u n c n s r d 30

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

u n c n s r d 30

"Paano kita hahayaan kung sa akin ka pumunta ng madaling araw?"


Kung hindi baliw, hindi ko na alam kung ano pa ang itatawag kay Unica. Sa tagal ko na siyang kilala, alam kong magulo siya. Random, kumbaga. Hindi malaman kung anong nasa isip. Kung anu-ano ang lumalabas sa bibig. Syempre, nagtaka ako sa pagtatanong niya ng tanan. Nagulat. Pero mas nagtaka ako dahil bigla siyang tumawa at umiling.

"Shit. Pinagsasasabi ko," bulong niya sa sarili.

Naguguluhan akong nagtanong. "Alam mo naman ang ibig sabihin ng tanan, hindi ba?"

Nginitian niya ako. "Joke lang. . ." bulong niya. "Joke lang 'yon."

Napangisi ako. Namiss ko ang kabaliwan ng babaeng ito. 

"Gusto mo bang pumasok muna?"

"Hindi n—"

May kung anong pwersa sa akin para pigilan si Unica sa pag-alis na kinagulat niya. Nagkatinginan kami. Bakit ba ganito ang mga mata niya? Bakit namamaga? Ilang araw na ba siyang umiiyak para maging ganito kabigat ang aura niya?

"Magpalipas ka muna ng dilim," sabi ko sa kanya. Nilingon ko rin ang malaking bag na nakasukbit sa balikat niya. "Mukhang ilang bangkay din dala mo d'yan sa bag mo, eh."

Pinauna ko siya papasok ng apartment. Bigla akong napatingin sa sarili nang madaan ang salamin. Nakamanipis na shirt lang ako at boxers. Nakita naman na niya akong ganito nang mag-stay siya noon pero bigla akong nahiya ngayon.

Nabigla ako nang mabilis na lumingon sa akin si Unica. Saka nagtanong. "Gusto mong mag-sex?"

"Ha?" Muntik akong mabulunan sa sariling laway bago tumawa nang ma-gets ko ang sinasabi niya. "Ngayon na?"

Tiningnan niya ako nang mabuti. "Uhm. . . oo?"

"Sige. . . Magbibihis muna ako."

"Ha—teka—"

Masigla akong umakyat para makapagbihis. Kumuha rin ng pera. Dapat antok pa ako ngayon pero ang sigla-sigla ng katawan ko ngayong madaling araw. Hinatak ko agad si Unica palabas. Sinusubukan ko siyang kausapin pero halos tulala siya sa jeep kaya hinayaan ko na.

Nang naglalakad na kami papunta sa kainan, nagulat ako nang humawak siya sa braso ko. Pagtingin ko sa kanya, nakayuko lang siya sa paglalakad. Ano bang nangyayari? Bakit ganito siya kalungkot?

"Pili ka lang kahit ano, libre ko na," sabi ko.

Pag-angat niya ng tingin sa Sinangag Express, natulala siya.

Tumingin siya sa akin, tapos sa sign ng kainan.

Saka tumawa.

Tawa siya nang tawa. Binitawan niya hawak sa braso ko saka tumatawang umiling palapit sa counter. Nagkatinginan pa kami nung babaeng nasa registrar dahil sa kabaliwan ni Unica.

Pagtapos mag-order, naupo kami. Hindi nawala ang ngiti niya.

"Anong problema?" Hindi ko na napigilang itanong. "Bakit ka tawa nang tawa? Parang kanina lang. . ."

Pinatong niya ang siko sa lamesa at pumalumbaba. Nakipagtitigan siya sa akin gamit ang singkit niyang mata. Ang cute ng mata niya sa mas maliwanag na lugar. Para siyang kinagat ng ipis. Tumitig lang siyang nakangiti hanggang sa nakaramdam na ako ng pagkailang.

Pinindot ko ang ilong niya. "Problema mo?"

Lalong lumawak ang ngiti niya. "Nung sinabi kong sex kanina. . ."

"Ano? Libre ko na nga t—"

"Literal ang ibig kong sabihin."

Tinginan. Hanggang sa unti-unti kong naramdaman ang sarili kong napanganga. Para akong sinuntok sa dibdib kaya bigla akong kinabahan. Lalo na nang bumaba ang paningin ko kay Unica na iniwas ko rin agad dahil dumating na ang mga pagkain namin. Tumitig ako sa pagkain habang ngumunguya.

Nabingi ba ako?

Tama ba narinig ko?

Tumawa si Unica. "Yong tainga mo, namumula na."

Napahawak ako sa tainga ko. Nag-iinit.

Tumayo ako at kumuha ng baso ng tubig. Nakailang lagok lang bago naubos. Tiningnan ko ang nakaupong likuran ni Unica mula sa pwesto ng container ng tubig. Napalunok ako. Ano bang pinagsasasabi ng babaeng 'to?

Baliw, babaeng gangster. Baliw.

Kumuha na rin ako ng tubig para sa kanya at bumalik sa lamesa namin. Nang uminom siya, hindi ko namalayang pinagmamasdan ko ang pagdampi ng labi niya sa bibig ng baso. Pati na ang ilang beses niyang paglunok ng tubig. Napahawak ako sa noo ko at yumuko. Kinamot ko ito nang madiin.

Nankng, Chino. First time makarinig ng sex?

Hindi pa ba ako nasanay kay Gio?

O sa mga babaeng nadadaanan namin paminsan?

Ah, nakng. Anong kabaliwan 'yon?

Pinagpatuloy ko ang pagkain ko nang mapaatras ako sa biglang paghawak ni Unica sa noo ko.

"Jumpy mo naman. Tingnan mo 'yang noo mo, pulang-pula sa kamot mo."

Napahawak ako sa noo ko. "Hayaan mo na. Nangangati, eh."

Natahimik kami sa pagkain. Gusto kong maging blangko ang utak ko pero umilit-ulit 'yong pagtatanong ni Unica sa akin kanina sa apartment. Gusto kong mag-sex? At nagtanong pa ako ng ngayon na? na sinagot niya ng oo? Nakng. Anong klaseng usapan 'yon!

Tapos dinala ko siya rito sa Sinangag Express?!

"Bakit kaya ganun, no?"

Inangat ko ang tingin kay Unica. Tapos na siyang kumain. "A-Ano?"

"Bakit hindi lahat ng lalaki, tulad mo?"

Natigilan ako sandali.

Ngumiti siya. Hanggang sa tumawa. "Uyy, kinilig 'yan." Sinundan ko ng tingin ang pagtayo niya. "Tara, busog na ako. Uwi na tayo."

Habang nasa jeep kami. Habang naglalakad kami pauwi. Hanggang sa inayos ko ang kama ko para sa kanya at ang hihigaan kong papag, isa lang pumapasok sa utak ko. Yong tanong niyang gusto ko bang mag-sex. Bakit niya tinanong 'yon?

Nagising ako kinabukasan nang wala na si Unica sa kama ko. Napatingin agad ako sa pinaglagyan niya ng bag at napahinga nang malalim dahil nandoon pa ang bag. Doon ko narinig ang mahinang boses ni Gio. Nasa ibaba. Mukhang may kausap.

"Sigurado ka bang magiging pogi ako rito?" rining kong tanong ni Gio na nakatayo sa tapat ng salamin sa sala. Nag-aayos siya polo na suot. "Pag ako hindi naging pogi. . ."

Nilingon siya ni Unica na nakaupo sa tapat ng computer. "Hindi ko sinabing magiging pogi ka pero magmumukha kang tao. Hindi naman ako fairy god mother mo para ayusin pagmumukha mo, eh."

Pagkababa, napatingin sa akin si Unica.

"Morning," bati ko sa kanya.

Tinanguan niya ako.

Nilingon ako ni Gio. "'No! May date ako!"

"Date? Akala ko binyag," natatawa kong sabi habang tinitingnan ang suot niya.

"Ulol mo. Inggit ka lang paano ako, may date na – tapos kayo nung Mari Solei, nganga."

Napatingin ako kay Unica na nakatalikod na sa amin, nagko-computer.

"Hindi lang ako kumikilos," sabi ko at naupo sa may sofa.

"Sabihin mo lang, torpe ka," sabi ni Gio sa akin. "Kailan mo ba balak bakuran 'yon? Kailan pa ba last date niyo? Noong last year pa ata. Inamag ka na d'yan."

"Ikaw ba, kailan ka aalis? Akala ko ba may date ka?" tanong ko. "Tsaka. . . hindi ko naman siya kailangan bakuran."

"Putangina kasi nitong kurbatang 'to – kailangan ko pa ba 'tong isuot?"

"Eh ba—"

Natigil ako nang magsalita si Unica at tumayo. "Akin na nga!" Lumapit siya kay Gio. Hinampas na muna ni Unica yong necktie sa mukha ni Gio kaya natawa ako bago niya inayos ang pagkakalagay. Napatingin ako sa kanilang dalawa sa harap ko. Akala ko magiging animated sila dahil parehas silang baliw pero nagulat ako na parehas silang seryoso. Si Unica, sa pag-aayos ng necktie ni Gio – at si Gio, sa pagtingin kay Unica na sobrang lapit sa kanya.

Napakunot ang noo ko.

Nakailang kurap ako sa pagtingin sa kanila bago ako natauhan nang itulak ni Unica ang mukha ni Gio palayo. "Masyado kang malapit." Pagtapos ding ayusin ang necktie, pinalo niya nang malakas ang dibdib ni Gio.

"Aray! Takte – pasalamat ka babae—"

Ngumiti nang mapang-asar si Unica. "Thank you."

"Ba't ba kasi kailangan ko pang mag-ayos, eh." Pagrereklamo ni Gio habang sinusuklay 'yong buhok niya.

"Parang pag-aayos lang yan ng mga babae para sa inyong mga hinayupak kayo."

Nilingon siya ni Gio. "Kami? Kami pa ang hinayupak? Kami ang nagdadala ng tamod dito sa mundo."

Napahawak ako sa noo ko sa narinig. Gusto kong sumigaw ng nice logic, giuseppi! pero minabuti kong manahimik na lang.

"Oo nga, kasi malilibog kayo," sabi ni Unica sabay upo sa computer chair at inikot para tumapat sa screen.

Ako naman ang nag-react sa sinabi niya. "Hindi naman lahat," sabi ko.

"Hmm, talaga?" Nagtaas kilay si Unica. "Akala ko nga rin, eh. Kaso ano 'tong folder na 'to dito?"

Nagtataka man, lumapit kami ni Gio at sumilip sa computer. Pagkabukas ni Unica ng ilan sa mga folders, nanigas ang katawan ko.

"Ano 'yan?" agad kong tanong. Bakit may mga ganyan? Bakit nakalagay sa folder ang DO NOT OPEN (Para kay Chino Da Virgin OnLy) Siguradong hindi sa akin to. Nilingon ko si Gio. Tiningnan siya nang masama.

Puro mga comics . . . na hindi pang bata.

Nakita ko ang pagbaba ng tingin ni Gio kay Unica saka ko nasundan ang tingin niyang tumingin sa tattoo ni Unica na rosas sa braso. Tapos tumingin din siya sa braso ko. Kumunot sandali ang noo niya pero nawala rin saka ngumiti.

"Ah, eh, reregalo ko sana sa 'yo yan para sa Christmas, 'No." biglang sabi ni Gio sa tabi ko. "Kaso di ko pa mabigay-bigay kasi tinatapos ko muna lahat. Recommendation ko! Maganda 'yong isa d'yan – maganda art! Yong Sweet G—" Tinuro pa niya yong folder ng sinasabi niyang title.

Napahinga ako nang malalim. "Alam mo Giuseppi. . ." sabi ko.

"Gio nga sabi! Magpapasalamat ka na lang, di mo pa ayusin! Pero pramis, 'No, makaka-relate ka d'yan—"

Hinatak ko siya sa kwelyo at tinulak palabas. "Umalis ka na nga! Maligo ka ng holy water!"

Tawa nang tawa si Unica sa narinig. Dahil di ko na pinapasok si Gio sa loob ng bahay, hinagis ko na lang palabas yong mga gamit niya. Pagbalik ko, nakita kong nagbabasa na nga si Unica ng mga dinownload ni Gio.

"Huwag mong binabasa 'yan!"

"Totoo nga sabi ni Gio, parang makaka-relate ka sa isang 'to."

Napatitig ako sa screen sandali. Nag-init ang tainga ko saka sinara agad 'yong comics. "Nakasalamin lang, eh. . ."

"Tsaka tuod."

"Hindi ako tuod."

"Oh, so malibog ka tulad ng ibang lalaki d'yan?"

Bigla ko na namang naalala yong tanong niya kaninang madaling araw.

Tumayo ako nang maayos. "Tanghaling tapat, yan pinag-uusapan?" Nagpunta akong kusina para tingnan kung may pagkaing pwedeng kainin. Sa aming dalawa ni Gio – hindi man halata, mas marunong siyang magluto. Hindi nga mas, eh. Marunong talaga siya, ako hindi. Sa kanya lang ako dumedepende sa pagkain.

At jackpot! Dahil may niluto siyang pagkain.

"Painit kita ng pagkain?" tanong ko mula sa kusina.

Hindi ko inexpect na sasama siya sa akin sa kusina. "Kailan ba dapat pag-usapan 'yon? Tuwing gabi? Madaling araw? Tulad kanina?"

Natigilan ako sa sinabi niya. Kumuha siya ng tubig at uminom sa baso bago tiningnan ang pagkaing hawak ko at sinabing gusto rin niya n'on. Habang nag-iinit, napatingin ako kay Unica na nasa may computer – patuloy na binabasa yong comics galing kay Gio.

"Mamaya, may klase ako," sabi ko sa kanya.

"Okay," sabi niya. Nakatutok sa computer.

"Hindi ka ba papasok din?"

"Hindi pa ba obvious?"

"Dito ka lang sa apartment?"

"Yeah, sure—ay fuck, ang galing nga nitong art nito."

Natahimik kami sandali. Ang dami kong gustong sabihin at itanong sa kanya. Mula sa away namin sa radio booth, papunta sa mata niyang kinagat ng ipis, sa pagtatanong niya – at ang dahilan bakit siya nandito.

Nagkaroon ako ng lakas ng loob para magtanong.

"Galit ka ba?"

Tumawa siya. "Bakit ako magagalit? Nakikita mo namang nandito ako."

"Dahil sa. . .radio booth."

Bumuntong hininga siya. Tumigil siya sa pagbabasa nung comics at nilingon ako. "Napagtuunan lang kita ng galit n'on. Sensya na. Nabigla rin akong may tanginang magbubunyag tungkol kay Sinteya at Sir. Kung sino mang nakausap mo n'on, malalagot talaga sa akin."

"Sorry—"

"Kaya siguro ikaw rin napagbuntungan ko kasi ikaw lang ang sa tingin kong makakausap ko nung mga oras na 'yon."

Hindi ko na napigilan ang sarili sa pagtanong. "Umiyak ka ba?"

Seryoso lang saglit ang mukha niya hanggang sa ngumisi siya. Binaling niya ang atensyon sa computer at muling nagbasa. Sa reaksyon niyang yon at ilang minutong pananahimik, alam kong wala siyang balak sagutin 'yon.

Nang makapag-ayos na para makapasok ng school, nasa tapat pa rin ng computer si Unica. Binabasa pa rin niya yong comics na dinownload ni Gio. Napailing na lang ako.

"Babalik ako mamayang gabi pagtapos ng klase."

"Okay."

"May pagkain sa ref, painitin mo na lang."

"Okay."

"Kung lalabas ka, magtext ka sa akin o kay Gio."

"Okay."

"Kung may kailangan ka o emergency, tumawag ka sa akin."

"Okay."

"Itetext kita mamaya para kamustahin yong apartment. Huwag mong sisirain 'to, ah?"

Nilingon niya ako. "Yong totoo, nagkatawang tao ka ba para maging tatay ko?"

Tumawa ako. "Sige na, aalis na ako."

"Sige na. Magha-house party pa ako mag-isa rito."

"Baliw," natatawa kong sabi. "Lock mo 'tong pinto, ah. Huwag magpapapasok ng kahit na sino."

Nagulat ako nang tumayo siya bigla at tinulak ako palabas ng bahay. "Lumayas ka na nga please, ano ba. Male-late ka pa sa klase mo. Shoo, shoo!"

Palakad na ako palayo pero nakaharap pa rin ako sa kanya. "Huwag mo kalimutan ang mga bata!" natatawa kong sabi. Lalo akong natawa nang itaas niya gitnang daliri bago sinara ang pintuan. Medyo nakakalayo na ako nang marinig ko ang boses niyang sumigaw ng, 'Hoy!' na agad kong nilingon.

Pinalapit niya ako. Tumakbo pa ako dahil mukhang emergency.

"Bakit?" hinihingal kong tanong.

Hinawakan niya ako sa balikat. Natigilan ako nang ilapit niya ang labi niya sa pisngi ko – pero dumiretso sa tainga. Gamit ang pinalalim pa niyang boses na nagpapanggap na lalaki, bumulong siya ng, "ingat, pare."

Tinulak niya ako saka sinaraduhan ng pinto.

Tawa naman ako nang tawa. Ang baliw talaga!

Wala pa ako sa kalahati ng paglalakad nang may tumawag sa akin. "Chino!"

Paglingon ko, tumatakbo palapit sa akin si Girley, kapitbahay namin, anak ng may ari ng apartment na inuupuhan namin.

"Uy, musta?"

"Papasok ka na?" tanong niya.

"Oo, eh."

"Tagal na kitang hindi nakikita!" sabi niya habang nakangiti. "Pag naniningil ako laging yung unggoy na Gio ang nakikita ko. Nakakasura na!"

Tumawa ako. "Pasensya na, naging busy lang."

Sumimangot siya, pero yong pa-cute na ginagawa ng mga babae. Pout ba? "Okay lang, at least nakita kita ngayon. Uy wait, may ibibigay ako. Sandali lang." Hinatak niya ako palapit sa tindahan na pinagtatambayan niya saka siya pumasok sa kanila. Paglabas, may binigay siyang paperbag sa akin. "Merry Christmas, Chino! Belated nga lang."

"Ah, nag-abala ka pa, wala akong—"

"Okay lang! Makita ka lang, masaya na ako."

Tumawa siya. Sinabayan ko lang.

"Alam mo, parang nag-iba ka?"

"Ako?" turo ko sa sarili.

Tumango siya. "Yeah, parang. . .gumaan aura mo? Tumaas confidence?"

"Hindi ko. . . napansin."

"Mas gumwapo ka ngayon!" sabay hagikgik niya.

Napangiti lang ako.

"Nga pala, uhm. . ." bitiw niya. Naghintay ako sa sasabihin niya. "May ano, gagawin ka ba?"

"Ngayon? papasok sa school?"

Nagulat ako nang itulak niya ako sa balikat. Muntik na akong ma-out of balance.

"Sira. I mean, sa ano. . . next week?"

"Malapit na ang finals kaya medyo maraming gawain."

"Ah, okay. Okay. Sige. May next time pa naman. Tapusin mo muna 'yang semester mo, naku. Malapit ka pa naman na grumaduate."

"May OJt at isang sem pa. Engineering, eh."

"Okay lang. 5 years, no. Makakapaghint—"

"GERLEH!"

Napalingon kami sa boses ng nanay ni Girley.

"Aba'y mamamalengke ka pa ah! Tara rito't kuhanin ang listahan sa akin!"

Nagkatinginan kami ni Girley saka siya ngumiti sa akin. Nagpaalam na kami sa isa't isa saka siya pumasok sa kanila. At dahil mainit, bumili muna ako ng soft drink sa tindahan. Habang inuubos ang binili ko, napakunot ang noo ko sa nakitang pamilyar na mukha ng babae.

Teka.

Nilinis ko pa ang salamin ko sa mata at sinuot ulit.

Si Unica ba 'yon? Saan siya pupunta? Agad kong kinuha ang phone ko para tawagan siya pero diretso lang siya sa paglalakad, dala ang malaki niyang bag. Tumawag ulit ako. Nakita kong kinuha niya ang phone niya, tiningnan ang screen, saka pinatay.

Agad akong kinabahan. Saan siya pupunta? Aalis ba siya? Kung aalis siya – bakit hindi siya magpaalam? Bakit kailangan patayin niya ang tawag? Sinundan ko ang paglalakad niya, siya nasa harap – ako nasa likod. Mukhang naliligaw pa siya kung saan didiretso hanggang sa makarating kami sa kanto.

Nagtext ako, tinatanong kung nasaan siya. Hindi niya tiningnan ang phone niya. Nang tumawag ako, hinayaan lang niyang mag-ring. Nang napansin kong pumara siya ng jeep, tumakbo agad ako papunta sa kanya para pigilan siya sa braso. Nagulat siya. Sumenyas ako sa driver ng jeep na walang sasakay.

"Anong ginagawa—akala ko ba papasok ka sa school?"

"Ikaw, bakit nandito ka? Saan ka pupunta?"

"Uh. . . mamamasyal?"

"Nang dala mo 'yong bag mo?"

Nagkatitigan kami sandali hanggang sa pinipilit niyang tanggalin ko ang hawak sa braso niya.

"Bitaw na. Hindi ako aalis."

Bumitaw ako. Napatingin ako sa braso niyang namula sa hawak ko. Nakng, di ko sadyang napahigpit ang hawak ko. Nabigla lang ako. Akala ko aalis na siya. Akala ko di ko na siya makikita ulit.

"Saan mo ba balak pumunta?"

"Bakit ko sasabihin sa 'yo?"

"Unica. . ."

"Alam mo, pumasok ka na. Papasok ka pa lang amoy araw ka na."

"Tapos pagkapasok ko, hindi na kita makikita ulit? Bakit pa ako papasok kung ganon?"

Natahimik siya sandali. "Wag mo na lang alamin." Naglakad siya pero hindi ko siya hinayaang makalagpas sa akin.

"Tinuturing mo ba akong kaibigan?"

"Anong klaseng tanong 'yan?"

"Kapantay ba ako nila Deus? Nila Herq?"

"Pinagsasasabi mo?"

"Bakit ba ang dami mong tinatago?" hindi ko na napigilang sabihin. "Pinakita mo na sa akin kung sino ka sa pamilya mo pero bakit punong-puno ka pa rin ng misteryo? Kung may problema ka, baka makatulong ako. Nandito lang naman ako."

Tumawa siya. "Tirik na tirik yong araw, ganyan sinasabi mo." Tinulak ang dibdib ko na para bang isa akong pintuan. "Hayaan mo na ako."

Hinawakan ko ang kamay niyang tumulak sa dibdib ko. "Paano kita hahayaan kung sa akin ka pumunta ng madaling araw?"

Ngumiti siya. "Thank you sa pagpapatulog sa akin sa inyo. Isipin na lang nating hindi nangyari ang lahat ng ito."

Mas humigpit ang hawak ko sa kamay niya. "Unica."

Nilingon niya ako. Kunot ang noo dahil sa tirik ng araw o dahil sa pagkaasar sa akin. "Kailan ka pa naging ganyan ka-curious sa nangyayari sa akin? Parang ang weird naman ata, ano?"

Natahimik ako. Binitawan ko ang hawak sa kamay niya saka bumuntonghininga. Yon din ang tanong ko. Kailan pa nga ba? At bakit?

Bumungtonghininga rin siya nang hindi ako nagsalita. Ilang beses siyang kumurap saka ngumiti nang maliit. Sa sobrang liit, parang napilitan lang siya roon.

"Tara sa may aircon, ang init dito sa kalsada."

Naglakad siya. Sinundan ko siya. Tahimik lang kami.

"Mag-deal tayo."

Akala ko hindi ako ang kausap niya dahil nakatalikod lang siya sa akin pero nilingon niya ako nang hindi ako sumagot. "Game?"

"Anong deal?"

"Simple lang. Kukwentuhan kita, kapag nanalo ka."

"Kapag natalo ako?"

"Panalo ako. At hindi mo na ako makikita pa ulit pagtapos."

Kumunot ang noo ko. "Anong hindi makikikita pa ulit? Saan ka pupunta?"

"Oh, teka. Deal or no deal muna?"

"Anong deal ba 'yan?"

Ngumisi siya nang malapad.

Alam kong hindi maganda ang mangyayari sa deal. Pero hahayaan ko bang hindi ko na siya makikita pa ulit pagtapos nang walang laban? Kailangan kong manalo sa deal na 'to.


; x ;

Updates will always be word vomit. Unedited. And I will always be thankful to you for reading Unica and Chino's adventures. Thank you, thank you, thank you!

January 29, 2017. Quezon City Circle. 2pm to 4pm.

Sharm's Side mini booksigning ito pero maaari rin po kayong magpunta at makipag mata sa mata sa akin doon. Kahit wala kayong Sharm's Side book. Kahit wala kayong libro ng sinulat ko. Basta kung trip niyo lang, punta na!

(More details, abang lang sa: fb.com/plsptsya or FB page ng Barubal Self-Publication)

Kitakits!

PS: May batch 2 ang Sharm's Side book kaya kung nais niyong bumili, order here: http://barubalselfpub.com/shop Hanggang Feb 16. Nasa 'works' ko rin ito, not deleted, pero mas mahabang version ang libro. Ayun lamang po. Thanks!

Next update: baka bukas. *winks *winks

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro