Chapter 32

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 32: Portal

Napangiti ako nang yakapin ni Lazaro si Dominus. Kung hindi ko lang sila kilala ay malamang na iisipin kong mag-ama ang dalawa. Ang pagmamahal na ipinapakita ni Lazaro ay tulad ng sa isang ama. Ramdam ko rin ang unti-unting paglapit ni Dominus sa kanya.

"Mag-iingat kayo roon," muli niyang paalala nang kumawala sa pagkakayakap. "Hindi dahil wala ako sa tabi niyo ay wala na talaga ako. Nasa paligid lang ako, nagmamasid. May mga kawal din na aaligid sa inyo."

"H-Hindi ka ba talaga maaaring sumama?" tanong ni Dominus.

Malungkot na umiling si Lazaro. "Parte ito ng pagsasanay niyo. Basta magsaya lang kayo. Ito naman talaga ang layunin ng gagawin niyo, ang maging malaya sa lahat ng tanikala na nakapaligid sa inyo."

Bahagyang tumalikod sa amin si Dominus.

Kumunot ang noo ko.

"Umiiyak ka ba?" tanong ko sa kanya.

"Hindi ah! Gusto ko lang tumalikod," sagot nito nang hindi tumitingin sa amin.

Sinubukan kong sulyapan ang mukha niya ngunit mabilis na naiwas niya ito.

"Hezira." Natigilan ako nang tawagin ako ni Lazaro

Tumingin ako sa kanya. "Alam ko ang gagawin ko, Lazaro. Hindi ako aalis sa tabi ni Dominus, sisiguraduhin ko ang kaligtasan niya. Makakaasa ka."

Natatawang umiling ito bago bahagyang lumapit sa akin.

"Hindi iyan ang sasabihin ko." Nakangiting tumitig ito sa mga mata ko. "Huwag kang aalis sa tabi ni Dominus. Protektahan niyo ang isa't-isa. Magsaya kayo at huwag isipin ang ibang bagay. Pamilya..."

Natigilan ako.

"Pamilya," dinig kong sabi ni Dominus.

Lumapit sa amin si Dominus. Napatingin ako sa kanya. Bahagyang namumula ang kanyang ilong at ramdam ko rin ang pagpigil niya sa kanyang emosyon.

"Kahit na ano'ng mangyari ay isa tayong pamilya," saad ni Lazaro sa isang dalisay na pananalita.

Wala sa sariling napangiti ako.

"Pamilya..." bulong ko.

Niyakap din ako ni Lazaro. Naramdaman ko rin ang kaninang nararamdaman ni Dominus. Napakasarap ng pakiramdam ng yakap mula sa isang nilalang na tunay na nagmamalasakit sa 'yo. Hindi ko kailanman pinangarap magkaroon ng ama at kung magkakaroon man ako... Gusto ko ay si Lazaro.

"S-Sige na..." Bahagyang bumaba ang boses ni Lazaro. "Baka mainip na ang lalaking maghahatid sa inyo."

"H-Hindi mo ba kami ihahatid sa labas?" tanong ko nang mapansin na papasok na siya sa kanyang silid.

Malungkot na umiling ito. "Ayokong makita ang mga mahal kong lumalayo sa akin. Magkikita pa tayo... Mula sa malayo ay ako ang gagabay sa inyo."

Tuluyan na itong pumasok sa kanyang silid.

Bumuntong-hininga ako bago tumingin kay Dominus. Nahuli ko ang kanyang titig.

"Tara na?" aya ko sa kanya.

Tumango ito.

Kukunin ko na sana ang bagahe ko nang maunahan niya ako, binuhat niya ang bagahe ko at ang kanya. Sabay kaming lumabas kung saan naghihintay ang isang karwahe.

Inunang ipinasok ni Dominus ang mga bagahe namin bago niya ako pinauna, tumabi siya sa akin. Nagsimula nang umandar ang karwahe.

Sabay kaming napalingon ni Dominus sa bahay namin. Naramdaman ko ang pagsikip ng dibdib ko, hindi dahil sa gawa ng kwintas kung hindi dahil sa emosyon. Inaamin kong napalapit na ako kay Lazaro, ang umalis nang hindi siya kasama ay mabigat sa kalooban ko, alam kong gano'n din kay Dominus.

Napabuntong-hininga na lang ako bago ipinahinga ang likod.

Walang nagsalita sa aming dalawa ni Dominus hanggang sa makalabas kami ng mga higanteng tarangkahan. Wala sa sariling napangiti ako nang makita ang malawak na labas. Makalipas ang mahabang panahon... Nakalabas din ako ng palasyo.

"Titira tayo kina Gema?" tanong ni Dominus.

"Rema... Tita Rema," pagtatama ko sa kanya. "Oo. Doon tayo mananatili. Sigurado akong magugustuhan mo roon. May mga kalaro pa tayo. Sina Hera at Hegel."

Ngumiwi siya. "Matanda na tayo para maglaro. Saka... Paano kung hindi nila ako tanggapin? Hindi nila ako kilala."

Napailing ako. Hindi rin naman nila ako kilala nung patuluyin nila ako sa tirahan nila. Hindi nila ako kilala nung bigyan nila ako ng makapal na kumot para sa gabing malamig at no'ng pinatid nila ang gutom ko nang bigyan ng pagkain.

"H-Hezira... Paano kung ikaw lang ang patuluyin nila tapos ako sa labas?"

"Hindi ko alam. Hindi ka ba sanay matulog sa labas?"

Nanlaki ang kanyang mga asul na mata bago sunud-sunod na umiling. Ramdam ko na ang pagkabahala base sa kanyang mga mata.

"Alam mo bang ang ibang dukha ay natutulog sa labas?" tanong ko sa kanya. "Akala ko ba gusto mong maranasan ang buhay nila? Bakit tila nagdadalawang-isip ka na ngayon?"

Ngumuso ito. "Bigyan niyo na lang ako ng kumot saka unan... Sige, sa labas na lang ako."

Napahalakhak ako sa sobrang tuwa sa kanya. Napakainosente niya. Ni hindi man lang niya alam na niloloko ko lang siya. Kung hindi siya patutuluyin ni Tita Rema, na sa tingin ko ay imposible, ay hindi ko naman siya hahayaang matulog sa labas.

"B-Bakit ka tumatawa?" Naguguluhang tanong niya. "H-Hindi rin ba sila nagkukumot saka unan kapag natutulog sa labas? P-Pero Hezira... Kahit kumot na lang."

Natigilan ako sa pagtawa.

"Madalas sa mga natutulog sa labas ay hindi talaga nakakatulog. Tuwing gabi ay may mga umaaligid na mababangis na hayop. Kailangan mong mag-ingat."

"Malakas ako. Hindi ako takot sa kahit na anong klase ng hayop. Sige, hindi na ako matutulog para maprotektahan ko kayo."

Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi habang nakatitig sa kanyang mga nakangusong labi. Parang sobrang lambot ng mga iyon.

"Hezira?"

Napakurap ako nang hindi ko napansin na kanina pa ako nakatitig sa kanya.

"Hays. Sana talaga hindi na lang kita tinuruan ng telepatiya para mabas ako uli ang mga nasa isipan mo!"

Humalukipkip ito bago umayos ng upo. Diretso na lang ang tingin niya sa daan.

"B-Binibiro lang naman kita. Galit ka?"

"Oo..."

Napangisi ako. "Bakit ka galit, ginoo? May nasabi ba akong hindi maganda? Ako ay nalulungkot na nagalit kayo. Pagpasensyahan niyo na ang kapangahasan ko---"

"Hindi na!"

Napahalakhak ako nang makita ang namumula niyang mukha. Halos magpagulong-gulong ako sa sobrang tawa.

Napakamaasarin niya.

"Kung nandito lang si Lazaro baka pinagalitan ka na niya," sabi niya.

Sabay kaming natigilan nang banggitin niya ang pangalang iyon. Lumungkot muli ang kanyang mukha.

Tumikhim ako.

"Nagbibiro lang ako. Hindi ko naman hahayaang matulog ka sa labas," pagsuko ko sa pang-aasar sa kanya. "Kung sa labas ka matutulog, malamang na sa labas din ako."

Nakita ko ang pagsilip ng ngiti sa kanyang mga labi. Pinilit niya iyong itago ngunit bigo siya.

"S-Sabi mo 'yan, ah?" Lumawak na ang ngiti sa kanyang labi. Inakbayan niya ako. "Ikaw na lang ang magkukumot. Hindi na ako."

Sumandal ako sa balikat niya. Halos makatulog ako ngunit pinigilan ko. Umalis din ako dahil baka nangangawit na siya. Umayos ako ng pagkakaupo.

"S-Si Inueh?" biglang tanong ni Dominus. "Magkikita kaya tayo?"

Nagkibit-balikat ako. Hindi ko rin alam ang sagot. At kung magkikita man kami ay nakahanda na ang uniform niya. Dinala ko ito para sigurado.

Mayamaya ay dumating na kami sa bayan. Halos walang pagbabago, kabi-kabilaan ang mga nagbebenta ng kung anu-ano, kadalasan ay sa kariton ang lagayan.

"Kaliwa po!" sabi ko sa lalaking kumokontrol sa kabayo.

Huminto kami sa isang tirahan. Mabilis na lumabas ako at tumakbo papasok. Naabutan ko sina Hera at Hegel na kumakain ng prutas. Sabay na nanlaki ang kanilang mga mata nang makita ako.

"A-Ate Hezira?" Unang yumakap sa akin si Hera bago sumunod si Hegel.

Natawa ako nang hindi nila ako bitawan. Hanggang sa narinig ko na ang mahinang pag-iyak ni Hera. Humiwalay si Hegel, nakita ko ang sobrang lungkot ng kanyang mga mata.

Hinarap ko si Hera na pigil na pigil ang pag-iyak.

"A-Ate..." tawag niya sa akin.

"Nagkita tayong muli," nakangiti kong bati. "Nasaan si Tita Rema?" tanong ko.

Mas lalong lumakas ang iyak ni Hera. Bahagya na ring tumalikod si Hegel para punasan ang kanyang mga mata.

Natigilan ako at parang may bumara sa lalamunan ko.

"M-May nangyari ba?" kinakabahan kong tanong.

Walang nagsalita sa dalawa.

Lumapit si Hegel kay Hera at niyakap ito. "T-Tahan na..." pagpapatahimik niya sa kapatid pero alam kong pinipigilan niya lang din ang sariling umiyak. "A-Andito naman ako. H-hindi kita iiwan..."

"A-Ate... P-Pinaslang nila si Ina..."

Natigilan ako.

"A-Ano ang sinasabi mo,Hegel?"

Mapait na ngumiti ito. "N-Naglalaro kami ni Hera sa kagubatan, hindi namin napansin na masyado na kaming napalayo. May nakita kaming lalaking puro itim ang buong mata... S-Sinubukan niya kaming kunin p-pero dumating si Ina..." Tumulo na ang luha sa kanyang mga mata pero mabilis na hinawi niya iyon.

"H-Hezira?" Napalingon ako kay Dominus, dala niya ang dalawang bagahe namin.

"S-Sino ka, ginoo?" tanong ni Hera na nagpupunas na ng luha. "Ang ganda ng mga mata mo. Gusto ko rin ng asul na mata!"

Nakita ko ang pagkalito sa mata ni Dominus. Mukhang hindi nito alam ang isasagot sa bata.

"H-Hindi naman ito pwedeng ibigay." Ngumiwi ang kanyang labi.

"Sino ka? Bakit kasama mo si Ate Hezira?" tanong ni Hegel. "May namamagitan ba sa inyong dalawa?" Bumaba ang tingin nito sa bagaheng dala niya. "Dito ka rin maninirahan?"

Bumuntong-hininga ako. "Ah, Hera, Hegel... Ito ay si Kuya Dominus, dito na muna siya maninirahan kasama tayo. Para may magtanggol sa atin kapag may masamang bampira."

"Malakas ka ba?" hamon ni Hegel kay Dominus.

"H-Hindi ko alam," naguguluhang sagot ni Dominus. "Ano ang pangalan mo?"

"Hegel," simpleng sagot nito.

"Ako si Hera!"

May kung anu-ano pang tinanong ang dalawa sa kanya. Ako na muna ang nagpasok ng bagahe namin sa isang bakanteng silid. Dalawa lang ang silid dito. Baka tabi na lang kami nila Hera at Hegel at sa isang kwarto si Dominus.

Napaupo ako sa kama na yari sa dayami.

Kumuyom ang mga kamao ko. Hindi ko kailanman mapapatawad kung sino man ang gumawa nito kay Tita Rema. Masyado pang bata sina Hegel at Hera para mawalan ng Ina.

Lumabas ako ng kwarto. Naabutan ko ang tatlo na nagtatawanan. Nasa ulo ni Dominus si Hera na tuwang-tuwa habang si Hegel naman ay nakayakap sa binti niya.

"Ako rin, Kuya!" Pilit na inaabot ni Hegel si Hera na tawa nang tawa. "Ako naman! Gusto ko ring maranasan 'yan!"

"Kay Ate Hezira ka!" turo ni Hera sa akin.

Nanlaki ang mga mata ko nang tumakbo si Hegel palapit sa akin.

"Ate! Gawin din natin iyon!"

"M-Mabigat ka..."

Napaatras ako nang tumalon si Hegel para abutin ako.

"Halika, Hegel!" tawag sa kanya ni Dominus.

Mabilis na lumapit ito. Binuhat niya sa magkabilang braso ang dalawa. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat ngunit parang wala lang 'yon kay Dominus. Pinagmasdan ko silang maglaro.

Ang kaning malumbay na magkapatid ay sumaya dahil kay Dominus. Sa sandaling panahon ay nakalimutan nilang wala na silang ina na mag-aaruga sa kanila.

Pumunta ako sa kusina. Halos maubos na ang mga prutas na mayroon sila. Masyado ring magulo na tila ilang araw nang hindi nalilinis. Ginawa ko ang dapat na gawin. Nilinis ko ang mga kalat.

Pinagsama-sama ko ang mga prutas at inilagay sa isang lalagyan. Dinala ko ang mga 'yon sa sala. Naabutan ko ang tatlo na masinsinang nag-uusap. Pinatong ko sa lamesa ang mga prutas. Mabilis na tumayo si Hegel at kumuha ng tatlo. Ibinigay niya ang dalawa kina Dominus at Hera.

"N-Nakita mo na ang prinsipe?" tanong ni Hera.

Umupo ako sa tabi nila ngunit hindi nila ako pinansin.

Kumagat sa mansanas si Dominus bago tumango.

Nanlaki ang mga mata ni Hera. "Pareho kayo ni Ate Hezira! Nakita niyo na ang prinsipe! Gusto ko rin siyang makita!"

"Kung gusto niyo ay dadalhin ko kayo sa kanya minsan... Iyon ay kung gusto niyo."

Mabilis na tumango si Hera. Nakakandong ito sa isang hita ni Dominus habang nakatingin sa kanya.

"Gusto kong makita ang prinsipe," sabi ni Hera.

"Bakit ba humaling na humaling ka sa prinsipe? Bampira rin naman iyon katulad natin!" pang-aasar ni Hegel. "Malamang na mamamatay din siya kapag hindi uminom ng dugo. Saka baka hindi naman iyon gwapo!"

Napatikhim si Dominus.

"Anong hindi gwapo? Prinsipe iyon kaya malamang na ubod siya ng kagwapuhan at kakisigan!" paglaban ni Hera. "Hindi ba, Kuya Dominus?"

"Oo. Ubod ng gwapo ang dalawang prinsipe!" pagsang-ayon nito. "Bukod sa gwapo sila ay makisig din ang dalawa."

"Dalawa?" tanong ni Hera.

"Dalawa ang prinsipe?" Si Hegel.

Natigilan si Dominus. "Oo... Pero sikreto lang natin ito ah?"

"Kung ang isa ay si Prinsipe Arcus, ano naman ang pangalan ng isa pang prinsipe?" tanong ni Hera.

Napatingin sa akin si Dominus. Sinamaan ko siya ng tingin habang umiiling.

"Gusto niyo bang lumabas? Bibili tayo ng mga bago niyong damit!" pag-iiba ni Dominus sa usapan. "Mukhang luma na ang mga damit ninyo."

Sabay na umiling ang magkapatid.

"Ang sabi ni Inay ay hangga't hindi naman masyadong butas ang mga damit ay maaari pang gamitin," nakangiting sabi ni Hera. "Isa lang ang butas ng iba kong damit kaya pwede pa!"

Nakita ko ang pagkamangha sa mga mata ni Dominus dahil sa sinabi ni Hera.

"Ang mahalaga ay pagkain," sabi ni Hegel. "Mabubuhay kami nang walang damit o tirahan pero hindi kapag walang pagkain."

"Teka... Nasaan ang inyong Ina? Hindi niyo ba siya kasama?" tanong ni Dominus.

Hindi nakapagsalita ang dalawa. Muli kong naramdaman na nalumbay sila nang mabanggit na naman ang tungkol sa kanilang ina.

"Magpalit muna kayo ng damit, bibili tayo ng pagkain," sabi ko.

"Talaga?" Manghang tanong ni Hegel.

Tumango ako. Sabay na tumakbo ang dalawa papasok sa kwarto. Naiwan kaming dalawa ni Dominus.

"Nakakatuwa ang dalawang iyon," nakangiti niyang saad.

"Sila ang nagpasaya sa akin nung mga panahong nalulumbay ako," sabi ko. "At gusto kong ibalik iyon sa kanila."

"Nasaan nga pala ang ina nila? Hindi ba siya nakatira rito? Si Tita Rema sabi mo?"

Umiling ako. "H-Hindi mo na siya naabutan."

"B-Bakit? Umalis ba siya?"

"P-Pinaslang siya..." Lumunok ako para pababain ang lungkot na nararamdaman ko. "Ayon sa kwento ni Hegel ay isang nilalang ang nakita nila sa kagubatan. Itim daw ang buong mata nito."

Bumagsak ang tingin ko sa kamao ni Dominus na kumuyom.

"Nag-uumpisa na naman sila... Ang mga Bad Blood," bulong nito.

"P-Paano ba sila mapipigilan?" tanong ko.

"Kailangang mapaslang ang namumuno sa kanila... Iyon lang ang tanging paraan." Naguluhan ang kanyang mga mata. "P-Posible kayang..."

Napalunok din ako dahil sa kanyang seryosong mukha.

"Posible kayang sila rin ang kumuha sa portal?" tanong niya.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro