u n c n s r d 31

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

u n c n s r d 31

"Ah, teka. Teka. Sensya na ate, first time ko."


Hindi ako mananalo sa deal na 'to.

"Ano na? Ang weak mo naman."

"Eh, CR ng mga babae yan, eh."

"Duh. That's the point."

"Hindi ko ata kaya 'to."

"Okay, di wag."

Tumalikod siya. Paalis na.

"Teka!" Hinatak ko siya bago pa makalayo. Pinagtitingnan na kami ng mga naglalabas pasok sa CR ng mga babae. Paano, kanina pa kami nakatayo rito. Humaharang kami sa daanan.

"Gusto mo bang bigyan pa kita ng red carpet papasok?"

Tinitigan ko lang ang entrance ng cr ng mga babae. Tapos sa lalaki.

"Ikaw muna."

"Ha?"

"Ikaw muna," ulit ko. Tinuro ko 'yong CR ng mga lalaki. "Pumasok k—"

Hindi ko pa natatapos ang sasabihin ko, pumasok na agad si Unica. Kakaiba talaga ang lakas ng loob ng babaeng 'to! Malamang ganito ang deal namin, yong may advantage niya. Kayang-kaya niyang gawin lahat ng ginagawa ng lalaki samantalang ako, pagpasok pa lang ng CR ng mga babae, hindi ko na kaya – paano pa kaya ang ibang ginagawa ng babae?

Ano ba namang klaseng deal ang magpalit ng gawain, siya magiging lalaki, ako magiging babae sa isang buong araw, at paramihan ng puntos sa bawat dare?

Okay pa ang pagsukat ng heels kanina sa department store kahit takang-taka na yong sales lady sa ginagawa namin. O kahit pinipilit ni Unica maghanap ng size 10 para lang kumasya sa paa ko mga pangbabaeng sapatos.

Kaya ko ring sumigaw ng "girl!" para tawagin ang isang babae at batiin kong maganda ang waves ng buhok niya at sana, ganoon din ang akin.

Nagawa ko rin kaninang umirap nang tingnan ako ng isang lalaki habang nagsusukat ako ng bra na tinawanan ni Unica. . . alang-alang sa puntos.

Pero ang pumasok sa CR ng mga babae? Makipila? Umihi? Tapos ang daming babae sa loob? Nakng.

Bakit ba ako pumayag dito sa umpisa pa lang?

Lumabas si Unica nang may kausap na lalaki sa CR ng mga lalaki. Malamang, walang problema dahil wala namang gaanong pakialam ang mga lalaki kung may pumasok na babae sa loob. Mukhang nagkahingian pa ng number dahil hawak ng lalaki ang cellphone. Napakunot ang noo ko nang lumapit sa akin si Unica.

"Geh, text na lang."

Nagpaalam yong lalaki nang tumingin siya sa akin saka ngumiti kay Unica.

"Binigay mo number mo sa kanya?" sabi ko nang makalayo na 'yong lalaki.

"Nagbigay ako ng number," sabi niya, nagkibit balikat. "Hindi ko nga lang alam kung kanino 'yon."

Umiling ako. Napangisi.

"So, game na? Gusto mo pa bang matulog ako sa loob ng CR ng boys? 10 points din to, aba."

Bahala na.

Pumasok ako sa loob ng CR ng mga babae. Akala ko may sisigaw pero lahat lang ng mga babaeng nasa loob, napatingin lang sa akin. Agad kong iniwas ang tingin ko. Balak ko sana magtagal lang saglit para kunwari ay umihi ako pero nakasilip si Unica.

Sinasabi ng mga mata niyang pumila ako.

Kaya pumila ako.

Tiningnan ako ng mga babae. Nag-iinit buong katawan ko sa kahihiyan. May isang batang babae pa ang tinuro ako.

"Mama, bakit may la—"

Pinigilan siya ng mama niya. Umiwas ako ng tingin. Sa harap lang ako nakatulala. Bakit ba ang tagal ng linya rito? Ano bang ginagawa nila sa loob ng cubicle?

Nang ako na ang papasok, nabigla ako sa humawak sa braso ko. Gwardya.

"Sir, anong ginagawa niyo rito sa Ladies' Room?"

"Ah, eh—"

Nakatingin sa akin ang halos lahat ng nandoon. May umirap pang babae sa gilid.

"Ang CR po ng mga lalaki ay nasa kabila—"

"Ah, pasensya na po, pasensya na, hindi ko po napansin."

"Hindi napansin? Nakikita niyo po ang pila ng babae?"

"Sorry po. Malabo lang mata."

Hah. Natawa ako sa sarili kong sinabi. Malabo ang mata, nakasalamin na nga ako?

Umiling 'yong gwardya na para bang nadismaya. Pinalabas ako ng CR at nakita ko si Unica na nakangiti, halos patawa na nang makita ako. Tinuro pa sa akin nung gwardya yong signage nung men's room. Muntik na nga niya akong samahan sa loob kung hindi lang sumingit si Unica.

"Epic! Yung mukha mo, nakita mo sa salamin?"

Siguradong pulang-pula ako mukha ko sa kahihiyan.

Hinatak ko na siya paalis ng hallway dahil nakatingin na rin ang ilang lalaking nakakitang galing ako sa cr ng girls.

"10 points to, ah," sabi ko.

Naglakad kami nang walang patutunguhan sa mall.

"Anong 10 points? Nakaihi ka ba?"

"Ha?"

"Hindi ka naman nakaihi mismo sa loob ng cubicle—"

"Uy, ang daya, oh. May gwardyang nagpaalis sa akin, eh."

"Hindi ko na kasalanan 'yon."

"Unica?!"

"What? Deal is a deal. Dapat makaihi ka sa loob para makuha mo ang 10 points."

"Paano pa ako mananalo kung ganyan kadaya ang laro natin?"

Nagkibit balikat siya. "Okay, 2 points."

"2 points lang?!"

"Gusto mo 1 point?"

"8 points! Hiyang-hiya ako pagpasok ko sa loob, pinagtitinginan nga ako ng mga babae."

"Ayaw mo n'on?" Ngumiti siya saka mahinang sinuntok ang panga ko. "Naks, pogi."

"Unica. . ."

"3 points."

"6 points naman."

"Last na to, 5 points. Kung ayaw mo pa ng puntos, tapusin na natin tong dare-dare na 'to at aalis na ako. Nasasayang oras ko, oh."

Hawak ako ni Unica sa leeg ngayon. Hindi literal, pero malapit na. Nagpapahawak naman ako sa leeg. At alam niyang hawak niya ang leeg ko at gagawin ko lahat ng sasabihin niya. Bumuntonghininga ako saka sumang-ayon.

Mayroon na akong 50 points simula kanina. Ilang oras na rin kaming palakad-lakad sa mall. Naka-ilang text din sa akin sila Adam, tinatanong kung nasaan ako. May mock defense kami. Endorsement. Ang yes or no sa next stage. . . at. . . hindi ako pumasok. Ni hindi ko nireplyan ang mga kaibigan ko para gumawa ng excuse.

Ano nga bang excuse sasabihin ko?

Pinagmasdan ko si Unica na kumakain ng ice cream.

Anong klaseng excuse 'to, Chino?

"Buti naman at hindi na nag-o-operate ang radio booth," sabi ni Unica nang ikwento ko sa kanyang. . .natigil ang operation nito. Kahit ang simpleng pag-play ng kanta, itinigil na rin, para wala nang gulo. "Malaman ko lang talaga kung sino ang J. Law na 'yon, patay sa akin 'yon."

"Alam ba?" tanong ko. Naupo kami sa bakanteng upuan sa food court. "Nalaman ba ni Sinteya 'yong. . .narinig ba niya?"

"Sabi ko kay Ate Nena, patawagin niya si Sin sakin pag pumunta siya sa condo." Bumuntonghininga siya. "Wala pang tawag."

Tumango-tango ako.

"Yong dalawa rin kasing 'yon, di marunong magtago nang dapat itago, eh. Hindi ko na alam kung paano pa ako tutulong. Baka pakainin ko na lang ng lupa 'yong J. Law na 'yon."

"Kilala mo 'yong J. Law?"

Dumila muna siya sa ice cream bago ngumiti. "Makikilala. Sigurado ako. Sa susunod."

Bakit ba parang na-imagine ko sa utak ko ang dramatic sound effect na sumasabay sa black aura at evil laugh ng mga kontrabida sa sinabi ni Unica?

Matapos niyang kumain ng ice cream, naglakad-lakad ulit kami. Kinabahan naman ako dahil ang nilalakaran naming hallway ay mga stores na pangbabae. Beauty salon. Body spa. Nail spa. May eyelashes pang hindi ko malaman.

"Unica. . ."

"Hmm?"

"Anong balak mo?"

Ngumiti siya. Malawak.

Mas nakakatakot sa horror movie.

"Gusto mo bang manalo sa deal na 'to?"

Bigla akong nag-alinlangan.

"Siguro. . . ?" sabi ko. "Uh, ata?" dagdag ko. "Bakit?"

Tumigil kami sa isang store. Tinuro niya ang taas. Binasa ko ang sign. Lay Bare.

"Ano 'to?"

Hinawakan niya ang braso ko, parang may pinagmamasdan. "Hmm, hindi ka masyadong balbon kaya feeling ko hindi ka masasaktan."

"Bakit?" Kinabahan na talaga ako. Literal. Hindi na joke.

Pagtingin ko sa parang karatula na nakasabit sa salamin, sumigaw sa mata ko ang isang salita.

WAX.

Lay Bare Waxing Salon.

When you see hair, it's time to Lay Bare!

"Hindi-di-di-di. Hindi. Hindi ko gagawin 'yan."

"Ay, weh?"

Umiling ako. "Wax? Iwa-wax ang alin?"

Ngumiti siya. "Buong katawan mo."

Umiling ako. Umiling ako nang umiling. "Aalis na ako. Hindi ko kaya 'yan. Ayaw ko." Hindi ko pa nararanasan ang wax pero nakwento sa akin ni Gio na sobrang sakit daw n'on. Sinubukan niya dahil pinilit siya n'ong isang chicks niya. . . na ang gusto raw nung babae, walang balahibo yong. . .'yon. Sa gitna. Itong si kumag, uto-uto. Mangiyak-ngiyak daw siya n'ong nag-wax. Halos hindi siya makaupo nang maayos pagtapos n'on na pinagtawanan ko.

Ayaw ko.

Nope.

Hindi.

"Sige na, please?"

"Ikaw na lang magpaganyan. Bakit ko gagawin 'yan?"

"Ginagawa 'to ng mga babae, hindi ba ito ang deal natin? Ito ang dare ko sa 'yo. Mananalo ka kapag ginawa mo 'to!"

"Masakit 'yan, eh!"

"Grabe, hindi naman."

Tiningnan ko siya nang magkadikit na ang kilay ko. "Nasubukan mo na ba?"

"Hindi pa."

"Eh bakit gusto mo ipagawa sa akin?!"

Sumimangot siya. Hindi. Hindi ako makukuha sa ganyang pagpapa-cute. Umiling ako. Mukhang nag give up na rin siya kaya mas sumimangot siya. Matamlay siyang naglakad palayo.

Parang sira 'to, oh.

Tumingin ako ulit sa loob nung Lay Bare. May mga lalaking nandoon, mukhang naghihintay sa mga girlfriend nila. Tumingin ako kay Unica, naglalakad palayo. Tumingin ako sa braso ko at sa maliliit at maninipis na balahibo ko sa katawan.

Pumikit ako. Muntik nang tawagin ang mga santo at sana.

Bahala na.

Last na 'tong trip na 'to. 

"Payag na ako." Mahina lang pagkakasabi ko pero agad lumingon si Unica at lumapit sa akin. Ngiting-ngiti. Mukhang abang na abang. Mukhang alam na alam ang sasabihin ko.

"Talaga?!"

"Braso at binti lang."

"Ay?"

"Bakit?" Pinanlakihan ko siya ng mata. "Mayroon pa bang dapat na iba?"

Kumunot ang noo niya. At mula sa mata ko, bumaba ang tingin niya. Natigil. Hinawakan ko agad ang baba niya at tinaas ang paningin niya.

"Braso at binti. Lang," ulit ko.

Hinawakan niya ang dibdib ko. "Pati ito." Napaatras din ako kaunti nang bumaba ang kamay niya at lumapat sa tiyan ko. "Tsaka ito."

"Shit."

Tumawa siya. "Woah. First time mo lang ata mag-shit."

"Nakng, paano ba naman mga pinapagawa mo, eh? Talagang mapapamura ako nang wala sa oras nito, eh?"

"Aww, sshh." Tinapik niya ang balikat ko. "Don't say bad words. Game!"

"Teka—"

Hinatak na niya ako paloob ng Lay Bare. Ngiti agad sa amin 'yong babae.

"Wax po. Braso, kili-kili, binti, dibdib. . . basta, buong upper body tsaka legs."

"Uhm, dibdib po?" tanong ng babae, nakatingin kay Unica.

"Hindi akin. Sa kanya. Siya magpapa-wax."

Tiningnan ako ng babae na para bang kinukwestyon na niya ang buong pagkatao ko. Napakamot ako ng batok. "Dare lang po." Hindi ko alam kung naniwala ba siya o hindi pero tumango siya at ngumiti.

"Dito po tayo."

Bago ako sumunod sa babae, napalingon ako kay Unica na paupo na sa waiting area. Pinigilan ko siya. "Bakit nandyan ka?"

"Hihintayin kita?"

Napatingin ako sa ibang lalaki na napatingin na rin sa amin.

"Sumama ka."

"Ha?"

"Anong ha?" sabi ko. Hinatak ko siya para makatayo na siya nang maayos. "Kailangan ko ng suporta. Hindi mo ako pwedeng iwan dito."

Tawa siya nang tawa habang papunta kami sa lugar ng pagwa-wax-an.

Nakakatawa rin sana ito kung hindi ako yong iwa-wax.

"Sobrang lumalabas ang gay side mo."

Sinamaan ko lang siya ng tingin. Buti pumayag yong babae na samahan ako ni Unica sa laban na 'to. Pinatanggal na muna niya ang suot kong damit. Pang thesis defense – na hindi ko pinuntahan. Binigyan lang ako ng twalya pang takip – at bigla akong nahiya na naka-topless lang ako.

Ngumisi si Unica pagkakita sa akin. Mula sa mukha ko, pababa tapos umakyat ulit. Hinayaan ko na.

Pinahiga ako sa higaan. Minasahe pa ako sandali. May nilagay din silang kung ano.

Bigla akong kinabahan nang makita ko 'yong babae na parang may hinahalo sa isang container. Malagkit. Napatingin ako kay Unica na ngiting-ngiti sa tabi. Humugot ako nang malalim na hininga.

Kaya ko 'to, wax lang 'yan.

Nang maglalagay na ng wax 'yong babae sa dibdib ko, nag-panic ako. "Teka!"

Nagulat 'yong babae sa sigaw ko. Tawa naman nang tawa si Unica.

"Ah, teka." Huminga ako nang malalim. "Teka." Pumikit ako. Pinapakalma ang kaba ko. "Sensya na ate, first time ko."

Lalong narinig ko ang tawa ni Unica.

Pagdilat, nakangiti na rin 'yong babae sa akin.

"Masakit ba 'yan?" tanong ko sa babae.

"Medyo, Sir. Pero kapag nakasanayan na, hindi na sobra."

Shit.

Nakng, napapamura talaga ako sa sobrang kaba.

Habang si Unica, tawa nang tawa sa gilid. Masayang-masaya. Tuwang-tuwa sa torture scene na 'to. Ang lakas ng pakiramdam kong matutuwa rin siya kapag nakita niyang pinapatay ako sa harap, eh.

Ilang beses pa ako humugot ng hangin, pakiramdam ko mawawalan ako ng malay.

"Chillax ka lang," sabi ni Unica.

"Paano?"

Nagkibit-balikat siya. Saka tumawa.

Napadasal ako at pumikit nang mariin nang maramdaman ko ang init ng wax na pinahid sa dibdib ko. May kung anong sinasabi 'yong babae pero hindi ko na maintindihan. Hindi na ako humihinga. Kinakabahan ako. Nakng, mamamatay ako. Ito na ba dahilan ng pagkamatay ko? Ganito ba talaga ako mamamatay?

"Ay, ate, 'yong karug pa niya, oh."

Akala ko nalimutan na 'yon pero nakng. Walang patawad. Tiningnan ako ni ate na parang naaawa na sa akin habang nilalagyan ng wax 'yong babang tiyan ko. Para akong masusuka habang nararamdaman ang pagpapahid niya.

"Ate, tutubo pa ba buhok ko sa katawan?"

"Oo, Sir. Mga 3 to 6 weeks. Depende po sa hair growth niyo."

"Ate. . ." halos magmakaawa na ako na sana huwag ituloy.

Nginitian lang niya ako. Nang matuyo na at medyo lumamig, lalong ginusto kong mamatay na lang.

"Sir, tatanggalin ko na, ah."

Naramdaman kong tatanggalin na nga ni ate kaya tinigil ko siya. "Teka, ate. Teka. Pwede bang. . .dahan-dahan lang?"

"Naku, Sir. Mas masakit kapag dahan-dahan."

Shit.

Lord, gabayan Niyo po ako. Nangangako akong magse-serve sa simbahan sa bakasyon.

"Sir, ready na kayo? Hinga lang po ng malalim."

"Teka, ate," pigil ko ulit.

"ANO BA NAMAN YAN? ANONG ORAS NA OH!"

Nilingon ko si Unica. Mukha siyang nababadtrip pero natatawa talaga siya Nilahad ko ang kamay ko.

"Akin na kamay mo."

"Ha? Bakit?"

"Suporta. Kailangan ko."

Tawa siya nang tawa. Nilapit niya ang upuang inuupuan at hinawakan ang kanang kamay ko ng dalawa niyang kamay. Kitang-kita ang tattoo ko sa braso.

"Nanlalamig kamay mo," sabi niya.

"Malamang!"

Tawa ulit siya. "Kaya mo 'yan, loves. Parang kagat lang yan ng insekto!" pang-aasar niya.

"Insekto?! Lang?!"

"Yes. Insekto. Kasing laki mo nga lang."

Tumawa yong babaeng nagwa-wax. "Sir, okay na po?"

"Teka, Miss. Pwede bang magpa-countdown? Para hindi ako mabigla?"

"Jusko, kailan ba tayo matatapos dito. Dami pang tatanggaling buhok, oh."

"Sir, ito na ah. . ."

Ilang beses na kurap. Agrabyado ako.

"3. . ."

One-sided na talaga 'tong deal na 'to!

"2."

Sa bawat bilang nung babae, pahigpit nang pahigpit ang hawak ko sa kamay ni Unica.

". . . 1"

Shiiiiiiiit.

Napapikit ako nang hatakin nung babae 'yong wax sa dibdib ko. Hindi rin ako nakahinga at narinig ko ang boses ni Unica na nag 'ouch, ouch' dahil sa hawak ko sakanya. Pagdilat, naramdaman kong may tumulong luha ko sa gilid ng mata. Pagtingin ko kay Unica, o sa kamay namin – nakasalikop na ang kanang kamay ko sa kaliwa niya, habang yong kanan niya ay nakapatong sa likod ng kanan ko.

Tumawa siya nang magkatinginan kami.

"Tsura mo!" Tinanggal niya ang kanang kamay sa pagkakahawak sa kamay ko sandali saka pinalis ang luha sa gilid ng mata ko. "Kawawa naman ang baby, umiyak."

Gamit ang hindi ginagamit na kamay, hinawakan ko ang dibdib ko.

Nakng, walang balahibo.

"Sir, linisin po natin 'yong dibdib, ah?"

Sabi nung babae, habang patagal nang patagal daw, masasanay na ako at hindi na sobrang sakit mararamdaman ko. SINUNGALING. Bawat hila niya ng wax sa dibdib ko, sa tiyan, sa braso, kili-kili at binti – sobrang sakit! Muntik pang ipa-wax ang kaunting balbas ko pero humindi na agad ako. Kulang na lang isigaw kong balatan na lang din nila ako ng buhay nang matapos na. Hindi ko rin alam kung nakatulong bang hawak ko ang kamay ni Unica dahil sumasagi sa isip kong maghawak kami ng kamay sa gitna ng sakit na nararamdaman ko.

Nakng, hindi masaya!

Hinding-hindi na mauulit.

Pagtapos ng waxing session, pulang-pula ang katawan ko.

Pagtapos ng waxing session, naka-ilang tulo ang luha ko.

Pagtapos ng waxing session, pakiramdam ko hubo't hubad ako kahit may damit ako. Ramdam na ramdam ko lahat. Yong tela ng damit ko na dumidikit sa dibdib ko at braso. Yong pants kong dumidikit sa binti ko. Ganito ba ka-'delicate' mga babae? Totoo pala ata 'yong sinasabi nilang nararamdaman ng babae ang lahat.

"Nakng, Unica. Siguradong wala kang isisikreto pagkatapos nito, ah."

Tawa siya nang tawa pagkalabas namin. Gustong-gusto ko manakit o manuntok pero sige. Kalma lang, Chino. Panalo ka sa deal, 'yon ang isipin mo.

Nakng, worth it ba 'tong deal?

Hindi na siya aalis, di ba?

Napabuntong hininga ako.

"Ano na? Pwede na ba—"

"Fuck."

"H-ha?"

Nabigla ako nang hatakin ako ni Unica patakbo. Palayo sa mga pangbabaeng stores. Sumandal siya sa isang corner na pader at hinatak ako palapit sa kanya. Sa sobrang lakas ng hatak niya, halos madaganan ko na siya kaya napahawak ako sa pader, sa tigkabila niya.

"Anong—"

"Tangina. Bakit sila nandito?"

"Sino?"

May sinilip siya sandali at mas hinatak ako palapit sa kanya. Kung hindi namin nilagay sa baggage counter 'yong malaki niyang bag, siguradong piping-pipi na 'yon. Lumingon ako sa tinitingnan niya. Isang lalaking naka-suit at babaeng naka-all black. Pamilyar. Teka, kuya ba ni Unica ang papalapit?

Bago pa nag-sink in sa akin ang lahat, mabilis na hinawakan ni Unica ang mukha ko at hinawi sa kabila. Nagkatinginan kami saglit bago niya hinila ang mukha ko pababa. Sa sobrang gulat ko, naramdaman kong dumampi ang labi ko leeg niya. Pero hindi niya tinanggal kaya ako na lang ang lumayo kaunti. Naramdaman ko rin ang mukha niyang malapit sa leeg ko, ang init ng hininga niya.

Naging dahilan ang pwesto namin sa pagkabog ng napaka lakas ng dibdib ko.

"Anong—"

"Ssshh, sshh. . . makikita niya ako. Makikita nila ako."

Kinakabahan ako. Sa kung saang aspeto at dahilan, malay. Pinipigilan ko rin ang malakas na paghinga ko. Sa itsura namin, siguradong mukha kaming magkarelasyon. At mukha kaming. . nagp-PDA. Alam kong ito ang gusto ipahiwatig ni Unica pero. . .nakng, kinakabahan ako.

Naramdaman kong gumalaw si Unica. Mukhang sumilip sa likuran ko . . . at bigla niya akong nahatak pa nang magtago siya ulit.

"Tangina. Lumingon siya. Lumingon siya. Nakita niya ako. Shit. Fuck. Patay ako nito. Patay ako. . ."

Bakit ganon? Bakit parang nag iba si Unica? Hindi siya 'yong Unica na nakilala kong matapang. . .bakit parang takot na takot siya? Ganito ba talaga niya kaayaw ang nangyayari sa kanya ngayon? Tipong iiyak siya hanggang sa mamaga ang mata? Hindi siya papasok ng school? Pupunta siya sa apartment nang madaling araw, mag aaya ng tanan o sex? At mapupunta kami sa ganitong posisyon sa mall?

Ano ba talagang nangyayari, Unica Fae Valentine?

Ikinilos ko ang braso ko. Imbis na nakatungkod sa pader, pinulupot ko ang kanang braso ko sa baywang niya habang ang isa ay sa ulo niya. Dinikit ko ang pisngi niya sa dibdib ko at niyakap siya nang mahigpit. Yumuko ako. Paunti-unti ko rin siyang ginabayan sa paglakad palayo.

"Hindi ka makikita ng Kuya mo," sabi ko para huminahon siya. Tinakpan ko ng kamay ko ang mukha niya. "Anong pakialam ng kuya mo sa magkarelasyong naghaharutan sa mall?" natatawa kong sabi.

Malakas ang paghinga ni Unica. Naka-ganoong posisyon lang kami hanggang sa makalayo na kami at nakakaramdam na ako ng ngalay. Ako na mismo ang lumingon sa paligid. Siguro naman hindi ako kilala sa mukha ng kuya niya. . .sana?

Kanan. Kaliwa. Walang lalaking naka-suit at maayos ang itsura. Walang babaeng naka-all black na damit.

"Wala na sila."

Hindi agad kumalas si Unica sa yakap niya sa akin. Nagulat pa ako nang bumulong siya, halos hindi ko na marinig sa sobrang hina, para ngang hangin lang na,'Thank you," bago siya kumalas.

Habang naglalakad papunta sa baggage counter, hindi ko na napigilan ang sarili sa pagtatanong dahil sobrang tahimik niya. "Lumayas ka ba sa inyo?"

"Hm?"

"Kaya ka ba maraming dala? Tumakas ka sa inyo?"

Hindi siya nagsalita hanggang makuha namin ang malaki niyang bag.

"Unica," sabi ko, pinigilan siya sa paglalakad. "Nanalo ako sa deal. Sana man lang tuparin mo ang side mo."

Bumuntong hininga siya. "Aalis ako," sabi niya nang paalis na kami ng mall. "Lalayo muna ako sa Manila."

"Bakit? Ano ba'ng nangyayari?"

"Masyadong masikip dito. Masyadong maingay." 

"Hindi ba pwedeng simpleng salita gamitin mo? Ayan ka na naman sa pa-misteryong sagot, eh."

Ngumiti siya. Halos tumawa.

"Gusto mong sumama?"

Isang linggo. Ito ang binigay ko sa kanyang oras para magdesisyon talaga. Sasama ako sa kanya ng isang linggo, sasagutin niya nang totoo lahat ng itatanong ko, pagkatapos, uuwi na kami. Ikukwento niya sa akin lahat habang nasa byahe. Habang naglalakbay. Habang sinasamahan siyang magpalamig.

Ewan ko rin kung anong pumasok sa utak ko para pumayag. Siguro dahil naalala ko ang nangyari sa Bulacan? 'Yong sandali at biglaan naming paglalakbay sa lugar ni Mang Jose? Doon ko lang napansing na-miss ko pala ang pakiramdam na malayo sa kabihasnan.

Kaya ang nangyari, bumalik kami sa apartment para makakuha ako ng gamit.

"Basic needs lang. Underwear, shirts at shorts. Pwede ka magdala ng jeans kung gusto mo, pero isa lang. At dapat 'yong jeans na masusuot mo nang matagal at hindi bumabaho agad. Dapat pack light kapag aalis. Isang backpack lang. Pwede naman maglaba."

"Saan ba tayo pupunta?"

"Ewan."

Nilingon ko siya. "Akala ko ba wala nang pa-misteryong sagot?"

Ngumisi siya. "Wala nga. Pero hindi ko talaga alam."

"Paanong hindi mo alam?"

"Wala akong plano," sabi niya pagkaupo sa kama ko. "Kahit saan na lang dalhin ng mga paa."

Backpacking – ito 'yong sabi niyang gagawin namin.

"Ano pa dadalhin?" tanong ko habang inaayos sa pagkakarolyo ng mga damit ko para kaunti lang makuhang space at may madala pa akong iba.

"Hygiene stuff. Shampoo. Sabon. Facial wash, kung mayroon. Insect repellent. Toothbrush. Toothpaste."

Sinunod ko ang mga sinabi niya.

"Plastic bags. May flashlight ka? Kailangan 'yon pag madalim. Charger ng phone kung trip mo pero I doubt."

"Bakit?"

"Wala namang saksakan sa gubat."

Ngiting-ngiti lang siya. Hindi niya planado kung saan pupunta pero alam niyang may gubat?

"ID, pera, ATM—"

"Teka, atm? May atm machine ba sa kagubatan?"

Tumawa siya. "Wala. Pero sa Manila, mayroon. Nasa Manila pa naman tayo, di ba?" Lumapit siya sa cabinet ko. "Ito," sabi niya. Kinuha ang red checkered long sleeves ko. "Dalhin mo to."

"Yan din? Hindi ba pabigat 'to?"

"Pag malamig, pwede mo magamit kasi makapal yung tela. Tsaka pogi ka rito, eh," sabay tawa niya. "Dala ka rin ng bimpo. Payong."

Napailing na lang ako. Nang matapos ako sa paglagay ng mga kailangan, umalis agad kami. Tinext ko pa si Gio na baka hindi muna ako umuwi. Na mukhang wala naman din siyang pakialam.

"Daan pala muna tayong KapeLibro," sabi niya habang nasa byahe.

"Bakit?"

"May ibabalik akong libro."

Napamaang ako. "Nagbabasa ka pala ng libro?"

"Wow, ano 'yang mukha mo. Punong-puno ng judgemental face."

Tumawa ako. "Hindi nga. Nagbabasa ka?"

Naglabas siya ng isang libro - at - napailing ako. Bakit nga ba hindi na ako nagtaka na pang matured ang binabasa niyang libro?

"Hindi talaga ako nagbabasa pero na-curious ako rito." Binuklat niya ang libro. Tinuro ang title. Touch Me. "May mga nagtatanong kasi kung ako raw ba 'to, tapos umamin na ako." Tinuro niya ang author. V. L. Tine. "Na-curious lang ako. At naiirita kasi hindi ako tinitigilan ng mga tropa ko."

"Hindi ikaw 'yan?"

Napakunot noo niya. "Mas gugustuhin kong magpinta ako ng isang buong building kaysa magsulat. Ang boring kaya nito."

"Nung kwento?"

"'Di! Nung process! Hindi boring 'yong kwento, maganda nga, eh. Maraming sex scenes," sabay tawa niya. Pinagtinginan nga kami ng mga nakarinig at base sa tingin nung isang teenager, dalawa lang ang nasa isip niya. Alam niya ang librong sinasabi ni Unica. . . o nagugulat siya sa pinagsasasabi ni Unica.

Pagkabalik ni Unica ng libro sa KapeLibro, dumiretso agad kami sa bus terminal sa Gil Puyat. Ang daming nakasulat. Ang daming destinasyon.

"Saan tayo rito?"

Ngumiti siya.

"Kahit saan!"

"Ha?"

N'ong sinabi niyang wala siyang plano - pati pala sa sasakyang bus, wala rin?!

Nag-e-eeny, meeny, miny, moe pa si Unica kung saang bus kami sasakay nang magulat kami sa isang malakas na busina. Sa sobrang lakas at haba, pati yong ibang taong nandoon – napatingin din sa nag-ingay na sasakyan. Isang tamaraw fx. Isang pamilyar na tamaraw fx.

Nakababa ang bintana ng nasa driver's seat. Una kong napansin si Herq na nasa shotgun seat na kumaway. Bumukas din ang bintana sa gitna. Si Amari. At ilan pang katropa nilang pamilyar ang mukha.

"Hi, Chino!" bati ng matinis na boses ni Amari.

"Nics, 'No!" Ngumiti si Deus sa amin. "Hindi niyo ba kami isasama sa adventure niyo?"


; x ;

Lah, patapos na yong kwento ngayon pa lang may adventure? Kalokohan, Rayne!!! Saan kaya sila pupunta?

Congrats sa akin dahil 2 consecutive days akong nakapag-update! yay! mabuhay! mabuhay! okaayyy, back to regular programming. Next year na ang next update (ahahaha!) charot lang. gimme inspiratioonnn. gimmeee.

Salamat sa pagbabasa. U da best!

Werd vemet. unedeted. bleh bleh bleh meremeng errers. serry peh.

commenting below and tweeting with #uncnsrd are highly appreciated. pls and tenkyow.

ALSO: SEx. It's SI-NA-NGAG (sinangag means fried rice) EXPRESS. Not SI-NI-GANG (sinigang yung may sabaw). Iba rin naman ang Sisig Express. Hindi yon ang tinutukoy ko sa kwento.

Sinangag Express. 24 hours. Kung nais niyo po akong ilibre paminsan-minsan, dito niyo po ako ilibre. Haha thanks.

Trivia: matagal ko nang gusto isulat 'to - yong CR scene at wax scene, kaso habang tumatagal, parang wala na siyang lugar sa kwento. Walang sense kung biglang singit agad.

But then! The deal happened and tenen! Naipasok ko ang scene na may kinalaman sa kwento!!

Isang lesson ito na kung akala mong hindi mo na magagamit ang cool scene na naimagine mo sa kwento, baka akala mo lang 'yon. Darating din ang tamang panahon para sa scene na 'yan. Kung hindi man sa kwento ngayon, baka sa susunod. #Share #Kunwari #May #Sense #Jejeje

~ Rayne

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro