napangiti ako nang alalayan niya akong makaupo.

Bigla ko tuloy na-miss sa kanya si mama.

"Hera, ikuha mo siya ng tubig."

Mabilis na tumakbo si Hera sa likod habang si Hegel ay kumuha ng prutas sa lamesa at kumain.

"Wala ka ba talagang matandaan?" Nag-aalalang tanong nya sa akin.

Napalunok ako bago umiling. Ayokong magsinungaling ngunit alam kong ito ang mas makakabuti sa akin. Darating din ang araw na sasabihin ko rin sa kanila ang totoo pero hindi sa ngayon.

"Tubig?" Kinuha ko ang inalok ni Hera at diretso itong nilagok.

Pakiramdam ko ay naglakbay ako nang matagal para maging ganito kasabik sa likidong ito. Ramdam ko rin ang pagod kahit na kagigising ko lang kanina.

"Ako si Rema. Ang ina nila Hegel at Hera," pagpapakilala niya.

"Hezira po," pagpapakilala ko rin bago kami nagpalitan ng matatamis na ngiti.

Magaan ang pakiramdam ko sa kanya ngunit hindi ko pa rin maiwasang mangamba lalo na't alam kong hindi sila tao. Hindi ko alam kung ano ang mga kakayanan nila.

Alam din nila kaya ang existence naming mga tao? Siguro, oo. Para saan pa ang portal kung sikreto ang aming mundo sa kanila?

"Maaari ka munang pumarito habang hindi pa nagbabalik ang iyong alaala."

Natuwa ako sa mainit na pagtanggap nila sa akin kahit na hindi naman nila ako kilala. Pero gaya ng madalas kong pagpapaalala sa akin, kailangan kong maging maingat.

Pinakita nila ang pansamantalang kwarto ko. Gawa sa dayami ang kama na binabalutan ng puting tela. May lampara na nakatapong sa maliit na lamesa. May isang bintana rin na nagsisilbing liwanag sa loob.

"Ayos ka na ba rito?"

Hinarap ko si Tita Rema bago ngumiti. "Thank you po," sagot ko.

Saglit itong natigilan. Nanlamig ang buo kong katawan nang makita ang pagkislap ng kanyang mata. Parang namalik-mata lang ako sa pagdaan ng pula roon. Oh great! Mukhang may nasabi akong hindi maganda.

Hindi ako agad nakakilos dahil sa takot. Biglang may kung anu-anong masasamang bagay ang pumasok sa aking isipan. Paano kung bigla na lang niya akong sunggaban at kagatin? The end na ba agad? Hindi pwede!

Ngumiti ito sa akin. "Marunong kang gumamit ng salitang ingles." hindi pa rin naaalis ang kanyang ngiti sa labi. Habang tumatagal ay parang nagiging panunuya na iyon.

Kinabahan ako sa hindi malamang dahilan. Bakit parang napaka big deal sa kanila ang paggamit ng english? Alam nila ang salitang 'yon pero mali ata na ginamit ko 'yon.

"Base sa pananamit mo, hindi ka isang dukha tulad namin." Pumasok ito sa loob at umupo sa malambot na dayami.

Napatingin naman ako sa damit ko. Pang mayaman ba ito? Nabili ko lang naman ito sa ukay-ukay. Malinis nga lang hindi katulad sa kanila.

"Galing ka sa pangkat ng maharlika?"

"P-Po?"

Inayos nito ang kanyang magandang buhok. "Maharlika ang pinaka mataas na pangkat dito. Ang iyong kasuotan ay para sa maharlika. Marunong kang gumamit ng ingles na tanging maharlika lang ang gumagamit. Sino ka ba talaga?" Nakita ko ang pagkamangha sa kanyang mga mata.

Lumunok ako sa takot. Maharlika? Mayaman ganon? Mukha ba akong yayamanin?

"Hindi mo ba talaga natatandaan kung sino ka?"

Bumagsak ang balikat ko dahil alam kong nakahalata na siya. Paano ko ba uumpisahan ang mga sasabihin ko? Paano ko ipapaliwanag sa kanya na isa akong mortal na may misyon dito sa mundo nila?

Napangiwi ako nang may maramdamang kakaiba sa aking loob. Napakainit no'n at parang gusto kong magtanggal ng damit para maibsan ito.

Kakaiba ang pakiramdam na ito. Para akong lalagnatin na hindi ko maintindihan.

Napatingin ako sa labas ng bintana. Madilim na ang paligid ngunit kitang-kita ko pa ang lahat. Shit! Gabi na ngunit parang may ilaw ang aking mata para makita ang itinatago ng dilim.

"Anong problema?"

Ngayon ko lang napansin na nag-iba ang kulay ng mata ni Tita Rema. Naging pula ito na animo'y lumiliwanag sa dilim. Sumilaw din ang pangil na nagtatago sa likod ng kanyang mga labi.

"Oras na para mangaso. Tara na?"

Hindi ako nakasagot dahil parang naubusan ako ng hininga. Uhaw na uhaw ako sa bagay na hindi ko maintindihan. Hindi ko rin maintindihan kung ano ang pangangaso na tinutukoy nya.

Mabilis na lumabas ako ng kwarto at pumunta sa kanilang likod. Mabilis na kumuha ako ng tubig sa balon at ininom 'yon.

"S--Shit..."

Halos malunod na ako sa dami ng tubig na nainom ko ngunit hindi pa rin naiibsan ang aking pagkauhaw.

Bigla kong naalala ang paalala sa akin ni Lola Orea. Isa na rin akong bampira kaya malamang na isang klase ng likido ang ngayon ay hinahanap ng buo kong katawan.

Napatingin ako sa repleksyon ko sa tubig.

Natakot ako sa itsura ko. Pula na rin ang mata ko at nakalabas ang pangil. Halimaw. Isa na rin akong halimaw na may malaking pangil, pambihirang lakas at pagkasabik sa kulay pulang likido.

"Ano ang nararamdaman mo?"

Hindi ko na kailangang lumingon sa aking likuran dahil malinaw na naaamoy ko si Tita Rema roon. Kahit na nakatulala ako sa repleksyon ko sa tubig ay malinaw na nakikita ko ang ngisi sa kanyang labi.

Humarap ako sa kanya. Hindi nakawala sa aking mata ang mabilis na pagkilos nila Hegel at Hera palabas ng bahay.

"Mauna na kami, Ina," paalam nila bago mabilis na nawala sa aking paningin.

Sa una ay naaamoy ko pa ang kambal hanggang sa maging ang kanilang presenya ay hindi ko na maramdaman. Malamang na nakalayo na sila.

Ngunit saan sila pupunta?

Habang tumatagal ay mas nagiging mabigat ang aking pakiramdam. Kailangan kong maibsan 'yon dahil pakiramdam ko ay ikamamatay ko ito.

"Alam kong may itinatago ka." Ngumisi itong muli. "Nauuhaw ka sa dugo, Hezira. Pangangaso ang tawag namin para maibsan ang pagkasabik mo sa dugo." Tumalikod na ito sa akin.

"A-Ayoko."

Humalakhak ito. "Hindi ko alam kung anong klase kang nilalang ngunit 'pag nagpatuloy ang pagpigil mo sa iyong sarili ay manghihina ka hanggang sa mamatay. Sumunod ka kung gusto mo pang mabuhay." Babala nito bago tahakin ang direksyon na tinahak ng kanyang mga anak.

Napalunok ako bago pumikit.

"Kakayanin ko... Kailangan kong kayanin..." bulong ko bago sumunod.

Maging ang aking binti ay bumilis para makatakbo ng ganito kabilis nang hindi man lang natatapilok.

Hindi ko inakalang masasabik ako sa dugo.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro