1. The Combustion Case

Màu nền
Font chữ
Font size
Chiều cao dòng

Chapter 46:
The Combustion Case

· · ────── ·𖥸· ────── · ·
ZANE

"May klase po ako ngayon kay Sir Aguilar at kailangan ko nang maghanda," wika ni Raine na napabalik na sa silid niya.

"Paano na ang kliyente mo sa baba?" tanong ko rito.

Nang dahil sa palagi niyang gustong maging maaga sa klase ay napatingin na lamang siya sa orasan sa aming dingding, kita ang para bang pagbibilang niya rito.

"Sige na, Tita, papasukin niyo na po siya," wika ni Raine at saka na pumunta sa kusina. Bumaba naman si Tita upang salubungin ang sinasabi niyang naghahanap dito.

"Dito? Dito sa loob ng apartment?" tanong ko rito.

"Hindi naman magtatagal," sagot lamang niya sa akin bago pumasok sa silid nito. "At saka, kailangan ko rin namang hindi magsayang ng oras. Buti ay wala tayong pasok ngayon sa N.A.U."

࿐ ࿔*:・゚

"Sabihin niyo po sa amin kung ano ang nangyari. Paki-detalye po ang mga bagay-bagay at kung puwede po ay pakibilisan na rin," ani Raine matapos maupo sa upuan niyang nakaharap sa kusina at bago inumin ang kaniyang mainit pang kape.

Kinuha ko ang aking selpon at saka inihanda ang sarili sa mga isusulat. That's the least I could do for both our sakes.

"Nasiraan ako ng sasakyan kaya napahinto ako sa isang parte kung saan walang masyadong taong naroroon," pagsisimula ng lalaking nasa ika-apatnapung taong gulang pataas na. Medyo nanginginig ang kaniyang boses at para bang takot na takot.

Nakaupo ito sa paborito kong upuan na nakatapat sa dingding samantalang nasa tapat naman niya si Raine. Umupo lamang ako sa mahabang sofa at nanahimik.

"Noong naayos ko na ang sasakyan, mayroong biglang kumatok sa pintuan ng kotse ko. Pagbukas ko ng pinto ay kinausap ako ng isang babae," dagdag pa nito.

"Ilang taong gulang po?" tanong ni Raine.

"Nasa dalawampu pataas. Siguro mga nasa ika-dalawampu't anim," sagot nito. "Humingi siya sa akin ng tubig dahil sabi niya uhaw na uhaw na siya."

Pagtingin ko kay Raine ay para bang nagkaroon siya ng interes sa sinasabi ng lalaki. Muli siyang napahigop ng kaniyang mabangong kape habang nakatitig sa lalaki.

"Binigyan ko siya ng tubig. At saka, umandar na ako paalis," wika pa ng kliyente. "Hindi pa nga ako nakakalayo nang bigla ko na lamang nakitang nagliyab ang buong katawan niya gamit ang salamin ng kotse ko."

Nagliyab ang katawan ng babaeng iyon? Nakakatakot naman.

"Agad naman... akong bumalik para sa kaniya pero... tanging mga... paa niya na lamang ang natira," pautal-utal na sabi ng lalaki.

"Let me guess. Tumakas ka po, hindi ba?" tanong ni Raine.

"Natakot ako! Natakot akong baka ipakulong nila ako kaya noong napadaan ako sa gusali niyo ay pinuntahan na nga kita," sagot ng lalaki.

"Pinabayaan niyo po ang babae roon?" tanong ko naman.

"Tinawagan ko naman kaagad ang mga pulis. Bago pa sila dumating, umalis na ako," sagot ng lalaki.

Isang notipikasyon ang nanggaling sa selpon ni Raine at saka niya ito ipinakita sa akin.

Detective Suarez. Kasunod noon ay isang numero. Galing ang mensahe kay Detective Inspector Ferrer.

"Ang mga pulis ba iyan? Isusumbong niyo ba ako?" tanong nito.

"Kung totoo nga pong inosente ka, wala ka pong katatakutan," sagot ni Raine. "Gusto mo po bang habangbuhay kang hindi patatahimikin ng konsensiya mo?"

Tumingin sa akin si Raine at kasabay noon ay ang biglaang pagkawala ng malay ng lalaki.

"Pinapayagan tayong pumunta roon ng isang bagong detective sa grupo. Kaibigan ko raw siya kaya wala kang magiging problema," wika nito sa akin.

"Wala kang magiging problema? Anong ibig sabihin—"

࿐ ࿔*:・゚

Sumakay ako ng taxi papunta sa sinasabi nilang lugar na iyon. Doon ay binati ako ng mga pulis na nabaling sa akin ang atensiyon.

"Hindi naman ikaw si—" wika ng isa sa kanila na agad kong pinutol nang ipinakita ko ang aking selpon na naka-video call kay Raine. Ang kaso nga lang ay nakapatay ang kaniyang camera at naka-mute ang kaniyang microphone.

"Kasamahan ko po siya. Zane Nuñez," sagot ko at saka niya ako pinapasok sa kabilang parte ng police tape na nasa gilid ng kalsada.

"Sinabi sa akin ni D. I. Ferrer na baka makatulong si Raine kaya pumayag ako. Total naman ay wala namang mawawala sa akin," ani ng babaeng may Suarez sa kaniyang vest.

Maliban na lamang kung malaman ito ng ibang pulis na mas estrikto pa kay Detective Cruz. Buti nga at hinahayaan kami ng police chief dito sa lugar namin, kung hindi ay baka nakulong na kami.

Medyo maayos pa ang mood ko subalit mas bumaba ito nang makita ko ang in-chat messages ni Raine.

Ayusin mo ang camera. Puro mukha mo lang ang nakikita ko.

"Ano kaya kung buksan mo na lang ang microphone mo?" tanong ko rito na nakaramdam ng kaunting inis.

Kakatapos ko pa lang maligo at saka maya-maya lang ay pupunta na ako sa klase.

"Bahala kang magpakahirap mag-type riyan," ani ko.

Nasaan ang mga natirang paa na sinasabi?

Sinunod ko kung ano ang utos niya at saka itinapat ang camera ng selpon sa mga natira pang naputol na paa. May sunog na parte sa itaas subalit sa ibaba ay para bang maayos naman ang lagay ng balat. Bukod doon ay mayroon ding manamis-namis at may mausok na amoy na bumabalot sa paligid.

"Kung titingnan ay iyan na lang ang mga natira sa kaniya," wika ni Detective Suarez.

Tanungin mo si Detective Suarez kung nakausap ba nila ang witness.

Ipinakita ko na lamang ang mensaheng iyon sa pulis at saka niya ito binasa. "Nakausap ng mga pulis sa telepono bago ako dumating kaninang madaling araw," sagot niya.

"Tatlong oras na ata bago nangyari ang bagay na ito, tama po ba?" tanong ko.

"Oo," sagot ni Detective Suarez.

Tiningnan ko nang maigi ang bawat sulok ng mga natirang abo at mga paa na agad ko namang ipinakita sa kasamahan ko.

Hindi naman nagalaw ang mga paa.

Bigla ko na lamang naalala ang isa sa mga nabasa ko roon sa isa sa mga libro niya sa apartment.

Anong hinala mo, Doctor?

"Matagal pa bago tayo mag-doctorate, Raine, kaya tumigil ka riyan," sagot ko. "Ang naisip ko ay paano kung ginamit na detonator ang tubig na ininom ng babae?"

"May isang minuto na lang kayo, Raine. Kailangan naming mahanap ang nag-report sa amin ng kasong ito at ipaubaya sa mga coroners ang mga natira," ani Detective Suarez.

"Siya po? Pwedeng maging suspek?" tanong ni Raine na binuksan ang kaniyang microphone at saka ulit pinatay.

"Puwede pa rin siyang maging suspek. Sinabi niya ang tungkol sa tubig na pinainom niya bago naganap ang krimen," sagot nito.

Pakiayos naman ng camera, Zane. Nakakahilo kaya, lalo na't naglalakad ako rito.

"Pwede naman kasing sabihin na hindi ka makakapunta ngayon dahil may klase ka, hindi ba?" sarkastiko kong tanong dito.

Kailan ka pa naging sarkastiko?

Imu-mute ko na sana ang mga mensahe niya nang may pahabol pa itong pinadala sa amin.

Sandali.

...

"Sana ay umabot pa ito sa isang minuto," bulong ko sa aking sarili.

Think about it: siya lang at saka ang babae ang tao roon. Hindi ba't isa rin sa mga kahina-hinala ang babae?

At saka alam kong hindi magandang umalis siya sa lugar. Isa iyon sa mga humila sa paningin ng ibang tao na isa siya sa mga pinaghihinalaang suspek, pero maniwala kayong hindi kayang pumatay ng taong ito.

"Raine, pwede bang buksan mo na lang ang microphone mo?" tanong ni Detective Suarez dito.

May ipinadalang litrato si Raine at nang tingnan namin ay ang lalaki iyon na nakahiga sa may sofa kung saan ko ito iniwan.

May sakit siya sa puso, base sa kung paano siya huminga. Matatakutin siya at saka marami na ang iniinom na gamot. May mga pinapatapos pa siya na mga anak at may asawang mahilig magluto. Bakit niya naman gagawin ang isang bagay na kagaya ng pagpatay kung masaya naman siya sa buhay niya?

Ano ang motibo?

Binuksan ni Raine ang microphone at saka kami binati ng isang pagsasalita. "Anong sinasabi mo? May sakit sa puso?" Base sa boses na iyon ay ang kliyente namin ang nagsalita.

"Record lang po yun," pagputol ni Raine na hindi ko alam kung nagbibiro ba o nagsasabi ng totoo.

"Talaga bang papunta ka sa eskuwelahan mo, kung saan man iyon?" tanong ko.

"Tingnan niyo po ang paligid," utos niya. "Baka may kung ano pa pong bagay na makakatulong sa inyo riyan."

Naglibot-libot muna si Detective Suarez samantalang iniikot ko naman ang camera.

Sa aking likuran ay mayroong malawak na gubat samantalang palayan naman ang makikita sa bandang unahan. Medyo malayo-layo pa bago ang mga kabahayan na hiwa-hiwalay sa parteng kaliwa. Papunta sa bayan ng Nueva Aurora naman ang daanan papuntang kanan at kung didiretsuhin ay diretso na sa siyudad.

"Raine, may kausap ka?" Mula sa kaniyang linya ay narinig ko ang boses ni Sir Aguilar.

"Wala po ito," wika ni Raine.

"You're coming with me. Ako na ang bahala sa kasama mong iyan," dagdag pa nito.

"Pulis ba siya? Isa ba siyang—" tanong ng lalaking kliyente namin na hindi natapos nang dahil sa pinatay na ni Raine ang tawag.

Nasaan ba talaga ang Raine na iyon?

Matapos tumingin sa paligid ay bumalik na sa tabi ko si Detective Suarez. "May naghahanap sa iyo," wika niya.

"Sino po?" tanong ko.

Pagtingin ko sa may kanang parte ng daanan ay may paparating na itim na sasakyan. Pagtingin ko sa plate number nito ay ramdam ko na kung sino ang nagmamaneho—ang driver ng mga De Verra.

Ano na naman kaya ang nangyari? Kikidnapin na naman ba ako nito? Baka naman si Raine ang inuna niya ngayon.

"Sakay na," wika nito sa akin.

"Saan po tayo pupunta?" tanong ko rito.

"Malalaman mo na lang mamaya," sagot nito. "Ayusin mo ang sarili mo. Naligo ka ba?"

Saan ba kami pupunta? Buti na lamang ay nakaligo na ako pagkaalis ko ng bahay. May importante bang bagay na mangyayari?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen2U.Pro