Chapter 31

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng


Chapter 31: Pakiusap

Pauwi na kami nang makasalubong namin si Inueh. Hindi katulad namin ay nakapambahay na kasuotan na ito. Mukhang umuwi na siya nung hindi pumasok sa Hunting Class.

"Bakit hindi ka pumasok?" salubong na tanong ni Dominus.

Nanatili ako sa likod ni Dominus. Nakatingin ako kay Inueh na kay Dominus lang nakatingin.

"Nabagot ako," tipid na sagot nito.

"Gano'n ba?" pasimple akong tinapunan ng tingin ni Dominus. "Sayang lang dahil may pagsasanay tayong gagawin sa labas ng palasyo."

Naguluhan ang mukha ni Inueh. "Pagsasanay? Sa labas ng palasyo?"

"Siguro ay mas makakabuti kung pupuntahan mo na lang si Teacher Baro para maipaliwanag niya rin sa iyo," sabi ni Dominus.

Hindi niya pa rin ako nililingon o tapunan man lang kahit na saglit na tingin. Parang wala ako sa harap niya at tanging si Dominus lang ang nakikita niya.

"Bakit ko pa siya pupuntahan kung andyan ka naman." Ngumiti si Inueh bago umakbay kay Dominus. "Halika. Kakain lang ako sa pamilihan, ipaliwanag mo naman sa akin ang gagawin."

Kumunot ang noo ko nang sapilitan niyang hinihila na si Dominus.

"Teka. Baka mas kumportable si Dominus kung magpapalit muna siya ng damit?" suhestyon ko dahil naka-uniform pa rin ito. "Baka mamatsahan ang uniform niya."

Hindi niya ako pinansin.

Nilingon ako ni Dominus. "Sumama ka na lang, Hezira," saad niya.

Umiling ako.

"Ayaw niya saka ikaw ang gusto kong makasama," nakangising sabi ni Inueh. "Ayoko namang makasama ang isang bampirang hindi naman kaibigan ang turing sa akin."

Napahalukipkip ako.

"Saan mo siya dadalhin?" tanong ko kay Inueh.

"Kahit saan at bawal kang sumama."

Natawa ako sa inis. "Hindi mo siya dadalhin sa kahit saan, Inueh. Sa akin ipinagkatiwala si Dominus." Hinawakan ko ang braso ni Dominus at hinila siya palayo kay Inueh.

Tumamad ang tingin sa akin ni Inueh.

"Bakit ba hindi mo na lang sabihin na gusto mo ring sumama?" hamok niya sa akin.

Umiling ako. "Kailangan pa naming mag-impake ng mga gamit na dadalhin sa paglabas. Ikaw na lang mag-isa..."

"Hezira." Kumunot ang noo ko nang kumawala si Dominus mula sa pagkakahawak ko. "Hindi magandang tumanggi sa alok ng isang kaibigan."

Nakita ko ang pasimpleng pagngiti ni Inueh dahil sa ginawa ni Dominus. Baliktad ang epekto no'n sa akin, mas lalo akong nairita.

"Isusumbong kita kay Lazaro," pagbabanta ko sa kanya.

"Kapatid naman." Ngumuso ito. "Sumama ka na lang kasi. Gusto ko ring lumabas na muna. Matagal din natin itong hindi magagawa dahil lalabas tayo ng palasyo."

Sinubukan niya pa akong kumbinsihin ngunit tumanggi ako.

"Sige, ikaw na lang. Uuwi na ako." Humalukipkip ako.

Minataan ko si Inueh na mukhang nasisiyahan sa mga pangyayari. Mabilis niyang napikot si Dominus.

"Sige, kita na lang tayo mamaya."

Umawang ang bibig ko nang talikuran na nila ako at nagsimula ng maglakad palayo. Bago pa sila tuluyang makalayo ay binalingan ako ng tingin ni Inueh at nginisian.

Padabog na umuwi ako.

Sinalubong ako ni Lazaro, mabilis na nagtanong ito nang mapansin na hindi ko kasama si Dominus. Hindi ako nag-atubiling sabihin ang totoo.

"Sumama po siya sa isang lalaki, lilibot muna po raw sila."

Napakurap ako nang wala akong nakitang pagtutol sa mukha ni Lazaro.

"Mabuti 'yan, para na rin mas maging kumportable siya sa iba," aniya.

"B-Baka mapaano siya," sabi ko. "Bakit tila hindi ka nag-aalala sa kanya? Hindi ba dapat ay kasama ka niya kahit saan siya pumunta? Halika, puntahan natin sila!"

Umiling ito bago umupo sa supa. "Binilinan ako ni Prinsipe Arcus na luwagan ang kapit sa kanya. Para masiyahan siya sa pagiging normal na bampira. Maaari naman 'yon saka dahil sa nangyari sa kanya'y alam kong magiging maingat na ito."

"K-Kung gano'n ay hihintayin na lang natin siyang umuwi kahit na anong oras na gusto niya? Prinsipe siya!"

"Magpalit ka na ng damit, Hezira. May pagkain sa kusina," pagbabalewala niya sa mga sinabi ko.

Humiga ito sa mahabang supa at ipinikit ang kanyang mga mata. Sa tagal na nang pananatili namin dito ay bihira lang na hindi namin siya madadatnan dito. Maghapon na ata siyang tulog pero bakit tila kulang pa rin?

Mas lalong tumaas ang nararamdaman kong inis. "Kapag may nangyaring masama sa kanya ay hindi ko kasalanan!"

Saka na ako pumasok sa loob ng kwarto.

Pabagsak na ibinaba ko ang bag sa kama. Imbes na magpalit na ng damit ay humiga ako sa kama.

"Dahil ba tinalikuran ko ang alok mong pakikipagkaibigan ay si Dominus na naman ang guguluhin mo?" Natawa ako sa pagkairita. "What an asshole."

Gumulong-gulong ako sa kama habang nag-iisip ng mga posibleng gawin ni Inueh kay Dominus. Maaari niya itong ipahamak, maaari niyang isama sa kalokohan o kaya ay maaari rin niyang lasingin para magsabi ito ng mga impormasyon.

Napabangon ako dahil sa huling maaaring gawin ni Inueh.

"Hindi pwede," bulong ko. "Alam niyang prinsipe si Dominus kaya malamang na nirerespeto pa rin naman niya ito," pangungumbinsi ko sa sarili para mapanagat ang loob ko.

Muli akong bumalik sa pagkakahilata at tumingin sa kisame.

"Pero... Maaari ring gawin niya 'yon dahil sa pagiging desperado," wala sa sariling bigkas ko. Napakamot ako sa ulo dahil sa pagkagulo. "Ano ba ang dapat kong gawin?"

Muli akong nagpagulong-gulong sa kama bago napagpasyahan na magpalit na ng damit. Matapos no'n ay ang kama naman na nagulo ang inayos ko. Dahil do'n ay nag-umpisa na rin akong maglinis ng kwarto.

Natigilan ako sa pagpupunas sa salamin ng bintana nang mapagmasdan ang dumidilim na labas. Hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik si Dominus.

Madiin akong pumikit bago binitawan ang basahan at lumabas ng kwarto. Saktong palabas din ng kusina si Lazaro.

"May pupuntahan ka?" tanong niya.

"Si Inueh ang sinasabi kong kasama ni Dominus," mabilis na sabi ko.

Nakita ko ang mabilis na pagbabago sa timpla ng kanyang mukha. Umiling-iling ito ngunit hindi nagsalita.

"Ano sa tingin mo, Lazaro? Hahayaan na lang ba natin siya?"

"Ayokong pag-isipan ng masama ang batang 'yon, ang pagbabanta ni Prinsipe Arcus ay paalala lamang para hindi kayo maging pabaya." Sumilay ang pagkagulo sa kanyang mukha. "Mabuti pa ay puntahan mo na nga siya nang may kasama siya."

"Sige po."

"Pero huwag mo siyang pipilitin na umuwi kung ayaw pa niya, bantayan mo lang siya," paalala pa nito.

Tumango ako bago lumabas.

Malamang na nasa pamilihan sila ngayon kaya roon ako pupunta.

Mas maraming mga bampira ang namimili tuwing gabi na kung kailan mas buhay ang pamilihan. May mga tindahan din na sa gabi lang nagbubukas at madalas do'n ay mga pagkainan.

Halos mahilo ako sa dami ng mga namimili. May mga estudyante rin na kasama ang pamilya nila ngayon, malamang na nagkakasiyahan.

Naglakad-lakad ako sa karamihan ng mga namimili. Ngayon ay bahagya akong nagsisisi na hindi ako nagdala ng pilak, napakaraming magagandang bilihin. Bakit kapag may pilak ako ay wala akong mabili pero kapag wala ay marami?

"Hezira?"

Napalingon ako sa tumawag sa pangalan ko.

"Valeria..." Napatingin ako sa lalaking kasama niya pero mabilis din na umiwas ako ng tingin. "Nakita mo ba sina Dominus at Inueh?"

Namilog ang kanyang mga mata.

"A-Andito si Dominus?" Naramdaman ko ang pagkasabik sa kanyang paninitig.

Napatingin ako sa lalaking nasa likod niya. Kumakain ito ng inihaw na pagkain. Iyon 'yung nakita kong kinakain niya nung una ko siyang masilayan dito. Ang ikalawang Chief Officer, Nero.

Napalunok ako nang makaramdam ako ng gutom habang nakatingin sa kanya na ngumunguya.

"Kasama niya si Inueh?" tanong ni Nero.

"Oo kaso hindi ko alam kung nasa'n sila," sabi ko.

Iniwas ko ang tingin ko sa kinakain niya dahil nagugutom din ako.

"Hanapin natin sila!" Masayang suhestyon ni Valeria sabay kapit sa aking braso.

"Kung kasama niya si Inueh, malamang na nasa paboritong puntahan niya sila," biglang sabi ni Nero. Kinagat niya ang panghuling bahagi ng pagkain bago naglakad. Kilala nga talaga niya si Inueh, mukhang malalim ang pinagsamahan ng dalawa.

Sumunod kami sa kanya ni Valeria. Nanatili kami sa likod ng lalaking maangas. Nakapasok sa mga bulsa ang kanyang mga kamay. Mas matangkad siya sa amin at sa tingin ko ay maging kina Inueh at Dominus din.

"Nasa'n si Primus?" tanong ko kay Valeria.

"Wala. Nabalitaan ko ang pagsasanay na gagawin ninyo sa labas ng palasyo." Naramdaman kong lumumbay ang kanyang tinig. "Mukhang matatagalan bago ko muling makasalamuha si Dominus."

Hindi ako kumibo.

Naabutan namin sina Dominus at Inueh sa isang tindahan ng mainit na sabaw na may miswa. Nagtatawanan sila habang kumakain. Marami-rami rin ang kumakain dito.

Naramdaman kong humigpit ang kapit sa akin ni Valeria kaya sinubukan kong alisin ang braso niya pero hinigpitan niya ito. Wala na akong nagawa.

Walang pasabing umupo si Nero sa tabi ni Inueh. Pabilog ang lamesa, masyadong maluwag para sa dalawang bampira lang.

Natigilan ang dalawang nagkakasiyahan nang makita kami. Hinila ako ni Valeria paupo. Bale nasa kaliwa ko si Inueh, sa kanan si Valeria at sa tabi niya ay si Dominus at sa gitna nila Dominus at Inueh sa Nero.

"Teka... Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ni Dominus kay Valeria. Tumingin siya sa akin. "Kumain ka na? Masarap ang pagkain dito!"

Napatingin ako sa kinakain niya. Hindi ko alam kung bakit ako tumanggi gayong gutom ako.

"Hays. Nakakawala ng gana," pabulong na sabi ni Inueh.

"Kakain ka?" tanong ni Nero kay Valeria.

"Tatlong mangkok para sa 'tin nina Hezira," sabi ni Valeria.

Tumaas ang dalawang kilay ni Nero bago umiling. Tumayo ito at sa tingin ko ay kukuha rin ng sabaw na may miswa para sa aming tatlo.

Napatingin ako kay Inueh na nakatingin din sa akin.

"Kaibigan, nagustuhan mo ba ang pagkain?" tanong ni Inueh kay Dominus habang nakatingin sa akin.

Tumawa si Dominus bago ipinakita ang simot na mangkok. "Hindi ko inaasahan na masasarapan ako. Salamat, kaibigan," tugon nito.

Tumingin sa kanya si Inueh.

"Walang anuman, kaibigan," nakangiting saad ni Inueh bago muling tumingin sa akin. "Gusto kong makuha mamaya ang uniform ko na ipinahiram sa 'yo."

"Marumi pa, ayos lang ba kung hindi ko na---"

"Bakit ba kasi hindi mo muna nilabahan bago ka sumama rito?" Nagulat ako sa sinabi niya ngunit hindi ko ipinahalata. "Kailangan ko 'yon, ibigay mo nang malinis na mamaya."

"Kasalanan ko bang napakabuti mo at ipinahiram mo sa akin 'yon kahit na alam mong madudumihan ito?" mapait kong sumbat.

Naiinis ako sa inaasta niya.

"Gusto mo pa?" Napatingin ako kay Valeria nang tanungin nito si Dominus. "Mukhang nasarapan ka e."

Nakita ko ang pag-alangan na sumagot ni Dominus. "W-Wala na akong pilak, si Inueh lang ang nagbayad ng pagkain ko."

"Walang problema! Ako ang magbabayad." Masayang tumayo si Valeria. "Sandali, sasabihan ko lang si Nero na dagdagan pa ng isang mangkok para sa 'yo." Saka na ito umalis.

Napatingin akong muli kay Inueh, nakasandal ito nang matuwid sa upuan habang nakahalukipkip. Ramdam ko ang pagkairita sa kanya habang pasimpleng tinitignan ang pinuntahan ni Nero.

"Magkaibigan kayo ni Nero, hindi ba?" tanong ko sa kanya.

"Ano naman ngayon?"

"Bakit---"

"Naging kaibigan ko lang siya dahil kabilang siya sa Chief Officers at ngayong hindi na ako kasapi..." Nagkibit-balikat ito.

"Hindi dahil nawala ka sa mga Chief Officers ay nawala na rin ang pagkakaibigan niyo," mapakla kong sabi. "Hindi gano'n ang pagkakaibigan."

Nakita ko ang pagdaan ng galit sa kanyang mga mata.

"Huwag mo akong pangunahan sa mga gusto kong mangyari. Sino ka ba? Ni hindi nga tayo magkaibigan."

Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi habang bahagyang minamasahe ang mga kamay kong nakatago sa lamesa.

Ayokong magbitaw ng salitang makakapanakit sa kanya ngunit tinutulak niya ako. Hindi ko rin matanggap na ganito ang trato niya sa isang bampira na hindi niya kaibigan. Napakababaw.

"Ah, may tanong ka pa?" tanong ni Dominus kay Inueh. Alam kong ginawa niya 'yon para pababain ang namumuong tensyon sa pagitan namin. "Tungkol sa pagsasanay. Baka may parting magulo sa 'yo."

"Salamat sa pagpapaliwanag, Dominus. Naintindihan ko naman," sagot ni Inueh.

Matapos no'n ay katahimikan na ang namayani sa pagitan namin. Nakaramdam ako ng bahagyang pagkailang lalo na't walang nagsasalita sa amin.

"Matagal pa ba 'yon?" tanong ko.

"Medyo matagal ang pagluluto no'n pero sulit naman 'pag natikman mo na," pagpapaliwanag ni Dominus.

"Mauna na ako," biglang pagpapaalam ni Inueh.

"Nagmamadali ka ata, kaibigan?" Biglang sumulpot si Nero na may bitbit na bandeha kung saan may dalawang mangkok na may laman na mainit na sabaw.

Dumating din si Valeria na may hawak na bandeha.

"Salamat," sabi ko kay Nero nang iabot niya sa akin ang isang mangkok.

"May kailangan pa akong gawin," sabi ni Inueh.

"Ang alam ko ay mabilis kang kumilos." Umupo na si Nero at hinila muli paupo si Inueh. "Samahan mo muna kaming kumain."

"Mainit, dahan-dahan lang," asikaso ni Valeria kay Dominus.

Itinuon ko na lang ang pansin sa paghigop sa mainit na sabaw. Medyo may anghang din ito. Tama si Dominus, masarap nga ito lalo na kapag mainit pa.

Walang nagsalita sa amin hanggang sa matapos kaming lahat kumain. Pinapanuod din namin kung paano asikasuhin ni Valeria si Dominus. Maging ang tubig ay siya ang nagbibigay na ibinibigay naman sa akin una ni Dominus.

"Tapos na kayong kumain? Maaari na ba akong umalis?" tanong muli ni Inueh.

"Bakit magkasama kayo ni Dominus? Magkaibigan na kayo?" tanong ni Nero sa kanya. "May bago ka na bang kaibigan?"

Tumawa si Inueh. "Kailan ka pa nagkaroon ng pakialam sa mga bampirang nasa paligid mo?"

"Bakit tila may sama ka pa ng loob sa akin? Hindi ba dapat ay nggpapasalamat ka sa akin dahil sa mga tulong na ibinigay ko sa 'yo?"

"Tapos na ako..." Tumayo nang muli si Inueh.

"Hanggang ngayon ba naman, Inueh? Itinuring kitang kaibigan pero kinaibigan mo lang pala ako para magamit. Sumapi ka sa Chief Officers para makakuha ng impormasyon."

Kumunot ang noo ko sa sinabi ni Nero.

Natigilan si Inueh. Pasimple niya akong sinulyapan.

Bumuntong-hininga si Nero bago tumayo at hinarap si Inueh.

"Alam ko na ang dahilan kung bakit mo tinanggap maging Chief Officers." Ramdam ko ang galit sa pananalita ni Nero. "Para makakuha ng impormasyon tungkol sa pagkahumaling mo sa mga tao. Pero ang hindi ko matanggap ay kinaibigan mo lang ako dahil do'n."

Lumapit si Nero kay Valeria at inaya na itong umalis. Nakita ko pa ang pagtutol sa mukha ni Valeria ngunit wala na rin itong nagawa.

"Ingat ka sa pag-uwi, Dominus," paalala ni Valeria kay Dominus.

"Sige, salamat sa pagkain," tugon naman nito.

Malawak na napangiti si Valeria bago sumunod kay Nero. Kami na lang nila Inueh at Dominus ang natira.

Tumayo na rin ako. "Tara na?" aya ko kay Dominus.

"H-Hezira..." dinig kong tawag sa akin ni Inueh.

Hindi ako lumingon.

"Ayaw mo pa bang umuwi?" malamig kong tanong kay Dominus na nanatiling nakaupo. "Sige, mauna na ako."

Tinalikuran ko na sila at nagsimula nang maglakad palayo. Sumunod naman agad si Dominus. Pinantayan nito ang lakad ko. Hindi na sumunod si Inueh.

"Mukhang hindi naman gano'n si Inueh," sabi ni Dominus.

Hinarap ko si Dominus. Nagulat pa ito dahil sa ginawa ko.

"Hindi isang kaibigan si Inueh." Parang may bumara sa lalamunan ko matapos kong sabihin 'yon. "Isa siyang tusong nilalang. Kakaibiganin ka lang niya kapag may maitutulong ka sa kanya."

"A-Ano ba ang sinasabi mo?"

Lumunok ako para humugot ng lakas para magsabi ng totoo.

"A-Alam mo bang sinabi ko sa kanya lahat ng sinabi mo sa akin? May mga maseselan akong impormasyon na sinabi sa kanya na kapag nalaman ng iba ay maaaring ikapahamak mo."

Napatitig sa akin si Dominus.

"P-Patawad..." bulong ko.

"Sinabi na niya sa akin kanina 'yan." Ngumiti si Dominus. "Nagtapat siya kanina tungkol diyan. Ang sabi niya ay pinilit ka niyang sabihin ang mga nalalaman mo."

Kumunot ang noo ko. Hindi ako pinilit ni Inueh, nakipagsabwatan ako sa kanya para sa sariling kapakanan ko.

Hinawakan ni Dominus ang aking mga balikat, bahagya siyang yumuko para magkatapat ang mga mukha namin. Nalula ako sa kanyang mga titig na tila may mahika para mahalina ako.

"Hezira... Ang takot ang madalas na pumipigil sa atin para maging masaya," dalisay na sabi niya habang nakatitig sa akin. "Paano mo malalaman kung hindi mo susubukan?"

"Dahil natatakot tayong ito rin ang maging dahilan ng pagbagsak natin." Umiling ako bago hinawi ang kamay niya sa braso ko. "Kuntento na ako sa inyo. Ayoko na ng iba pa."

Bumuntong-hininga si Dominus.

"Mukhang iba ang rason mo."

"A-Ano ang sinasabi mo?"

"Hindi ang pakikipagkaibigan ang kinakatakot mo. Maaaring may pinag-usapan kayo na hindi mo matanggap at doon ka natatakot."

Hanggang sa makauwi kami ay hindi ko naunawaan ang sinabi ni Dominus.

Dumiretso ako sa kwarto at pagod na umupo sa kama. Kinuha ko ang aking bag at inilabas doon ang uniform ni Inueh. Pinagmasdan ko ang matsa ito. Pinasadahan ko ito ng kamay nang may mapansin na papel sa maliit na bulsa nito.

Kinuha ko ang nakatuping papel at binusak iyon.

"Hindi ko kailanman inakala na may hihigit pa sa kagustuhan kong makilala ang mga tao magmula nung nakilala kita."

Nung mabasa ko iyon ay naalala ko ang sinabi ni Dominus.

Gusto niya akong makilala at iyon ang sa tingin ko'y ang pumipigil sa akin para mapalapit sa kanya. Natatakot akong kapag nakilala na niya ako nang lubusan ay katumbas no'n ang pagtuklsa niya sa katauhan ko.

Napangiwi ako nang manikip ang dibdib ko. Nabitawan ko ang papel. Unti-unti akong napahiga sa kama habang hawak-hawak ang aking dibdib. Hindi ako gaanong makahinga.

"Hezira... May hangganan ang salamangka ng kwintas na ibinigay ko sa iyo. Habang tumatagal ka sa mundong iyan ay nagiging lason ito. Unti-unti itong nalulusaw at papasok sa loob mo hanggang sa maabot nito ang puso mo. Ang pananatili mo sa mundo ng mga bampira ay nabibilang na."

Pumatak ang luha sa aking mga mata habang yakap-yakap ang sarili.

Pumikit ako. "Gusto ko pang manatili rito... Pakiusap, bigyan niyo pa ako ng panahon."

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro